Sulat

Ika-14 ng Pebrero 2011

Jojo,

Pasalamat tayo’t nadalaw dito si Mia, napakisuyuan kong i-abot sa iyo itong sulat.  Mukhang may problema ang hipag mo, tinatanong ko’y puro lang hikbi at pisil sa aking braso ang sagot.  Iniisip marahil ang mga nahiram na pera sa akin, pero sabi ko’y huwag nang paka-isipin iyun.  Hindi naman siya kako humihingi ng kahit ano sa pag-aalaga ng mga anak natin, isipin na lang niya ikako na bayad ko na lang sa kanya ang mga nahiram na pera.  Hindi naman kalakihan e.

Siyanga pala, naka-istepler dito sa sulat ang tatlunlibo’t limandaan.  Naka-cash advance ako kay Sir Robert.  Marso na, alam mo naman ang gastusin ng mga bata sa pagtatapos ng taon sa eskwelahan.  Bahala ka ng magbadyet sa pera.  Magpansit ka kahit kaunti para kay Leo, graduation niya, ‘di ba?  Hindi ako makaka-uwi, iskedyul ng excursion ng alaga ko sa katapusan.

Jo, magugulat ka sigurado, uuwi na ako diyan sa Abril!  Pitong taon na ako dito sa Maynila at iisang beses pa lang ako nakauwi simula ng magtrabaho dito.  Kung may signal man lang sana ang cellphone diyan, regular ko kayong makakausap.  Wala naman akong problema sa trabaho, mabait ang amo ko at ang aking alaga.  Pero para pa rin akong naninibago dito.  Kahit nasa medyo labas ng Maynila ang mansyon, nami-miss ko pa rin ang buhay sa probinsya.  Madalang ko ng makita sa gabi ang mga bituin dito, kahit ang buwan, lagi na lang natatakpan ng  malalaking panaflex, billboard, at mga ilaw ng siyudad.  Nakakasilaw.  Hindi rin katulad diyan ang hangin dito, lagi akong nasusuka.  Ang ingay din, lalo na sa gabi, malapit lang kasi sa highway ang tinutuluyan ko.  Sa likod nito ang pabrika ng papel ng aking amo.  Naku, napaka-ingay!

Hindi naman sa kung ano ang ikinatatakot ko, kaya ako uuwi.  Naaalala kita, kayo, gabi-gabi.  Natatakot akong baka makalimutan ko na naghihintay kayo sa akin.  Pero sa ganitong madalang kong makita ang buwan at bituin sa kalawakan ng Maynila, baka wala ng magpaalala sa akin na naririyan pa kayo.  Kaya natatakot ako.

O siya, nagdadrama na ako.  Hehe!  Bahala ka na muna sa mga bata (uli).  Hintayin ninyo ako sa Abril, sosorpresahin ko kayo.  Pasyal tayo ng mga bata sa gulod at hulo pag-uwi ko.  Pakihalik ako sa iyo (ang aking buwan) at sa mga bata (ang aking mga bituin).

Issa

p.s.: Kausapin mong mabuti ang hipag mo, huwag kamong mag-alala.

———-

sagot:

Ika-18 ng Pebrero 2011

Issa,

Hindi ka na dapat nag-abala sa gradwesyon ni Leo.  Ini-reserba ko na ang kikitain ko sa pagpipiyon sa konstraksyon sa susunod na buwan.  Ibinigay ko kay Mia lahat ng padala mo, gagamitin niyang pampa-tsek-ap.  Buntis siya.

Huwag mo ng isipin ang pag-uwi dito sa probinsya.  Sa loob lamang ng tatlong buwan, wala ng ipagkakaiba sa Maynila ang ating lugar.  Kinayod na ng buldoser ang hulo noon pang isang taon, pagtatayuan ng subdibisyon.  Ang gulod ng bayan, kasama ang lupa natin, ay ginagawa nang golf course.  Tarantado ang gobernador, ibinenta ang probinsya para sa komersyo.  Hindi mo na rin makikita ang buwan at bituin dito.  Huwag ka ng mangarap na makikita mo pa ang mga iyan pag-uwi mo.

May sasabihin sa iyo si Mia, huwag kang magugulat.

Jojo

p.s.: 09993077241 – Cp namber ni Leo

———

Ika-1 ng Abril 2011

Jojo,

Kamusta na si Mia?  Nakuha ko na ang resulta ng ultra sound.  Ipapa-LBC ko ang resulta, sasamahan ko na rin ng ilang bote ng vitamins para sa kanya at sa baby.  Pinasasabi rin ng doktor, iwasan ang mabibigat na gawain.  Hindi normal ang laki ng bata, malaki kaysa sa kanyang kasalukuyang edad, kaya kailangan ang dobleng ingat.  Sinadya ko na rin ang pagbili ng baby book, may mga mapagpipiliang pangalan sa likod nito para sa kanya.

Hindi ko makontak sa cellphone si Leo kahapon.  Babatiin ko sana siya sa kanyang graduation.  Wala ka bang sarilingcellphone?  Maibibili kita ng isa dito, mas mura kaysa sa mga naririyan sa atin.  Mabuting mayroon ka nito, makukumusta ko ng madalas si Mia at ang mga bata.  Nabanggit sa akin ni Mia na binayaran ng kontraktor ang lupang nasakop ng ginagawang golf course sa gulod. Mangyaring itabi mo sana ang pera.  I-bangko mo muna.  Sa pangalan mo.  Magagamit n’yo iyan sa panganganak ni Mia.

Saan sa Bicol n’yo planong manirahan pagkapanganak ni Mia?  Hindi ko itinatanong kung saan para malaman, para lang sana may masasaglitan ako sa pangungumusta sa mga anak ko kung may pagkakataong gusto ko silang dalawin.  Hindi na rin ba talaga mababago ang desisyon mong iwan sa akin si Ursa?  Si Leo ay mas malapit sa iyo kaya hindi ko na inaamot.

Mag-text kamo si Leo at pasabihan ako kung kailan kayo luluwas ng Bicol para maka-uwi na ako diyan.  Pero payo ko sana’y higit na maaga bago manganak si Mia para maiwasan na ang mga usap-usapan tungkol sa nangyari sa ating pamilya.  Nakakaawa naman ang kapatid ko.

Wala na ako sa mansyon.  Nagpalipat ako sa gawaan ng papel.  Ayaw ko na doon, masyadong tahimik.  Para lang akong pinapatay pag nag-iisa.

Pakisabi kay Leo at Ursa, mahal na mahal ko sila.  Mahal pa rin kita Jojo.

Issa

———–

walang sagot

text message:

9/15/2011

2:00 a.m.

fr:  BITUING LEO

1/3

Issa ptay na c mia

ndi nkyanan pngnganak

khpon.  d2 kmi sa Naga.

naubusan ng 2big

at d agd nabyak

ng dktor pra sa CS

bhay ang bata

and2 na cLa tatay

at iuuwi nmin ang

bngkay bkas. hnahan…

9/15/2011

2:00 a.m.

fr:  BITUING LEO

2/3

…ap ka ni mia

bgo mmtay at

hmhingi ng sori

sau. my pngaLan

na ang baby

mia isabeL, mia

na rn ang pLyaw

yan ang gs2 ni

mia. pmyag aq dhL

ayw dw nya mwala

sau. issa ptawa…

9/15/2011

2:00 a.m.

fr:  BITUING LEO

3/3

…rin mo rn aq. ndi

q gs2 ang ngyari. hna-

hanap k nmin ng mga

anak mo at ndi ang

mga pndadala mo

dhL kaya q nman kau

bhayin mag-iina

. mg-usap tau pag-

uwi mo sa atin. hnap

hnap k na rn niLa

Ursa at Leo.

~Jojo

———

sagot:

9/15/2011

5:30 a.m.

fr:  09289806729

1/1

kaawa-awa kong kapatid.

uuwi ako sa isang araw

pagkatapos ng aking

check-up. kasama ko

si Robert, may ari ng

mansyon at pagawaan ng

papel. sa kanya ang gamit

kong CP.

~Issa


Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: