Blanco Cantadas

~Ang Dalawampung Sunud-sunod na Araw ng Katahimikan at Iba pang Kakawing na Pandama

X

nakapagitan sa tikom mong mga labi ang pagpupuyos

anupa’t nagniningas sa langib ng iyong dibdib ang pilak na galit:

sumasargo sa paligid ng iyong mata ang daloy ng lava.

naglalaro sa atin ngayon ang panunukso ng mga kuliglig at salagubang

sa ilalim ng kulambong lilim ng langit; bumabangon ang mga higanteng

pangamba na may mamamagitan sa ating lubos na kapayaapaan

matapos nga itong pag-aalay ng birheng puso sa altar ng mga pag-ibig.

may mga gabing umuulan ng pagtangis ang kalawakan;

sumasalit ang walang imik na kulog, pumipitada ang sipol ng hangin

doon, doon sa kweba ng aking tadyang na pinamamahayan ng apdo

at isinasayaw ng guhit ng kidlat ang walang kibong balikat

na hindi natin binabati ng tapik-liglig ang pagpusyaw ng bawat araw.

maging sa mga titig man lamang, tila tayo ngayon sundalo’t gerilyang

papatay sa sandaling may sumambulat na isa mang salita.

sa gabing ito, kawal akong naghahanap ng lunas sa sugat

matapos ang digmang magtatagal sa ating pandama,

gagalugad pa ako ng mga dawagan sa ilalim ng iyong hininga

na papayapain lamang ng aking pagsuko, matapos ang araw na ito.

~Agosto 10, 2011

XI

nalimbag sa kasaysayan ang araw na ito at isa pang kasaysayan

ang nananaig sa mga natuyong dahon sa mga payak nating paanan;

kinikiliti ng sanlaksang karayom ang balintataw at sadyang uuwi

sa pagdurugo ng isip ang nagbabangong katahimikan ng aking daigdig.

layak ang sinag ng umagang ito katulad ng kagabing pusyaw ang buwan.

ginising akong muli ng panaginip ng nagdaang engkwentro,

tadtad ako ng mga punglo dahil hindi ako umiilag, ni nagtatago

hinahaplos ko ang mga sugat na sadyang hindi sana akin

ano’t lumulusot lahat sila sa katawan kong hilaw sa ganitong paraan

ng digmaang wala akong kinalaman.  Tapos na sana ang panibugho

ngunit pinipilit ako ng sariling dugo “lumaban ka’t tumayo, tayo!

kung inosente kang hahandusay at nakadapa kang hahagkan ang lupa

ibubulong mo sa mga nahulog at natutuyong dahon ang dapat

naririnig ng iyong puso.” ngunit hindi ko man lamang iniumang

ang aking sandata, tungo sa iyo; hindi kita maaaring gantihan

higit kang mahina.  Higit kang walang laban.

~Agosto 11, 2011

XII

walang kapayaapaan kung hahandusay nang mahinusay ang aking puso

na walang pagtatanong sa umid na bibig ng oras: may tikatik ba ng pait

ang paglalakbay ng kaniyang kamay sa sariling mukha? Ano’t simbagsik

ng espada’t punyal ang minuto-segundong bisig na humihiwang pahalang

paroo’t parito, sa aking tadyang? Ikinalulugod mo ba, giliw, ang paghapdi

ng mukha ng orasan at maituturing ko ngayong istigma ang mga sugat

na hindi maghihilom habang eskrima ng katahimikan ang iyong labi.

Namamaga ang mga pilat na ito araw-araw; umaalsa ang panibughong

nakukulong sa aking kamatayan.  Naglalangib ang pagnanasang huwag

mong kitilin o putulin ang mga pisi ng aking litid tungo sa iyo,

ikaw na aking ka-digma at kaibigan, kaligayahang buhay ng aking kantada.

Ikaw na ina ng aking mga titik, ikaw na kapatid ng musa ng paglikha

ikaw na sa dulo ng panitik ay kaluluwa ng imahe at sugid

ikaw na naggugupo ng kahinaan at kahinahunan, ikaw na sadyang

kadluan ng hindi matapus-tapos na pagsasayaw ng tubig ng akda.

Kung sa pagtatapos ng araw na ito, mananaig pa rin ang kapayapaang

hinaharana ng pagtalikod at panibugho ng iyong mga balintataw

kunin mo sa beywang ng aking panulat ang pinakinang na balaraw;

kusa mong itarak sa puso ng aking tula, hininga, at pagnanasang

iahon sa himlayan ng daigdig ang marami pang pandama

mula sa talinghaga’t kasaysayan ng aking luksang kamatayan.

~Agosto 12, 2011

XIII

Higit ngayong nagnanaknak ang sugat.

Sabado, at ang paglilibing ng mga patay na damdamin ay panahon

Na akin ding ipinagluluksa.  Suot ng aking katawan ang hinagpis

Samantalang balot ng belo ng pagkamangha ang aking isip:

Ano’t nagpipilit akong isiksik ang kaganapang ito sa loob ng ataul

At mag-isa akong nananangis sa sarili kong balikat?

Nililigid ng aking paningin ang bintana ng kahong ito, hanap ka

Ng mga matang sarado kagabi pa.  Walang ibang taghoy ang umaapaw

Dito sa paligid ng sementeryo ng aking pag-iisa’t pangungulila.

Kahapon, pinilit kong gamutin ang aking tadtad na kabuuan

Hinihilamos ng tuwalya ng palad ang nagkalat na dugo’t pawis

Sa dibdib na walang iniwan sa hubad na bangkay ng isang kawal

Doon sa parang ng ating pagniniig, sa pilapil ng aking sonata.

Sa parang ding ito ako nabuwal, at ang mga sugat na tinahi ng talahib

Mula sa iyong panibugho ay hindi naghihilom ng pagkainip

Kung kailan maagnas ang nagpupuyos mong galit

Kung kailan sisibol sa nabulok kong pagpapakumbaba

Ang mga buto ng pakikipagkasundo, pagtanggap sa akin

Muli.

~Agosto 13, 2011

XIV

Nabubuhay muli ang mga himaymay ng aking katinuan.

Bumabangon na naman ang kumpiyansang natunaw na tingga

sa nagbabagang kalan ng aking pangungulila sa iyong hininga.

Hinuhugot ko ngayon sa aking tadyang, sa malalim na sugat,

ang apdo ng walang katiyakang pagsasauli ng ating malay

kung may reinkarnasyon ang matagal nang namayapa.

Ngunit ngayon, ngayon lang, bago pa humiyaw ang araw

upang pagsayawin ang pag-asang liwanag ng magdamag

ipinabaon mo sa tinuping panyolito ang marka ng iyong halik

samantalang nakikinita-kita ko ang muling pagpunit ng iyong labi

upang bigyang daan ang matagal ko ng hindi nakakamayan:

ang espiritu ng iyong ngiti, ang penomena ng muling pagdalaw

ang pagbulusok ng mga kometa ng luwalhating hatid ng pagbati

at ang kahinahunan ng aking kaluluwa ay muling hihimlay

ngayon, sa mga pantyon ng kagalakan.

~Agosto 14, 2011

XV

Huwag mo akong tanungin kung bakit nagpalit ako ng damit

o nag-ahit ako ng bigote at balbas o walang itinira isa mang

pulgada ng aking buhok at naroon na silang lahat sa baldosa

habang naghihintay hipan ng hangin at ipasyal sila sa dawag

ng aking mga nakaraan: hindi na ako ang dating tao.

Susubukin kong huwag matabsingan ang mga talampakan

habang nanunulay sa mga putik ng pilapil, habang namamaybay

doon sa mga gasangan ng dumi.  Susubukin kong huwag pawisang

ganap ang hubad na katawan upang huwag umalingasaw

ang sulasok ng nagdaang masamang panaginip.

Kung mayroon mang kakalansing na dungis sa aking kamay

pipispisin ko ito nang maaga upang hindi mo na masilayan

hahagurin kong buong ingat ang batok at likod, pati ang tapat

ng dibdib kung saan naroroon ang puso, upang maging sapat

ang imakuladang linis ng aking sarili.  Ngunit katawan lang ito,

laman at balat.  Kung masisilip mo lamang ang aking kaibuturan

naroroon pa rin ang dungis ng aking nakaraan, ang dating ako

na nagtatampisaw sa putik ng masidhing pag-ibig.

~Agosto 15, 2011

XVI

Bagong tao ako ngayon.

Isinilang akong muli mula sa pwerta ng kahapong ipinaglihi

sa bangungot; panaginip ang nagtulak sa aking kumawala

umalagwa sa sapot ng sinapupunang singdilim ng mga ilog sa gabi.

Nahawakan ko ngayong umaga ang mga hita ng aking ina –

ikaw – walang iba, at sa pagbulusok ng aking sanggol na katawan

mula sa lagusan ng pinaghati-hating sikdo at pananalig

sinalo ng mapagpala mong mga palad ang aking likod;

hindi mo ako hinayaang mabuwal habang nagpipilit gumapang

itinuro mo ang dulo ng magdamag tungo sa bubot na madaling araw.

Sinuklay-suklay ko ang gulong buhok nang ilang sandali lamang

tinitigan ko ang repleksyon ng sarili sa bukal ng pagkamangha

at ngayon nga’y bagong tao ako.

bagong nilalang akong tatahak sa daigdig ng mga rosas,

baybayin ko ang mga pilapil ng pagsubok at pag-ibig

aawitin ko ang mga sonatang narinig ko sa balon ng iyong mga labi

habang pinagnanasaan kong malaon ang pagyakap sa himig

ng sanga at dahon at hangin, upang dalhin ako sa iyong hardin.

Doon, gaya ng isang musmos,

mamumulot ako ng masisinsing salitang inihulog ng bit’win

maglalaro ako ng buklod-buklod na talinghaga ng araw at buwan

at sa hukay ng lupang hinubog ng patak ng ulan, ihahanay ko

ang mga hugis-pusong salita at ipagtatayo kita ng kastilyong tula.

sa aking utos, tatawagin ka sa bulong ng mga paru-parong gubat

saka kita aanyayahan kung bakit muli akong isinilang:

halika, maglaro tayo ng larong pangangalanlan kong pagdama

at isusulit natin sa mga nakalimot magmahal ang salitang

pag-ibig.

~Agosto 16, 2011

XVII

may mga pagkakataong inuulan ng halakhak ang daigdig:

nagkalat ang mga talulot nito, ipinagtataka nating hindi kumukupas

ang pusyaw na katad ng bulaklak na saya kahit maghapon silang lagas

at hinahagkan ang bagu-bagong lumalamig na lupa.  niyayakap ba

ng mga petalya ang kalupaang minsang nasagad sa liyab ng araw

o sadyang doon lalagak at uuwi ang nahuhulog na santinakpan

kapag sadya na, kapag sutla na ang kanilang pagkahinog?

may mga sandali ding kinakalawit ng mga baging ng pagkalimot

ang mga lagas na talulot: hinihihipan sila ng hanging habagat

hanggang naitataboy sila sa mga sulok ng kadawagan, doon

sa mga pasyalan ng katahimikan at lumbay.  naninirahan sila

sansaglit,  nakikipag-ulayaw silang sumandali sa pakikipag-usap

sa kanilang sariling halimuyak, tinatanong ang buod ng kanilang puso

ang pakikipagtalik sa lupang maglilibing sa kanyang payak

na katawan.  kagyat sumasalit ang bagtas ng hamog at ginaw

at hindi minsan lamang natatakpan ng bahagharing walang kulay

ang maghapong pakikipagtalik sa pagnanasang sumayaw

umindak ang mga ganitong talulot sa sayad ng tugtog

ng hanging palaboy sa daan.  ganyan ang pag-ibig, hirang.

at nasasanay tayong dumadalaw na kusa ang kalungkutan

ang pait at sakit, saka muling dadagsa ang ulan ng halakhak

at tayo mismo ang pupulot ng mga talulot ng ligayang

iipunin natin ng sabay sa tikom nating mga palad.

~Agosto  17, 2011

XVIII

Kanina lang: tinutudyo ako ng iyong mga titig. sinasadya mo

ba ang muli’t muling pagpaslang?  ituring nating mapanukso

ang bawat sandali, o maari, ako lang ang nahuhumaling

pumapansin at nagbibigay kahulugan sa pagtatanging bigay

na walang pangalan.  Kanina lang: hinihila ako ng iyong balakang

ayaw ko itong masdan, ngunit nagpupumiglas ang paslit

sa aking pumipintig na sentido – habulin mo ang musikang iyan,

ang imbay ng kanyang balat at katawan, dahil maaring sa pitik

ng ilang saglit, kakaway at mamamaalam ang ganitong segundo

tulad ng pagkaway ng mga kamay ng orasan. kaya’t hinabol kita

ng aking mga titig.  halos liparin ng aking ulirat na nakasakay

sa karwahe ng pagmamadali ang pagsugsog sa iyong bakas.

tinitipa ng bawat daliri sa paa ang tinunton ng iyong talampakan

at napapatunayan kong sa bawat mong hakbang, naglalaho

ang marka ng pagiging ikaw.  sinusundan mo ba ang paglimot

sa panunudyo?  hinahalina mo ba ang aking puso

upang mahirati akong sinusundan lamang ang pagsasayaw

ng iyong katawan sa lilim ng musikang walang pamagat

kundi pasakit at kabiguan?  kung mananatili man lamang sana

ang mga nota ng musika ng iyong titig, ang kumpas at indak

ng balat ng iyong paghakbang palapit sa kung saan

palayo sa akin na nagnanais kang hapitin sa balakang

at haplusin ang balat ng iyong pandamang nabibinbin

sa aking paghihintay araw-araw, hihintayin kong matapos

ang maghapon at hugutin sa iyong mga mata at puso

ang musikang akin lamang patutugtugin sa pag-iisa.

~Agosto 18, 2011

XIX

nauulit ang iba’t ibang digmaan, at walang katiyakang ipanganganak

akong muli matapos ang dalawampung araw na pakikipagtuos

sa iyo.  may mga sandaling tahimik sa iyong kampo. nagtataka ako

kung bakit ang matikas na mandirigmang katulad mo ay pinid

ang pinto ng tanggulan at wala kang gatol kundi katahimikan.

sa ganito nangangalisag ang balahibo ng mga katunggali.

ipinapalagay ang kasawian kung hahakbang ng walang baluti

ang katawan, at susubuking kubkubin ang teritoryong tahimik.

ngunit hindi ako nag-aalalang tamaan ng anumang punglo

nagbabaga o hindi, at tatanggapin kong muli ang mga sugat

sa isang ulit mo pang pagtatangkang patumbahin ako.

sundalo ako, at ito ang katiyakan ng aking sinumpaan.

sundalo ako, at ito ang kaganapan ng aking tungkulin:

kamatayan.  hindi makapananaig ang matatamong kapayaan

kung walang buhay na mabubuwis, sa pagitan natin

at mauuna ako kaya ligisin mo na ng walang patid na putok

ang aking paligid. hindi ako muli iilag, wala akong hangaring

magtago at umiwas.  hahagkan kong muli ang kamatayan

dahil ikaw ang aking ka-hamok, ang aking nais kubkubin

dahil ikaw ang magsisilbing patunay sa mundo

na napaslang ako sa digmaang ito ng pagmamahal at pag-ibig.

ngunit paki-usap, isa lang punglo.

isa lang. asintahin mo akong muli. isa lang. muli.

sa puso.

~Agosto 19, 2011

XX

nanaginip ako kagabi.

sabihin nating bangungot, dahil hindi ako magising.

naririnig ko pa ang aking walang patid na ungol

buhul-buhol pa rin ang aking hiningang sasal sa pilantik ng laway

nahihimas ko pa ang taas-babang dibdib na tinatambol

ng bangungot na ito: isa kang supling ng halimaw.

nanaginip ako kagabi.

wala raw akong buhay, dahil sinuwag ako ng isa pang halimaw

sa pangalang ang may batid ay ikaw lang.  iyan din ang halimaw

na sumuwag sa iyong dibdib at itinakas ang iyong puso

palayo sa tadyang at walang naiwan sa kaloob-

looban kundi malabnaw na asido ng luha at kalungkutan.

kumikiwal noon sa iyong bituka ang panibugho, ang impit

na pag-iyak, ang luwalhati ng malayang pagtangis na namamasyal

pa rin sa mga litid ng iyong kabiguan.

nanaginip ako kagabi.

magkaharap tayo, at nagniningas ang iyong mga mata

hinahaplos ng iyong kumikinang na kuko ang mga litaw na sungay

sa tapat ng iyong dibdib.  nag-iisa ang sungay na iyon

maari sana akong umilag nang gayun-gayon lamang

kabilis, ngunit hindi akin ang panaginip na ito.

pag-aari mo ngayon ang aking balintataw.  kontrolado mo

ang bawat kong galaw. anupa’t tila ako nakagapos

sa apat na sulok ng kama at hindi ako makahuma: naririyan ka na.

kaytinis ng iyong halakhak, magayuma ang iyong titig.

sandali akong pumikit habang nadarama ko ang matulis

na bagay na unti-unting bumabaon sa gitna ng aking dibdib.

sa isang iglap, wala na akong buhay. hinugot mo na rin

ang aking puso, palayo sa aking tadyang, at wala kang iniwan

kundi ang malabnaw na asido ng luha at pag-iyak.

habang humahalakhak, hinihimas mo ang iyong sungay

ninanamnam ang pumulandit na dugo sa aking katawan.

iyan nga ang sungay ng halimaw.

iyan nga ang maalamat na sungay na nagnanakaw ng ulirat

at nakapagpapalimot sa kahinahunan ng nananaginip

sa mga kulambo ng ayaw gumising sa ganitong bangungot.

tawagin mo siyang pag-ibig.

~Agosto 20, 2011

XXI

hinahanap ko ang maraming dahilan kung dapat kitang dantayan

kahit daliri man lang. kung sapat ba ang pagtutol, kung hinog ba

ang panahong gugol na ikaw ay haplusin, kahit daliri lang.

tinatanong ko ang lahat ng aking balahibo, ang lahat ng ngipin,

ang lahat ng butones sa aking kasuotan, ang lahat ng aksesorya’t

palamuti simula ulo hanggang talampakan. hindi sila sumasagot

maliban sa iisang hiwatig ng ngiti sa kanilang labing walang buhay.

tinatanong ko ang hangin, kinakalabit ko ang ulap at papawirin,

inaanyayahan ko ang huni ng alon at galit ng dagat

upang ako’y sagutin.  wala silang iniimik kundi ngiti sa mga anino

ng kanilang kaganapan.  kasalo ko ang init ng araw, ang ginaw

ng magdamag, ang parunggit ng takipsilim at pagputok ng liwanag

na sumisilip sa nakapikit ko pang kaluluwa. wala silang imik

maliban sa ngiti na iniuukit nila sa kanilang panahon.

niyayakap ko ang mga puno, binubulungan ko ang halaman,

pinipitas ko ang talulot ng mga bulaklak at ang mga hibla

ng nagsabit na kadena de amor sa iyong balikat.

wala silang kibo’t nakangiti lamang. hindi sila tumututol.

iisa lang, sana, at hindi rin iimik at ngumiti na lamang

ang ikaw, kung sakaling aking dadantayan

kahit hapulas lamang.

~Agosto 21, 2011

XXII

nagmamartsa ngayon aking ulirat tungo sa hangganan ng bait

at namamaybay sa mga paseo ng lungsod ang aking kaluluwa.

maghahanap ako ng oras upang huminga, upang ibaling ang diwa

sa makalilibang sa nagmimintis kong pandama.  nakita ko

ang isang tindahan ng gitara at naisip kong bumili ng lambod

nais kong tumugtog, ngunit hinahagod pa lang ng mga daliri

ang kwerdas na bagting, ano’t nagsasawa na akong humimig

sa mga notang matagal ko nang naaawit?  napadpad ako sa istol

ng mga pintura at ninanais kong pumulot ng pangunahing kulay

ang asul, ang pula, ang dilaw, at hahagod muli ako sa kambas

ng aking buhay ng mga tanawin.  ngunit natatapon lang

ang mga katas ng kulay, ano’t pinagsasawaan ko ng himasin

ang pinsel?  dinala ako ng halimuyak ng panitikang ito

at pinahawakan ng musa ng pagtula ang hindi nauupod

na panulat, inihatag niya ang hibla ng mga pahina sumulat ka

wika niya sa aking tenga.  ano’t nag-iisip pa lang ako ng talinghaga

tinutuldukan na ng pagkainip ang aking panata? ngayon,

naiiwan akong gutom.  at sa aking pakiwari’y higit lang

akong mababaliw kung kumakalam ang sikmura ng ligaya

sa alipawpaw ng hindi ko naman ikabubusog.

wala sa kanila ang ang aking himig at awit.

wala sa kanila ang kulay ng aking pagguhit.

wala sa kanila ang talinghaga at metapora ng aking panitik

dahil hindi inaawit, hindi iginuguhit, hindi nasusulat

ang pag-ibig.

~Agosto 22, 2011

XXIII

sa araw na ito’y nakabalatay ang balag ng sakramento

habang nahahanda ako sa malaking binyagan.

ang sanggol ay ako.  hindi ko pa mawari ang aking ina

dahil hindi ko pa nasisilayan ang kaniyang mukha’t pigura.

naihaka ko lang na babasbasan ako sa pananampalatayang ito

na magkukurus ang landas ng aking pagiging lalaki at pantas

ng panitikan.  masidhi ang paghahanda ng aking ina

kung hindi’y walang iyakan ng mga pinatabang guya

sa dilantera ng aming bahay.  kung hindi’y walang sinag

ng mga ilaw ang lulukob sa buong paligid hanggang mahiya

ang araw sa kulubot niyang sinag: ginagapi ng araw na ito

ang sarili niyang anino.  nadadamitan ako ng kayong puti

nababalutan ako ng bulak na balabal.  nabudburan na rin

ng langis ng pabango ang aking noo at ilang sandali lamang

ang seremonyas ng pagbibigay sa akin ng pangalan

ay papailanlang sa pitonglibong labi ng kampana.

kailan lang ako nailuwal na may puso.  hindi ako umiyak

katulad ng maraming sanggol ng daigdig.  nagpupumiglas

ang aking katawan, naghuhumiyaw ang aking sigla

anupa’t halakhak at katuwaan ang una kong damdamin

sa paglapat pa lamang sa banig na ginusot ng alimpuyo

ng pagmamahal.  binubuklat ng aking maliliit na kamay

ang altar ng pagpapakilala, sa akin, at sa aking ina.

ngayon lang kami magkakakilala ng lubusan.

at matapos nga ang pagbubuhos ng agua bendita sa noo

nabuksan ang langit sa aking dibdib, kagyat akong nakakilala

sa katauhan ng aking ina, ako na kaniyang sanggol

at ang aking paglikha bilang kanyang anak. nilipos ng gayak

na ngiti ang aking pisngi sa kat’waang ayaw mong patawag

na ina ng manlilikha ng bait, pandama, tula, at pag-ibig.

kung nanaisin mo, hayaan mong ako naman

ang magbinyag ng iyong pagkakakilanlan – musa:

at ganyan kita tatawagin. ang tagapaghasik ng binhi ng paggawa

sa mga banig ng mahiwagang paglikha.

~Agosto 23, 2011

XXIV

balik normal ang maghapon. hinipan mo na kasi ang pangamba

na magwawakas na rin ang katahimikan.  bagong taon

ang aking hihintayin kahit kalagitnaan pa lamang ng Agosto.

pansinin mo, pinupuro ko ng talinghagang Tagalog

ang mga liham.  Buwan ng Wika ngayon.  dapat ika, ni Rizal

na gamitin ang sariling dila, at segunda si Manuel sa sulsol

na sige, pulpulin mo ng Tagalog ang pagkatha ng libog

at i-seroks sila ng paulit-ulit hanggang bumati ang Setyembre.

ano’ng magagawa ng isang tulad ko kundi ang sumunod?

ayan nga, eto.  suwabeng tila Batangas puro ang aking himod

sa mga pagtula, dahil Buwan dawn g Wika. nakakatuwa,

dahil lahat ng kayumanggi sa buong kapuluan, saanman

sila sa daigdig, ang wikang sarili ay tambis na guni-gunita

at tila trumpetang hinihipan sa mga pakulo’t pagdiriwang.

hudyakaan nang hudyakaang parang palakang natubigan

ang mga Pilipino, dahil nga, Buwan ng Wika.

anong sarap pala, kung buwan-buwan ay may wikang

ipinagdiriwang. lahat umaamot, lahat nagbabalagtasan

lahat bumibigkas ng wikang taal. tanong ko lang:

ano naman kaya kung may buwan ng wika ng pag-ibig?

normal din kaya ang lahat ng maghapon? may pangamba kaya

na hihihipan sa pagwawakas ng katahimikan?

ipagdiriwang din kaya sa mga entablado ang balagtasan

ng pagdama at pagdatal, halik at pag-uulayaw?

magmimistulang bagong taon din kaya ang bawat araw

na pinuputukan ng mga kwitis at rebentador

ang ating mga puso?

~Agostot 24, 2011

XXV

kesehodang aligaga ang karamihan sa pagbati ng ikalawang araw

sa pagtatapos ng linggong ito, hindi ko inuuna ang pag-iimpake.

sa salansan ng mga aklat at nagkalat na papel sa ating mga mesa,

iniisip kong higit kong kababaliwan ang manatiling nakaupo

at minamasdan ang mga palakad-lakad ninyong mga paa.

busina nang busina ang mga takong ng inyong mga sapatos

at itinatanong ko kung may nakaharang ba sa trapiko ng pagsasayaw

sa aking harapan; nagmamadali ang gasolina sa inyong mga balat

at ang maliit na pasilyo sa pagitan ng ating mga mesang teritoryo

ay lalong nagsisikip sa walang humpay ninyong salubungan.

bukas ay Biyernes at walang pasok ang eskwela, babalik kayo

apat na araw matapos ang abalang araw na ito dahil sabi

mapaghahandaan ang mahabang bakasyon.  apat na araw

kayong mawawala sa gitna ng aking mga kalsada; apat na araw

kayong hindi magbibiyahe sa harapan ng aking mga mata.

ganoon naman talaga, dahil hindi ko hawak ang inyong mga binti

maging ang pagpapasyang sana’y manatili na lang kayo sa mesa

sa aking tapat, wala akong magagawa.  inyo ang kalsadang ito ngayon

at sasakyan ng inyong sarili ang mga sapatos ng desisyon

na magpahinga ng ilang sandali.  hahayaan ko na lang ang maghapong

lamunin ako ng pagkainip at balisawsaw ng pangungulilang

tila ilang siglo yata ang pagkawala ng biyahero sa aking puso.

bago ang alas-singko, naikarga na ninyo ang mga bagahe

masinsin at susun-suson sa ibabaw ng inyong mga mesa.

nakahanda na kayo sa paglisan sa gitna ng aking kalsada.

nakahanda na kayong maglaho sa harapan ng aking mga mata.

at kesehodang aligaga ang bawat isa sa pagbati ng araw na ito,

o maging sa huling patak ng segundo bago matapos ang oras

ng paghahanda, sasalampak muna ako ng ilang minuto, dito

sa aking sariling mesa.  palilipasin ko ang ilang patak-luha

habang lumilisan kayo, isa-isa.

~Agosto 25, 2011

XXVI

gusto kong kumustahin ang iyong biyahe; balik ako sa normal

at hindi ako nananaginip ng mga maligno, rosas, digmaan, kalaban

dahil ang araw na ito ay araw ng pagbabalik-tanaw.  katulad kahapon

sa pagkanlong sa hantungan kung saan kita huling inihatid,

binabalikan ko ang pagkakalapat ng ating mga laman,

ang pagkakalapat ng iyong palad sa aking likod, ang pagkamot

ng iyong buhok sa aking mukha, ang pagpisil ng iyong mga hita

sa aking mga hita.  umuusok ang tambutso ng aking hininga

at umuugtol-ugtol ang mga gulong ng aking nerbiyos sa lubak

na mga kalsadang singsikip ng pagitan ng ating mga katawan.

nakikini-kinita kong tumatagos ang iyong balahibo sa aking balat

at nakikiliti ako sa mainit mong hiningang dumadantay

sa paligid ng aking tenga, anupa’t nanlalabo ang aking mga mata

kung saan ba dapat ipapatse ang manibelang inihinang na yata

ang aking mga braso.  gusto kong tanggapin ang ngalay, pagod

dahil sa bigat ng iyong pakiki-angkas, ngunit sinadya kong huwag.

ayaw ko sanang matapos ang biyaheng iyon, o hiniling ko sana

ako na lang ang maghatid sa iyong paroroonan.  minsan lang

itong nangyari at hindi ko batid kung ipahihintulot muli

ng maykapal ang maihatid kita sa terminal ng aking kaligayahan.

hindi kita tiningnan habang tumatalilis ang sasakyang singbilis

ng aking panghihinayang:  bakit ngayon lang?  bakit sansaglit

ang ibinigay na panahong namnamin ko ang ga-bulak mong balat,

ang kutson mong katauhan?  ngumiti na lang ako’t hinihimas-himas

ang aking likod na dinapuan ng iyong palad; napapikit na lang ako

at kinukurut-kurot ang hita, ang likod, ang mukha, na pinasyalan

ng iyong kalamnan.  pakiramdam ko, nagbiyahe na rin ako.

naglakbay din ako sa mga kalsada ng panaginip at ligaya.

~Agosto 26, 2011

XXVII

nakapagtatakang kayhahaba ng oras ng sinundang araw

at kahit ngayon, hinihila ko pa rin ang pisi ng mga magdamag

upang tipunin ang namamahay na inip sa aking mga daliri.

nakayakap pa rin ang iyong kaluluwa sa aking katawan

ramdam ko pa rin ang panunukso ng iyong buhok sa aking mukha

sing-init pa rin ng katanghalian ang aking balat

na di-sinasadyang sinapnan ng mga balat mong karnal.

kung lilimiin lamang, walang dapat ipag-alalang daraan

ang ilang araw pa sa aking palad, dahil nabubuhay ka dito

sa aking piling kahit ika’y tinangay ng hanging kanluran

palayo sa aking paningin.  kung lilimiin lamang, walang dapat

ipangambang mawawaglit ang iyong halimuyak nang saglit lang

dahil umaalingasaw pa rin ang banilya ng iyong hininga.

iyan ba ang nagbibigay-buhay sa aking maagang kamatayan

na katulad ng unang lalaking tinubuan ng laman mula sa abo,

napuno ng hanging-lantay ang aking baga hanggang may pumitik

na pintig ng puso sa aking kaloob-looban.  Katulad niya,

nananabik din akong makita ang kabiyak ng tadyang

na pansamantalang nahiwalay sa aking buto at laman

ng ilang oras pa lamang.  kay-iksi ng mga minuto

ng paglalang ng pintig, ano’t kayhaba ng paghihintay sa mga sandali

ng pagsasauli ng lamang nawalay ng sansaglit sa aking buto,

sa aking tadyang?  kahit bitbit mo ang pilas ng aking pag-ibig

sa dalawa mong palad na kinikimpal sa tapat ng dibdib,

ang iyong pansamantalang pagkawala, ngayon lamang,

ay pagbabalik sa mga sinaunang araw ng paglalang

ng inip at paghihintay.

~Agosto 27, 2011

XXVIII

nakabalatay ngayon sa aking pisngi ang maluwang na ngiti.

salamat sa mga imbentor.  salamat sa mga pakialamero ng agham.

salamat sa mga aksidenteng pakikialam ng mga pantas

sa mga hindi pa maaaring nalilikha ng Maykapal.

sa wakas, nabuhay ang engkantada sa panahon ng tekno-modernong

panahon ng kable at linya.  tinutukan ako kahapon ng rayos

ng satelayt ng kalawakan; sa ilang kariring at dutdot ng selpon,

tumulay sa aking pandinig ang kanyang tinig, buo at walang pangimi

na siya nga ang engkantadang ilang araw napanigwala.

at hehe! lumulusot ba sa resiber ng telepono ang mga daliri

at ako’y walang patumanggang kinikiliti?  nagmumukha akong tanga

dahil ngingiti-ngiting mag-isa, tatawa-tawa, at kung buhay lang

si Lolo Seryo, malamang resetahan ako ng sandamukal na tawas

dahil iisipin niyang nababaliw ang kanyang mahal na apo.

Ay, Lolo!  ang pakikipag-usap sa inyong panahon ay kalantog ng bao.

ay, Lolo!  ang panahong ito, kung inabot mo, maaring bibiyahe ka rin

sa loob ng mental dahil ngingisi-ngisi kang mag-isa

gayong wala namang kausap habang hawak ang selpon.

Ito, Lolo, ang sinasabi kong dahilan kung bakit ako eengot-engot

o nangingiting mag-isa habang kinakausap ko ang engkantada

na nagpapaalon ng buhok.  sa kabilang linya ay ang katuparan

ng paglimot sa inip, dahil, kahapon: nag-init ang aking pandinig

nagbaga ang aking dibdib habang nakikipag-ulayaw sa tinig

ng aking pag-ibig.  kung maririnig lamang ng sanlibutan ang aking

tahimik na halakhak, ang aking natutunaw na ngiti, ang barimbaw

na kaligayahang sala-salabid sa kable ng signal at satelayt

mahuhulog silang lahat mula sa langit at makikipagsalo

sa piyesta ng mga halakhak at ngiti na wala sa kalantog ng bao.

~Agosto 28, 2011

XXIX

maghahanda sana ako ng mainit na kape dahil kay-aga kong gumising

ngayong umaga, naalimpungatan ako sa maagang balita ng ABS-CBN

at dapat hinihila ko na ang mga paa tungo sa pagbibihis, dahil nga: Lunes.

sinilip ko ang aparador ng mga unipormeng nananatiling gusot

saka kukunot ang aking noo sa pruwebang wala pa ring pasok

tiyak, mababagot na naman ang maghapong ito na hindi ako abala.

ang akin lamang sanang ikaliligaya sa araw na ito, magbibiyaheng muli

ang iyong talampakan, ang tagaktak ng takong ng iyong sapatos

sa mga kalsada sa tapat ng aking mesa.  doon, hinihintay kita.

ma’no ba namang sa unang singit ng umagang ito’y naalala ko ikaw

at kinukwenta ko na ang ligayang pupulutin habang yaot ka

sa mga kalsada ng aking paningin?  hindi masama itong naghihintay.

at wala akong dapat ipag-alala.  kahit lumamig na lang ang kape

at hinihintay ako ng labi ng tasa na hagkan ko siya o simsiming marahan

ang matamis-mapait na laman – hayaan na lang siyang maghintay.

tutal, pareho kami ng kalagayan: parehong umaasang matatapos din

ang pananabik na lapitan at damhin ng mga uhaw na labi

sa presensya ng mga hinihintay.  babalik na lang ako sa aking kama,

magkukulubong ng kumot.  yayakapin ang unan, at hahayaang dumaan

ang maghapong pinapatay ang inip sa mga silong ng buntonghininga.

wala naman kasing dapat ipag-alala:  kumakalembang pa rin

sa aking taynga ang tinig mo mula sa selpon; nalalanghap ko ang aroma

ng iyong hiningang higit pa nga sa kape.  matutulog akong muli

at dadaanin sa panaginip na nagsasalubong tayo sa ilang paseo.

nagtitinginan, nagngingitian, nagpapaalalang kahit wala tayo sa tabi

ng bawat isa: siringgiting pa rin natin maririnig ang mga halakhak

at pagtatapat ng dibdib sa dibdib

damdamin sa damdamin.

O e ano kung Lunes ngayon at walang pasok?

~Agosto 29, 2011

XXX

katulad ng tulang ito, binibilang ko na lang ang segundo, at tiyak

hihinto ang harurot ng Superlines sa tapat ng aking pananabik.

alam ko, angkas ka na nito bukas at iniisa-isa mo na ang mga bagahe

mula sa malayong paglalakbay.  sa ilang sandali, sisilay sa metal

na andamyo ang iyong sandalyas, kasunod ang silay ng ngiti

kahit ika’y pagod.  sa aktuwal na biyahe, ginagagad ng mga naghihintay

ang ilang pasalubong – hinahanap ng mga nag-aantabay ang binalot

na anuman, sa papel o plastic, basta’t may mahahawakan silang mula

sa dumarating at hinihintay.  ako’y walang inaabangang pinagkaabalahang

binili ng pera o pinili ng mata at hindi ako nasasabik sa bawat halughog

ng mga bagaheng iluluwa ng iyong mga lukbutan.  higit akong nasasabik

sa pasalubong na hindi matutumbasan ng halaga, o masusing pagpili

sa hilera ng makamundong piyesa; higit akong nasasabik sa pangako

ng langit na ligtas kang yayapak sa lupain ng aking paghihintay

at pinananabikan kong alalayan ka habang bumababa sa bus.

sa ganito, muling magdadaop ang ating mga palad, muli

ang pintig ng aking pulso ay maririning mong tinatambol sa dulo

ng mga daliring dadapuan ng iyong mga daliri. babanggitin mo

ang mga salitang lambing na ilang araw kong hinihintay sa iyong labi:

na may pasalubong kang mula rin sa iyong labi, na may pasalubong kang

mula rin sa iyong bisig. anuman ito, nasisiguro kong itatago ko sila

sa lukbutan ng aking pandama, at habambuhay ko silang tahimik

na ipagmamalaki sa aking sariling naiinggit na kaluluwa.

~Agosto 30, 2011

XXXI

may nagsabi bang nailipat na ang petsa ng Araw ng Kalayaan?

ako, at marahil, papangalawahan mo ang pagsasabatas nito

na ang nasisiil na karapatan ay lumalaya sa araw na ito ng Agosto.

inihanay ng sarili nating mga bukas na dibdib ang pananampalatayang

ito nga ay araw ng pag-aaklas at paglaya; inihahaka nating may bantayog

tayong mga bayani ng pag-ibig na nakihamok sa larangan ng paggiliw

o pagtakas sa mga punglo ng karaniwang pagdama, anupa’t baluti natin

ang mga sariling basbas na malaya nga tayo dahil naririnig natin

ang mga pintig ng ikinahong kalayaan.  bilang pagpapatibay, ipapaskil natin nang sabay sa mga dingding n gating dibdib ang kasunduang ito:

ang paghulagpos sa paniniil ng hindi karaniwang diktador ng mga puso

ay atin nang natibag; ang pandudusta ng karapatang uminom ng katas

sa ating mga puso, dahil sarili natin ito, ay kinalag ng ating pagyuko

pagtanggap sa pagpapaubaya.  ngayo’y haharap tayo sa madla

itataas natin ang kaliwang kamay habang nakalapat sa kanang dibdib

ang kabila, susumpa tayo ng pagbabagong sa hinagap ng marami,

ng mga diktador, ay hindi makapapangyayari – pinatutunayan natin ito

at tuwid tayong tatayo sa mga pedestal na hindi sumusuko.

Malaya ang bawat araw na daratal, alam natin ito, dahil tayo

ang nagtatakda ng ating kalayaan.  Malaya ang bawat pagkilos

ng hiwaga sa ating pagkabilanggo, dahil tayo ang gumagagap dito.

anu’t anuman, kung sa Araw ng Kalayaan na isinulat natin sa dugo

sa pamamagitan ng puso, sa papel ng mga umiibig, at sa hininga

ng ating damdaming umaalagwa ngayon sa kalawakan ng tuwa,

tatayo akong nagmamalaki sa gitna ng madla, at hahayaan kong

igawad sa akin ang kamatayan, kasabay ng paglaya ng ating mga sumpa.

 

 

—————

Repleksyon

kagabi:

naghilamos lang ako

hindi na naligo

dahil napakainit ng singaw

ng aking pakiramdam

nagbabaga yata ang aking mga mata

habang mula dito,

papatak-patak ang daloy

ng maputi-mapait na luha

at natatakot ako sa salitang

pasma.

kaya hindi muna ako naligo

kagabi.

sinilip ko ang ilang daliri

sa paa, sa kamay

sinulyapan ko ng ilang ulit

ang aking binti at hita

ang aking tuhod

malinis pa rin naman

hindi ko pa nararamdaman

ang pangangapal ng libag

o natuyong pawis

kahit na alam ko

nagbabaga ang aking mga mata

habang mula dito,

papatak-patak ang daloy

ng maputi-mapait na luha:

pakiramdam ko’y sinusunog

ang aking pisngi

at inuukit sa tigkabilaan nito

ang magiging palagiang daluyan

ng likidong ito

dahil hindi ako nakapaligo

kagabi.

isa na lang ang hindi ko nasusulyapan:

ang aking mukha

na pagkatapos ng paghihilamos

gusto kong silipin sa salamin

ang repleksyon ng mga damdamin

na bakat dito mula sa maghapon

hanggang nakapagpupunas ako

ng tigkabilaang pisngi

na hindi pa rin natutuyuan ng luha.

maliwanag naman ang salamin

ano’t hindi ko naaaninaw

ang aking sarili?

makailang ulit kong hinawi ng palad

ang pilak na repleksyon

ano’t tila blankong papel

ang aking kabuuan?

muli kong dinampot ang bimpo

binulatlat ko ng ilang beses

ang tigkabilaang panig,

baka lang, ikako,

baka lang napasama sa pagpupunas

ang aking mata, kilay, ilong,

labi at noo

ngunit wala doon ang mga bahagi

ng aking mukha.

nahulog ba sila sa batya

habang ako’y naghuhugas ng mukha?

kaya kinawkaw ko ang nanlalabong tubig

sa batya, sa banga na pinaghanguan

ng aking maghapong luha

at wala sila doon.

repleksyon lamang ito

mula sa salamin

dahil nasasalat ko pa ng kamay

ang aking mata, kilay, ilong,

labi at noo

habang ipinagtataka ko

na wala sila sa anino

habang nananalamin.

naalala ko lang

kahapong umaga

sa pagmamaneho ng nakapikit

habang angkas sa likod

ang isang pag-ibig

may mga nasagasaan akong ilan

sa mga harang sa daan

upang dalhin sa terminal

ang pag-ibig

na aking angkas.

naalala ko lang

kahapong umaga

sa pagmamaneho ng nakapikit

habang angkas sa likod

ang isang tunay na pag-ibig

nasubasob ako

habang iniingatan ko

na huwag magalusan

ang aking pag-ibig.

nagtagumpay akong takpan

ang katawan ng aking angkas

wala siyang galos

sa harap ng kaniyang katawan

ngunit alam ko

dinaramdam niya ang sugat

na palihim na umaantak

sa kaniyang likod

dahil angkas ko siya

kaya patalikod siyang nagagalusan.

ngayong umaga,

sinilip ko ang ilang daliri

sa paa, sa kamay

sinulyapan ko ng ilang ulit

ang aking binti at hita

ang aking tuhod

wala silang sugat, ni galos

ngunit iniinda ko ang aking dibdib

dahil parehong nagnanaknak

ang aming pagkatao.

nilalagnat ako

kumbakit dumadapulas

ang mapait-maputing luha

sa aking pisngi.

nilalagnat ako

kumbakit umaantak ang lahat sa akin.

nilalagnat ako

sa ilang patibong na tinik

sa aming daraanan.

naiwan sa kalye

ang mga bahagi ng aking mukha.

natabunan ng alikabok at putik

ang malaking bahagi

ng aking pagkatao

na halos lubog na lubog

mula sa luhang aking iniiyak

dahil lang

sa angkas ko ang isang pag-ibig.

sa repleksyon ng aking mukha sa salamin

na tila blangkong papel,

naipagtatanong ko sa aking daliri,

sa paa, sa kamay

sa aking binti at hita

sa aking tuhod

sa aking dibdib

na tila nababaliw na drayber

ng pagdama at paggiliw:

sadya bang inaagaw ng kalye

ng mga galos at pag-iyak

ang repleksyon ng mukha

ng bawat pag-ibig?

kung mababasag ko lamang ang salamin

at mailalabas ko ang kaluluwa

ng aking dibdib

higit madarama ng aking angkas na pag-ibig

ang ginaw ng aking katauhan

habang naghihilamos nang nilalagnat.

~October 10, 2011

7:35pm

———————

Kung ang Pag-ibig ay Isa Lamang

 

kung ang pag-ibig ay isa lamang

kimpal ng palad

alin-alin sa daigdig ang maari

nitong dakutin?

maari nitong dakutin ang puso

dahil sinlaki lang ng mansanas

ang pumipintig na laman.

yayakapin nito ang mata,

maging ang utak

dahil lahat sila’y maikukulong

sa kamay.

mahahaplos nito ang lahat

ng malaki o sinliit ng langgam

dahil ang kimpal na palad

ay nakahahapulas

nakahahawak

subalit hindi maaring saklawin

ng nagmamay-ari ng palad

ang sariling katauhan

sa isang kimpal

ng pag-ibig.

~October 10, 2011

7:54pm

 

——————————

Ngayo’y Suot Ko ang Iyong Anting-anting

 

 

suot ko ngayon ang saplot

na may tilamsik ng iyong anting-anting

at kakaibang kapangyarihan ang bumabalot

sa aking buong katauhan.

sumandali akong nanatili sa aking talampakan

habang hinahagod ko ng tuwalya

ang namamanhid kong batok at anit;

pinakiramdaman ko ang kilabot

na minsan pang gumapang matapos

itong araw ng madugong pakikipagtuos

sa nagkahugis na engkantada.

Hindi ako handa, noon

dahil natatakot akong hindi kita magagapi

malakas ka kasi, at ang isang titig

ng namumungay mong mga mata

ay katulad rin ng mga awit ng sirena

sa paglalakbay ni Odyssius:

inaantok ang aking tapang sa mataray

mong mga sulyap, dito na ako bumabagsak.

Hindi ako nakapagpalakas ng masel,

dahil kahit ang aking pagkalalaki

ay sinasadya yatang umurong pabalik

habang nireresling ako ng mainit mong bisig;

wala akong lakas upang gamitin ito

sa ganitong pakikipagtuos.

Ngunit sadyang may kahinaan ang bawat nilalang

sa paligid ng bundok Banahaw:

nahuli ko ang iyong kiliti, doon lang

sa mga puno ng tenga, sa kuweba nito

at umatungal mula sa iyong lalamunan

ang malulutong na halakhak, dumagundong

ang aking dibdib dahil sumasang-ayon na nga

ang mga maligno na magagapi rin kita.

Matindi ang una nating sagupaan.

Sinusubok kong pasukin ang iyong pagsang-ayon,

pinipilit mo naman ang pagtutol.

Sinusubok kong punitin ang iyong kahinaan

pinipilit mong isara ang mga lagusan ng pagtugon.

Hanggang nahulog at bumalatay sa sahig

ang iyong mga bisig, itiningala mo ang ulo

at isinuko mo ang kahinaan saka ko inangkin

ang premyo sa aking pakikihamok.

Sa wakas ay tinanggap mo ang aking pag-ibig,

engkantada, at namnamin mo ang tamis ng aking alay.

Ngayong umaga lamang, matapos ang pagbabanlaw,

suot ko ang katunayan ng aking pag-ibig.

Hinaplos ko ng buong palad ang saplot

na may tilamsik ng iyong dugo.

Sinilip ko ang aking yabang sa naumid na tapang

at naramdaman ko ang pagsasauli ng kapangyarihan.

Sa halik ng nabubuhay mong dugo sa aking pagkalalaki,

alam ko, humahalik na muli ang ala-ala

ng una nating sagupaan ng mga pag-ibig.

~October 6, 2011

——————-

 

Kumbakit Inilipat Ko Ang Petsa ng Araw ng Kalayaan

 

 

dahil wala nang dahilan pa upang kimkimin ang paghahangad,

inililipat ko sa katapusan ng bawat buwan ang Araw ng Kalayaan.

batas ito: saligan ng mga nasisiil na damdaming yayat sa paghahango

ng pintig.  ipagtatampo wari ito ng mga bayaning nalipol sa digmaan

sa talim ng itak, sa init ng punglo, sa srapnel ng mga kanyon,

o sa tulis ng sibat.  ngunit higit sa mga sugat na iyan kung sasadyain pa

na kimpalin sa mga palad ang pagnanais na huminga ng malalim.

laman lang kasi ang nasusugat sa kanila; buto lang kasi ang nababali

at hindi nila kaylanman nalasahan ang pait ng paninikis ng mga tulos

ng luhang namamaybay sa pisngi ng paghihintay.  balat lang kasi

ang napupunit sa kanila; dugo lang ang tumatagas sa bawat unday

hindi tulad nating higit pa sa kirot at pagnanaknak

ng umaalmang pag-ibig ang sumasakit.  sumasalit ba sa kanila

ang kalayaan ng kaibuturan gayong uhaw at gutom lamang

sa nakabinbing kadena ng bayan ang kanilang inaalala?

sa ganitong pag-aaklas, hayaan nating bigyan ng pagkakakilanlan

ang hindi pa nila nakikilala: kalayaan ng pagdama na susugat

sa mga hindi nakadarama ng pag-ibig. hayaan nating mauhaw sila

sa mga katas ng paggiliw na hindi kailanman dumaratal

dahil ayaw nilang pakinggan ang sigaw sa pugad ng ating mga puso.

isisigaw natin nang sabay, nang magkakapit-kamay

ang mga daing sa ilalim ng ating paghinga at panimdim

hanggang mabingi sila sa pag-uulayaw ng yabag ng pagtakas

sa diktador na panahon, sa alipusta ng pag-ibig na gutom.

sa katapusang araw ng buwang ito, tinatapos natin ang gutom

tinitibhaw natin ang uhaw, magkasalo tayong sisimsim ng katas

ng lantay na pag-ibig, yaong hindi pa nalilimbag sa mga diksyunaryo

ng pagdama at sa mga aklat ng paniniil ng mga halik at yakap.

ngayon, sa unang araw ng buwang ito

habang hubad tayong magkayakap at ninanamnam ang tamis

ng gumigiting pawis sa kani-kaniyang balat sa pagtatalik ng puso,

pakakawalan natin ang mga halakhak na hindi pa nila naririnig

sisilay sa ating mga labi ang ngiti ng katuparan ng pag-ibig:

sabay tayong haharap sa isa’t isa na hindi alintana ang paghuhubad

ng damdaming nagbabagong-bihis.

~Ika-1 ng Oktubre 2011

 

—————–

Sa Katahimikan ng mga Ganitong Sandali

 

 

kung sana’y naririnig ng dingding ang ating mga daing

habang nagkalat sa sahig at kama ang ating mga saplot,

patatahimikin ko sila upang hindi na makapagsalita pa:

sa atin lamang ang sandaling ito – ating atin lamang

at kahit ang langitngit ng ating higaan ay mahihiyang

saksi sa mga hubad nating katawan.

Mula sa ilang dangkal na layo ng ating mga mukha,

sinusulyapan ko ang namumungay mong mga mata.

Sinusulyapan ko ang nanginginig mong balikat

ang ilang pagkagat-labi, ang pagsasalubong ng kilay

ang marahang haplos ng iyong palad sa aking braso

ang maingat na paghapit ng iyong binti sa aking balakang

ang pansamantalang paglusong ng iyong ulo sa kutson

na sapin ng ating kaligayahan sa kainitan ng nitong araw,

naitatanong ko sa sariling wika ng indayog

ng aking katawan: sumasanib na ba sa iyo ang espiritu

ng aking pag-ibig? Sa sandali ng pagniniig,

tinutuklas ko ang bawat himaymay ng iyong laman,

ng iyong balat, ng iyong buhok.  Nakadarama ako

ng sanlaksang kilabot habang isinisigaw mo ang lengguwahe

ng nagtatalik na mga puso, pinatutunayan ito ng pawis

na gumigiti sa ating leeg, sa ating batok

at hinahayaan nating lumusot sa siwang ng ating hininga

ang walang humpay na papuri sa apat na sulok ng silid.

Nakalarawan sa aking mga mata ang iyong hugis,

ang iyong kariktan, ang bakas ng iyong pagpapaubaya

habang dahan-dahan kitang nilulusong sa kailaliman

ng iyong kayumihan.  Nakabalatay sa aking dibdib

ang mga bakas ng paghahabol ng hininga

samantalang inaakyat ko ang rurok ng sandaling ito

na nilalasap ng ating mga daing, pintig, halik

at hapulas sa bawat pulgada ng ating mga balat

na ginagapangan ng sanlibo’t isang hiwaga ng pagdama.

Nakamarka sa aking palad ang mapa ng iyong bango,

nakabinbin sa aking tadyang ang iyong halimuyak

sabay-sabay silang sumisigaw, kaakibat ng iyong daing

sa kirot, ligaya, pag-ibig, pagdama

at sa kaibuturan ng iyong puso, sa kalaliman ng iyong katawan

itinanim ko ang isang punlang makulay na sisibol

sa mga anyo ng ating pag-uulayaw.

~October 1, 2011

 

——————

Hindi Ako Relihiyoso

 

 

binyagan ako

pero hindi relihiyoso.

Hindi ako sumasamba

sa anito ng nakadamit na diyos

sa halip, sinamba ko

ang araw na iyon

habang nakaluhod

sa isang engkantada

sa ibabaw ng kaniyang katawan.

Hindi ako relihiyoso

sapagkat hindi ako naniniwala

ni sumasampalataya

na ang hapdi

na ang kirot

na ang nerbiyos

na ang pagbabaka-sakali

na may mangyayaring madugo

ay kasalanang mortal.

Ang dugo ay dugo

kailanman ay hindi iyan puputi

upang hikayatin akong

maging relihiyoso.

~October 1, 2011

 

—————————

Patintero

 

 

bumalik ako sa kamusmusan ng ilang sandali

at iginuhit ko ng tubig  ang apat na kuwadro

sa tapat ng bahay: hahalakhak uli ako.

hahalakhak uli ako, ngayon

tulad ng isang pitong taong gulang na bata

dahil hindi na nakahahalakhak ng sagana

ang mga nagkaka-edad, katulad ng isang bata.

hahalakhak uli ako, ngayon

habang naghahanda sa larong-una

iyong hindi na nilalaro ng katulad natin

na umuupo na lang sa tapat ng mesa

at kinakalikot ang pagkakaperahan

para sa bulsa, o sa pamilya.

hahalakhak uli ako, ngayon

dahil muli akong maglalaro –

pambata’t inosente ngunit seryosong sundo

sa inuuban kong anit.

sa pag-apak kong muli sa kalsada

na ginuhitan ko ng apat na kuwadro,

hindi ko alam kung sino ang taya:

ikaw ba o ako?

alam natin ito.

ang taya ang mambibiktima ng kalaro

upang maibsan ang pagkabagoong

sa sirkulo ng pagkabilanggo, at doon

sa oras na dumapo ang palad, haplusin ang balat

ng kasali sa patintero, sasabog ang halakhak

dahil may papalit sa kaniyang tayo.

ganyan kasi ang taya sa patintero:

kailangan ang liksi sa paglalaro

upang makahuli ng bihag,

upang masabi niyang mayroon siyang nalambat

na lulugu-lugong aapak sa guhit ng pagkabagoong

hanggang pawisan ang buong katawan

dahil sineryoso ang paglalaro.

ganyan din kasi ang nakikipaglaro

na upang humalakhak

kailangan din ang bilis upang malusutan

ang kuwadro ng lungkot, ang kahon ng pag-iisa

at pipilitin niyang lusutan ang taya

na naglalaro din ng pawis sa noo

kung may mabibiktima ba siya ngayon

at hahalili sa kaniyang pinagplanuhang laro.

ngunit hindi ako naging mapaglaro noong bata

seryoso ako kahit sa paglalaro

kaya ang pagsasa-musmos ko ngayon

ang inosente kong puwesto, bilang manlalaro

ng patintero sa kalsada ng pag-ibig

ay seryosong-seryoso.

hindi ako nanlalambat ng mahinang kalaro

dahil mababa siya kaysa sa puso.

hindi ako nanlalambat ng iyaking kalaro

dahil katulad niya, iyakin din ako

kahit ngayong inuuban na ang tuktok ng ulo.

habang magkaharap tayo sa parisukat na hugis

ng nagbubuyuang puso, bilang manlalaro

hindi ko sinukat ang iyong bilis

hindi ko tinantiya ang iyong atake

dahil sa ganang akin, ako’y inosente

at magagalusan ako mahuli lang kita

upang maging taya sa loob ng aking puso.

higit akong magagalusan kung makalalabas ka

mula sa loob ng kuwadro ng aking dibdib

at biktima akong hindi babaunin sa mga darating na araw

ang halakhak ng aking pagsuyo.

upang ako’y umuwing masaya mula sa paglalaro,

kailangan kong alamin mula sa iyo:

kailangan ba talaga ang taya na mambibiktima

at may babagoongin na kalaro

sa hindi magtatapos na magdamag na ito?

~October 7, 2011

9:03pm

 

———————-

Ayoko Munang Tumula

 

 

ayoko munang tumula o sumulat pa nito.

napapagod din akong kumatha

masahol pa ito sa nagtitibag ng semento

o nag-aanluwagi ng hindi matapus-tapos na bahay.

napapagod akong umibig

sa salitang binabalot ng hilaw na kapaguran

nagliligis na ang pawis sa aking leeg

nag-uumapaw ang masel sa dibdib

at masahol pa nga ito sa nagtitibag ng sementong

nakapagitan sa atin.

napapagod akong mag-ipon ng pag-ibig

walang kapunuan ang damdaming ito

tila bangang kaylawak ng bibig

subalit butas ang ilalim ng kapunuan.

napapagod akong umampon ng kathang

ihahalo sa buhangin at graba

na sabay-sabay kakalansingin ng malamig na tubig

doon, kasabay nito, titibhawan ng ligamgam

ang pagnanasang i-aspalto pa ang kalsadang-baybay

nitong mga kathang walang paroroonan.

napapagod akong magpalambot ng bakal

na damdaming hindi na susuyuin ng apoy

na hindi na pipingkian ng masong puso.

napapagod akong magsalansan ng talinghagang

pinipilit isulsi sa dati nang punit na pag-asa

kumbakit, umaasa akong ako’y isang karpintero ng pandama

na hindi nasanay sa pagod at hirap ng pagbuno.

napapagod akong maglapat ng wastong tibok

sa bawat haligi ng dibdib, nagigiba rin sila

tuwing nakakapa ko ang paltos na kamay

samantalang tumutulay ang dugo sa mga dulo nito

na siya kong tintang gamit sa pagsulat ng tula.

napapagod akong umuwing mag-isa

na hindi na nahahagod ang likod ng pag-ibig

na hindi na hinahagkan ang mga labi ng sumpa

na hindi na nakakatalik ang mga salitang-rosas

na palibot sa atin kapag tinutulaan kita.

napapagod akong nagbabanlaw mag-isa

ng tuwalyang pinahiran ng lungkot at pagluha

samantalang bakat sa kabilaang pisngi nito

ang pinapanday kong tula sa aking balintataw: ikaw.

napapagod na akong tumula.

nakakapagod rin pala ang kumatha

ng tula.

 

—————————

Ayaw na Kitang Tulaan

 

 

Ayaw na kitang tulaan

wala na kasi akong maapuhap na dahilan

upang sumulat pa

o tulaan pa kita.

Ayaw na kitang tulaan

hindi na gaanong nagbabaga

ang pagnanasang ito

at hindi na ako susulat pa

ni katiting, kahit ilang letra.

Ayaw na kitang tulaan

gasgas na ang lahat ng salitang

maghahambing sa walang dudang yumi

na taglay ng iyong ngiti

na sabit sa arko mong kilay

na bitbit ng maindayog mong titig

na kalabit ng mahinahon mong boses

at tila nga nalunod na lahat

ng salitang para sa iyo lamang.

Ayaw na kitang tulaan

imposibleng hagurin ng dila

at katha, ang parehong pandama

na minsan nang naiaalay sa iyong kamay

imposibleng dalawa ang diwa ng tula

para sa isang tinutulaan

o sinusulatan nito

kagaya mo.

Ayaw na kitang tulaan

salat na ang aking bokabularyo

pagod na ang bawat litid at pulso

sa paghahanay ng mga titik

na kikiliti lamang sa nagigising mong pandama

at uusisain nating sabay

kung bakit hindi na kita ngayon

tutulaan.

Ayaw na kitang tulaan

dahil nabuo ko na ang isang tulang

hindi pa nalilimbag sa daigdig ng mga tula

na hindi binuo ng mga salita

na hindi inihanay ng porma

na hindi nilikot ng batas ng pagkatha

na hindi kailanman malilimot

ng sinumang susulat pa ng tula

ukol sa pag-ibig.

Ikaw

mismo

ang tula

na naisulat ko na

at paulit-ulit kitang tutulain

hanggang sabay tayong mabusog

sa damdaming katha

na ang tanging pamagat

ay

ikaw.

 

—————–

Hindi Kita Mahal

 

 

nagkakamali ka.

kung iniisip mong mahal kita

dahil araw-araw kang nabubusog

sa metapora ng aking pagtula.

nangangahulugan ba

na dahil nagtatakda ako ng oras

nagsusunog ng panahon

at nag-aaksaya ng pahina

ay naglalagak ako ng damdamin

sa gitna ng iyong walang-

muwang na sulyap?

nagkakamali ka.

dahil ang metapora ng aking gawi

napapansin ko man ang iyong ngiti

nalalasahan man ang iyong halakhak

nadadampian man ng aking halik-hangin

ang pisngi mong umuumbok

dahil sa walang puknat kong pagtitig

higit pa dito ang hindi mo nauunawang

hindi kita mahal

lang.

~August 8, 2011

 

——————-

 

Tsokolate

~at ang alegorya ng tamis-pait nito sa kanya-kanyang mga tasa~

 

 

hindi pangkaraniwan ang ganitong eksenang

naghahangad tayo ng ‘sang mainit sa katanghalian

anupa’t napagkasunduan natin ang sumim-sim ng tsokolate.

yakap ng bawat palad natin ang kanya-kanyang tasa,

mga nakaw na sulyap ang ating pag-itan.

Hinahayaan nating sumandaling tumakas ang usok

o init ng ating minamahal na tsokolate, ngunit hindi

ang langhapin ang kanilang aroma sa pagitan ng paghinga

pagtahip ng dibdib habang binubuwal natin ang tabing,

ang guwang sa ating mga labi at dibdib.

Napapapikit tayo kapag hinahagkan natin ang tamis,

walang pagsidlan itong kat’waang nagaganap ngayon

na natupad ang kahilingang magsalo sa paboritong init

hindi lumalamig ang pakiramdam, liligamgam

ng ilang segundo’t hahaplusing muli ang gilid ng pandama

upang manumbalik ang panlasang pumapait.

Kumikintab kapwa ang ating mga pawis,

kumikinang kapwa ang ating mga ngiti

kumikislap kapwa ang ating mga mata

kasabay ng tumatakas na damdaming-asukal

sa pait nitong katanghaliang inaapoy ng lagnat.

At habang sinisimsim ng hugis puso mong mga labi

ang mga huling patak ng nagtatalik na tamis-pait

nitong tsokolate, sinisimsim mo rin ang damdamin

sa tasa ng aking nagpapawis na pananabik.

Ulitin natin ang pagkapaso sa pagsimsim sa tamis.

ulitin natin ang madarang minsan pa ang ating dibdib

sa ganitong katanghaliang nagbabaga ang bubog na tasa

sa labi ng ating mga pandama.

 

——————-

Sa Pagdalaw ng may Kahinahunan

 

 

sinusulyapan kita

habang inilulutang nitong alapaap:

marahan kang inihahatid ng amihan,

ni walang langitngit sa kawayan ang iyong sakong

nang hagkan ng iyong talampakan ang sahig ng kamalayan

at tila paru-parong naglalambing ang iyong kaganapan

sa mga silid ng aking balintataw.

Banayad ang taginting ng iyong mga halakhak

matamis na pastilyas na sadyang binalot

sa sinsin ng purong kat’waa’t galak –

sa iyong palad: may dampi na hindi kumakalayod

sa namamagang damdaming lipos ng ginaw

may yakap ng kapayapaang hindi nag-aamot

sa kaligaligan ng panahong uhaw sa haplos.

Hinahapulas ng ga-bulak mong mga daliri

ang namamahay na lungkot

at amorsekong naglalambing ang mga ngiti

sa taglamig o tag-init ng panglaw at poot.

Banayad.

ganyan ka:

simpatikang layang-layangan

sa mga nakalimot sa daigdig ng kahinahunan.

 

——————–

 

Obsesyon I

 

 

nanginginig ako

sa iyo, sa iyong laman

sa iyong kabuuan

kaya titig na titig

itong kanduduling na mata

simula sa sakong

hanggang huling hibla

ng iyong buhok

na nakasalansan

sa mataas mong balikat.

gusto kitang siilin

kaya

hayaan mo na lang

titigan kita

pangako

hindi kita dadantayan

o hihipo man lang

iiwas akong masagi

ng aking balat

ang iyong panakip-

laman

iiwas akong mabundol

ka, malapatan

ng mapagmalabis kong palad

natatakot kasi ako

dumikit sa aking ulirat

ang iyong larawan.

ngunit

pangako,

walang kapahamakan

ang mga titig ko sa iyo

kahit ang paghaplos

sa buhok mong inaalon

ng aking hintuturo

ay hindi ko babawasan

isang hibla man lang

walang tinik

ang tapik-balikat

ekspresyon ko lang

na binabati kita

hinahatid ng mahinang

dantay

ang di maibulalas na lambing

walang apoy

ang aking ngiti

at walang dapat ikatakot

na masusunog ka

kapag namumungay

nang sabay

ang aking mga mata

walang sikreto

ang aking mga ngiti

ikaw din naman

ang pumupunit

ng aking mga labi

kaya nasisiyahan ako

nasisiyahan ako’t

pinangingiti

ng kiliti

ng hayup mong ngiti.

walang pag-iimbot

ang aking pagtatapat

hindi kasinungalingang

magsabi ng totoo

hayaan mo na lang

tutal

hindi ka mapapahamak

hindi ka mapapaso

hindi ka masusunog

sa aking mabining

paglalambing sa iyo.

Pangako.

 

——————-

 

Ngiti

 

 

Huwag mo akong titigan

natutunaw ang aking mundo

gumuguho ang aking tapang

bilang isang lalaki

at sinisilo ng limbo ng iyong mata

ang aking kahinaan

pigilin ko man ang huwag

mangatog ang lamyang tuhod

tumitiklop pa rin ang tatag

ng mga talampakang bibigay

sa ilang sandali lamang

huwag mo ring iukit sa iyong pisngi

ang mga bangkang biloy

na tila nahihiyang buwan

nagngingitngit ang aking bagang

na nakawin ko sila’t

isilid sa pitaka nitong dibdib

hanggang tumubo ang mga ngiting iyan

na suwi ng saging

saka ko na sasaluhin ang agimat

na itutulo ng iyong pusong repleksyon

ay saya, ligaya,

at pag-ibig na wala sa iba.

 

——————

Brutal na Pagpaslang

~ang simula ng masaker sa aking puso~

 

 

Ramdam ko ang kirot

nitong lumalaylay na balikat

nang salagin ko ang una mong ulos.

Muntik na akong takasan ng ulirat

sa ikalawa mong saksak

at gumuho ang tapang sa dibdib

habang dali-dalirot mo ang laman nito.

Hindi ko maihakbang ang aking mga binti

pilantod ako ngayon kaharap ka

niyuyupi ng iyong kamay na bakal

ang natitira ko pang lakas.

Hinahagilap ko ang mga palad

na hahaplos sana sa aking mga sugat

upang hindi na ito humapdi’t magnaknak

ngunit tuluyan mo na akong pinapatay.

Hindi ko na mabilang ang mga taga at saksak

na iyong ginagawa: may kurot, may sundot

at sa aking pagbagsak

tumilamsik ang mga patak ng dugo

sa aking mga matang sa luha nahilam.

Paki-usap ko lang:

huwag mo akong gaanong nginingitian.

Pebrero 25

Saluma sa Magdamag

Huwag mong isiping gigising ako nang maaga

dahil kagabi, nakipagpatintero ako sa mga lamok

habang inaagaw nila ang namumuong antok.

Natatakot kasi ako, napapanglaw marahil

na dalawin ako ng masamang bangungot:

binusog mo kasi ako, punung-puno ng dighay

ang lukbutan ng aking pandama

matapos mong isubo sa aking bibig

ang mala-pastilyas mong ngiti;

matapos mong ihain sa aking dibdib

ang batubalani ngi iyong titig;

matapos mong isiksik sa aking panaginip

ang katotohanang naririyan ka pa

at muli’t muling nanunuksong anino ng pag-ibig

sa kulambo ng pagdama.

Bukas, huhulihin ko’t kakainin

ang mga lamok na mapang-abala.

 

——————–

Mariposa

 

 

tinubuan ka na ng pakpak, kailan lang

at nahahaplos ng araw ang linen nitong himaymay

sumasabog sa paligid mo ang kulay

bahagharing kislap-kutitap sa bawat pagtatangkang

ipagaspas sila nang dahan-dahan sa lilim ng paghihintay.

sa una’y natatakot ka sa simbuyo ng hangin

pag-aakalang dagitin ka ng kaniyang alimpuyo

at mapadpad sa matitinik na dawagan ng parang

tinatanaw mo sandali ang hagdang-palayang liwasan

ng mga tutubi at ibong layak sa pagyaot:

kaharian nila ang bukirin, kastilyo nila ang amihan

anupa’t nabubuhay silang sagwan ang pakpak

at nalilibot nila ang mga bolebard ng pagdama.

marahan mong inihakbang ang malulutong pang binti

tinitimbang mo wari, may lakas kaya ang mga talampakan

sa paghahandang lumipad; inut-inot kang gumapang

sa labas ng iyong hungkag na baluti, ang madilim mong tahanang

kinanlungan mo ng panahong hilaw at panglaw

kinumutan ka rito ng tagginaw, at kinulambuan ka

ng tahimik na pag-iisa.

iyan ang dahilan kung bakit dapat ka ng nakalilipad.

iiwanan mo ang daigdig na sukob ang kahungkagan

lilisanin mo ang hubad na pag-ibig bilang isang katerpilar

at ipagmamalaki mo sa mga dambuhalang damo at puno

nakadarama ka na ngayon, umiibig, pinipintigan ng pag-ibig

sa bagong tagpong tagapag-ingat ng iyong mga pakpak.

dumapo ka pansamantala sa aking mga daliri, halika

doon mo tantiyahin ang lakas, ang kahandaan

na makayayaot ka sa mga pasigan, sa mga bukirin,

sa mga adwana at kaparangan, na tahanan ng mga nakadarama

ng pag-ibig sa kalayaan.

hugutin mo ang ilang buntunghininga sa nahihintakutang dibdib

pakawalan mo sa iyong baga ang takot na baka ka mabalian

ng pakpak at binti sa tangkang paglipad.

hindi ka mapapahamak.

buo na ang iyong mga pakpak.

hinihintay ka ng kalawakan upang pumaimbulog

ginagayuma ka ng amihan na sabayan mo ang agos

saanman mapadpad; sa sandaling mapagod

makapagpapahinga ka sa lilim ng kaimito

doon mo hihigupin ang matamis na katas ng pag-ibig.

huwag kang mag-alinlangan, katulad ng iba pang paruparo

hahaplusin ka ng hanging sadyang kaybait sa marupok na pakpak

ngunit, ganoon pa man, hindi dapat ipag-alalang masasaktan ka

o lumagpak sa tuyot na kaparangan, isipin mo lang

na gaya ng isang saranggolang sumasabay sa bugso

ng malamig-mainit na simoy ng langit

nakakabit sa iyong puso ang pisi

na sa puso ko rin

nakatali.

 

———————-

Walang Pamagat

 

 

~dahil hindi ako makaisip ng salitang akma sa paglalapat ng ating mga balat~

gumagapang ang sanlaksang kilabot,

mahal

sa aking batok

matapos ang pag-uulayaw

ng ating mga balat

niyuyurak ako ng pingkian ng tibok

sa aking dibdib

matapos salikupin sa tadyang

ang sandaling ito

na yaman ng panahong

hindi na kaylanman

babalik

hinihigop ako, mahal

ng subasko

ng ipu-ipo

ng buhawi

ng bagyo

ng delubyo

dahil dinudurog

ang aking kalamnan

ng sanlibong ligayang

limot marahil

ng nagdudumilat na katotohanan

pinupulbos ako

ng dagundong ng kulog

na nakulob

sa loob ng dibdib

marahil

hinahataw ng yantok

o itak

o sibat

ang aking lalamunan

at pigil-pigil ko

ang huminga ng malalim

o mababaw

dahil baka kumawala

ang tinitipong pagtitimpi

na sandakot na lang

sa palad

niyuyugyog ako, babae

ng hindi mabilang na daliri

ng iyong buhok

ng iyong balahibo

ng hininga mong

kaylapit lamang

sa aking hininga

anupa’t hindi ko na makilala

ang napino kong katauhan

dahil bumakat na yata

sa aking katawan

ang hindi mahihilod

mong halimuyak

ng ngayon

at bukas.

~August 30 2011

 

—————————

 

At Ngayo’y Panahon ng mga Maligno

 

-para sa isang engkantada

Buhay na naman ang alamat

at natatakot ako.

Siringgiting ang halakhak ng mga tiyanak

sa guwang ng aking lalamunan

ginawa na nila itong tirahan simula pa

noong huling pagbibilog ng buwan.

Madalas ang yabag ng mga tikbalang

sa aking dibdib, yagis ang aking nakukubang likod

habang pasan-pasan ko ang kaniyang bigat

at dinadala niya ako sa ika-pitong bundok

ng kaligayahan tuwing madaling araw.

May buga ng asupre ang tabako ng kapre

kaya’t laging nagsisikip ang aking paghinga:

pinipitik niya ng daliri ang aking ulirat

at nawawalan ako ng malay sa maghapon

hanggang magising akong magang-maga

ang mga punso ng aking pagkapuyat.

At ang mga duwende, ang mga sinliliit ng pako

na nilalang sa mga pasamano ng bintana

pinaglalaruan nila ang mahika

may bolang apoy silang nililikha sabay hagis

sa talukap ng aking mga mata

anupa’t nagsisimula na ang aking pagkabulag.

Pumapagaspas sa paligid ng aking panglaw

ang sandosenang manananggal at aswang

kayhahaba ng kanilang tuwid na buhok

kaytatalas ng mga kukong tila sundang

nakahanda lang silang sumalakay, agad

upang nakawin ang aking puso

o sipsipin ang dugo mula sa leeg ng katwiran

mararamdaman ko na lang: para akong sinasakal.

Ang mga alitaptap na salit-salit nagsasayaw

sa ilawan ng aking inaantok na pandinig

ay inakala kong mga insektong panggabi

subalit habang lumalapit ang kanilang liwanag

nagkakahugis silang mga munting engkantada

bubungisngis ng panunukso sa aking tenga

saka kikilitiin ang nahihimbing na pag-asa

sa lilim ng mga kweba ng pag-ibig

Nangungutya ngayon ang pagkakataon

dahil wala na akong masulingan

maliban sa iyo na aking kahimanglaw.

Ngunit panahon ngayon ng mga maligno

at natatakot akong magkaroon ka rin ng pakpak.

 

————————

 

Gusto Kitang Kamustahin

 

 

gusto kitang kamustahin:

ano ba ang lasa ng tsokolate

kapag nag-iisang umiinom

ng matamis-mapait na init

sa loob ng iyong tasa?

sinisimsim mo pa rin ba

ang aroma sa usok

bago mo simulan ang paglagok?

pinagpapahinga mo pa rin ba

sa bungad ng iyong lalamunan

ang kaluluwa ng cacao?

gusto kitang kamustahin:

gumigiti pa rin ba ang pawis

sa tasa, sa paligid ng iyong labi,

sa dulo ng mga daliri

habang apuhap mo ang timpla

ng espesyal na inumin

sa umaga?

kanina,

nakangiti akong nakatitig sa tasa

kahit kape ang laman

pulbos ng pait

walang tamis

naaalala kitang sinisimsim mo

ang tsokolate

at nangangarap ako ng gising

na ang kape ay tsokolate din.

nangingiti ako.

gusto mo kasi iyan

kaya malaki ang pag-aabalang

ibili kita ng iyong paborito

at magtitimpla ka ng higit

kaysa sa aking inaasahan.

nangingiti ako.

naaalala ko kasi

sa oras na tinitimtiman mo ang lalagyan

ang tasa, na umuusok

sa kumulong tubig

sa natunaw na tsokolate

nasisiyahan kang natutupad ang init

dahil wala nito sa iyong paligid.

nangingiti ako

at gusto kitang kamustahin

sa tsokolate

sa umaga

nakukumpleto sana ang maghapon mo

na mag-isa kang sumisimsim

sa iyong tasa

ng aroma ng mapait-

matamis na init

na hindi ko ipagkakait

sa iyo

tuwing umaga.

naalala lang kita

kaya ako nangingiti.

naalala kasi kita.

 

——————–

 

Ngayo’y Mga Bihag Tayo

 

 

hosteyds tayo ng pagkakataon

aminin man natin o hindi.

sa una,

namamasyal lang tayo

sa kaniya-kanyang parke

nagkasalubong lang

nang tutukan niya ang ating bait

sabay tayong dinagit

at isinakay sa behikulo

ng pagtakas

sa ating mga sarili

pinasimsim niya tayo

ng amonya ng paglimot

nahilo tayo at sabay bumagsak

sa mga bisig ng pangungulila.

wala na tayong maalala

at doon na tayo nahimbing.

ganito lang kabilis

tayong nabihag

at mga bilanggo na tayo,

nakagapos ang dalawang braso

nakapiring ang ating mga mata

habang nakaluhod

sa harap ng panganib:

itinali ng hostage taker

ang tibok ng ating mga puso

iginapos ang ating mga hininga.

hindi natin matandaan

gaano katagal tayong magkayakap

dahil natatakot sa dilim

na pinag-iwanan sa atin

ng hostage taker

hindi natin mahulaan

saang hide out tayo

itinago

dahil hindi natin mabilang

ang lumilipas na araw

anupa’t ramdam naman natin

ang init ng sinag

kapag lumulusot ito sa bintana

ng ating mga tadyang.

sinasanay niya wari

ang ating pagiging bihag.

sinusubok niya wari

ang ating kahinaan.

nagtagumpay siya –

ngayon ay iisa na

ang tibok ng ating mga dibdib

parehas na rin lang

ang perpyum ng ating hininga

inihinang na rin yata

ang ating mga palad

na hindi na natatakot

muling matulog

o mahimbing

o magising:

kinukumutan na tayo

ng kapayapaan.

nakiusap tayo

ng kalayaan

at  ipinangako niyang lalaya tayo

sa ilang sandali lamang.

hindi tayo nabigo.

sa isang iglap

pinatid niya ang lubid

ng pangamba.

sa ating mga kamay,

inihabilin niya ang tiwala.

kinalag niya ang piring

sa ating mga mata

at nasilayan natin ang katotohanang

habambuhay na wari tayong

bihag na magkayakap.

sa maikling tanong kung bakit

tayo ang napiling dakpin

nais niya tayong lumigaya

kaniya lang tugon

at malaki ang ransom

kapalit ng kalayaan:

pagpapaubaya.

kaya huwag na tayong gumalaw

tanggapin na lang ng hawak-kamay

sumuko na lang tayo

saka natin namnamin ang tamis

ng kalayaan ng puso

sa pagsuko ng sabay

sa hostage taker

na nagpakilalang

pag-ibig.

 

———————

 

Ang Pag-idlip Minsan ay Imposible

 

 

pinuyat mo na naman ako

katulad ng mga palakang tumatawag

ng kapareha sa gitna ng ulan

salit-salit kumakalembang

sa aking panaginip

ang  iyong pangalan.

nagmumulto ka na naman

hinihila mo ang aking mga paa

palayo sa katre

matatagpuan ko ang sariling

umiinom ng ilang basong tubig

o duduklit ng ilang biskwit

na kakagat-kagatin

habang nagtatanggal panglaw.

hinahaplos muli

ng mabango mong buhok

ang aking dibdib;

hinihimas wari ng iyong daliri

ang talukap ng aking mga mata

ibinubukadkad mo sila

at tinutukuran na ako ng puyat

hanggang gising nga ako

magdamag.

naitatanong ko:

ang kahoy kayang dinapuan

ng mga kuliglig

ay hindi natotorere sa huni

ng mga insektong lintek?

ganyan ako.

at kung kahoy akong dinapuan

ng mga kuliglig mong ala-ala

hindi ako magigising ng maaga

yayakapin ko maghapon ang unan

babalutin ko ng kumot ang kama

isisiksik ang katawan sa dingding

at hihikab-hikab akong ngingiti

dahil pinuyat mo na naman ako.

hindi ka ba napapagod

mangulit

kahit sa panaginip?

 

————————

 

Gusto Kong Sabihing Ako’y Umiibig

 

 

gusto kong sabihing ako’y umiibig

ngunit hindi.

ang umiibig ay tumitingin lang

pagkatapos ay yuyuko dahil

ibig lang nilang tingnan o haplusin

ang pag-ibig.

gusto kong sabihing ako’y umiibig

ngunit hindi.

dahil hindi ko ginagamit ang mga mata

sa paghanga, sa paghaplos

o sa pagsasabing “iniibig ko

ang isang bagay.”

gusto kong sabihing ako’y umiibig

ngunit hindi.

dahil ako’y nasasaktan

may namamahay na mga tinik

sa paligid ng aking dibdib

habang lumalago sa tadyang ang mga rosas.

gusto kong sabihing ako’y umiibig

ngunit hindi.

dahil hindi katulad ng iba,

nagnanaknak ang aking pagnanasang

paibigin ka rin, kupkupin sa palad

yakapin nang mahigpit

ikulong sa bisig

dahil may mga pag-ibig na sadyang maramot.

gusto kong sabihing ako’y umiibig

ngunit hindi.

dahil ang pag-ibig ay nanunudyo lamang

nangingindat nang palihim

at yaong hindi nabubulalas, sa labas

ng pagkamahiyain

gusto kong sabihing ako’y umiibig

ngunit hindi.

ako’y nagmamahal.

 

———————-

 

Halik con Istroberi Pleybor

 

 

wala naman talagang lasa ang mga labi

ano’t kaysarap ng halik?

nalalasahan ko ang istroberi pleybor

kahit wala kang lipistik, minsan

parang balat sila ng ubas

habang singaw ng banilya ang iyong hininga

natutukso akong kagatin nga sila

parang bulak lang sa lambot

o kutson na hinihigan ng mga dahilan

kung bakit kita hinahagkan

sinasabayan ko ito ng dantay sa iyong pisngi

at gusto kitang gawing bilanggo sa aking palad

kapag kumikiskis ang aking ilong

sa dunggot ng iyong ilong

sagana ang aking panggigigil

na lunukin ko ang bawat himaymay

ng iyong labi.  marahil, kaya ganito

ang bugso ng pakiramdam

binibiyahe ng dugo mula sa puso

ang pintig ng mga pasahero ng pag-ibig

at ang ating halik, nakaw man o sadyang

ibinigay kasabay ng pagpikit ng pagpapaubaya

ay pleybor ding itinimpla sa fruitcocktail na lata

na ninanamnam natin sa kani-kaniyang tasa.

hindi muna ako magtu-tutbras magdamag

dahil kung mabubura lang ang lasa

ng ating halik-pagpapaubaya

kahit ang tumimtim ng tubig-inumin

ayaw ko.

 

——————

Ang Almusal na Himutok ang Dighay

 

 

namimintog ngayon ang talukap ng mga mata

dahil kagabi, pinuyat ako ng biling-baligtad mong katawan

gising-gising ako ng iyong mga hik-bi’t singhot

kahit walang lumalabas na katiting na uhog sa iyong ilong.

tinatapik ako ng yugyog ng iyong balikat

at hinihimas wari ng iyong buhok ang aking ulirat

upang sandaling maalimpungatan.

hindi tayo nakapagdasal bago matulog.

ngayong umaga habang ika’y naghahain, natunugan ko

agad, may inihanda kang hindi natin paborito

una mong sinandok ang katahimikan

inihalayhay mo ito sa aking hapag at sabay pinausok

ang ilang buntong-hininga saka mo tinanggal ang takip

ng sorpresa mong almusal: panibugho.

sunud-sunod mong pinakalansing ang tasang laman

ay kulay-tsokolateng pagtatampo at inihanay mo

ang basong sinisidlan ng malamig na damdamin.

sa bawat subo, nagpipingkian ang iyong bagang

malulukot ang kutsara nang gayun-gayon lamang

kung hindi sinasalapang ng tinidor ang iyong pagkagat-

pagnguya sa hindi mo napalutong na ngitngit

nilulunok mo ng buo ang balumbon ng galit

habang hinihigop ko ang sariling laway na hindi nalalasahan

ang putahe ngayong umaga.

nabubulunan ka nang madalas, dahil tinitimpi mong

huwag sumabaw ang iyong mga mata;

nauumid ang iyong paghinga dahil ayaw mong sumimsim

kahit kaunting pampalubag-loob.

sapagkat barado ng mga na nahulog na mumo

ang siksikan ng iyong pag-unawa,

sumasablay ang ilan mong pagngata

sa mga titig kong tahimik na nagtatanong.

hindi ko tinapos ang ating pagkain

anupama’y hindi ko naman malulunok ang putaheng ito.

hindi ko sinimsim ang aroma ng tsokolate

gayunpama’y nananabik akong dulutan mo ng kape

iyong sintamis ng pulot na hain mo lagi

kapag maganda ang gising.

hinahanap ko ang matamis, wala.

hinihingan kita ng kaunting lamig-ulo

sapagkat hindi ako nabusog sa umagang ito.

kahit kumukulo ang pasensyang unti-unting napapanis

hindi muna ako ngayon mag-aalmusal

pupunuin lamang ng bawat gatil ng hindi mo pag-imik

ang sikmura ng aking pagtatanong;

lalamnan lamang ng alipawpaw ng hanging singaw

ang bitukang kukulubot sa naiipong utot

pagkatapos nitong almusal na dighay ang himutok.

 

——————-

Sulating Pangwakas

 

 

iniwan mo ang bolpen at notbuk

pati ang paborito mong aklat sa Matematika

at katulad ng dantaong kamatayan ni Rizal

dadapuan na lamang ng alikabok at anay

ang El Fili na kinagigiliwan mong basahin.

isinabmit mo ang pusyaw na bag

sa haligi ng inyong tahanan

at isisiper niya ito nang matagal

maaaring hindi mo na nga mabubuksan

o masisilip man lang

kung kumpleto pa ang mga akda mong pangarap

dahil ngayong umaga lang

isiningit mo sa pagitan ng aking hagulhol

ang liham pakikiramay

sa namatay na pag-asang lumipad

palayo sa putikang pabigat

sa hubad mong talampakan.

ipinasa mo, lakip ng liham-paglibang

walang hanggan

ang tuldok

sa sulating pangwakas

ng mga pahina

ng iyong bukas.

~sa magkapatid na Nisa Sharmaine at Nica Sarah, mga eskwela kong napilitang huminto sa pag-aaral at tumakas sa kanilang tahanan matapos ang katotohanan ng diskurso ng kahirapan sa linang~

 

——————-

Minsa’y Nagiging Incredible Hulk Ako

 

 

sa umpisa’y tumatayo ang aking balahibo.

kung ganito

gusto ko nang umuwi

kaya’t huwag akong pigilang

mag-alsa balutan

hindi ko na iniinda ang pagpipigil

at may titimbuwang

sa tapat ng bahay

pagyapak ng una kong daliri

sa paa

sisipain ko ang haharang

titimbuwang talaga

ang sasalubong

kahit babati lang

kung bakit naisip-isip ko pa

magbiyahe

ng maaga

hihimasin ng tata

-pik

sa aking balikat

ang kaniyang sariling panga

kumbakit dadantayan niya

ang aking balikat

gayong hindi naman yata

napipispis ng kaniyang palad

ang pag-aaring balat

ang isang hipo sa naninigas kong katawan

ay hipo ng pitonglibong higad

kapag ganito ang hilatsa

na inkredibul huk na

ang aking hininga

nag-uumpisa nang umalsa

ang aking mga litid

himulmol na ng asido

ang tambuklot na anus

sasabog ang lakas na bitbit

ng dalawang kamay

at lalasahan ng sinumang ngingisi

ang sariling laway

sasabaw ng dugo

ang kanyang bibig

maghahabulang tambol

mayor ang bagang at canine

palabas ng guwang

o papasok ng gulung-gulungan

huwag sanang sarado

ang c.r.

 

————-

iba pang kakawing na pandama

————-

Habagat

kinukumusta mo na naman ang Pugon

pagugulungin mo muli ang malalanding alon

papagurin mo ang ulilang kalyehon

at sasaluhin mo ang tagaktak ng pawis

sa likod ng iyong panahon.

lakad, m’estra! lakad, m’estro!

malapit na ba kayo?

bilis! naghihintay ang lunes

nag-aabang ang kliyentes

may dala ba kayong pansiksik

sa sentido ng mga paslit?

ay, ang dalampasigan ay kumakaway

sa talampakan ninyong walang ngalay

doon kayo mamaybay!

ay, huwag sa panot na Kandago

mataas pa ang araw

mauubos ang inyong lakas

masasaid ang inyong katas

isuot ang lumang ismagol

may dadaanang matinik!

ilang latang sardinas ang baon

ilang gatang ang pulun-pulon

huwag punuin ang bayong

aantak ang inyong likod

kung aadyo sa bundok.

nasukat n’yo na ba nang naka-apak

ang kilo-kilometrong ahon?

nasugsog na ba sa layo

ang layuning pumaroon?

mayroon bang sasalubong

kapag malapit na sa Pugon?

huwag agad maghintay ng biyernes

kapatid na m’estra

kaibigang m’estro

galit pa ang habagat

galit pa sa inyo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: