Nostaldya

~Para sa iyo Mommy: sa Ika-anim na Taong Anibersaryo ng Ating Kasal ngayong araw na ito~

habang umuusok pa ang dulot mong kape
at yakap-yakap ng aking mga palad ang nagpapawis na tasa
sinusundan ko ng tingin ang umiimbay mong balakang.

napansin ko lang, hindi na sing-seksi ang katawan mo
gaya noong bago tayo ikasal. iniisip ko rin
ang pagtugon mo marahil ng maraming “opo”
simula sa tanong ng pari hanggang sa panahong ito
ang nagdagdag ng taba sa iyong beywang.

balingkinitan ka noon, palihim kitang sinisipulan
walang nakaririnig sa matinis na silbato (sa puso ko lang ito)
hindi ka kasi kaladkarin gaya ng ibang nagladlad ng ganda
sa gitna ng kalsada. sinasabayan kita sa katanghalian
mapansin mong sa ilalim ng payong, hindi man ako guwaping
mabango pala ang iyong magiging mister, may apil
at pinaniwalaan mo ang aking pagyayabang
pangbente-kuwatro kang naging katipan, simula iyan
sa ating biruan: kasal-kasalan na ‘di natin akalain
matutuloy sa simbahan, isang araw, ang tudyu-tudyo lamang.

may mga gabing hindi ka nagpapatay ng ilaw.
naiiwang kaunting bukas, kaunting sarado ang bintana
at hinihintay mo ang haranang pinauso ko muli
matapos itong kalimutan ng panahong todo-bilis
ang paghipo sa kamay nang walang ligaw-ligaw
tulad kong hindi lumuhod at nagparamdam ng pagkabaliw
nalunod ka na lang sa aking tula’t paglalambing
hanggang isang umaga’y nagising tayong magkatabi’t
selyado ng mga halik ang hugis puso mong mga labi.

bago pa tayo naitatali sa paglagay sa tahimik
laking gulat natin, may tinuhog tayong magpinsan
nang hiwalayan natin ang ating mga kasintahan.
laking gulat natin, may tinuhog tayong mga puso
may inipon tayong mga luha sa nakaraang biglang tinuldukan
ng salitang kasal. anu’t anuman, naisip na rin nila
ngayong pang-anim na taon, hindi tayo sa kanila
kaya’t matatagalang maghahanap sila ng iba,
ikagugulat nila: wala na silang madedenggoy na gaya
nating moreno’t morena, waring sadyang pinagtiyap
ng umimbento ng banal na kasal.

kahit hirap kang lumakad patungong altar
upang katagpuin ang prinsipeng makakatambal
itinatago mo sa bulaklak na tangan ang kaliwang kamay
hinihimas mo ang umuumbok mong tiyan
na pinipintigan na noon ng apat na buwang sanggol;
ang kanan mong kamay, tuloy lang sa pagkaway
sa mga humahanga sa iyong tumingkad pang ganda
sa puti’t asul na trahe de boda.
ipinagyayabang mo bang ika’y magiging esposa ng lalaking
habulin ng magandang kapalaran?
(hehe!)

dumadaan ang araw, tinitikman natin ang sahog
sa lutuing inihanda sa mga ikinasal:
maasim na sabaw ng luha sa sopas ng kahirapan
pastilyas na panghimagas sa yumayabong na pagmamahal
mapait na pagtitimpi sa makukulit na anak
walang lasang tubig sa panahong walang imikan
at matapang na alak sa pagsasauli ng salita at yakap.

ngunit nakatatagal tayo sa sumpa ng mainit na kaning
biglang isinubo. may iniluwa ba tayo kahit isang mumo
kahit ang labi ay apuy-apoy na napapaso?
may nasayang bang segundo habang sabay tayong lumalago
kahit umiinom sa magkahiwalay na baso?
wala. wala dahil ito ang katumbas ng pagsang-ayon
sa isang seremonyas, matapos ang anim na taon.

ngayon, iniwan mo na ang iyong sarili.
nilimot mo na ang iyong pangalan at kaganapan
at ipinalaman mo sila sa mga tipak ng tinapay
na ating kakanin, ng bunso hanggang panganay:
ipinuhunan mo ang sariling apelyido at naghubad ng pagkatao
upang kuminang nang higit ang kagandahang ikaw mismo
ang nag-meyk ap, ang nagbiste-kuntodo.

wala namang nabago sa iyong ganda.
nangingiliti pa rin ang iyong mga ngiti.
higit ngayong nagbabaga ang iyong mga titig.
mas malandi ngayon ang kembot ng iyong balakang
dahil ganado ka sa araw-araw na pagpupustura
sa binuo nating pamilya.

June 25, 2011
6:00pm
San Francisco, Quezon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: