Salamin

Pinalalayo ko na siya sa akin at sa mga bata.  Hindi lang dalawang taon, maaring lampas pa doon, kung gugustuhin niya.

 

Impit at mariin ang mga hagulhol ng aking asawa kagabi. Isa-isa niyang niyakap ang aming mga tulog na tulog na anak, simula sa panganay hanggang sa bunso.  Sa bawat halik niya sa mga ito, mayroon siyang ibinubulong sa pagitan ng mga hagulhol.

 

Galingan mo pa, anak ha?

Lagi kang susunod kay Daddy.

Hindi na kita makikitang magsimulang lumakad at tumakbo, bunso.

 

Ibinilin niya sa akin ang mga dapat kong gawin para sa mga bata.  Sa paputul-putol na habilin, tinitiyak niyang masusunod ko ang mga dapat gawin.  Sa limang taong kasama niya ang mga bata sa bahay, kabisado na niya ang lahat –  lakas at kahinaan ng aming mga anak.

 

Pagkatapos haplusin ang mga dibdib at likod ng mga bata, binuklat niya ang kanyang transcript, isinalansan ang iba pang dokumento at ipinatong sa ibabaw ng kanyang mga damit sa bag na dadalhin pag-alis.  Hindi siya natulog, paisa-isang inilalagay sa dibdib ang mga bata.  Hindi siya nagsasawa.

 

Kaninang umaga sa harap ng salamin, marahan niyang sinuklay ang gulo niyang buhok.  Pinahiran ng kaunting lipstick ang mga labi, hindi siya nagpulbos.  Sa suot niyang asul na maong at puting blouse, muling lumutang ang kanyang dating anyo bago kami ikasal.  Mapait siyang ngumiti, alam ko, unti-unti na niyang nakikilala ulit ang sarili.

 

Sa kanyang paghakbang palayo sa pinto ng aming bahay, alam kong babalik siyang taglay muli at pasalubong sa aming mag-aama ang kaniyang sariling pangalan.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: