Ang Pagbabagong Anyo ni Benito

            Napalundag sa takot si Benito. Halos tumayo lahat ng kanyang balahibo nang makapa niya ang kanyang mga paa. Tinutubuan ng mga ga-buhok na ugat ang kanyang dalawang talampakan!

Inayyyyy! ang malakas niyang tawag.  Tinutubuan ng mga ugat ang aking talampakan!  Itinihaya niya ang kaniyang mga paa at ipinakita sa kanyang Inay Nita ang sinasabing mga ugat.

Napahalakhak si Aling Nita.  Hindi ka kasi naglinis ng talampakan bago magmedyas.  Hindi ugat ang mga iyan kundi duming namuo dahil sa maling paghuhugas.

Kinapa ni Benito ang kaniyang talampakan.  Ugat talaga sila Inay!  Naiiyak niyang bulalas.  Nakakapa ko sila!

Sinamahan ni Aling Nita si Benito sa banyo at tinulungang kuskusin ng ispongha ang mga talampakan.  Pagkatapos mong kuskusin ang iyong mga talampakan, mawawala na ang mga ugat, Benito.  Saka ka magsuot ng medyas at sapatos.  Hali at tatanghaliin ka sa pagpasok.

Hindi natanggal ng sabon at ispongha ang mga tumutubong ugat.  Minabuti niyang huwag na itong sabihin sa ina dahil hindi rin lang naman siya nito paniniwalaan.  Ikukuwento niya ito sa kanyang kaibigang si Marlon sa paaralan, pagdating niya doon.

Tumutulo ang luha ni Benito habang naglalakad.  Sumasakit kasi ang kaniyang talampakan.  Pakiramdam niya, lalong humahaba ang mga ugat sa bawat hakbang.

Tinutubuan ako ng ugat sa talampakan, Marlon.  Sinabi ko sa Inay ngunit ayaw niya akong paniwalaan.  Huminto sila sandali sa tapat ng paaralan.  Hinila niya ang kaibigan at umupo sa upuang kawayan. Mabilis niyang hinubad ang sapatos at medyas at ipinakita ang mga paa.  Nagulat si Marlon habang kinakapa ang mga paa ng kaibigan.

Pareho tayo, Benito!  Napatindig si Marlon.  Dali-dali rin nitong hinubad ang sapatos at ipinakita ang mga talampakan.  Ugat nga sila!  Pareho ng sa iyo!  Ayaw lang akong paniwalaan ng Inay!  Pagkatapos ng klase, samahan mo ako sa bahay, sasabihin natin ito sa mga Inay at Itay!,  dugtong ni Marlon.

 

Kahit masakit ang mga paa, pinilit ng magkaibigan na pumasok sa kanilang silid-aralan.  Laking gulat nila ng makitang walang tao sa silid!  Kahit sa buong paaralan ay walang ibang mag-aaral kundi sila lang dalawa!

Absent ang mga kaklase ninyo,  Marlon at Benito.  Lahat sila’y nagpasabing maysakit at kayo lang ang pumasok.    Makabubuting umuwi na kayo.   Sapantaha ng principal na biglaang tinamaan ng epidemya ngayon lang umaga ang ating bayan at mapanganib ito sa inyong mga bata.  Wika ni Binibining Cantos.

Alam nila ang ibig sabihin ng epidemya: pagkalat ng isang uri ng sakit.  Nagkatinginan ang magkaibigan.  Maari kayang tinutubuan din ng mga ugat ang talampakan ng kanilang mga kaklase?

 

 Dalawin natin sila, Marlon!  Yakag ni Benito sa kaibigan.  Iika-ika silang lumakad patungo sa bahay ng pinakamalapit nilang kaklase.  May nais silang patunayan.

Patuloy ang paghaba ng mga ugat sa kanilang mga talampakan.  Masakit ng ihakbang ang mga ito kaya’t tinanggal na nila ang kanilang mga sapatos.  Liyad na silang maglakad.

Hindi ako nagkamali! Lahat ng ating kaklase ay tinutubuan ng ugat sa talampakan, Marlon!  Iyak ni Benito sa kaibigan matapos dalawin ang lahat ng kaklase.  Hindi lang ikaw at ako, hindi lang tayo!  Lahat ng bata sa ating bayan ay mayroon na nito!  Hindi malaman ng dalawa ang gagawin.  Sumalampak sila sa damuhan at nagsimulang humagulhol.

Ngayo’y mahigit nang dalawang dangkal ang mga ugat, at buhay sila!  Gumagalaw ang mga ugat!  Tila malalaking paa ng alupihan ang mga ugat!  Bigla, kinaladkad sila ng mga ito patungo sa kagubatan.  Hindi nila makontrol ang paghila ng mga ito sa kanilang dalawa.  Nangungunyapit sa mga lupa at nadadaanang layak ang mga ugat!  Iyak ng iyak ang magkaibigan habang humihingi ng tulong, anupa’t walang nakaririnig sa kanila.

Dinala sila ng mga ugat sa harap ng isang matanda at higanteng puno ng balete.  Pumagaspas ang mga dahon nito.  Gumalaw-galaw ang mga nakalawit na baging na tila nasisiyahan sa kanilang pagdating.  Nabungkal ang lupang kinababaunan ng mga ugat nito at nagsimulang humakbang patungo sa kanilang dalawa.  Nakabibingi ang yabag ng mga ugat ng balete.  Marahan itong huminto sa kanilang harapan, pagkaraa’y yumukod sa magkaibigan.

Lumitaw sa katawan ng puno ang pares ng malalaking mata at maluwang na bibig!  Lumangitngit ang malalabay nitong sanga at dahan-dahan silang hinaplos sa mukha.  Halos madurog ang kanilang mga katawan nang yakapin sila ng mga sanga ng balete..

Tawagin ninyo akong Ugatpoon, Benito.   Ako ang inyong ama.  Wika ng puno.

 

Hindi makapaniwala si Marlon at Benito sa narinig.  Paano sila magiging anak nito gayong ito ay puno at sila ay mga tao?  Dilat na dilat ang kanilang mga matang nakatitig sa nagsasalitang puno.  Nanginginig ang kanilang mga balikat sa takot!

Sumasanib na sa inyong katawan ang mga espiritu ng kakahuyan.  Sa loob ng ilang sandali ay magiging ganap na rin kayong mga punongkahoy.  Sabi pa nito.

Sa kanilang pagkagilalas, unti-unting binabalot ng maliliit na dahon ang kanilang ulo.  Parang kinukurot ang kanilang anit sa pagtubo ng mga batang dahon mula dito.  Ang kanilang mga kamay at braso ay lumulutong at nagiging mga sanga.  Kumukulubot na rin ang kanilang mga hita at binti.  Nakukumpleto na ang pagsanib ng espiritu ng kakahuyan sa lahat ng mga bata sa kanilang bayan!

Bakit kami kailangang maging puno, Ugatpoon?  Naitanong sa wakas ni Benito.

Ubos na ang lahing-kahoy, Benito.  Wala ng nagnanais pang magtanim ng puno sa inyong bayan.  Patuloy nilang pinuputol ang ating lahi.  Kung mauubos ang lahing-kahoy, mamamatay ang lahing-tao.  Bilang pagsasakripisyo, lahat ng bata sa inyong bayan ay magiging alay-tanim na puno upang manatili ang lahing-tao.  Sa inyo magmumula ang mga bagong pagkain.  Mamumunga kayo ng iba’t ibang prutas.  Mula sa inyong mga dugo at laman, bubusugin ninyo ang inyong mga kababayan.  Ayaw ba ninyo nito, Benito?

Tumawa ito ng malakas.  Dumagundong sa buong kakahuyan ang kanyang halakhak.  Simpuno!  Pagalit nitong sigaw.

 

Pagkasabi nito, tuluyan nang lumutong ang mga balat ni Benito at Marlon, simula ulo hanggang talampakan.  Unti-unting bumabaon sa lupa ang kanilang mga binti saka binalot ng makapal na dahon ang kanilang mga ulo.  Ganap na silang puno.  Naghari ang kadiliman sa kanilang paligid.  Wala na silang makita.

Napasigaw si Benito nang halos mabali ang kaniyang braso sa malakas na tapik ni Marlon.  Tulog ka na naman?  Tanong ng kaibigan.

Nanlaki ang mga mata ni Benito, kinusut-kusot ang mga ito ng kanyang hintuturo saka iginala ang paningin.  Nasa loob siya ng silid-aralan. Nakatulog pala siya pagkatapos ng recess.  Madali niyang hinubad ang sapatos at medyas saka kinapa ang talampakan.  Wala ang mga ugat!  Iginalaw-galaw niya ang kaniyang mga bisig, kamay, at daliri.  Hindi malulutong ang mga iyon!  Hindi sila naging sanga!  Sinabunutan niya ang kanyang buhok, hindi rin naging dahon ang mga iyon!  Nanaginip siya!

Nan…nanaginip ako Marlon!  Sabi niya sa kaibigan.

 

Ngumiti si Marlon.  Ako rin Benito, nanaginip rin akoNanaginip tayong lahat.  Sagot nito saka itinuro ang mga kaklase.

Nagtatakang iginala ni Benito ang paningin sa loob ng silid-aralan.  Lahat ng kaniyang kaklase ay nakangiti sa kaniya.  Nakangiti rin si Bb. Cantos.

Tila nahimasmasan si Benito.  Uhaw na uhaw siya.  Sinubukan niyang tumayo.  Nais niyang kumuha ng tubig sa kantina ngunit hindi niya maigalaw ang kaniyang katawan.

Nakadugtong ang kaniyang likod sa isang mabilog na ugat ng kahoy.

Sumisibol na ang bago niyang anyo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: