subasko

subasko

(at kung bakit kinatatakutan ang pagsulpot ng mga pangalan nito)

-from Alexander de Juan’s photo collection Filipino Values

Tumulay na naman ang pagpula ng araw

At may mga kabalyerong nakasakay

Sa mga karwahe ng kulog.

Tumutudla sila ng kidlat

Takot, at nangangalirong ang mga hukot

At mga ibong simbahan lang

Ang hindi sumisiksik

Sa mga sandalang lawanit at kawayan.

Sumasagitsit ang tubig baha

Sa zigzag na sikmura

Nila Florante at Laura;

Magkaibigang dila sila ulan at bato

Sa paglibing ng dilim sa Real at Infanta.

Sisipol na lintik ang mga hanging lubid

Na nagtataglay ng apelyidong “kamatayan,

Pahamak, at Libingan”

samantalang Lulutang sansaglit sa malibag na langit

ang “Ama Namin” na sadyang agunyas lamang

Sa ilalim ng di-kilalang pag-asa.

Kumpleto na ang magkakapatid na kabalyero.

Kakarerahin nila ang mga lansangang

Tirahan nila Bentoy at Buniknik

(at itatanong ko kung ang naniniwala sa feng shui

Ay nagbibigay ng pangalang katunog ng “limahid”).

Sa bawat dagundong ng kanilang talampakan

Ipakikilala nila ang kanilang pangalan

At ang anunsyo sa kanilang pagdalaw

Ay Punebreng kamalig ng takot

Sa mga walang makakapitan:

Susuwagin silang tila mga titibaing saging

Sasagpangin silang tila payat na hamburdyer.

Kasapakat nila ang dilim

Sapagkat dito sila humihimlay;

May kapangyarihan silang taglay

Upang tumawag ng pangalang papanaw

Sa hilera ng mga kuting –

Walang lubid ang makagagapos sa ulyaning mag-anak

Na hihila pabalik sa naimpis na kapatid

O Ina, o Ama, na nilamon ng alon

Sa mga korte ng ilog at karagatan

Saka sila manghihinayang sa nabaklas na basurang

Tinatawag nilang bahay.

Sanlibo’t isa ang trumpetang inihuhudyat

Sa pagtawag ng pangalan;

Medalya silang sabit sa bawat kabalyerong dadaan.

Sanlibo’t isa ang tambol at kwerdas

Na nag-aanyaya ng pangamba at pag-iyak.

Humahatsing sila ng plema ng bagsik

Ngunit hindi sila dudumura ng laway ng awa.

Papagkit sa mga silid at bubong ng kaawa-awang nilalang

Ang kasakiman ng taglamig

At ang pamamaluktot sa kapural na kumot

Ay hindi magtataklob ng tapang sa ginaw.

(sa loob ng aking bahay kukumutin naming mag-anak

Ang tarpaulin ni kagawad sa poste ng simbahan).

Ay, subasko!

Ang mga pangalan mo’y diksyunaryo’t tala

Sa PAG-ASA’t pahayagan;

Listahan ng pagkalam sa alaala ng lansangan.

(at ibubulong ko:

“sa kwartel ng mga alpombra

may kumot ang mga binyagan,

wala pang subasko ang nakilala nilang palayaw”)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: