a.k.a Serdyent Kudyamat

a.k.a. Serdyent Kudyamat

Born: Aug. 22, 2010

Died: Aug. 22, 2010 R.I.P

Iyun lang. Walang totoong pangalan, apelido, at sa kwentada ng kaniyang edad, walang sapat na petsa para sa kaniyang kapanganakan at isinapantaha ng ilang nagmalasakit na ang kaniyang kaarawan ay kaniya ring kamatayan.

Hindi siya kilala, samakat’wid, at binansagan kong bastardo ang ukit na in Loving Memory of Family and Friends sa itaas ng lapida. Sino’ng abnormal ang naglagay nito kung ganoong isang petalya lamang ng kampupot ang nakasabog sa ibabaw ng kaniyang bagong kampo?

Niradyuhan daw ni Pfc si Serdyent kahapon, untag ni Marcing embalsamador. May engkwentro sa Barangay Dos at kailangan si Kudyamat sa hanay ng reinforcement. Hindi nito nagawa ang rutin ng pagmamartsa ng ilang “pasulong ‘kad at kanang panig na!” bago ito sumalida sa putukan. Bumalikwas na lang ito’t hindi nag-almusal, sumugod na hila ang namamagang kanang binti. Hindi na rin ito nagpalit ng full battle gear, na hindi naman talaga napapalitan dahil walang dumarating na suplay sa Unbeatable 154thIB 66thID na dati raw nitong kampo. Naghihintay ang helipoter, bulong daw nito, saka isinakbit ang bagong imbensyong baril – nangingintab ang pilak na pintura sa inihapulas na grasa.

Ang baril ay may mga elementong kapareho ng iba, pinagsama-samang sandata sa isang kalabitan: porti-payb, eykey porti-seben, armalayt, at basoka (ganito niya ito banggitin) at isinulat niya sa puluhan nito ang Porkelaytka. Butt ng armalayt ang puluhan ng porti-payb. Nakapatong sa ibabaw nito ang firing chamber ng eykey at hinang sa tigkabilaan ang dalawang malalaking bariles ng basoka, isa ang nakatutok sa kanan at ang isa’y sa kaliwa. Isang kordon ng telepono ang nakasalpak sa butt, ang kabilang dulo’y sa ibabaw ng helmet. Largabista ang ginagamit nitong sight at wala itong magasin. Kung tatanungin kung saan nanggagaling ang bala, “wala itong magasin, sa utak ko nanggagaling ang dragon balls”, sasagot ni Serdyent.

Ayon sa kaniya’y naka-planta na ang imbensyong ito sa kaniyang utak bago pa siya ipanganak (kaya ang kabilang dulo ng kordon ay sa helmet nakapugal). Ipinamana ito ng kaniyang ama na isang panday, at inang sinungaling sa anak na siya raw ay matino at hindi bastardo. Nasaksihan ko na ang ilang putukan na sinubukan ni Serdyent Kudyamat na walang pagpapalit ng full battle gear. At karaniwang higit pang maingay ang bibig ni Serdyent kapag kinakalabit nito ang gatilyo ng kaniyang baril. Wala siyang napapatay, ngunit marami na siyang tinamaan. “’lam ko ‘to…basa ko ‘to. art op wor, indi klangan mamatay…paralisan lang ba…matu-og! Pagmuwat, tama sila! ”, ituturo ang dibdib.

Kalaban niya ang dump truck ng munisipyo, tangke ito ng mga sundalong German at pinuputukan niya ito hanggang nakaliliko na sa kanto ng punerarya. Kung mapaos siya sa kapuputok, ihahagis niya ang isang talop na lata ng sardinas sa ilalim ng trak, at sa huling lakas ng kaniyang tinig malakas ang alimpuyo ng “kaptsung” na pagsabog, ano’t siya rin ang gugulong at mamamatay. Sa gabi na siya muling mabubuhay kung saan siya huling tinamaan. Kalaban niya ang mga traysikel sa tapat ng punerarya. Mga behikulo ito ng mga espiya ng Rusya, at walang traysikel doon ang walang tama ng bala ng kaniyang Porkelaytka. Kalaban niya ang bisekleta, ito raw ang pinaka-idyot na naimbento ng tao dahil tumatakbo’y walang makina. Suhestiyon niyang lagyan ng pormalin ang mga goma nito upang lumipad na pa-buwan. Kalaban niya si Ising magsasaging, si Isaganing magbabalot, si Bise Choi na nagtatapon ng bulok na siopao kaysa itapon sa kanya at tinawag siya ni Serdyent na Loytinent Susuka.

Sa ilang pagtatambay ko sa tapat ng punerarya, lagi niyang inuungkat kung nagugustuhan ko raw ang putok ng kaniyang baril, “oo” sabi ko. Kung nakikita ko raw tinatamaan ang kaniyang pinutukan, “oo, paralisado sila”, sabi ko. Kung pamilyar na raw ba ako sa kaniyang baril, “matagal na”, sabi ko. Matagal na. Simula ng ako’y makapag-asawa’t lumipat ng tirahan, hindi ko na siya nakita, nabalitaan man lang. Aksidente lang itong araw’t dito sa sarili kong bayan inabot ng pagsilang sa ikatlo ang aking asawa.

Si Marcing ang nagbalita sa akin. Umuwi sa punerarya si Serdyent, galing daw sa engkwentro. Gumagapang at patindi nang patindi ang hagok. Hinahabol niya ang hininga. Nakatingin si Ising, tinakluban nito ng plastik ang iniihaw na saging. Ngingisi-ngisi si Isagani, inaabutan ng sandakot na asin si Serdyent. Nagbabalot si Loytinant Susuka ng siopao at sumigaw ito ng “kalabaaaannnn!”. Re-tsards…re-tsards…hingal ni Serdyent. Binulatlat nito ang bag na sabi niya’y badge ng kaniyang ranggo si Spongebob. Ubos na ang pancit canton na dinukwang niya sa mesang imbalsamuhan na siya rin niyang hapag-kainan. Gumanti siya ng ilang putok ngunit walang tinig na lumabas sa kaniyang bibig. Bumusarga sa kaniyang ilong at ang marami pa nito sa kaniyang nangangatal na labi ang maitim-itim na dugo, umaagos na tila sa ginilitang manok.

May tama si Serdyent sa ulo! Po…porkelayt…ka…itinutok niya ang imbensyon kay Ising, at nanginig kunwari ang pinutukan. Pork…kelayt…ka…iniumang kasunod kay Isagani ang baril. Binato nito ng asin si Serdyent at humalo ang ilang piraso nito sa kaniyang mata, hindi niya ito ininda. Pumorma siyang sniper, iinut-unot, at muling pumutok ng Porke…layt…ka…huli kay Bise Choi, at tulala itong tinitignan ang papalakas-papahinang panginginig ng katawan ni Serdyent. Isang mahinang putok sa kaniyang lalamunan ang nagparalisa sa mga taong nakatingin sa kanya, at ang mabahong singaw ng full battle gear ay lalong umalingasaw sa nadagdag na lansa ng dugo buhat sa bibig ni Serdyent.

Kaharap ko ang baril, ang Porkelaytka, sa kaniyang puntod. Dinampot ko ito na may balot ng plastik ang kamay. Itinutok ko ito sa langit at isang gun salute ang pinakawalan: blam! Sa huling putok, binilang ko ang ilang tinamaan nito: butiki, hagdan, rosas, si Gloria, alon, dapithapon, gutom, sanggol, pagniniig, pag-ibig. Marami pa.

Bastardo ngayon ang kaisipang sa araw na ito siya isinilang, at ang araw na ito rin ang kaniyang kamatayan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: