Osmosis I

Byron Aloysius V. Cuerdo

 

gusto kong magmukhang marumi, magkulay lumot

o libag na huwag ninyong kukutkutin kahit kailan

dahil gusto kong ganito na ako.

pinalalabas kong kusa ang uban sa ngidngid ng itim na buhok

pinagmamartsa ang ulatim sa pisngi at batok

ipinapahid ko rin nang sadya ang dusing at alikabok

sa buo kong katawan, sa buong katauhan

hanggang tila putukan sa bundok Banahaw ang singaw

ng balat at kilikili: umilag na lang kayo.

Natutuwa akong kumakapal ang asin sa aking balikat,

namimitak unti-unti ang mga ito sa kinis ng anit

at sa bawat pilantik ng ningas ng araw’y ipinapahid ng pawis

sa kabuuan ng likod at dibdib ang maputi-maalat na mapa.

nanghihinayang akong ihakbang ang mga paa nang may sapin:

mawawalang silbi ang pagdudumi kung hahalikan ng tsinelas

ang talampakang sanay nakaapak, natitinik

sa paghahabol sa maari pa nitong matalisod.

wala nang pagkakataong makilala pa ang mukha

sa tila maskarang anyo nitong pinakapal na bigote

at hindi ko muna ito pupungusin, ni gugupitan

magmukha na akong dagang-estero sa ganitong hilatsa

na pinaaalingasaw ang pabango ng kahirapan.

ipapakita ko sa inyo ang lahat ng ito dahil hubad ako ngayon

litaw ang utong, at mahihipo ninyo ang kumapit na balat sa buto

nang maipagtaka ng maraming wala na pala akong laman

kaya hindi na ako dapat nagdadamit:

tama na itong pang-ibabang magtatakip lamang sa moralidad

na asawa ko lamang ang nababaliw.

hindi na ako gagalaw kapag makapal na ang libag.

bawal ang magpawis sa hindi dapat pinapawisan

nang walang tumagas na katas sa sinusubing enerhiya

ng mga taong lagalag ang asin sa bituka.

~sa mga walang ma-labor, ayaw mag-labor, takot mag-labor, walang planong mag-labor, walang alam i-labor, labor ng labor ay walang napapala sa kali-labor sa pagdiriwang ng Labor Day.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: