PERSONAL NA BAGAY
Hindi Naman Talaga Ako Makata
Hindi naman talaga ako makata
o manlilikha ng tula.
akala n’yo lang iyon
dahil nakakapaghanay ako ng salita
may tugma man o wala
may sukat man o malaya.
paumanhin.
ang makata kasi,
sabi ni German, ay may sukatan.
may nabubuong larawan
sa loob ng tula
at may kumikisaw na damdamin
sa bawat linya.
hindi ko nagagawa ang batas
sa pagsulat
dahil hindi ako nakaguguhit
ng larawan
ni nakapagpapakislig ng kiliti
sa aking mga oda.
sabihin na lang
malibog ako
at anak ako ni Veronica
palahi ni Williardo
na naglalaro ng damdamin
sa dila
at nangingiliti ng totoong tao
na inaalayan ng wagas na katha
na hindi nakakikilala
o nakasusulat ng tula.
ang makata yata
ay hindi lang rosas
ang bulaklak ng mga obra.
ang makata yata
ay hindi lang pagdama
o kiliti ng pagmamahal
sa asawa o kasintahan
ang tagisan ng paglikha
na hindi naman nasasapuso
kahit tinutula.
tumutula lamang ako
kapag kailangan.
kapag kailangang gisingin
ang hindi nakauunawa sa sukat
o tugma
o batas ng pag-ibig
na hindi lang basta sinta
o paghahanay ng mga salita
ang pinupuntirya.
marami kasi ang nagmamakata
kahit iisa lang ang tula.
Ang Makinarya Ng Pagtula
ang makata’y manggagawa rin
-John Bello
bingi tayo sa katahimikang hinihiling sa kalagitnaan ng pagdildil
hanggang hindi kumakapal ang kalyo sa palad, kamay, utak
at iniisip nating pagkatapos ng galit ng mga makinarya
uuwi tayong may pasalubong sa anak na salitang kinatha
sa tinta ng pawis, grasa at langis, saka kikinisin nitong palad
ang papel na lukbutang kamukha ng nilamutak na damit:
pansit na mahaba ang hain sa hapag kainang surot ang kaagaw
langaw ang umaawit gayong walang tinidor na pambugaw
isisigaw kong ang taraktak ng makina at pasalubong sa asawa
ay isa ng tulang sinipi sa marubdob na paggawa.
Masasanay Rin Ako I
matapos kong siksikin
ng damdaming-gamot ang aking mga sugat,
nasasanay na rin ako.
ewan ko,
hindi naman ako dapat
nagbubuhat ng mga patay na puno
na aksidenteng bumagsak
sa bakuran nitong tahimik kong pagbubulay-bulay,
pinagpapawis ko ang dibdib
sa pag-aalala sa mabubulok na panaginip
kung hindi ko sila ididispatsa.
gusto ko lang –
maging maaliwalas muli ang dilantera
ng aking pakiramdam.
sino nga ba namang kapitbahay
ang magsusukit-sukit ng mabigat na damdamin
na hindi nila pakialam?
kaya’t heto,
bitbit ang palakol sa aking kamay
tinatabtab ko unti-unti ang katawan
ng alinlangan
nilalagari ko ang mga luha
na hindi na yata mapuputol
habang hinihila ko’t pinapasan
ang mga patay na puno
ng iyong puso
na binuwal ng malakas na hangin
ng iyong nakaraan
binibigkis ko ng baging
ng buhul-buhol na panibugho
ang mga siit ng kalungkutang
tumubo nang kusa
kapag naaalala kong
kasama ka nilang nabuwal.
iyan ang dahilan
ng aking pagkakasugat, mahal.
ngunit sabi ko lang,
may natitira pang sanga ng pag-asa
sa iyong ugat;
may tutubo pang bubot na dahon
sa paklang ng iyong mga pilat.
pagtitiyagaan kitang itanim muli.
babakuran kita ng biyas
ng mga patay na puno ng iyong kahapon
upang maalala mong
hindi ka pala tuluyang nilanta’t nilunod
ng rumagasang baha ng kasawian.
at kahit paulit-ulit akong nagagalusan
sa pagpapasan ng mga patay na puno
sa iyong dibdib, huwag kang mag-alala
dahil nasasanay na ako.
masasanay rin ako.
Masasanay Rin AKo II
Hindi na yata epektado ang reseta ng pagtitimpi
sa aking pagkakasugat
At tila hindi pa rin ako nasasanay.
Ang Saplot na Sadyang Tinabas Para sa Atin
walang sukat ang bagong bihis nating damit
dahil sumasabay tayo sa uso ng panahong maluwag
ang mga damdamin sa ilalim ng makinang nagtatahi
ng bulsa para sa pagdama.
komportable tayong suot ang saplot na ito
kahit hindi natin batid kung sino ang may disenyo
ng laylay hanggang dibdib na paha ng pag-ibig.
niyayari ng ating mananahi ang pundilyo ng pagpapaubaya
tinutupi niya ang manggas upang doon isuksok
ang bawat gunita na laman ng ating pagtatagpo.
kuwelyo natin ang puting pintig ng puso.
pinagdidikit ng pulang sinulid ang ating mga labi
at may sintas itong nagbibigkis sa hubad nating katawan.
ibinubutones ng ating mga daliri, sabay tayo,
ang ilang bulong sa bakanteng oras
na yakap natin ang mga balikat, ang mga palad
na ito muna ang ating damit-panlabas
bukod pa ang nag-iisang damit-panloob:
ito, sana, ay hindi masulyapan ng iba.
ayaw kong maagaw ng iba ang disenyong ito.
gusto kong isiping atin lamang ang ganitong tabas
na susuutin natin sa pamamasyal araw-araw
dahil, komportable tayong suot ang ating saplot
na laylay hanggang dibdib ang paha ng pag-ibig.
kung mayroon mang panahong magpapaluma sa kulay,
sa uso, sa pagkakasukat sa ating katawan
at isang hapon ay matatagpuan ng ating pandama
na kumukupas ang sukat, humigpit o lumuwag
saka mapunit ang lahat ng pagkakatahi ng damit na ito
sasadyain ko ang lahat ng patahian ng daigdig
upang sulsihan ang napupunit nating pag-ibig.
Nostaldya
habang umuusok pa ang dulot mong kape
at yakap-yakap ng aking mga palad ang nagpapawis na tasa,
sinusundan ko ng tingin ang umiimbay mong balakang.
napansin ko lang, hindi na sing-seksi ang katawan mo
gaya noong bago tayo ikasal. iniisip ko rin
ang pagtugon mo marahil ng maraming “opo“
simula sa tanong ng pari hanggang sa panahong ito
ang nagdagdag ng taba sa iyong beywang.
balingkinitan ka noon, palihim kitang sinisipulan
walang nakaririnig sa matinis na silbato (sa puso ko lang ito)
hindi ka kasi kaladkarin gaya ng ibang nagladlad ng ganda
sa gitna ng kalsada. sinasabayan kita sa katanghalian
mapansin mong sa ilalim ng payong, hindi man ako guwaping
mabango pala ang iyong magiging mister, may apil
at pinaniwalaan mo ang aking pagyayabang
pangbente-kuwatro kang naging katipan, simula iyan
sa ating biruan: kasal-kasalan na ‘di natin akalain
matutuloy sa simbahan, isang araw, ang tudyu-tudyo lamang.
may mga gabing hindi ka nagpapatay ng ilaw.
naiiwang kaunting bukas, kaunting sarado ang bintana
at hinihintay mo ang haranang pinauso ko muli
matapos itong kalimutan ng panahong todo-bilis
ang paghipo sa kamay nang walang ligaw-ligaw
tulad kong hindi lumuhod at nagparamdam ng pagkabaliw
nalunod ka na lang sa aking tula’t paglalambing
hanggang isang umaga’y nagising tayong magkatabi’t
selyado ng mga halik ang hugis puso mong mga labi.
bago pa tayo naitatali sa paglagay sa tahimik
laking gulat natin, may tinuhog tayong mga puso
may inipon tayong mga luha sa nakaraang biglang tinuldukan
ng salitang kasal. anu’t anuman, naisip na rin nila
ngayong pang-anim na taon, hindi tayo sa kanila
kaya’t matatagalang maghahanap sila ng iba,
ikagugulat nila: wala na silang madedenggoy na gaya
nating moreno’t morena, waring sadyang pinagtiyap
ng umimbento ng banal na kasal.
kahit hirap kang lumakad patungong altar
upang katagpuin ang prinsipeng makakatambal
itinatago mo sa bulaklak na tangan ang kaliwang kamay
hinihimas mo ang umuumbok mong tiyan
na pinipintigan na noon ng apat na buwang sanggol;
ang kanan mong kamay, tuloy lang sa pagkaway
sa mga humahanga sa iyong tumingkad pang ganda
sa puti’t asul na trahe de boda.
ipinagyayabang mo bang ika’y magiging esposa
ng lalaking habulin ng magandang kapalaran?
(hehe!)
dumadaan ang araw, tinitikman natin ang sahog
sa lutuing inihanda sa mga ikinasal:
maasim na sabaw ng luha sa sopas ng kahirapan
pastilyas na panghimagas sa yumayabong na pagmamahal
mapait na pagtitimpi sa makukulit na anak
walang lasang tubig sa panahong walang imikan
at matapang na alak sa pagsasauli ng salita at yakap.
ngunit nakatatagal tayo sa sumpa ng mainit na kaning
biglang isinubo. may iniluwa ba tayo kahit isang mumo
kahit ang labi ay apuy-apoy na napapaso?
may nasayang bang segundo habang sabay tayong lumalago
kahit umiinom sa magkahiwalay na baso?
wala. wala, dahil ito ang katumbas ng pagsang-ayon
sa isang seremonya, matapos ang anim na taon.
ngayon, iniwan mo na ang iyong sarili.
nilimot mo na ang iyong pangalan at kaganapan
at ipinalaman mo sila sa mga tipak ng tinapay
na ating kakanin, ng bunso hanggang panganay:
ipinuhunan mo ang sariling apelyido at naghubad ng pagkatao
upang kuminang nang higit ang kagandahang ikaw mismo
ang nag-meyk ap, ang nagbiste-kuntodo.
wala namang nabago sa iyong ganda.
nangingiliti pa rin ang iyong mga ngiti.
higit ngayong nagbabaga ang iyong mga titig.
mas malandi ngayon ang kembot ng iyong balakang
dahil ganado ka sa araw-araw na pagpupustura
sa binuo nating tahanan.
Pamamasyal sa Wanderland at Weder-wederland
maghanda ka.
Napapalamutian ngayon ng pilak na bulaklak
at lubid na ginto ang pasilyong ating lalakaran.
Babasbasan tayo.
Pagkatapos, dadaanan din natin pabalik
ang pulang karpet na inihatag ng tagapaghanda
ng ating nalalapit na pamamasyal.
Magbabaon tayo ng tisyu
pahiran ng pawis, luha at hinanakit
huwag ang panyo dahil hindi basta natutuyo
ang dumidikit dito.
Ang tisyu
kahit papaano’y madaling itapon
walang panghihinayang, kapag pinahid natin
ang pawis, luha, at hinanakit.
Maghanda ka.
Sasakay tayo sa karwahe ng buhay
ng totoong buhay, at minsa’y mabagal, mabilis
ang harurot ng kaniyang gulong
depende sa hagupit natin sa renda ng kabayo
ng panahon.
Huwag kang magugulat.
Sa umpisa’y maluluha ka, dahil paraiso itong
bungad ng simbahan; hindi mo aakalain
na lahat ng prutas ng pag-ibig ay mapipitas natin
makakagat natin, at malalasahan ang matamis
dahil nagsisimula pa lang ang ating pamamasyal.
Dahil nga paraiso, perpekto ang lahat.
Walang ginaw, walang dilim, walang gutom
dahil naipangako kong hindi ka mabibigo
na masisilayan mo ang kagandahan ng kastilyong
pag-uuwian sa iyo, pagkatapos ng pamamasyal.
Nagsisimula pa lang tayo.
Wala pa sa kalagitnaan ang ating pagyayaot.
Paalalahanan mo akong luwagan ang renda
kung bumabagal ang karwahe, at higpitan ang pasensya
kung umaaso ang pakpak sa gulong ng ating pagdama.
Ang karwaheng ito’y may dalawang bintana.
Bukas ang kanan, kung saan doon ka nakahilig
habang naka-abri siyete sa akin.
Tawagin mong wanderland ang lahat mong nakikita
dahil wala kang maipupuna: kaya nga,
kayligaya nating dalawa, at nag-uulayaw tayo
nagniniig, habang sakay ng karwahe.
Walang dapithapon sa wanderland.
Lahat ay liwanag, lahat ay may kislap
kahit nga ang bilog ng iyong mga mata
at butas ng iyong puso ay kinikintaban ng ligaya
at pinipremyuhan mo ako ng masuyong halik
tuwing napapangiti kita sa aking sorpresa.
Iyan ang kanang bintana, mahal
na una kong binuksan sa simula ng ating pamamasyal
bilang magkasintahan.
Maari ko nang buksan ang kaliwang bintana.
Higpitan mo ang pagkakahawak sa tisyu
gagamitin na natin ito, walang dapat ipag-alala
dahil ako ang pupunas ng pawis, luha at hinanakit
dahil ang pagtahak sa pasyalang bukas ang kaliwang bintana
ay nangangahulugan ng pagpapagod, poot, at panghihinawa.
Tawagin mo ang pasyalan sa kaliwa na weder-wederland.
Iyan ang bolebard at kakalsadahan na patumpik-tumpik
ang ligaya at kalungkutan, ang pagkapagod at kapahingahan
matapos tayong ikasal.
Maari ko nang buksan ang pintuan?
Bababa tayo, mahal, at naka-paa tayong mamamasyal
sa weder-wederland.
Abutin mo ang aking kamay.
Wala na itong guwantes, madarama mo na ang kalyo
ng aking mga palad, na sinadya ko nang pakapalin
upang mamanhid ang puso sa mga tinik ng weder-wederland.
Sa madaling salita, hirang,
iiyak tayo, magtatampo, mapapagod lagi’t lagi
dahil sa pasyalang ito, may pangalan ang pagtangis:
iyan ang sumpa sa mga nagtataling-puso
at may kapangyarihan ang tisyu na pagpapahiran ng luha
kung itatapon sa lukbutan na hindi hinihipo ang pagkabasa.
Hindi na natin kailangan ang pilak na sapatos
hindi ka na si Cinderella, at hindi na ako si Prince Charming
magiging ganito lang tayong muli kapag nagsasauli na
ang liwanag sa pagitan ng wanderland at weder-wederland.
Upang makatawid tayo, muli sa kastilyo ng kasiyahan:
May mga oras na kakargahin kita upang hindi ka matinik
sa mga gasangan ng kahirapan; kargahin mo rin ako
upang hindi mabulag sa kadiliman ng pagkapagod.
Maniwala ka, giliw, na ang ating papasyalan pa
ay engkantadong lupain:
may mga malignong nagpapahirap ng lakarin,
may mga engkantadang nagpapaliwanag ng ating paggiliw.
Mariposa
tinubuan ka na ng pakpak, kailan lang
at nahahaplos ng araw ang linen nitong himaymay
sumasabog sa paligid mo ang kulay
bahagharing kislap-kutitap sa bawat pagtatangkang
ipagaspas sila nang dahan-dahan sa lilim ng paghihintay.
sa una’y natatakot ka sa simbuyo ng hangin
pag-aakalang dagitin ka ng kaniyang alimpuyo
at mapadpad sa matitinik na dawagan ng parang
tinatanaw mo sandali ang hagdang-palayang liwasan
ng mga tutubi at ibong layak sa pagyaot:
kaharian nila ang bukirin, kastilyo nila ang amihan
anupa’t nabubuhay silang sagwan ang pakpak
at nalilibot nila ang mga bolebard ng pagdama.
marahan mong inihakbang ang malulutong pang binti
tinitimbang mo wari, may lakas kaya ang mga talampakan
sa paghahandang lumipad? inut-inot kang gumapang
sa labas ng iyong coccoon, ang madilim mong tahanang
kinanlungan mo ng panahong hilaw at panglaw
kinumutan ka rito ng tagginaw, at kinulambuan ka
ng tahimik na pag-iisa.
iyan ang dahilan kung bakit dapat ka nang nakalilipad.
iiwanan mo ang daigdig na sukob ang kahungkagan
lilisanin mo ang hubad na pag-ibig bilang isang katerpilar
at ipagmamalaki mo sa mga dambuhalang damo at puno
nakadarama ka na ngayon, umiibig, pinipintigan ng pag-ibig
sa bagong tagpong tagapag-ingat ng iyong mga pakpak.
dumapo ka pansamantala sa aking mga daliri, halika
doon mo tantiyahin ang lakas, ang kahandaan
na makayayaot ka sa mga pasigan, sa mga bukirin,
sa mga adwana at kaparangan, na tahanan ng mga nakadarama
ng pag-ibig sa kalayaan.
hugutin mo ang ilang buntunghininga sa nahihintakutang dibdib
pakawalan mo sa iyong baga ang takot na baka ka mabalian
ng pakpak at binti sa tangkang paglipad.
hindi ka mapapahamak.
buo na ang iyong mga pakpak.
hinihintay ka ng kalawakan upang pumaimbulog
ginagayuma ka ng amihan na sabayan mo ang agos
saanman mapadpad; sa sandaling mapagod
makapagpapahinga ka sa lilim ng kaimito
doon mo hihigupin ang matamis na katas ng pag-ibig.
huwag kang mag-alinlangan, katulad ng iba pang paruparo
hahaplusin ka ng hanging sadyang kaybait sa marupok na pakpak
ngunit, ganoon pa man, hindi dapat ipag-alalang masasaktan ka
o lumagpak sa tuyot na kaparangan, isipin mo lang
na gaya ng isang saranggolang sumasabay sa bugso
ng malamig-mainit na simoy ng langit
nakakabit sa iyong puso ang pisi
na sa puso ko rin
nakatali.
At Ngayo’y Panahon ng mga Maligno
-para sa isang engkantada
Buhay na naman ang alamat
at natatakot ako.
Siringgiting ang halakhak ng mga tiyanak
sa guwang ng aking lalamunan
ginawa na nila itong tirahan simula pa
noong huling pagbibilog ng buwan.
Madalas ang yabag ng mga tikbalang
sa aking dibdib, yagis ang aking nakukubang likod
habang pasan-pasan ko ang kaniyang bigat
at dinadala niya ako sa ika-pitong bundok
ng kaligayahan tuwing madaling araw.
May buga ng asupre ang tabako ng kapre
kaya’t laging nagsisikip ang aking paghinga:
pinipitik niya ng daliri ang aking ulirat
at nawawalan ako ng malay sa maghapon
hanggang magising akong magang-maga
ang mga punso ng aking pagkapuyat.
At ang mga duwende, ang mga sinliliit ng pako
na nilalang sa mga pasamano ng bintana
pinaglalaruan nila ang mahika
may bolang apoy silang nililikha sabay hagis
sa talukap ng aking mga mata
anupa’t nagsisimula na ang aking pagkabulag.
Pumapagaspas sa paligid ng aking panglaw
ang sandosenang manananggal at aswang
kayhahaba ng kanilang tuwid na buhok
kaytatalas ng mga kukong tila sundang
nakahanda lang silang sumalakay, agad
upang nakawin ang aking puso
o sipsipin ang dugo mula sa leeg ng katwiran
mararamdaman ko na lang: para akong sinasakal.
Ang mga alitaptap na salit-salit nagsasayaw
sa ilawan ng aking inaantok na pandinig
ay inakala kong mga insektong panggabi
subalit habang lumalapit ang kanilang liwanag
nagkakahugis silang mga munting engkantada
bubungisngis ng panunukso sa aking tenga
saka kikilitiin ang nahihimbing na pag-asa
sa lilim ng mga kweba ng pag-ibig
Nangungutya ngayon ang pagkakataon
dahil wala na akong masulingan
maliban sa iyo na aking kahimanglaw.
Ngunit panahon ngayon ng mga maligno
at natatakot akong magkaroon ka rin ng pakpak.
Ngayo’y Mga Bihag Tayo
hosteyds tayo ng pagkakataon
aminin man natin o hindi.
sa una,
namamasyal lang tayo
sa kaniya-kanyang parke
nagkasalubong lang
nang tutukan niya ang ating bait
sabay tayong dinagit
at isinakay sa behikulo
ng pagtakas
sa ating mga sarili
pinasimsim niya tayo
ng amonya ng paglimot
nahilo tayo at sabay bumagsak
sa mga bisig ng pangungulila.
wala na tayong maalala
at doon na tayo nahimbing.
ganito lang kabilis
tayong nabihag
at mga bilanggo na tayo,
nakagapos ang dalawang braso
nakapiring ang ating mga mata
habang nakaluhod
sa harap ng panganib:
itinali ng hostage taker
ang tibok ng ating mga puso
iginapos ang ating mga hininga.
hindi natin matandaan
gaano katagal tayong magkayakap
dahil natatakot sa dilim
na pinag-iwanan sa atin
ng hostage taker
hindi natin mahulaan
saang hide out tayo
itinago
dahil hindi natin mabilang
ang lumilipas na araw
anupa’t ramdam naman natin
ang init ng sinag
kapag lumulusot ito sa bintana
ng ating mga tadyang.
sinasanay niya wari
ang ating pagiging bihag.
sinusubok niya wari
ang ating kahinaan.
nagtagumpay siya –
ngayon ay iisa na
ang tibok ng ating mga dibdib
parehas na rin lang
ang perpyum ng ating hininga
inihinang na rin yata
ang ating mga palad
na hindi na natatakot
muling matulog
o mahimbing
o magising:
kinukumutan na tayo
ng kapayapaan.
nakiusap tayo
ng kalayaan
at ipinangako niyang lalaya tayo
sa ilang sandali lamang.
hindi tayo nabigo.
sa isang iglap
pinatid niya ang lubid
ng pangamba.
sa ating mga kamay,
inihabilin niya ang tiwala.
kinalag niya ang piring
sa ating mga mata
at nasilayan natin ang katotohanang
habambuhay na wari tayong
bihag na magkayakap.
sa maikling tanong kung bakit
tayo ang napiling dakpin
nais niya tayong lumigaya
kaniya lang tugon
at malaki ang ransom
kapalit ng kalayaan:
pagpapaubaya.
kaya huwag na tayong gumalaw
tanggapin na lang ng hawak-kamay
sumuko na lang tayo
saka natin namnamin ang tamis
ng kalayaan ng puso
sa pagsuko ng sabay
sa hostage taker
na nagpakilalang
pag-ibig.
Halik con Istroberi Pleybor
wala naman talagang lasa ang mga labi
ano’t kaysarap ng halik?
nalalasahan ko ang istroberi pleybor
kahit wala kang lipistik, minsan
parang balat sila ng ubas
habang singaw ng banilya ang iyong hininga
natutukso akong kagatin nga sila
parang bulak lang sa lambot
o kutson na hinihigan ng mga dahilan
kung bakit kita hinahagkan
sinasabayan ko ito ng dantay sa iyong pisngi
at gusto kitang gawing bilanggo sa aking palad
kapag kumikiskis ang aking ilong
sa dunggot ng iyong ilong
sagana ang aking panggigigil
na lunukin ko ang bawat himaymay
ng iyong labi. marahil, kaya ganito
ang bugso ng pakiramdam
binibiyahe ng dugo mula sa puso
ang pintig ng mga pasahero ng pag-ibig
at ang ating halik, nakaw man o sadyang
ibinigay kasabay ng pagpikit ng pagpapaubaya
ay pleybor ding itinimpla sa fruitcocktail na lata
na ninanamnam natin sa kani-kaniyang tasa.
hindi muna ako magtu-tutbras magdamag
dahil kung mabubura lang ang lasa
ng ating halik-pagpapaubaya
kahit ang tumimtim ng tubig-inumin
ayaw ko.
Ang Almusal na Himutok ang Dighay
namimintog ngayon ang talukap ng mga mata
dahil kagabi, pinuyat ako ng biling-baligtad mong katawan
gising-gising ako ng iyong mga hik-bi’t singhot
kahit walang lumalabas na katiting na uhog sa iyong ilong.
tinatapik ako ng yugyog ng iyong balikat
at hinihimas wari ng iyong buhok ang aking ulirat
upang sandaling maalimpungatan.
hindi tayo nakapagdasal bago matulog.
ngayong umaga habang ika’y naghahain, natunugan ko
agad, may inihanda kang hindi natin paborito
una mong sinandok ang katahimikan
inihalayhay mo ito sa aking hapag at sabay pinausok
ang ilang buntong-hininga saka mo tinanggal ang takip
ng sorpresa mong almusal: panibugho.
sunud-sunod mong pinakalansing ang tasang laman
ay kulay-tsokolateng pagtatampo; inihanay mo
ang basong sinisidlan ng malamig na damdamin.
sa bawat subo, nagpipingkian ang iyong bagang
malulukot ang kutsara nang gayun-gayon lamang
kung hindi sinasalapang ng tinidor ang iyong pagkagat-
pagnguya sa hindi mo napalutong na ngitngit
nilulunok mo nang buo ang balumbon ng galit
habang hinihigop ko ang sariling laway na hindi nalalasahan
ang putahe ngayong umaga.
nabubulunan ka nang madalas, dahil tinitimpi mong
huwag sumabaw ang iyong mga mata;
nauumid ang iyong paghinga dahil ayaw mong sumimsim
kahit kaunting pampalubag-loob.
sapagkat barado ng mga nahulog na mumo
ang siksikan ng iyong pag-unawa,
sumasablay ang ilan mong pagngata
sa mga titig kong tahimik na nagtatanong.
hindi ko tinapos ang ating pagkain
anupama’y hindi ko naman malulunok ang putaheng ito.
hindi ko sinimsim ang aroma ng tsokolate
gayunpama’y nananabik akong dulutan mo ng kape
iyong sintamis ng pulot na hain mo lagi
kapag maganda ang gising.
hinahanap ko ang matamis, wala.
hinihingan kita ng kaunting lamig-ulo
sapagkat hindi ako nabusog sa umagang ito.
kahit kumukulo ang pasensyang unti-unting napapanis
hindi muna ako ngayon mag-aalmusal
pupunuin lamang ng bawat gatil ng hindi mo pag-imik
ang sikmura ng aking pagtatanong;
lalamnan lamang ng alipawpaw ng hanging singaw
ang bitukang kukulubot sa naiipong utot
pagkatapos nitong almusal na dighay ang himutok.
Manyika
otomatiko ang pagpikit-pagkindat ng iyong mga mata
samantalang minamasdan kita sa bukas na estante.
hindi ko pansin ang tabas ng iyong damit na linen.
ang iyong mga matang tila sumisilip na bilog na buwan
sa madilim na pilikmata – singhahaba ng lumulusot na sinag
sa lilim ng aking paghinga – ay nagpupumilit na bilhin kita:
kaysarap mo waring yakapin sa gabi.
susuklayin ko ang maalon mong buhok na pilak
ipupusod sa likod ng aking tadyang ang iyong kayumian
hahagurin ko ng kundisyoner tuwing umaga
ang iyong anit, at hindi ka magkakabalakubak
habang nasa bisig nitong aking pag-aalaga.
hindi ka matutulog sa estante ng iba pang manyika
ikaw lang, dahil hindi ka kahanay nila Teddy Bear
dito ka sa aking kama hihimbing, kasalo sa unan
kukumutan kita ng pasadyang pagmamahal
bubuksan ko magdamag ang laybrari ng ipod
at papapagsawain kita sa tamis ng mga liriko’t nota.
lalambingin ka ng masuyong halik ng araw sa umaga
dahil katapat mo lang ang bintana ng aking puso
hindi ka mapapaso, madadarang ngunit hindi masasaktan
at matapos ang seremonyas sa paggising, kakargahin kita
sa terasa, doon sa kitang-kita mo ang hardin
saka kita ipupupol ng mga bulaklak na iyong kukwintasin
sa buong maghapon.
gagawin ko ito nang paulit-ulit
hanggang mabusog ang iyong mga mata
sa mga senaryo ng aking paglalambing.
maiinggit ang iba pang manyikang may damit na linen
mula sa estanteng paghahanguan sa iyo
dahil espesyal ka
wala kang katulad
dahil hindi ka de-baterya.
Balintuhod
wala sanang mabago matapos ang aksidente:
mamaga lang sana ang talukap nitong tuhod
na paknit ang balat, o kahit dumagsa ang hapdi
sa naglalanay na sugat, makatulog sana akong
ngumingiwi lamang.
ngunit ilang oras, tila manganganak ng sanggol
itong pwerta ng hita, ulo ba ang nakabukol
sa halip na buto? nabuong dugo
sabi ng doktor, ipag-alala mo dahil lin-
sad ang talukap.
gaya ng ganitong kamalasan
pareho rin ang kirot, kinakagat ko rin ang labi
mula pagdilim hanggang madaling araw
at tila nasasanay na rin ako sa mga galos
sa mga balintuhod.
subalit kaiba ngayon ang lagnat
di gaya ng ibang nagalusan.
hinihintay ko ang kulani upang hindi magnaknak
ang nagasgas na balat, ang natipak na laman
hindi siya lumabas kaya nagsasayaw ang init
sa aking katawan, gaya ng sa mga anak kong
nanginginig pa sa takot sa nagdaang
aksidente.
hinihimas ng aking asawa ang balintuhod
samantalang hinahanap ko ang pagkakataong lumuhod
at hagilapin ang pinong salitang gamot
sa paglimot sa kapusukan
upang hindi na maaksidente
upang hindi na bumuka ang balat
at maghiwalay ang kalamnan
sa paglalaro ng manibela papalayo
sa aming tahanan.
sa aking asawa:
paano mo ba tinitiis ang mga balintuhod
sa paulit-ulit at sinasadya kong aksidente?
Pagtawid sa Kalsada
kung hindi mo lang ito tawag, hindi ako magmamadali
patungo sa kanto ng kalsadang ito.
ang trapiko mula sa kalye ng aking mga titig
ay nagpapabagabag sa iyo, sabi mo;
ang panganganinag sa mga ilaw ng senyales sa lansangan
sa pagitan ng eskina ng aking hininga at dantay
ay nagpabulag sa iyong katinuan: hindi mo na makita ang daan
kung kaya hiningi mo ang aking tulong.
natagpuan kitang nakatayo sa kabila
ng kalsadang tinawag mong kahungkagan
at ikaw, na nakasandig sa poste na nagsasaad ng
Avenue ng Pag-iisa, ay nagbukas ng payong na pula
samantalang bumubuhos ang ulan sa aking pag-uusisa:
bakit kailangan mo akong tawagan at hintayin
sa ganitong malalim na ang dilim?
pagku-krus ng mga binti ang tangi mong tugon.
sa pag-aangat mo ng satin sa ibabaw ng iyong kilay
hinayaan mo ang anag-ag ng bombilyang dilaw
sa iyong ulunan na masinagan ang hapis mong mukha,
maari ring nais mo lang na aking masilayan
ang pusyaw mong pisngi na may luha ng pananabik o linlang.
ang sandaling ito ay kasing-abala ng aking kapangahasan
habang ang mga bus, kotse at dyip
ay bumabati sa isa’t isa ng busina ng pagkagalit;
ang trapiko, katulad ng aking katawan,
ay kasing abala ng mga makinang iyan
na naghahandang umuwi sa tahanan.
subalit higit kang katulad ng isang MMDA
kaysa naghihintay na babae mula sa kabila ng kalye;
binago mo ang ruta ng aking utak palayo sa tahanan
at inalpasan mo ang mga paa upang magsimulang humakbang.
ang pagtawid sa kalyeng ito ay pagpapakamatay
subalit ang mga ilaw ng trapiko sa akin ay kumindat
at inihudyat ang paglakad.
Crossing the Street
if it wasn’t your call, I wouldn’t rush
to the corner of this street.
traffic from the pavements of my stares
made you grow restless, you told me;
reflections from the lights of road signs
between the alleys of my breath and caress
blinded your sanity: you no longer see the way
so you asked for my help.
I found you standing on the other side
of this road you call emptiness
and you, leaning on the street post that said
Alone Avenue, opened up that red umbrella
while rain pour at my questioning:
why shall you call and wait for me
this late evening?
your answer was a leg-crossing.
as you lift the satin above your brows
you let the gleam of the yellow bulb
over your head lit your half-bothered face,
perhaps you would only want me see
your pink cheek glow with tears of trick and longing.
this time was as busy as my nerve
as buses and cars and jeeps
greeted one and another with short tempered horns;
the traffic, same as my body,
was as hectic as those machines
preparing for home.
but you were a lot more an MMDA
than a waiting woman on the other side;
you re-routed my brain away from home
and let go of my feet to begin moving.
walking across this street will be suicide
but the traffic lights winked at me
and signaled go.
~October 7, 2011
Ang Sarsa ng Tsiken Barbekyu at ang Pagpait ng Ating Mga Puso
marineyd na ang manok
sa ke-tsup, asukal, toyo,
nagmumura na rin ang kalamansi
hindi na kailangan
ang taktak ng ajinomoto
may asukal na nga
lasang-lasa ang tamis-asim
kahit hindi pa nakakakulo
ang sarsa ng barbekyu
tayangtang ang baga
nagdiriwang na ang parilya
handa na ang manok
na maging maligaya
sa bago niyang banig
habang naglalaway tayo
sa darating na pananghalian
ngunit nakalimutan ko
sahog din ang paminta
sa pakukuluing sawsawan
binudbod ko ang ilang patak
ano’t bumuhos lahat
hindi mo magugustuhan
pihado, ang kalalabasan
ng di-sadyang pagpait, pag-anghang
ng inihanda kong ulam
ngayong tanghalian.
(ibubuhos ko ang lungkot
sa pagpait ng sarsa
ng ating mga puso)
Sabado,
At Akin Ang Digmaan Sa Araw Na Ito
bansagan mo akong Stallone
kundisyon ako ngayon
at napaghandaan ko na
kagabi pa, ang digmaang suong
hindi ako puyat
naririnig ko pa ang hilik
nitong nagpahingang bagâ
kaya’t maluwag kong tinanggap
ang kaluluwa ng isang mandirigma
hutok na ang mga masel
sabik na ang mga matang
sugsugin ang kalaban
sa iyong paki-usap, kabiyak,
haharapin ko silang lahat
at diyan ka lang sa sulok
masdan mong mabuti
palakpakan mo
kung paano ko paslangin
ang sanlinggo mong kaaway
salamat, kabiyak, sa armas
sa walis, sa basahan,
sa palangganang kalasag
sa mga reserbang punglo
sa suksukan ng mga bareta
sa brotsa’t punyal
sa arnis de sandok
at pabubugahin ko ng apoy
ang kalan sa sulok
gigising ka sa dulang
ng tinadtad na kakanin
matulog kang muli
sapagkat ang digmaang ito
ngayon ay akin.
Krematoryo
nakakapaso ng balat ang kanya-kanyang init
kapag nagdidikit ang kapwa natin laman
sa bubong na ating sinusukuban
labas-masok ang alipato ng puson
hindi naaabo ang mga halik
hindi natutupok ang mga daing
naglalagablab ang bawat oras
hanggang magbaga ang mga wakas
na tikatik ng pawis, gitli sa ating noo
tanda ng pagkaagnas ng babala
at pagsuko lamang ang makapagdaraub
dahil hindi na maglulumanay pa
ang pagsasa-apoy ng damdaming
tayo mismo ang nagsilab.
Oktober Fest I
~halaw sa Oktober Fest: ang Mardi Gras ng mga Pandama
patak ng alak ang nagmantsa sa kutson
habang hinihimod ko pa ang tamis ng ating pag-uulayaw
sa unang araw na ito ng Oktubre.
iniwan nating gusot ang kubre-kama,
yagis ang kumot na pansamantalang tabing
sa ating biling-baligtad na katawan;
kaylaya ng oras na iyon, ano pa
at naglalasang katas ng binabad na langka
ang umaagos na pawis sa ating mga balat.
sa bawat halik natin sa dumaraang sandali
ipinapatong natin ang bawat daliri sa likod
ng kaulayaw, kinakamot natin ang pagmamahal
isinisigaw natin ang pagkilig ng mga tinig
kapag isinasayaw tayo sa duyan
ng kani-kanyang galaw at pintig ng puson.
kinakalayod ng ating mga kamay, gaya ng suklay,
ang himulmol ng mga buhok
upang walang salitang sasabihin natin:
pinaliligaya mo ako.
tinipon ko sa iisang baso ang mga oras
ng unang araw ng ating pagtatalik.
piniga ko sa iisang pitsel ang humapulas na pawis
mula sa katawan nating isinisingaw ang pag-ibig
saka ko sila pinaghalo upang maging alak:
iyan ang nagmantsa sa kutson matapos lumigwak
ang ilang patak ng pag-amin na nagmamahal tayo.
pinupulutan natin sa mga dumaraang sandali ang istorya
ng paglaya ng ating pag-ibig, nangungusap tayo
ng ngiti at pananabik habang inuulit-ulit natin
ang kasaysayan ng unang araw ng Oktubre.
sa pagkakataong ito, itinabi ko ang natitirang alak
mula sa ating pagniniig, tinakpan ko ang pitsel
ng dalawang palad upang hindi na tumakas ang kaluluwa
nitong matamis na inuming sisimsimin natin lagi-lagi
upang hindi natin makalimutan ang lasa
ng pagkalasing ng ating pandama.
Repleksyon
kagabi:
naghilamos lang ako
hindi na naligo
dahil napakainit ng singaw
ng aking pakiramdam
nagbabaga yata ang aking mga mata
habang mula dito,
papatak-patak ang daloy
ng maputi-mapait na luha
at natatakot ako sa salitang
pasma.
kaya hindi muna ako naligo
kagabi.
sinilip ko ang ilang daliri
sa paa, sa kamay
sinulyapan ko ng ilang ulit
ang aking binti at hita
ang aking tuhod
malinis pa rin naman
hindi ko pa nararamdaman
ang pangangapal ng libag
o natuyong pawis
kahit na alam ko
nagbabaga ang aking mga mata
habang mula dito,
papatak-patak ang daloy
ng maputi-mapait na luha:
pakiramdam ko’y sinusunog
ang aking pisngi
at inuukit sa tigkabilaan nito
ang magiging palagiang daluyan
ng likidong ito
dahil hindi ako nakapaligo
kagabi.
isa na lang ang hindi ko nasusulyapan:
ang aking mukha
na pagkatapos ng paghihilamos
gusto kong silipin sa salamin
ang repleksyon ng mga damdamin
na bakat dito mula sa maghapon
hanggang nakapagpupunas ako
ng tigkabilaang pisngi
na hindi pa rin natutuyuan ng luha.
maliwanag naman ang salamin
ano’t hindi ko naaaninaw
ang aking sarili?
makailang ulit kong hinawi ng palad
ang pilak na repleksyon
ano’t tila blankong papel
ang aking kabuuan?
muli kong dinampot ang bimpo
binulatlat ko ng ilang beses
ang tigkabilaang panig,
baka lang, ikako,
baka lang napasama sa pagpupunas
ang aking mata, kilay, ilong,
labi at noo
ngunit wala doon ang mga bahagi
ng aking mukha.
nahulog ba sila sa batya
habang ako’y naghuhugas ng mukha?
kaya kinawkaw ko ang nanlalabong tubig
sa batya, sa banga na pinaghanguan
ng aking maghapong luha
at wala sila doon.
repleksyon lamang ito
mula sa salamin
dahil nasasalat ko pa ng kamay
ang aking mata, kilay, ilong,
labi at noo
habang ipinagtataka ko
na wala sila sa anino
habang nananalamin.
naalala ko lang
kahapong umaga
sa pagmamaneho ng nakapikit
habang angkas sa likod
ang isang pag-ibig
may mga nasagasaan akong ilan
sa mga harang sa daan
upang dalhin sa terminal
ang pag-ibig
na aking angkas.
naalala ko lang
kahapong umaga
sa pagmamaneho ng nakapikit
habang angkas sa likod
ang isang tunay na pag-ibig
nasubasob ako
habang iniingatan ko
na huwag magalusan
ang aking giliw.
nagtagumpay akong takpan
ang katawan ng aking angkas
wala siyang galos
sa harap ng kaniyang katawan
ngunit alam ko
dinaramdam niya ang sugat
na palihim na umaantak
sa kaniyang likod
dahil angkas ko siya
kaya patalikod siyang nagagalusan.
ngayong umaga,
sinilip ko ang ilang daliri
sa paa, sa kamay
sinulyapan ko nang ilang ulit
ang aking binti at hita
ang aking tuhod
wala silang sugat, ni galos
ngunit iniinda ko ang aking dibdib
dahil parehong nagnanaknak
ang aming pagkatao.
nilalagnat ako
kumbakit dumadapulas
ang mapait-maputing luha
sa aking pisngi.
nilalagnat ako
kumbakit umaantak ang lahat sa akin.
naiwan sa kalye
ang mga bahagi ng aking mukha.
natabunan ng alikabok at putik
ang malaking bahagi
ng aking pagkatao
na halos lubog na lubog
mula sa luhang aking iniiyak
dahil lang
sa angkas ko ang isang pag-ibig.
sa repleksyon ng aking mukha sa salamin
na tila blangkong papel,
naipagtatanong ko sa aking daliri,
sa paa, sa kamay
sa aking binti at hita
sa aking tuhod
sa aking dibdib
na tila nababaliw na drayber
ng pagdama at paggiliw:
sadya bang inaagaw ng kalye
ng mga galos at pag-iyak
ang repleksyon ng mukha
ng bawat pag-ibig?
kung mababasag ko lamang ang salamin
at mailalabas ko ang kaluluwa
ng aking dibdib
higit madarama ng aking angkas na pag-ibig
ang ginaw ng aking katauhan
habang naghihilamos nang nilalagnat.
Ang Aking Huling Tula sa Gabing Ito ng Nobyembre Kinse
pang-apat na ang tulang ito
ngayong maghapon.
ganyan ako kapag tinamaan ng libog.
magsusulat nang magsusulat
kakatha nang kakatha
at hahayaang magsuka ng tadhana
ng pakiramdam ang aking utak.
huwag na sanang ipagtaka
ito lang ang kaya ko
dahil kung ako’y matangkad
pagbabasketbol ang aatupagin
at hindi ang magmukha pang pandak
dahil nakaupo sa harap ng computer.
ngunit ang libog na ito,
ang magsalsal ng salita
at pabugahin sila mula sa utak
ay nakapagpapatangkad rin:
ito ang aking tuntungan.
at dahil nga oragon ako
hinayaan ko ulit magwala ang mga salita
hanggang sumirit sila palabas
sa aking diwa.
ang mga unang linya, sana,
na nais kong isulat
ay tungkol sa iyo.
gusto kong ulitin
ang pagkatha sa iyong kagandahan
ang nakakalukring mong mga titig
nakakapagpalabnaw ng buto
ang iyong mga ngiti
pero matagal mo na itong alam
sasagot mo na lang:
hindi naman
at kung aking uulitin,
malamang
humikab ka na lang
hindi mo na pag-aaksayahan ng oras
na tapusin ang aking huling sulat.
gusto ko sanang sabihin
nami-miss kita
at hinihiling kong minu-minuto
kang nakikita
aysus, hahalakhak ka lang
sigurado, at aani ako ng kutya
mula sa iyo
dahil segu-segundo naman
nagtititigan tayo’t nagsusulyapan.
gusto ko sanang sabihin
kulitin mo ulit ako
ng iyong mga irap
nakikiliti kasi ang tagiliran
ng aking puso
kapag naiinis ka
minsan,
pero huwag na lang
ulit-ulit mo naman talagang
ginagawa ang mga iyan
at pinapatay na nga ako
ng sarili kong mga halakhak.
gusto ko sanang isa-isahin
ang bawat nating galaw
habang nag-uulayaw
nagtatalik sa mga oras na atin lamang
na minamasdan ang kanya-kanyang
hubad na katawan
kung paano natin tanggapin
ang lamig ng silid
at namnamin ang pagsasarili
ngunit ewan,
alam kong ngingiti ka lang
dahil napagsaluhan na natin ito
at pagsasaluhan pa.
sa pagtatapos ng aking paghahaka
kung ano pa ang aking isusulat
sa unang linya ng tula
tinapos ko na lang
sa buntong-hininga
dahil ayaw akong labasan
ng mga sasabihin pa
karamihan kasi,
narinig mo na
nakita ko na
naramdaman natin
naiparamdam ng mariin
at maaari mo pa ngang itapon na lang
itong kap’rasong tula
dahil wala naman talagang laman
dahil hindi ko nasimulan
kaya’t tatapusin ko na lang
sa isa pang matamis na halik
bukas ng umaga.
Harana
huwag kang magsasara agad ng bintana
kahit na nagdadapit-hapon.
pagbigyan mo ang damdaming kiri
at kay-ulag ng mga ganitong sandali
sapagkat sa ilang tikatik lamang ng oras
mayroon na naman akong haharanahin.
Lintik lang talaga ang pag-ibig
at kahit disintunado na ang kaniyang tinig,
pinipilit pa ring kumanta ng himig
pinipilit pa ring nakawin ang pansin
ng mga nagsasara ng bintana.
Sa ilang pilantik ng kwerdas ng lumang gitara
humuhugot muna ako ng ilang buntong-hininga
titingala sa mga bituin na tila nagbibilang
ng kakantahin, at kung tahimik na ang mga kuliglig
oras na, alam ko, ng panghaharana.
Hinaharana ko ang mga alala.
Hinaharana ko ang mga pasimula
ng lahat ng aking awit, gabi-gabi.
Hinaharana ko ang unang araw ng pagpansin
sa iyong mga ngiti
hinaharana ko ang unang araw ng pagpukaw
ng naniningkit mong mga mata
hinaharana ko ang unang tula ng pagpaslang
sa aking sarili
hinaharana ko ang musika ng unang pagsasayaw
sa gitna ng ulan
at inihaka ko na kailangan mo ang sombrero
kaya nagpaubaya ako na sa iyo muna iyan
upang hindi ka ginawin, sipunin, o lagnatin
hinaharana ko ang unang pagdantay ng aking kamay
sa iyong balakang habang nagniniig tayo
sa liriko ng mga tugtugin
hinaharana ko ang unang bugso ng iyong hininga
na wala pang isang dangkal sa aking mukha
sumanib yata sa aking katawan ang iyong kaluluwa
hinaharana ko ang kinabukasan ng gabing iyon
na sumusuray pa ako sa kalasingan
dahil sa ligaya
hinaharana ko ang hindi na mabilang na oras
na inaalayan kita ng mga kathang tula
at sinisilip ko sa ilalim ng aking pilik
ang iyong mga ngiti habang nagbabasa
ng aking pandama
hinaharana ko ang pagsasalo sa mainit na kape
na una mong sinisimsim ang usok
bago lumagok
hinaharana ko ang pagsusuklay ng iyong buhok
ang paghaplos sa mga himaymay nito
na nais kong iuwi sa aking kaibuturan upang ibigkis
ang nahihimay kong tapang
hinaharana ko ang pagsasalubong ng ating titig
na inililihim sa ilalim ng mesa
ang mga pandamang halu-halo ang lasa
hinaharana ko ang tuwing sabado o linggo
na sinasadyang dalawin ka
kahit walang dahilan
hinaharana ko ang maagang paliligo, pagpapabango
upang humalimuyak man lang ang aking katawan
tuwing dadaan ako sa iyong harapan
hinaharana ko ang unang paglalakas-loob
na tapatin ka ng pumipintig sa aking dibdib
hinaharana ko ang una mong pagsang-ayon
na napakialaman ko na rin ang iyong mesa
at may kumakalansing na rin sa iyong pandama
ilang linggo lang
hinaharana ko ang una mong pasalubong
matapos ang ilang araw na pagkapanigwala
umiilag ka, naghihintay ako
at ako na rin ang nagbigay ng pasalubong sa iyo
nang dahil lang sa paglalakas-loob
hinaharana ko ang unang paghaplos sa iyong kamay
ang ilang marahang pagpisil upang hindi ka masaktan
hinaharana ko ang unang araw ng iyong pakiki-angkas
sa nagtutumulin kong nerbiyos
at nagmarka na nga sa aking katawan
ang pagkakalapat ng iyong balat
hinaharana ko ang ilang sandaling
iniiwan natin ang daigdig, nagtatago tayo
at ninanakaw natin ang maraming sandali
upang hagkan o yakapin ang isa’t isa
hinaharana ko ang pagsisingit ng palihim na sulat
karampot man, sa iyong aklat
upang araw-araw kang kamustahin
o magpaalam
o ibulong sa nakasulat sa papel ang hindi
nababanggit ng bibig:
mahal kita
hinaharana ko ang unang araw ng paglalakbay
sa mga kalsada ng kabundukan
doon, sa kung saan iniyayakap ko ang iyong braso
sa ligid ng aking katawan
doon, sa mga hindi ko teritoryo
at ang makakikilala lamang sa akin
ay ikaw
hinaharana ko ang unang buwan ng pagdiriwang
ng paglaya ng mga damdamin na pinaalpas natin nang sabay
at inamin natin sa isa’t isa ang pag-ibig
na walang pangalan
hinaharana ko ang mga pagsasalo
sa tubig, sa pagkain, sa kape at tsokolate
hinaharana ko ang mga pagsasalo
sa mga hindi nakakain
katulad ng unang halik na kahit walang lasa ang labi
natitikman natin ang lasa ng istroberi
hinaharana ko ang mga araw ng pag-uulit-ulit
ng mga yakap at halik
hinaharana ko ang pagsasakatuparan ng pag-ibig
sa unang araw ng mga buwan
at pinalaya ng araw na ito ang aking kaluluwa
upang tipunin sa dibdib ang ‘di mabilang na ligaya
at paki-usap:
huwag ka munang magsasara ng bintana
sapagkat,
hindi pa tapos ang aking harana.
Patintero
bumalik ako sa kamusmusan ng ilang sandali
at iginuhit ko ng tubig ang apat na kuwadro
sa tapat ng bahay: hahalakhak uli ako.
hahalakhak uli ako, ngayon
tulad ng isang pitong taong gulang na bata
dahil hindi na nakahahalakhak ng sagana
ang mga nagkaka-edad, katulad ng isang bata.
hahalakhak uli ako, ngayon
habang naghahanda sa larong-una
iyong hindi na nilalaro ng katulad natin
na umuupo na lang sa tapat ng mesa
at kinakalikot ang pagkakaperahan
para sa bulsa, o sa pamilya.
hahalakhak uli ako, ngayon
dahil muli akong maglalaro –
pambata’t inosente ngunit seryosong sundo
sa inuuban kong anit.
sa pag-apak kong muli sa kalsada
na ginuhitan ko ng apat na kuwadro,
hindi ko alam kung sino ang taya:
ikaw ba o ako?
alam natin ito.
ang taya ang mambibiktima ng kalaro
upang maibsan ang pagkabagoong
sa sirkulo ng pagkabilanggo, at doon
sa oras na dumapo ang palad, haplusin ang balat
ng kasali sa patintero, sasabog ang halakhak
dahil may papalit sa kaniyang tayo.
ganyan kasi ang taya sa patintero:
kailangan ang liksi sa paglalaro
upang makahuli ng bihag,
upang masabi niyang mayroon siyang nalambat
na lulugu-lugong aapak sa guhit ng pagkabagoong
hanggang pawisan ang buong katawan
dahil sineryoso ang paglalaro.
ganyan din kasi ang nakikipaglaro
na upang humalakhak
kailangan din ang bilis upang malusutan
ang kuwadro ng lungkot, ang kahon ng pag-iisa
at pipilitin niyang lusutan ang taya
na naglalaro din ng pawis sa noo
kung may mabibiktima ba siya ngayon
at hahalili sa kaniyang pinagplanuhang laro.
ngunit hindi ako naging mapaglaro noong bata
seryoso ako kahit sa paglalaro
kaya ang pagsasa-musmos ko ngayon
ang inosente kong puwesto, bilang manlalaro
ng patintero sa kalsada ng pag-ibig
ay seryosong-seryoso.
hindi ako nanlalambat ng mahinang kalaro
dahil mababa siya kaysa sa puso.
hindi ako nanlalambat ng iyaking kalaro
dahil katulad niya, iyakin din ako
kahit ngayong inuuban na ang tuktok ng ulo.
habang magkaharap tayo sa parisukat na hugis
ng nagbubuyuang puso, bilang manlalaro
hindi ko sinukat ang iyong bilis
hindi ko tinantiya ang iyong atake
dahil sa ganang akin, ako’y inosente
at magagalusan ako mahuli lang kita
upang maging taya sa loob ng aking puso.
higit akong magagalusan kung makalalabas ka
mula sa loob ng kuwadro ng aking dibdib
at biktima akong hindi babaunin sa mga darating na araw
ang halakhak ng aking pagsuyo.
upang ako’y umuwing masaya mula sa paglalaro,
kailangan kong alamin mula sa iyo:
kailangan ba talaga ang taya na mambibiktima
at may babagoongin na kalaro
sa hindi magtatapos na magdamag na ito?
Tsokolate
~at ang alegorya ng tamis-pait nito sa kanya-kanyang mga tasa~
hindi pangkaraniwan ang ganitong eksenang
naghahangad tayo ng ‘sang mainit sa katanghalian
anupa’t napagkasunduan natin ang sumim-sim ng tsokolate.
yakap ng bawat palad natin ang kanya-kanyang tasa,
mga nakaw na sulyap ang ating pag-itan.
Hinahayaan nating sumandaling tumakas ang usok
o init ng ating minamahal na tsokolate, ngunit hindi
ang langhapin ang kanilang aroma sa pagitan ng paghinga
pagtahip ng dibdib habang binubuwal natin ang tabing,
ang guwang sa ating mga labi at dibdib.
Napapapikit tayo kapag hinahagkan natin ang tamis,
walang pagsidlan itong kat’waang nagaganap ngayon
na natupad ang kahilingang magsalo sa paboritong init
hindi lumalamig ang pakiramdam, liligamgam
ng ilang segundo’t hahaplusing muli ang gilid ng pandama
upang manumbalik ang panlasang pumapait.
Kumikintab kapwa ang ating mga pawis,
kumikinang kapwa ang ating mga ngiti
kumikislap kapwa ang ating mga mata
kasabay ng tumatakas na damdaming-asukal
sa pait nitong katanghaliang inaapoy ng lagnat.
At habang sinisimsim ng hugis puso mong mga labi
ang mga huling patak ng nagtatalik na tamis-pait
nitong tsokolate, sinisimsim mo rin ang damdamin
sa tasa ng aking nagpapawis na pananabik.
Ulitin natin ang pagkapaso sa pagsimsim sa tamis.
ulitin natin ang madarang minsan pa ang ating dibdib
sa ganitong katanghaliang nagbabaga ang bubog na tasa
sa labi ng ating mga pandama.
Ganoon Lang, Parang Kidlat
ganoon lang naman talaga kabilis
parang kidlat lang, kapag dumarating
at nawawala
ang pag-ibig.
sa isang kislap, masisilaw tayo
mabubulag, kapag sumagitsit ang liwanag
at babangga-bangga ang isa’t isa
sa mga pader ng kaululan.
parang kidlat, ganoon lang kabilis
na ‘di saklaw ang tatamaan
sinuman – kahit tayo
na nakakubli sa lilim ng pag-ibig.
sasabayan pa ito ng kulog
mabibingi tayo, wala nang maririnig
at kahit sisihin tayo ng paligid:
kiber! wala silang pakialam
dahil ang pagmamahal, parang tunog
parang paboritong awit
na agad-agad name-memorya
kahit sansaglit.
.
sasabayan pa ito ng ulan
at madudulas tayo:
ikaw na mapapahiga
at ako na madadapa
o minsa’y baligtad
na ako ang mapapahiga
at ikaw na madadapa
at iiling tayo sa malisya ng liwanag
ng kidlat na pag-ibig.
nasunog tayo.
nabingi tayo.
nadulas tayo.
saka natin mapatutunayan:
ang kidlat ay liwanag lang –
bumubulag.
ang kulog ay dagundong lang –
nakabibingi.
ang ulan ay nakadudulas lang –
dahil basa ang paglalambing.
ngunit
may ligayang magtampisaw sa ulan
may musika ang laro ng kulog
may kiliti ang guhit ng kidlat
dahil nahuhuli ko silang lahat
at naisisilid sa iisang bilis
ng pagdama’t paggiliw.
Kaysarap maglaro sa parang.
Kaysarap, hirang
ang makipaghabulan sa todo-bilis
na silaw ng liwanag
sa dibdib
ang makipagpatintero sa kulog
sa dibdib
ang makipagbasaan ng pandama
sa dibdib.
At inisip kong kahit ang masugat
ay laru-laro na lamang
o tamaan man ng kidlat
o salikupin man ng kulog
o lunurin man ng ulan
napatunayan ko:
ang pag-ibig ay hindi basta
saglit napapawi
sa isang kislap, sa isang dagundong
o sa isang pagkadulas.
nananatili itong sumusugat
nakahihilam, pagkatapos umampiyas
ng luha at kalungkutan
sa pag-ibig na ganoon lamang kabilis
nalilimutan.
Saluma sa Tag-ulan
dinadambahan na naman ako ng espiritu
ng pagkabaliw, kung hindi
malamang nagtatampisaw ako sa labas
ng bahay habang umuulan.
ngunit,
nakasilong ako sa bubong ng pagka-inip.
binuksan ko sansaglit ang payong ng pag-aaliw
upang hindi sana mabasa ng patak-ligalig
itong nagdidilim na balintataw.
siniksik ko ang sarili sa mga sulok ng alaala
upang hindi sana ginawin habang nag-iisa.
ngunit, ay! lumulusot ang tubig sa aking mata
at umaagos sila sa aking pisngi
hanggang bumaha sa kanal ng aking puso;
naglalangib ang alulod ng lungkot
habang inaanod-anod ng tubig-baha
ang aking kalungkutan.
humahampiyas ang maliliit na patak-ulan
sa hilera ng aking tadyang, at doon,
doon sa terasa ng aking puso, nilunod ng pait
ng tubig ng kalangitan ang aking pag-asang
mabibiyak ang ulap at sisikat ang araw
sa nanginginig kong pagkabalisa.
ngunit kaytagal ng galit ng langit.
paris ko rin siyang nagngingitngit
at nagpapakawala ng luha.
paris ko rin siyang nagdidilim ang paligid
at pumipikit ng mariin habang tinutusok ng inip
ang aming mga tadyang.
paris ko rin siyang isinusugat sa balat ng lupa
ang tikatik ng patak-panibugho
hanggang magmarka sa buong maghapon
kumbakit kami sabay nananangis:
wala ang aming mahal
sa panahon ng tag-ulan.
Byron Aloysius V. Cuerdo
December 11, 2011
10:00 a.m.
Dekada ’80 VS 2K11 Moda ng Pagdama
~at ang pag-iimadyin kong bumalik ako sa aking panahon
kanina lamang,
habang pinakikinggan ko ang musika
mula sa ispiker ng aking kompyuter,
naurirat ko lang na bungkalin sa salansan
ng mga lumang awitin, gasgas
kung tutuusin sa ating pandinig
katulad ng Endless Love,
Exchange of Hearts ng dekada otsenta
na sa simula pa lang ng kanta
mistulang naglalakad na ako
sa mga sinaunang kalsada.
pakiramdam ko nga,
ang suot ko ay bell-bottom jeans,
stripes sweatshirt na masilaw
ang pula at dilaw
na dahil mainit, tinitibhaw ng Sarsi
ang aming uhaw;
uso noon ang dyaket na maong, di ba
kaya yakap ako ng naunang moda
habang papikit-pikit sa pagkakatitig sa kisame
na nakikini-kinita ang aking asta
bago dumating ang panahon
ng mga balahurang rakista.
hinimas ko kunyari ang sinturera
at hinala ko’y nakalawit ang dalawang dangkal
na ekstra ng sinturon
na pinauso ni Cindy Lauper
at Michael Bolton.
huwag nang tanungin ang sapatos
na iniimadyin kong nakabalot sa paa
habang nakataas ang medyas
sa labas ng pantalon –
huwag nang tanungin ang bangs,
ang relos, ang polo na nakatupi ang manggas
hanggang sa may siko
at iisipin mong pagkabaduy-baduy pala
ang aming panahon.
ganito kami noon
bago dumating ang panahong
dinadaan ng mga kabataan
sa rap at hiphop ang pagdama
ng pag-ibig.
ganito kami noon
bago kumawala sa pagsi-senti
ang kabog ng dibdib
o ang luhang hindi mapispis ng liriko
ng mga mababagal na awit;
na ninanamnam sa dila ng pakikinig
ang sentimyento ng pagmamahal
dahil malumanay ang musika
ng totoong pag-ibig.
nangiti na lang ako.
habang tumatagal
sa ilang pag-uulit ng mga kantang iyan
Exchange of Hearts o Endless Love
na niluma ng cd at ipod,
pakiramdam ko
ipinapasyal ng melodiya ang aking mga paa
sa mga bolebard ng bagong damdamin.
ewan lang, ngunit nakaupo naman ako
nakikinig, walang planong mag-emote
ano’t dagli-dagling kinakamot ng ngiti
ang aking alaala
na kahit padyakan ng hiphop o rap
ang ating pagtatagpo,
isinasayaw naman ako ng musikang
ipinaaalala ang banayad mong pagdalaw.
malamang,
patutugtugin ko ang mga awiting iyan
nang paulit-ulit.
buong araw.
~December 10, 2011
7:07 a.m.
Chop-Chop Lady
inihahanda ko ngayon ang itak.
pinatutulis ko ang dulo nito
hinahasa ang tigkabilaang talim
hinihintay kong kuminang sa basiada
ang bawat pisngi
hanggang maari na itong pagsalaminan
ng mga repleksyon ng galit
sa aking nagpupuyos na puson
saka kita sasaksakin sa dibdid
kapag wala ka ng lakas
lupaypay kitang ihihiga sa papag
tatakpan ko ng aking labi ang iyong labi
upang hindi ka na makasigaw
sisimulan kitang tadtarin
uunahin ko ang iyong mga braso
at habang tumutulo pa ang dugo
iyayapos ko sila sa aking batok
hahayaan ko silang tumigas doon
at hindi na sila huhulagpos
iisa-isahin kong gitgitin ang mga daliri
upang i-dekorasyon sila sa aking likod
tutal, lagi mo rin lang itong hinagagod
kapag ako’y pagod
doon na sana sila habambuhay
gaya ng mga mata mong nakatunghay
dudukitin ko sila’t ibabaon sa hukay
nitong aking mahiyaing titig
isusunod ko ang iyong mga hita
sapagkat kalulugdan ko silang isaklang
sa aking balakang
ipapaalala ng iyong mga binti
ang mala-magneto nitong hatak
habang sinisipsip mo ang aking lakas
kaya ako napopoot
lalaplapin ko naman ang iyong mga dibdib
hindi na sila matatagpuan
sapagkat itatabi ko sila sa pitaka
nitong nanginginig na palad
huwag kang magtataka,
hindi ko pa puputulin ang iyong bait
hahayaan kong namnamin mo
ang matamis na kamatayan
habang ginagalugad ko
ang iyong katawan
itutulad ko ito sa bariles-pangasinan
na hinihimay ang bawat kalamnan
pipigain ang taba’t laman
at titiyakin kong isisigaw mo na lamang
ang pagmamakaawang saksakin ko na
ang iyong kahinaan.
[ngayong gabi, tatakas ang iyong kaluluwa’t
kalilimutan mo ang sariling pangalan.]
Bangungot
nanaginip ako kagabi.
sabihin nating bangungot, dahil hindi ako magising.
naririnig ko pa ang aking walang patid na ungol
buhul-buhol pa rin ang aking hiningang sasal sa pilantik ng laway
nahihimas ko pa ang taas-babang dibdib na tinatambol
ng bangungot na ito: isa kang supling ng halimaw.
nanaginip ako kagabi.
wala raw akong buhay, dahil sinuwag ako ng isa pang halimaw
sa pangalang ang may batid ay ikaw lang. iyan din ang halimaw
na sumuwag sa iyong dibdib at itinakas ang iyong puso
palayo sa tadyang at walang naiwan sa kaloob-
looban kundi malabnaw na asido ng luha at kalungkutan.
kumikiwal noon sa iyong bituka ang panibugho, ang impit
na pag-iyak, ang luwalhati ng malayang pagtangis na namamasyal
pa rin sa mga litid ng iyong kabiguan.
nanaginip ako kagabi.
magkaharap tayo, at nagniningas ang iyong mga mata
hinahaplos ng iyong kumikinang na kuko ang mga litaw na sungay
sa tapat ng iyong dibdib. nag-iisa ang sungay na iyon
maari sana akong umilag nang gayun-gayon lamang
kabilis, ngunit hindi akin ang panaginip na ito.
pag-aari mo ngayon ang aking balintataw. kontrolado mo
ang bawat kong galaw. anupa’t tila ako nakagapos
sa apat na sulok ng kama at hindi ako makahuma: naririyan ka na.
kaytinis ng iyong halakhak, magayuma ang iyong titig.
sandali akong pumikit habang nadarama ko ang matulis
na bagay na unti-unting bumabaon sa gitna ng aking dibdib.
sa isang iglap, wala na akong buhay. hinugot mo na rin
ang aking puso, palayo sa aking tadyang, at wala kang iniwan
kundi ang malabnaw na asido ng luha at pag-iyak.
habang humahalakhak, hinihimas mo ang iyong sungay
ninanamnam ang pumulandit na dugo sa aking katawan.
iyan nga ang sungay ng halimaw.
iyan nga ang maalamat na sungay na nagnanakaw ng ulirat
at nakapagpapalimot sa kahinahunan ng nananaginip
sa mga kulambo ng ayaw gumising sa ganitong bangungot.
tawagin mo siyang pag-ibig.
Kiber Lang
Oo na, maganda ka nga
at ikaw na ang Ms. Universe
na nagpapaunlak ng pag-ibig
sa mga hurado ng naiinlab at hindi.
Oo na, ikaw na nga
ang fair lady ng aking panahon
wala kang katalu-talo
kaya iniskoran kita ng sampu
out of ten.
magpapa-meryenda ka na
siguro, dahil masaya tayo
nabibiro pa natin ang isa’t isa
na ikaw na ang pinakamaganda
at ako ang pinaka-gwapo
kaya kwidaw ang mababagal
sa takbuhan ng mga puso.
pero tumataba ka
at baka mabawian ka ng korona
who cares?
sagot mo lang
itatanong mo pa rin ba kung pangit
kahit sabihin ko biro lang
ikaw naman.
kiber lang tayo
alam mo ‘yan
kahit hindi na ikaw ang Ms. Universe
o fair lady sa London Bridge
tingnan mo na lang ang iyong ngiti
alam kong alam mo
in love pa rin ako
sa iyo.
Kahimanawari
kahimanawari
huwag sabihin ng ating mga labi
na tayo’y nasa isang arena
at tayo’y mga gladyador
nagsasalpukang mandirigma
nagpapatibayan ng dibdib
upang masiyahan sa panalo
na ating iuuwi
matapos ang labang ito
na sandata ang mga puso
at kalasag ang panibugho
kung sasadyain nating magsagupaan
sa pag-ibig na isa lang
laro.
Ang mga Mimoso Mosquito sa Magdamag na Ito
Nakatambay pa rin ang mga ulyaning lamok
sa tubo ng kasasara pa lamang na ilaw
naghuhuntahan sila ng mga pangyayari maghapon
kung saan ako napadpad at nasaluksok
at naririnig ko ang kanilang pustahan ng dugo
na hindi na naman ako makakatulog
katulad kagabing patay ang liwanag ng ilaw
sa ilalim ng kulambong ang kanlong ay panglaw
dahil sinusundot ako ng paghahanap sa nawalay
na irog na hindi ko makakatabi magdamag.
bukas
muli na namang luglugang balon ng mga kalabaw
ang aking mga mata
tiyak.
At Kahit Pagod Ka Nang Magbasa ng Aking mga Tula
~hindi pa rin ako nagsasawa~
Hindi ko lang naman napigilan,
Ipagpaumanhin mo
Na isinulat kita ng isang tula
Ngayong gabi.
Naalala ko lang kasi
Noong una kitang hinahatdan ng ganito
Napapangiti kita
Sa tugmang ibinalot sa papel
Sa likhang hinugot ng pag-ibig
At inihanay-hanay ko sa salimukot na oras
Na dinukot sa labi ng magdamag.
Hindi mo naman talaga ito gusto.
Hindi tula ang iyong paborito
Napilitan ka lang basahin ang mga akda
Dahil maaring galing lang ito sa akin
Dahil ayaw mo ng pinupuri
Dahil ayaw mo ng tungkol sa iyo
Dahil sabi mo:
Hindi sila totoo.
(sino ang nagsabi sa iyo?)
Pagod ka nang magbasa ng aking tula.
Wala namang problema doon.
Iyo kasi iyang desisyon.
Basta ang sa akin:
Kahit kahit ayaw mo,
Tinulaan kita, at tutulaan pa
Naalala kasi kita.
Naalala kasi kita
Pati ang mga ngiti mo
Kapag binabasa mo
ang aking pandama.
Kung Ikaw ay Suman, Hirang
kung ikaw, aking mahal ay isang suman
sa ganito kita unti-unting titikman:
gugupitin ko ng pagsuyo ang iyong bigkis
marahang huhubarin ang buli na ‘iyong bihis
simula sa puno at dulo ng iyong tamis
lalanghapin ka muna kasabay ng isang halik
ihahatag ka sa plato katabi ng latik
may asukal na budbod sa iyong paligid
ibubuhos sa iyo, marahang-marahan
ang lahat ng pampalasa habang naghihintay
saka kita gagayatin ng pino’t sapat lang
upang sa pagkain, hindi ako mabulunan
ipagtitimpla ko ng tsokolate ang aking sarili
at sisimsim ako nito bilang pagbubunyi
na sa wakas ng pagluluto, ika’y nahirati
na sa akin pakagat, simula dulo hanggang huli.
ikaw lang, ang malagkit na lalasahan
at hindi na hahanap pa ng basta bigas laang.
O, suman.
este, O, Hirang.
Ilang Sandali Lamang
~matapos kong punitin ang larawan ng dati mong bahay
kung malayo pa tayo sa kaloob –
looban ng panahon,
nasaan kaya tayo ngayon?
tulad ng liwanag ng tala, marahil
naglalakbay sa kadiliman
ng kalawakan, kaya patuloy
nating natutunghayan
ang kalungkutan.
ang nakalipas ay ‘di na
maaring balikan, maliban
kung may tala o larawan.
~Byron Aloysius V. Cuerdo
June 26, 2012
Nanaginip Ako ng Terorista
pinasabog niya ang aking katinuan.
sa panaginip, wala na akong kapahingahan
at wala na rin akong tulog
nang pinasabog ng terorista ang pag-aalinlangan.
sa panaginip makapagpapahinga sana ako,
dahil akin lamang ang aking utak at mata
pati ang desisyong magpahinga.
hindi uso sa akin ang kalam, sipol, o tawa
kung hindi dahil sa teroristang
nagpasabog ng katinuan kong de-gaas.
nagliyab nang pagkataas-taas
ang aking hilakbot
kaya inakyat ko ang bai-baitang na apoy,
hinabol, bitbit ang sandatang walang bala,
umaasang makapuputok ako sa huling
hirit at sirit ng antok. kahit walang kurap.
kahit walang kurap ngunit may apoy.
sapat na ang apoy ayon sa terorista.
sa panaginip, namumutok ang galit at pag-aalinlangan.
nagniningas ang apoy. naidadaing ang sakit
ng de-gaas na gatong ng selos.
nalaman ko ito sa teroristang
palakaibigan. nagpatawag siyang “katabi”
(kung siya’y nasaan o nariyan, hindi niya sinabi).
pasasabugin ko ang lahat ng panibugho, sinabi
kong nagngingitngit. at nakita ko ang libong
fountain ng apoy: de-gaas, de-shellane,
de-kuryente, de-uling. wanted na
ang terorista na di pa rin umaalis sa balisa
ng aking panaginip na kakatwa.
bahagya ko nang hindi matawid ang crossing
ng hindi pagkagising. kung hindi sa tunog
ng alarma ng umaangil kong puso:
ikaw, na malusog na malusog na aking sinasapantaha –
na ina ng mga terorista.
~Byron Aloysius V. Cuerdo
June 26, 2012
Huwag Mo Nang Itanong
~kung paano sumulat ang isang tulala
ilang tasa ng kape ang aking naubos
bago matapos ang tulang ito?
huwag mo nang itanong.
kung ikaw ang iinom
hindi ka makakatulog
sa budbod ng pulbos
ng kape at asukal
dahil hindi lang isang termos
ng tubig na mainit
ang nababad sa aking sikmura
habang iniisip ko
paano ba tumula
ang isang tulala
na para lang wala
at nakatitig na bakla
ang syet na may-akda
sa blangko niyang mukha
na ang bigote’y inahit
kaya’t walang bisa
na kilitiin ang mga salita
upang sumulat ng tula
sa tulad kong
natutulala.
ganyan ang pagsulat
ng tulang tulala
kung hindi nakikita
ang musa ng paglikha.
~December 10, 2011
1:15 pm
Kung ang Pag-ibig ay Isa Lamang
kung ang pag-ibig ay isa lamang
kimpal ng palad
alin-alin sa daigdig ang maari
nitong dakutin?
maari nitong dakutin ang puso
dahil sinlaki lang ng mansanas
ang pumipintig na laman.
yayakapin nito ang mata,
maging ang utak
dahil lahat sila’y maikukulong
sa kamay.
mahahaplos nito ang lahat
ng malaki o sinliit ng langgam
dahil ang kimpal na palad
ay nakahahapulas
nakahahawak
subalit hindi maaring saklawin
ng nagmamay-ari ng palad
ang sariling katauhan
sa isang kimpal
ng pag-ibig.
Regalo
~matapos ang isang araw na hindi mo pag-imik, hirang
ipinagpapasalamat ko
hirang, na may regalo ka
ngayong umaga:
kahit binuksan mo
ang mapait na laman ng kahon
ng iyong mukha,
iniabot mo sa akin
ang kaytipid na ngiti
agad mo lang binawi
ang iyong tingin
ipinukol mo sila sa lupa
habang sinusundan ko ang yapak
ng iyong mga paa.
Natakpan muli ng basang buhok
ang iyong mukha
natakpan muli ng maitim na pambalot
ang iyong kaluluwa
at hindi na kita tinitigan pa
itinatak ko na lang
sa aking balintataw
ang ibinigay mong
tipid na ngiti
na sana lamang, sana
regalo mo pa rin sila
tuwing umaga.
Ang Porsiyento ng Pagdama
hindi tinitimbang
ng siyento porsiyento
lang
ang pag-ibig
dahil
hindi ito sisidlan
ng mabigat o magaan
hindi sinusukat
ng numero
lang
ang pag-ibig
dahil
hindi ito binibilang
ng oras o araw
hindi mini-metro
ng baha-bahagi
lang
ang pag-ibig
dahil
wala naman talagang sukat
ng hakbang
o sentimetro
ang pagdama
hindi kailanman
nahuhusgahan
ng numero
lang
ang nasa pagitan
ng dalawang nagmamahal
walang malayo
o malapit
sa pag-ibig
kaya’t hindi rin dapat
sinusukat
o hinahadlangan
ang tumbas na pagtatangi
ng siyento porsiyento
lamang.
dinadama ang pag-ibig
giliw
ninanamnam
tulad ng matamis na pastilyas
o mapait na alak
na walang pag-aalinlangang
tumawa
o umiyak
saka iaabot sa palad
ng kasuyo
ang katumbas na halik
o yakap
at alinmang pagdama
na hindi kinukulob
na hindi sinusukat
ng siyento porsiyento
lamang.
Ayoko Munang Tumula
ayoko munang tumula o sumulat pa nito.
napapagod din akong kumatha
masahol pa ito sa nagtitibag ng semento
o nag-aanluwagi ng hindi matapus-tapos na bahay.
napapagod akong umibig
sa salitang binabalot ng hilaw na kapaguran
nagliligis na ang pawis sa aking leeg
nag-uumapaw ang masel sa dibdib
at masahol pa nga ito sa nagtitibag ng sementong
nakapagitan sa atin.
napapagod akong mag-ipon ng pag-ibig
walang kapunuan ang damdaming ito
tila bangang kaylawak ng bibig
subalit butas ang ilalim ng kapunuan.
napapagod akong umampon ng kathang
ihahalo sa buhangin at graba
na sabay-sabay kakalansingin ng malamig na tubig
doon, kasabay nito, titibhawan ng ligamgam
ang pagnanasang i-aspalto pa ang kalsadang-baybay
nitong mga kathang walang paroroonan.
napapagod akong magpalambot ng bakal
na damdaming hindi na susuyuin ng apoy
na hindi na pipingkian ng masong puso.
napapagod akong magsalansan ng talinghagang
pinipilit isulsi sa dati nang punit na pag-asa
kumbakit, umaasa akong ako’y isang karpintero ng pandama
na hindi nasanay sa pagod at hirap ng pagbuno.
napapagod akong maglapat ng wastong tibok
sa bawat haligi ng dibdib, nagigiba rin sila
tuwing nakakapa ko ang paltos na kamay
samantalang tumutulay ang dugo sa mga dulo nito
na siya kong tintang gamit sa pagsulat ng tula.
napapagod akong umuwing laglag ang balikat
na hindi na nahahagod ang likod ng pag-ibig
na hindi na hinahagkan ang mga labi ng sumpa
na hindi na nakakatalik ang mga salitang-rosas
na palibot sa atin kapag tinutulaan kita.
napapagod akong nagbabanlaw mag-isa
ng tuwalyang pinahiran ng lungkot at pagluha
samantalang bakat sa kabilaang pisngi nito
ang pinapanday kong tula sa aking balintataw: ikaw.
napapagod na akong tumula.
nakakapagod rin pala ang kumatha
ng tula.
Ayaw na Kitang Tulaan
Ayaw na kitang tulaan
wala na kasi akong maapuhap na dahilan
upang sumulat pa
o tulaan pa kita.
Ayaw na kitang tulaan
hindi na gaanong nagbabaga
ang pagnanasang ito
at hindi na ako susulat pa
ni katiting, kahit ilang letra.
Ayaw na kitang tulaan
gasgas na ang lahat ng salitang
maghahambing sa walang dudang yumi
na taglay ng iyong ngiti
na sabit sa arko mong kilay
na bitbit ng maindayog mong titig
na kalabit ng mahinahon mong boses
at tila nga nalunod na lahat
ng salitang para sa iyo lamang.
Ayaw na kitang tulaan
imposibleng hagurin ng dila
at katha, ang parehong pandama
na minsan nang naiaalay sa iyong kamay
imposibleng dalawa ang diwa ng tula
para sa isang tinutulaan
o sinusulatan nito
kagaya mo.
Ayaw na kitang tulaan
salat na ang aking bokabularyo
pagod na ang bawat litid at pulso
sa paghahanay ng mga titik
na kikiliti lamang sa nagigising mong pandama
at uusisain nating sabay
kung bakit hindi na kita ngayon
tutulaan.
Ayaw na kitang tulaan
dahil nabuo ko na ang isang tulang
hindi pa nalilimbag sa daigdig ng mga tula
na hindi binuo ng mga salita
na hindi inihanay ng porma
na hindi nilikot ng batas ng pagkatha
na hindi kailanman malilimot
ng sinumang susulat pa ng tula
ukol sa pag-ibig.
Ikaw
mismo
ang tula
na naisulat ko na
at paulit-ulit kitang tutulain
hanggang sabay tayong mabusog
sa damdaming katha
na ang tanging pamagat
ay
ikaw.
Hindi Kita Mahal
nagkakamali ka.
kung iniisip mong mahal kita
dahil araw-araw kang nabubusog
sa metapora ng aking pagtula.
nangangahulugan ba
na dahil nagtatakda ako ng oras
nagsusunog ng panahon
at nag-aaksaya ng pahina
ay naglalagak ako ng bastang damdamin
sa gitna ng iyong walang-
muwang na sulyap?
nagkakamali ka.
dahil ang metapora ng aking gawi
napapansin ko man ang iyong ngiti
nalalasahan man ang iyong halakhak
nadadampian man ng aking halik-hangin
ang pisngi mong umuumbok
dahil sa walang puknat kong pagtitig
higit pa dito ang hindi mo nauunawang
hindi kita mahal
lang.
Obsesyon I
nanginginig ako
sa iyo, sa iyong laman
sa iyong kabuuan
kaya titig na titig
itong kanduduling na mata
simula sa sakong
hanggang huling hibla
ng iyong buhok
na nakasalansan
sa mataas mong balikat.
gusto kitang siilin
kaya
hayaan mo na lang
titigan kita
pangako
hindi kita dadantayan
o hihipo man lang
iiwas akong masagi
ng aking balat
ang iyong panakip-
laman
iiwas akong mabundol
ka, malapatan
ng mapagmalabis kong palad
natatakot kasi ako
dumikit sa aking ulirat
ang iyong larawan.
ngunit
pangako,
walang kapahamakan
ang mga titig ko sa iyo
kahit ang paghaplos
sa buhok mong inaalon
ng aking hintuturo
ay hindi ko babawasan
isang hibla man lang
walang tinik
ang tapik-balikat
ekspresyon ko lang
na binabati kita
hinahatid ng mahinang dantay
ang di maibulalas na lambing
walang apoy
ang aking ngiti
at walang dapat ikatakot
na masusunog ka
kapag namumungay
nang sabay
ang aking mga mata
walang sikreto
ang aking mga ngiti
ikaw din naman
ang pumupunit
ng aking mga labi
kaya nasisiyahan ako
nasisiyahan ako’t
pinangingiti
ng kiliti
ng hayup mong ngiti.
walang pag-iimbot
ang aking pagtatapat
hindi kasinungalingang
magsabi ng totoo
hayaan mo na lang
tutal
hindi ka mapapahamak
hindi ka mapapaso
hindi ka masusunog
sa aking mabining
paglalambing sa iyo.
Pangako.
Ngiti
Huwag mo akong titigan
natutunaw ang aking mundo
gumuguho ang aking tapang
bilang isang lalaki
at sinisilo ng limbo ng iyong mata
ang aking kahinaan
pigilin ko man ang huwag
mangatog ang lamyang tuhod
tumitiklop pa rin ang tatag
ng mga talampakang bibigay
sa ilang sandali lamang
huwag mo ring iukit sa iyong pisngi
ang mga bangkang biloy
na tila nahihiyang buwan
nagngingitngit ang aking bagang
na nakawin ko sila’t
isilid sa pitaka nitong dibdib
hanggang tumubo ang mga ngiting iyan
na suwi ng saging
saka ko na sasaluhin ang agimat
na itutulo ng iyong pusong repleksyon
ay saya, ligaya,
at pag-ibig na wala sa iba.
Brutal na Pagpaslang
~ang simula ng masaker sa aking puso~
Ramdam ko ang kirot
nitong lumalaylay na balikat
nang salagin ko ang una mong ulos.
Muntik na akong takasan ng ulirat
sa ikalawa mong saksak
at gumuho ang tapang sa dibdib
habang dali-dalirot mo ang laman nito.
Hindi ko maihakbang ang aking mga binti
pilantod ako ngayong kaharap ka
niyuyupi ng iyong kamay na bakal
ang natitira ko pang lakas.
Hinahagilap ko ang mga palad
na hahaplos sana sa aking mga sugat
upang hindi na ito humapdi’t magnaknak
ngunit tuluyan mo na akong pinapatay.
Hindi ko na mabilang ang mga taga at saksak
na iyong ginagawa: may kurot, may sundot
at sa aking pagbagsak
tumilamsik ang mga patak ng dugo
sa aking mga matang sa luha nahilam.
Paki-usap ko lang:
huwag mo akong gaanong nginingitian.
Saluma sa Magdamag
Huwag mong isiping gigising ako nang maaga
dahil kagabi, nakipagpatintero ako sa mga lamok
habang inaagaw nila ang namumuong antok.
Natatakot kasi ako, napapanglaw marahil
na dalawin ako ng masamang bangungot:
binusog mo kasi ako, punung-puno ng dighay
ang lukbutan ng aking pandama
matapos mong isubo sa aking bibig
ang mala-pastilyas mong ngiti;
matapos mong ihain sa aking dibdib
ang batubalani ngi iyong titig;
matapos mong isiksik sa aking panaginip
ang katotohanang naririyan ka pa
at muli’t muling nanunuksong anino ng pag-ibig
sa kulambo ng pagdama.
Bukas, huhulihin ko’t kakainin
ang mga lamok na mapang-abala.
Walang Pamagat
~dahil hindi ako makaisip ng salitang akma sa paglalapat ng ating mga balat~
gumagapang ang sanlaksang kilabot,
mahal
sa aking batok
matapos ang pag-uulayaw
ng ating mga balat
niyuyurak ako ng pingkian ng tibok
sa aking dibdib
matapos salikupin sa tadyang
ang sandaling ito
na yaman ng panahong
hindi na kaylanman
babalik
hinihigop ako, mahal
ng subasko
ng ipu-ipo
ng buhawi
ng bagyo
ng delubyo
dahil dinudurog
ang aking kalamnan
ng sanlibong ligayang
limot marahil
ng nagdudumilat na katotohanan
pinupulbos ako
ng dagundong ng kulog
na nakulob
sa loob ng dibdib
marahil
hinahataw ng yantok
o itak
o sibat
ang aking lalamunan
at pigil-pigil ko
ang huminga ng malalim
o mababaw
dahil baka kumawala
ang tinitipong pagtitimpi
na sandakot na lang
sa palad
niyuyugyog ako, babae
ng hindi mabilang na daliri
ng iyong buhok
ng iyong balahibo
ng hininga mong
kaylapit lamang
sa aking hininga
anupa’t hindi ko na makilala
ang napino kong katauhan
dahil bumakat na yata
sa aking katawan
ang hindi mahihilod
mong halimuyak
ng ngayon
at bukas.
Ang Pag-idlip Minsan ay Imposible
pinuyat mo na naman ako
katulad ng mga palakang tumatawag
ng kapareha sa gitna ng ulan
salit-salit kumakalembang
sa aking panaginip
ang iyong pangalan.
nagmumulto ka na naman
hinihila mo ang aking mga paa
palayo sa katre
matatagpuan ko ang sariling
umiinom ng ilang basong tubig
o duduklit ng ilang biskwit
na kakagat-kagatin
habang nagtatanggal panglaw.
hinahaplos muli
ng mabango mong buhok
ang aking dibdib;
hinihimas wari ng iyong daliri
ang talukap ng aking mga mata
ibinubukadkad mo sila
at tinutukuran na ako ng puyat
hanggang gising nga ako
magdamag.
naitatanong ko:
ang kahoy kayang dinapuan
ng mga kuliglig
ay hindi natotorere sa huni
ng mga insektong lintek?
ganyan ako.
at kung kahoy akong dinapuan
ng mga kuliglig mong ala-ala
hindi ako magigising ng maaga
yayakapin ko maghapon ang unan
babalutin ko ng kumot ang kama
isisiksik ang katawan sa dingding
at hihikab-hikab akong ngingiti
dahil pinuyat mo na naman ako.
hindi ka ba napapagod
sa panunukso
kahit sa panaginip?
Gusto Kong Sabihing Ako’y Umiibig
gusto kong sabihing ako’y umiibig
ngunit hindi.
ang umiibig ay tumitingin lang
pagkatapos ay yuyuko dahil
ibig lang nilang tingnan o haplusin
ang pag-ibig.
gusto kong sabihing ako’y umiibig
ngunit hindi.
dahil hindi ko ginagamit ang mga mata
sa paghanga, sa paghaplos
o sa pagsasabing “iniibig ko
ang isang bagay.”
gusto kong sabihing ako’y umiibig
ngunit hindi.
dahil ako’y nasasaktan
may namamahay na mga tinik
sa paligid ng aking dibdib
habang lumalago sa tadyang ang mga rosas.
gusto kong sabihing ako’y umiibig
ngunit hindi.
dahil hindi katulad ng iba,
nagnanaknak ang aking pagnanasang
paibigin ka rin, kupkupin sa palad
yakapin nang mahigpit
ikulong sa bisig
dahil may mga pag-ibig na sadyang maramot.
gusto kong sabihing ako’y umiibig
ngunit hindi.
dahil ang pag-ibig ay nanunudyo lamang
nangingindat nang palihim
at yaong hindi nabubulalas, sa labas
ng pagkamahiyain
gusto kong sabihing ako’y umiibig
ngunit hindi.
ako’y nagmamahal.
Succubus
lumulukob ka
gabi-gabi
hanggang madaling-araw
hubad kang lumalapit
kukubabaw sa walang saplot kong bait
at muli’y papasukin mo
ang kaibuturan ko
sisimulan mong sipsipin
ang natitirang lakas
puyat akong gigising
pupungas-pungas
“kaygandang panaginip
ang isinabog nitong lintik”
sasabihin ko lang
maiiwan akong payat
habang tatalilis ka
patingkayad
banayad
pagputok ng liwanag
hindi ko man lang naitanong
kung dadalaw pang muli
ang ganitong espiritu
kunsensya ng nakaraan
gabi-gabi
hanggang madaling araw.
Pakikipagtuos
iniisip ko
sa ganitong mga sandali
kung may makapagpapalumanay
sa pamamagispis ng mga paruparo
sa aking bituka.
nandoon lagi sila
nagpapa-alimbukay ng balisa
tuwing magpaplano ako ng mga pagsugod.
sa ganitong pakikipagtuos
naagkakahitsura ang tapang
na nahahablot mula kay Adan
nasusugba ang tinitipong tapang
kapag kaharap na
mata sa mata
ang pinaghahandaan.
kaya kagaya ng madiskarteng sundalo
dahan-dahan kitang paiikutan
babarikadahan
tula’t bulaklak
sa una’t hulihan
pagkatapos, isa-isa kong papaslangin
ang mga diyablong nagbabantay.
sa kahit paanong paraan
titiyakin ko ang pagkubkob sa iyong teritoryo
magbabaka-sakaling sa pagpapatagu-tago
sa mga pader ng nerbiyos
matutunton ko ang tamang lagusan.
dito:
tatapusin ko na ang laban.
Kulam
gising pa rin ang alamat:
ang kulam ay balis
kahantod ng ugat
dighay ng lagnat
kurot sa tadyang
na ‘di mapaghilom
ng insenso’t karayom
na minsang dumalirot
sa kaloob-looban
Lango
ninamnam ko ito
kasabay ng tungga
kay linamnam ng bula
kay tamis ng alkohol
sa pulutang sipol
at natutulog akong
walang paki-alam
kumakalam kasi
ang aking memorya
sumisiring pa
sa hawong
ng nakitagay na pag-ibig
‘sang suntok sa mesa’t
sisibat ang tinidor
sa puso muli
sasapul.
Pagpapatianod Sa Huling Daluyong Ng Pagsuyo
kumapit ka mahal
at dahan-dahan kong babakatin
pagkalupi ng iyong patadyong
sa aking pagkakayapos.
sa sandaling ito
gunitain natin ng sabay
tikatik ng pagsuyong
inihahatag ko sa altar
habang ika’y mapag-usisa,
mapanimdim sa malumanay kong pagkatok
tapos haplusin mo nga ga-bulak mong daliri
kung mayroon pang kakalansing
sa nahihimbing mong pandama.
hindi ko man sadyain
pinaaalingasaw ko pa rin
salit-salit sa hangin
kung ang pang-aabala ko ay makaliligalig
makagigising pa ng sukli –
hambing mo sa aking binabaybay.
ngunit kung ang manaka-nakang pagsilay
pagdalumat sa oyaying
maghehele sa iyo,
mapaos man sa lilim ng katuy-an
basbasan mo na lang ng ngiti
ang aking naging pagbati,
pitasin mo na lamang ang ikinaaabala
at tig-isang isabit
sa kanya-kanyang gunita.
Pasakit Ni Pintakasi
ipinapaalala ng iyong mga titig
ang ligawgaw ng tukso
nangungusap ang pilikmata
at arko mong kilay
ang indayog ng iyong balakang
ay indayog ng pag-akit
ang matikas na dibdib
na nagsasanib ng libog at init
balingkinitan ka sa paningin ko
at kay ulag ng iyong halakhak
galak sila nitong pag-asa
na sana’y akin ka pa
gayak sila sa katotohanang
papangarapin na lang kita
dahil nakabili ako ng gintong singsing
na may palamuting tanso
na humihigpit palagi
sulyap ko sa sakong mo.
sa susunod na makiraan ka
sa bukas na pinto
nitong tanga kong puso
kikidnapin kita
itatago sa madla
bibihisan ng itim na trahe
at papalitan ko ang iyong pangalan:
pasakit.
Pagtatalik
ginagap ko ang kamay ng pag-ibig
pumatong siya sa aking dibdib
at akong si lalaki’y nagbuntis
mundo itong pasan ko sa likod
hinintay ko itong mapisa
at nanganak nang nanganak
mula sa pagtatalik ng aking kamay,
bilang lalaki, at pusod ng pag-ibig
ang kristal na panahong
may apelyidong “pagtitiis,
tagumpay, at tamis
“aaminin kong kung di kita
tinitigan, kahit mahiga ako sa rosas
ng pangala’t kadakilaan
walang saysay ang pagbubuntis
maging ang kabusugan
kapag nag-iisa’t ang pag-ibig ay hilaw.
Kung Salat Ang Salita
tinatakbuhan tayo ng mga salita
sabi mo lang
hindi na kita naikakatha
ng mga pandama. sa pahina,
wala na ang gayuma
na nihahanay-hanay ng bawat tugma
kapag tinutulaan kita.
naaalala ko ito:
simula sa unang papel na laman
ang pandama ko
hanggang hagkan mo’ng matamis
ang inilahad kong palad
na nagsasabing halika…halika
nagdidingal pa rin ang apoy
ng pagkatha.
tandaan mo:
ang halik ay salitang
hindi sinasambit
may tulang hindi naiuukit
kapag tayo’y nagniniig.
Sa Banig Na Ating Higaan
Magagawa kong ulap ang matigas na sasapnan
At bulak kang hihimlay sa talukap nito.
Sa mga bisig na yayakap sa ‘yo
hindi ka madudurog o mahihimay
Sa mga lingkis ng kadena nitong bisig
Sa halip, dadamhin mo
Ng katulad na paghiling, daing
Ang pagtatalik ng ating mga pawis
Hanggang mapatunayan ko sa iyo
Mahal nga kita.
Untitled 001
~inspired ng kantang Exchange of Hearts
magkatapat lang tayo sa silid na ito
halos
sapat lamang ang pagitan upang titigan ka
ng palihim
sapat lamang ang layo upang hindi ka
makabungguang balikat
dahil baka lang, baka lang
magiba ang aking katatagan
kung magbabanggaan pa tayo
ewan ko
ngunit sabihin na lang nating
banidoso ako
mainggitin
sinisilip ko ang pagkakalapat ng iyong mesa
sapat ang lapat
sa dinding ng aking puso
sapat ang sukat
ngunit umaapaw ang pinagpatung-patong
na damdamin
sa ibabaw nito
gusto kong subukang makipagpalit ng mesa
sa iyo
upang halughugin mo ang laman
ng sa akin
upang makita mo man lang
walang laman
halos
ang bawat sisidlan
na pinupuno lamang ng pag-ibig
na sapat ang lapat
sa aking
mga lihim na sulyap.
Ang Seremonyas ng Pagtatanggal ng Init
habang lumalaon, higit kang sumasarap.
mahigpit kitang hawak sa iyong leeg
dahil baka ka pa makawala
dumulas palayo sa uhaw kong panlasa
kay-init ngayon ng panahon
kaya kailangan kita.
hubad ka na
at nagpapawis ang buong katawan
sa ganitong pagkakataon
nauuna kong dilaan ang dunggot
sa tuktok ng iyong dibdib
kinakagat-kagat hanggang lumambot
ang mamula-mulang prutas
saka ko nilulunok ang matamis na katas
espesyal kasi iyan.
kung humugos na ang iyong pawis
sa pagitan ng aking mga daliri
habang yakap ka ng aking mga palad
panahon na upang halukayin kita;
huwag mong ipagtaka kung bakit kaybagsik
ng aking mga dasik sa iyong kaibuturan:
kailangan mong kumatas, kailangan
mong ilabas ang lahat ng matamis
sa iyong katawan
pinananabikan kong makitang handa ka na
at lumalaban ang iyong puwit
sa pagkakapatong sa mesa.
darating ang sandaling wala ka ng lakas
wala ka ng ipagmamatigas
na dati-rating ikinangingilo ng aking bagang
sa bawat pagtatangkang tikman kita.
ang hinihintay na lang:
ang kulay bahaghari mong sangkap
na sadyang lulutang sa katas ng iyong balat
sa halumigmig ng iyong pawis
na gatas
saka kita hihimayin dahan-dahan.
habang lumalalim
papatamis ka nang papatamis
O, halo-halo.
Huwag Muna
-sa aking asawa matapos ang salamisim sa gabing ito
lumitaw muli
sansaglit lamang
ang lumilinaw na badya
hindi ito ngayon lang
kahapon pa
marahil hindi rin
dahil araw-araw kang lulubog-
lilitaw sa banga
nitong malinaw na panaginip
kumukulabsaw sa init
salabsab sa titig ko
habang naririyan ka
kaharap na
laman sa laman
at kumikislig tayo
palagi, kumikislot tayo
at sasabihin kong
tunay na ako
ikaw, ang kumot
balabal sa ginaw
taklob sa kahubdan
nagsasabing walang kulam
ang maghihiwalay
sa ating pagniniig
sa himlayan ng daigdig.
huwag tayong magbihis, mahal.
huwag muna.
Walang Pamagat
~maliban sa hatak ng aking asawa~
ngayong gabi
hinikayat kong tabihan
ako ng aking kabiyak
upang basahin niya
personal, ang aking sulat
tulang para sa kanya
matapos ang reklamong
kumpleto ang sahog
ng aking tula
ngunit panis ang ulam
hain sa kanya
“dito ka” sabi ko lang
antabayanan ang titik
hanggang mabuo ang pag-ibig
sa tulang alay sa iyo
ngayong taglamig.
hindi sya umimik
hinila ako’t sinabing
“tabihan mo ako,
ang tula’y nasa akin
habang katabi mo.”
If love has silver wings
divine as soul
gentle as cotton
subtle as southern winds
and its crest golden
what should I call
its nest?
“you”.
Serendipity
words are now playing
though they run slow
on a coaster of chance.
they have just acquired
a registry of fate
and limbs began to grow:
each stroke takes shapes
symbols to sounds of surrender.
Ang Penomena ng Pagdalaw ng may Kahinahunan
Sinusulyapan kita
habang inihahatid ka
nitong hangin ng pananabik.
Lumulutang ka
marahang-marahan
walang kapangahasan
gaya ng layang-layangan,
saranggolang papel
sa bubong ng talisay.
Banayad kang dumadantay
mahinahong naglalambing
tulad ng paru-parong ligaw;
mapagparayang petalyang humihimlay
sa lilim nitong kanlungan
at nangingiliting tutubi
sa tangkay ng umid na pag-iral.
Ikaw ang matimpihing langitngit
ang oyayi ng halik-sakong
sa saknong ng papag na kawayan;
ang taimtim na liliw
nitong buntong-hinihan,
ang amorsekong sinisiksik pa
sa kalupi ng nahihinog na pandama.
Ikaw rin ang imaheng
sa altar lamang mahahagkan
ang kumot sa lamig
sa banig ng alinlangan
ang binhi ng tapik-hinahon
na hindi na sisinupin pa
sa kaing ng katahimikan.
At natutukoy ko hirang
ang salamisim na liliw
ng ‘di mo sadyang pagdalaw
at katok-paramdam
ay magkabiyak na bunga
ng magkapilas na kaganapan:
sintang pagtatalik
at luna-de-miel
ng pag-asa’t kahinahunan.
BLANCO CANTADAS
ang Dalawampung Sunud-sunod na Araw ng Katahimikan
X
nakapagitan sa tikom mong mga labi ang pagpupuyos
anupa’t nagniningas sa langib ng iyong dibdib ang pilak na galit:
sumasargo sa paligid ng iyong mata ang daloy ng lava.
naglalaro sa atin ngayon ang panunukso ng mga kuliglig at salagubang
sa ilalim ng kulambong lilim ng langit; bumabangon ang mga higanteng
pangamba na may mamamagitan sa ating lubos na kapayaapaan
matapos nga itong pag-aalay ng birheng puso sa altar ng mga pag-ibig.
may mga gabing umuulan ng pagtangis ang kalawakan;
sumasalit ang walang imik na kulog, pumipitada ang sipol ng hangin
doon, doon sa kweba ng aking tadyang na pinamamahayan ng apdo
at isinasayaw ng guhit ng kidlat ang walang kibong balikat
na hindi natin binabati ng tapik-liglig ang pagpusyaw ng bawat araw.
maging sa mga titig man lamang, tila tayo ngayon sundalo’t gerilyang
papatay sa sandaling may sumambulat na isa mang salita.
sa gabing ito, kawal akong naghahanap ng lunas sa sugat
matapos ang digmang magtatagal sa ating pandama,
gagalugad pa ako ng mga dawagan sa ilalim ng iyong hininga
na papayapain lamang ng aking pagsuko, matapos ang araw na ito.
~Agosto 10, 2011
XI
nalimbag sa kasaysayan ang araw na ito at isa pang kasaysayan
ang nananaig sa mga natuyong dahon sa mga payak nating paanan;
kinikiliti ng sanlaksang karayom ang balintataw at sadyang uuwi
sa pagdurugo ng isip ang nagbabangong katahimikan ng aking daigdig.
layak ang sinag ng umagang ito katulad ng kagabing pusyaw ang buwan.
ginising akong muli ng panaginip ng nagdaang engkwentro,
tadtad ako ng mga punglo dahil hindi ako umilag, ni nagtago
hinahaplos ko ang mga sugat na sadyang hindi sana akin
ano’t lumulusot lahat sila sa katawan kong hilaw sa ganitong paraan
ng digmaang wala akong kinalaman. Tapos na sana ang panibugho
ngunit pinipilit ako ng sariling dugo “lumaban ka’t tumayo, tayo!
kung inosente kang hahandusay at nakadapa kang hahagkan ang lupa
ibubulong mo sa mga nahulog at natutuyong dahon ang dapat
naririnig ng iyong puso.” ngunit hindi ko man lamang iniumang
ang aking sandata, tungo sa iyo; hindi kita maaaring gantihan
higit kang mahina. Higit kang walang laban.
~Agosto 11, 2011
XII
walang kapayaapaan kung hahandusay nang mahinusay ang aking puso
na walang pagtatanong sa umid na bibig ng oras: may tikatik ba ng pait
ang paglalakbay ng kaniyang kamay sa sariling mukha? Ano’t simbagsik
ng espada’t punyal ang minuto-segundong bisig na humihiwang pahalang
paroo’t parito, sa aking tadyang? Ikinalulugod mo ba, giliw, ang paghapdi
ng mukha ng orasan at maituturing ko ngayong istigma ang mga sugat
na hindi maghihilom habang eskrima ng katahimikan ang iyong labi.
Namamaga ang mga pilat na ito araw-araw; umaalsa ang panibughong
nakukulong sa aking kamatayan. Naglalangib ang pagnanasang huwag
mong kitilin o putulin ang mga pisi ng aking litid tungo sa iyo,
ikaw na aking ka-digma at kaibigan, kaligayahang buhay ng aking kantada.
Ikaw na ina ng aking mga titik, ikaw na kapatid ng musa ng paglikha
ikaw na sa dulo ng panitik ay kaluluwa ng imahe at sugid
ikaw na naggugupo ng kahinaan at kahinahunan, ikaw na sadyang
kadluan ng hindi matapus-tapos na pagsasayaw ng tubig ng akda.
Kung sa pagtatapos ng araw na ito, mananaig pa rin ang kapayapaang
hinaharana ng pagtalikod at panibugho ng iyong mga balintataw
kunin mo sa beywang ng aking panulat ang pinakinang na balaraw;
kusa mong itarak sa puso ng aking tula, hininga, at pagnanasang
iahon sa himlayan ng daigdig ang marami pang pandama
mula sa talinghaga’t kasaysayan ng aking luksang kamatayan.
~Agosto 12, 2011
XIII
Higit ngayong nagnanaknak ang sugat.
Sabado, at ang paglilibing ng mga patay na damdamin ay panahon
Na akin ding ipinagluluksa. Suot ng aking katawan ang hinagpis
Samantalang balot ng belo ng pagkamangha ang aking isip:
Ano’t nagpipilit akong isiksik ang kaganapang ito sa loob ng ataul
At mag-isa akong nananangis sa sarili kong balikat?
Nililigid ng aking paningin ang bintana ng kahong ito, hanap ka
Ng mga matang sarado kagabi pa. Walang ibang taghoy ang umaapaw
Dito sa paligid ng sementeryo ng aking pag-iisa’t pangungulila.
Kahapon, pinilit kong gamutin ang aking tadtad na kabuuan
Hinihilamos ng tuwalya ng palad ang nagkalat na dugo’t pawis
Sa dibdib na walang iniwan sa hubad na bangkay ng isang kawal
Doon sa parang ng ating pagniniig, sa pilapil ng aking sonata.
Sa parang ding ito ako nabuwal, at ang mga sugat na tinahi ng talahib
Mula sa iyong panibugho ay hindi naghihilom ng pagkainip
Kung kailan maagnas ang nagpupuyos mong galit
Kung kailan sisibol sa nabulok kong pagpapakumbaba
Ang mga buto ng pakikipagkasundo, pagtanggap sa akin
Muli.
~Agosto 13, 2011
XIV
Nabubuhay muli ang mga himaymay ng aking katinuan.
Bumabangon na naman ang kumpiyansang natunaw na tingga
sa nagbabagang kalan ng aking pangungulila sa iyong hininga.
Hinuhugot ko ngayon sa aking tadyang, sa malalim na sugat,
ang apdo ng walang katiyakang pagsasauli ng ating malay
kung may reinkarnasyon ang matagal nang namayapa.
Ngunit ngayon, ngayon lang, bago pa humiyaw ang araw
upang pagsayawin ang pag-asang liwanag ng magdamag
ipinabaon mo sa tinuping panyolito ang marka ng iyong halik
samantalang nakikinita-kita ko ang muling pagpunit ng iyong labi
upang bigyang daan ang matagal ko ng hindi nakakamayan:
ang espiritu ng iyong ngiti, ang penomena ng muling pagdalaw
ang pagbulusok ng mga kometa ng luwalhating hatid ng pagbati
at ang kahinahunan ng aking kaluluwa ay muling hihimlay
ngayon, sa mga pantyon ng kagalakan.
~Agosto 14, 2011
XV
Huwag mo akong tanungin kung bakit nagpalit ako ng damit
o nag-ahit ako ng bigote at balbas o walang itinira isa mang
pulgada ng aking buhok at naroon na silang lahat sa baldosa
habang naghihintay hipan ng hangin at ipasyal sila sa dawag
ng aking mga nakaraan: hindi na ako ang dating tao.
Susubukin kong huwag matabsingan ang mga talampakan
habang nanunulay sa mga putik ng pilapil, habang namamaybay
doon sa mga gasangan ng dumi. Susubukin kong huwag pawisang
ganap ang hubad na katawan upang huwag umalingasaw
ang sulasok ng nagdaang masamang panaginip.
Kung mayroon mang kakalansing na dungis sa aking kamay
pipispisin ko ito nang maaga upang hindi mo na masilayan
hahagurin kong buong ingat ang batok at likod, pati ang tapat
ng dibdib kung saan naroroon ang puso, upang maging sapat
ang imakuladang linis ng aking sarili. Ngunit katawan lang ito,
laman at balat. Kung masisilip mo lamang ang aking kaibuturan
naroroon pa rin ang dungis ng aking nakaraan, ang dating ako
na nagtatampisaw sa putik ng masidhing pag-ibig.
~Agosto 15, 2011
XVI
Bagong tao ako ngayon.
Isinilang akong muli mula sa pwerta ng kahapong ipinaglihi
sa bangungot; panaginip ang nagtulak sa aking kumawala
umalagwa sa sapot ng sinapupunang singdilim ng mga ilog sa gabi.
Nahawakan ko ngayong umaga ang mga hita ng aking ina –
ikaw – walang iba, at sa pagbulusok ng aking sanggol na katawan
mula sa lagusan ng pinaghati-hating sikdo at pananalig
sinalo ng mapagpala mong mga palad ang aking likod;
hindi mo ako hinayaang mabuwal habang nagpipilit gumapang
itinuro mo ang dulo ng magdamag tungo sa bubot na madaling araw.
Sinuklay-suklay ko ang gulong buhok nang ilang sandali lamang
tinitigan ko ang repleksyon ng sarili sa bukal ng pagkamangha
at ngayon nga’y bagong tao ako.
bagong nilalang akong tatahak sa daigdig ng mga rosas,
baybayin ko ang mga pilapil ng pagsubok at pag-ibig
aawitin ko ang mga sonatang narinig ko sa balon ng iyong mga labi
habang pinagnanasaan kong malaon ang pagyakap sa himig
ng sanga at dahon at hangin, upang dalhin ako sa iyong hardin.
Doon, gaya ng isang musmos,
mamumulot ako ng masisinsing salitang inihulog ng bit’win
maglalaro ako ng buklod-buklod na talinghaga ng araw at buwan
at sa hukay ng lupang hinubog ng patak ng ulan, ihahanay ko
ang mga hugis-pusong salita at ipagtatayo kita ng kastilyong tula.
sa aking utos, tatawagin ka sa bulong ng mga paru-parong gubat
saka kita aanyayahan kung bakit muli akong isinilang:
halika, maglaro tayo ng larong pangangalanlan kong pagdama
at isusulit natin sa mga nakalimot magmahal ang salitang
pag-ibig.
~Agosto 16, 2011
XVII
may mga pagkakataong inuulan ng halakhak ang daigdig:
nagkalat ang mga talulot nito, ipinagtataka nating hindi kumukupas
ang pusyaw na katad ng bulaklak na saya kahit maghapon silang lagas
at hinahagkan ang bagu-bagong lumalamig na lupa. niyayakap ba
ng mga petalya ang kalupaang minsang nasagad sa liyab ng araw
o sadyang doon lalagak at uuwi ang nahuhulog na santinakpan
kapag sadya na, kapag sutla na ang kanilang pagkahinog?
may mga sandali ding kinakalawit ng mga baging ng pagkalimot
ang mga lagas na talulot: hinihihipan sila ng hanging habagat
hanggang naitataboy sila sa mga sulok ng kadawagan, doon
sa mga pasyalan ng katahimikan at lumbay. naninirahan sila
sansaglit, nakikipag-ulayaw silang sumandali sa pakikipag-usap
sa kanilang sariling halimuyak, tinatanong ang buod ng kanilang puso
ang pakikipagtalik sa lupang maglilibing sa kanyang payak
na katawan. kagyat sumasalit ang bagtas ng hamog at ginaw
at hindi minsan lamang natatakpan ng bahagharing walang kulay
ang maghapong pakikipagtalik sa pagnanasang sumayaw
umindak ang mga ganitong talulot sa sayad ng tugtog
ng hanging palaboy sa daan. ganyan ang pag-ibig, hirang.
at nasasanay tayong dumadalaw na kusa ang kalungkutan
ang pait at sakit, saka muling dadagsa ang ulan ng halakhak
at tayo mismo ang pupulot ng mga talulot ng ligayang
iipunin natin ng sabay sa tikom nating mga palad.
~Agosto 17, 2011
XVIII
Kanina lang: tinutudyo ako ng iyong mga titig. sinasadya mo
ba ang muli’t muling pagpaslang? ituring nating mapanukso
ang bawat sandali, o maari, ako lang ang nahuhumaling
pumapansin at nagbibigay kahulugan sa pagtatanging bigay
na walang pangalan. Kanina lang: hinihila ako ng iyong balakang
ayaw ko itong masdan, ngunit nagpupumiglas ang paslit
sa aking pumipintig na sentido – habulin mo ang musikang iyan,
ang imbay ng kanyang balat at katawan, dahil maaring sa pitik
ng ilang saglit, kakaway at mamamaalam ang ganitong segundo
tulad ng pagkaway ng mga kamay ng orasan. kaya’t hinabol kita
ng aking mga titig. halos liparin ng aking ulirat na nakasakay
sa karwahe ng pagmamadali ang pagsugsog sa iyong bakas.
tinitipa ng bawat daliri sa paa ang tinunton ng iyong talampakan
at napapatunayan kong sa bawat mong hakbang, naglalaho
ang marka ng pagiging ikaw. sinusundan mo ba ang paglimot
sa panunudyo? hinahalina mo ba ang aking puso
upang mahirati akong sinusundan lamang ang pagsasayaw
ng iyong katawan sa lilim ng musikang walang pamagat
kundi pasakit at kabiguan? kung mananatili man lamang sana
ang mga nota ng musika ng iyong titig, ang kumpas at indak
ng balat ng iyong paghakbang palapit sa kung saan
palayo sa akin na nagnanais kang hapitin sa balakang
at haplusin ang balat ng iyong pandamang nabibinbin
sa aking paghihintay araw-araw, hihintayin kong matapos
ang maghapon at hugutin sa iyong mga mata at puso
ang musikang akin lamang patutugtugin sa pag-iisa.
~Agosto 18, 2011
XIX
nauulit ang iba’t ibang digmaan, at walang katiyakang ipanganganak
akong muli matapos ang dalawampung araw na pakikipagtuos
sa iyo. may mga sandaling tahimik sa iyong kampo. nagtataka ako
kung bakit ang matikas na mandirigmang katulad mo ay pinid
ang pinto ng tanggulan at wala kang gatol kundi katahimikan.
sa ganito nangangalisag ang balahibo ng mga katunggali.
ipinapalagay ang kasawian kung hahakbang ng walang baluti
ang katawan, at susubuking kubkubin ang teritoryong tahimik.
ngunit hindi ako nag-aalalang tamaan ng anumang punglo
nagbabaga o hindi, at tatanggapin kong muli ang mga sugat
sa isang ulit mo pang pagtatangkang patumbahin ako.
sundalo ako, at ito ang katiyakan ng aking sinumpaan.
sundalo ako, at ito ang kaganapan ng aking tungkulin:
kamatayan. hindi makapananaig ang matatamong kapayaan
kung walang buhay na mabubuwis, sa pagitan natin
at mauuna ako kaya ligisin mo na ng walang patid na putok
ang aking paligid. hindi ako muli iilag, wala akong hangaring
magtago at umiwas. hahagkan kong muli ang kamatayan
dahil ikaw ang aking ka-hamok, ang aking nais kubkubin
dahil ikaw ang magsisilbing patunay sa mundo
na napaslang ako sa digmaang ito ng pagmamahal at pag-ibig.
ngunit paki-usap, isa lang punglo.
isa lang. asintahin mo akong muli. isa lang. muli.
sa puso.
~Agosto 19, 2011
XX
nanaginip ako kagabi.
sabihin nating bangungot, dahil hindi ako magising.
naririnig ko pa ang aking walang patid na ungol
buhul-buhol pa rin ang aking hiningang sasal sa pilantik ng laway
nahihimas ko pa ang taas-babang dibdib na tinatambol
ng bangungot na ito: isa kang supling ng halimaw.
nanaginip ako kagabi.
wala raw akong buhay, dahil sinuwag ako ng isa pang halimaw
sa pangalang ang may batid ay ikaw lang. iyan din ang halimaw
na sumuwag sa iyong dibdib at itinakas ang iyong puso
palayo sa tadyang at walang naiwan sa kaloob-
looban kundi malabnaw na asido ng luha at kalungkutan.
kumikiwal noon sa iyong bituka ang panibugho, ang impit
na pag-iyak, ang luwalhati ng malayang pagtangis na namamasyal
pa rin sa mga litid ng iyong kabiguan.
nanaginip ako kagabi.
magkaharap tayo, at nagniningas ang iyong mga mata
hinahaplos ng iyong kumikinang na kuko ang mga litaw na sungay
sa tapat ng iyong dibdib. nag-iisa ang sungay na iyon
maari sana akong umilag nang gayun-gayon lamang
kabilis, ngunit hindi akin ang panaginip na ito.
pag-aari mo ngayon ang aking balintataw. kontrolado mo
ang bawat kong galaw. anupa’t tila ako nakagapos
sa apat na sulok ng kama at hindi ako makahuma: naririyan ka na.
kaytinis ng iyong halakhak, magayuma ang iyong titig.
sandali akong pumikit habang nadarama ko ang matulis
na bagay na unti-unting bumabaon sa gitna ng aking dibdib.
sa isang iglap, wala na akong buhay. hinugot mo na rin
ang aking puso, palayo sa aking tadyang, at wala kang iniwan
kundi ang malabnaw na asido ng luha at pag-iyak.
habang humahalakhak, hinihimas mo ang iyong sungay
ninanamnam ang pumulandit na dugo sa aking katawan.
iyan nga ang sungay ng halimaw.
iyan nga ang maalamat na sungay na nagnanakaw ng ulirat
at nakapagpapalimot sa kahinahunan ng nananaginip
sa mga kulambo ng ayaw gumising sa ganitong bangungot.
tawagin mo siyang pag-ibig.
~Agosto 20, 2011
XXI
hinahanap ko ang maraming dahilan kung dapat kitang dantayan
kahit daliri man lang. kung sapat ba ang pagtutol, kung hinog ba
ang panahong gugol na ikaw ay haplusin, kahit daliri lang.
tinatanong ko ang lahat ng aking balahibo, ang lahat ng ngipin,
ang lahat ng butones sa aking kasuotan, ang lahat ng aksesorya’t
palamuti simula ulo hanggang talampakan. hindi sila sumasagot
maliban sa iisang hiwatig ng ngiti sa kanilang labing walang buhay.
tinatanong ko ang hangin, kinakalabit ko ang ulap at papawirin,
inaanyayahan ko ang huni ng alon at galit ng dagat
upang ako’y sagutin. wala silang iniimik kundi ngiti sa mga anino
ng kanilang kaganapan. kasalo ko ang init ng araw, ang ginaw
ng magdamag, ang parunggit ng takipsilim at pagputok ng liwanag
na sumisilip sa nakapikit ko pang kaluluwa. wala silang imik
maliban sa ngiti na iniuukit nila sa kanilang panahon.
niyayakap ko ang mga puno, binubulungan ko ang halaman,
pinipitas ko ang talulot ng mga bulaklak at ang mga hibla
ng nagsabit na kadena de amor sa iyong balikat.
wala silang kibo’t nakangiti lamang. hindi sila tumututol.
iisa lang, sana, at hindi rin iimik at ngumiti na lamang
ang ikaw, kung sakaling aking dadantayan
kahit hapulas lamang.
~Agosto 21, 2011
XXII
nagmamartsa ngayon ang aking ulirat tungo sa hangganan ng bait
at namamaybay sa mga paseo ng lungsod ang aking kaluluwa.
maghahanap ako ng oras upang huminga, upang ibaling ang diwa
sa makalilibang sa nagmimintis kong pandama. nakita ko
ang isang tindahan ng gitara at naisip kong bumili ng lambod
nais kong tumugtog, ngunit hinahagod pa lang ng mga daliri
ang kwerdas na bagting, ano’t nagsasawa na akong humimig
sa mga notang matagal ko nang naaawit? napadpad ako sa istol
ng mga pintura at ninanais kong pumulot ng pangunahing kulay
ang asul, ang pula, ang dilaw, at hahagod muli ako sa kambas
ng aking buhay ng mga tanawin. ngunit natatapon lang
ang mga katas ng kulay, ano’t pinagsasawaan ko ng himasin
ang pinsel? dinala ako ng halimuyak ng panitikang ito
at pinahawakan ng musa ng pagtula ang hindi nauupod
na panulat, inihatag niya ang hibla ng mga pahina sumulat ka
wika niya sa aking tenga. ano’t nag-iisip pa lang ako ng talinghaga
tinutuldukan na ng pagkainip ang aking panata? ngayon,
naiiwan akong gutom. at sa aking pakiwari’y higit lang
akong mababaliw kung kumakalam ang sikmura ng ligaya
sa alipawpaw ng hindi ko naman ikabubusog.
wala sa kanila ang ang aking himig at awit.
wala sa kanila ang kulay ng aking pagguhit.
wala sa kanila ang talinghaga at metapora ng aking panitik
dahil hindi inaawit, hindi iginuguhit, hindi nasusulat
ang pag-ibig.
~Agosto 22, 2011
XXIII
sa araw na ito’y nakabalatay ang balag ng sakramento
habang nahahanda ako sa malaking binyagan.
ang sanggol ay ako. hindi ko pa mawari ang aking ina
dahil hindi ko pa nasisilayan ang kaniyang mukha’t pigura.
naihaka ko lang na babasbasan ako sa pananampalatayang ito
na magkukurus ang landas ng aking pagiging lalaki at pantas
ng panitikan. masidhi ang paghahanda ng aking ina
kung hindi’y walang iyakan ng mga pinatabang guya
sa dilantera ng aming bahay. kung hindi’y walang sinag
ng mga ilaw ang lulukob sa buong paligid hanggang mahiya
ang araw sa kulubot niyang sinag: ginagapi ng araw na ito
ang sarili niyang anino. nadadamitan ako ng kayong puti
nababalutan ako ng bulak na balabal. nabudburan na rin
ng langis ng pabango ang aking noo at ilang sandali lamang
ang seremonyas ng pagbibigay sa akin ng pangalan
ay papailanlang sa pitonglibong labi ng kampana.
kailan lang ako nailuwal na may puso. hindi ako umiyak
katulad ng maraming sanggol ng daigdig. nagpupumiglas
ang aking katawan, naghuhumiyaw ang aking sigla
anupa’t halakhak at katuwaan ang una kong damdamin
sa paglapat pa lamang sa banig na ginusot ng alimpuyo
ng pagmamahal. binubuklat ng aking maliliit na kamay
ang altar ng pagpapakilala, sa akin, at sa aking ina.
ngayon lang kami magkakakilala ng lubusan.
at matapos nga ang pagbubuhos ng agua bendita sa noo
nabuksan ang langit sa aking dibdib, kagyat akong nakakilala
sa katauhan ng aking ina, ako na kaniyang sanggol
at ang aking paglikha bilang kanyang anak. nilipos ng gayak
na ngiti ang aking pisngi sa kat’waang ayaw mong patawag
na ina ng manlilikha ng bait, pandama, tula, at pag-ibig.
kung nanaisin mo, hayaan mong ako naman
ang magbinyag ng iyong pagkakakilanlan – musa:
at ganyan kita tatawagin. ang tagapaghasik ng binhi ng paggawa
sa mga banig ng mahiwagang paglikha.
~Agosto 23, 2011
XXIV
balik normal ang maghapon. hinipan mo na kasi ang pangamba
na magwawakas na rin ang katahimikan. bagong taon
ang aking hihintayin kahit kalagitnaan pa lamang ng Agosto.
pansinin mo, pinupuro ko ng talinghagang Tagalog
ang mga liham. Buwan ng Wika ngayon. dapat ika, ni Rizal
na gamitin ang sariling dila, at segunda si Manuel sa sulsol
na sige, pulpulin mo ng Tagalog ang pagkatha ng libog
at i-seroks sila ng paulit-ulit hanggang bumati ang Setyembre.
ano’ng magagawa ng isang tulad ko kundi ang sumunod?
ayan nga, eto. suwabeng tila Batangas puro ang aking himod
sa mga pagtula, dahil Buwan dawn g Wika. nakakatuwa,
dahil lahat ng kayumanggi sa buong kapuluan, saanman
sila sa daigdig, ang wikang sarili ay tambis na guni-gunita
at tila trumpetang hinihipan sa mga pakulo’t pagdiriwang.
hudyakaan nang hudyakaang parang palakang natubigan
ang mga Pilipino, dahil nga, Buwan ng Wika.
anong sarap pala, kung buwan-buwan ay may wikang
ipinagdiriwang. lahat umaamot, lahat nagbabalagtasan
lahat bumibigkas ng wikang taal. tanong ko lang:
ano naman kaya kung may buwan ng wika ng pag-ibig?
normal din kaya ang lahat ng maghapon? may pangamba kaya
na hihihipan sa pagwawakas ng katahimikan?
ipagdiriwang din kaya sa mga entablado ang balagtasan
ng pagdama at pagdatal, halik at pag-uulayaw?
magmimistulang bagong taon din kaya ang bawat araw
na pinuputukan ng mga kwitis at rebentador
ang ating mga puso?
~Agostot 24, 2011
XXV
kesehodang aligaga ang karamihan sa pagbati ng ikalawang araw
sa pagtatapos ng linggong ito, hindi ko inuuna ang pag-iimpake.
sa salansan ng mga aklat at nagkalat na papel sa ating mga mesa,
iniisip kong higit kong kababaliwan ang manatiling nakaupo
at minamasdan ang mga palakad-lakad ninyong mga paa.
busina nang busina ang mga takong ng inyong mga sapatos
at itinatanong ko kung may nakaharang ba sa trapiko ng pagsasayaw
sa aking harapan; nagmamadali ang gasolina sa inyong mga balat
at ang maliit na pasilyo sa pagitan ng ating mga mesang teritoryo
ay lalong nagsisikip sa walang humpay ninyong salubungan.
bukas ay Biyernes at walang pasok ang eskwela, babalik kayo
apat na araw matapos ang abalang araw na ito dahil sabi
mapaghahandaan ang mahabang bakasyon. apat na araw
kayong mawawala sa gitna ng aking mga kalsada; apat na araw
kayong hindi magbibiyahe sa harapan ng aking mga mata.
ganoon naman talaga, dahil hindi ko hawak ang inyong mga binti
maging ang pagpapasyang sana’y manatili na lang kayo sa mesa
sa aking tapat, wala akong magagawa. inyo ang kalsadang ito ngayon
at sasakyan ng inyong sarili ang mga sapatos ng desisyon
na magpahinga ng ilang sandali. hahayaan ko na lang ang maghapong
lamunin ako ng pagkainip at balisawsaw ng pangungulilang
tila ilang siglo yata ang pagkawala ng biyahero sa aking puso.
bago ang alas-singko, naikarga na ninyo ang mga bagahe
masinsin at susun-suson sa ibabaw ng inyong mga mesa.
nakahanda na kayo sa paglisan sa gitna ng aking kalsada.
nakahanda na kayong maglaho sa harapan ng aking mga mata.
at kesehodang aligaga ang bawat isa sa pagbati ng araw na ito,
o maging sa huling patak ng segundo bago matapos ang oras
ng paghahanda, sasalampak muna ako ng ilang minuto, dito
sa aking sariling mesa. palilipasin ko ang ilang patak-luha
habang lumilisan kayo, isa-isa.
~Agosto 25, 2011
XXVI
gusto kong kumustahin ang iyong biyahe; balik ako sa normal
at hindi ako nananaginip ng mga maligno, rosas, digmaan, kalaban
dahil ang araw na ito ay araw ng pagbabalik-tanaw. katulad kahapon
sa pagkanlong sa hantungan kung saan kita huling inihatid,
binabalikan ko ang pagkakalapat ng ating mga laman,
ang pagkakalapat ng iyong palad sa aking likod, ang pagkamot
ng iyong buhok sa aking mukha, ang pagpisil ng iyong mga hita
sa aking mga hita. umuusok ang tambutso ng aking hininga
at umuugtol-ugtol ang mga gulong ng aking nerbiyos sa lubak
na mga kalsadang singsikip ng pagitan ng ating mga katawan.
nakikini-kinita kong tumatagos ang iyong balahibo sa aking balat
at nakikiliti ako sa mainit mong hiningang dumadantay
sa paligid ng aking tenga, anupa’t nanlalabo ang aking mga mata
kung saan ba dapat ipapatse ang manibelang inihinang na yata
ang aking mga braso. gusto kong tanggapin ang ngalay, pagod
dahil sa bigat ng iyong pakiki-angkas, ngunit sinadya kong huwag.
ayaw ko sanang matapos ang biyaheng iyon, o hiniling ko sana
ako na lang ang maghatid sa iyong paroroonan. minsan lang
itong nangyari at hindi ko batid kung ipahihintulot muli
ng maykapal ang maihatid kita sa terminal ng aking kaligayahan.
hindi kita tiningnan habang tumatalilis ang sasakyang singbilis
ng aking panghihinayang: bakit ngayon lang? bakit sansaglit
ang ibinigay na panahong namnamin ko ang ga-bulak mong balat,
ang kutson mong katauhan? ngumiti na lang ako’t hinihimas-himas
ang aking likod na dinapuan ng iyong palad; napapikit na lang ako
at kinukurut-kurot ang hita, ang likod, ang mukha, na pinasyalan
ng iyong kalamnan. pakiramdam ko, nagbiyahe na rin ako.
naglakbay din ako sa mga kalsada ng panaginip at ligaya.
~Agosto 26, 2011
XXVII
nakapagtatakang kayhahaba ng oras ng sinundang araw
at kahit ngayon, hinihila ko pa rin ang pisi ng mga magdamag
upang tipunin ang namamahay na inip sa aking mga daliri.
nakayakap pa rin ang iyong kaluluwa sa aking katawan
ramdam ko pa rin ang panunukso ng iyong buhok sa aking mukha
sing-init pa rin ng katanghalian ang aking balat
na di-sinasadyang sinapnan ng mga balat mong karnal.
kung lilimiin lamang, walang dapat ipag-alalang daraan
ang ilang araw pa sa aking palad, dahil nabubuhay ka dito
sa aking piling kahit ika’y tinangay ng hanging kanluran
palayo sa aking paningin. kung lilimiin lamang, walang dapat
ipangambang mawawaglit ang iyong halimuyak nang saglit lang
dahil umaalingasaw pa rin ang banilya ng iyong hininga.
iyan ba ang nagbibigay-buhay sa aking maagang kamatayan
na katulad ng unang lalaking tinubuan ng laman mula sa abo,
napuno ng hanging-lantay ang aking baga hanggang may pumitik
na pintig ng puso sa aking kaloob-looban. Katulad niya,
nananabik din akong makita ang kabiyak ng tadyang
na pansamantalang nahiwalay sa aking buto at laman
ng ilang oras pa lamang. kay-iksi ng mga minuto
ng paglalang ng pintig, ano’t kayhaba ng paghihintay sa mga sandali
ng pagsasauli ng lamang nawalay ng sansaglit sa aking buto,
sa aking tadyang? kahit bitbit mo ang pilas ng aking pag-ibig
sa dalawa mong palad na kinikimpal sa tapat ng dibdib,
ang iyong pansamantalang pagkawala, ngayon lamang,
ay pagbabalik sa mga sinaunang araw ng paglalang
ng inip at paghihintay.
~Agosto 27, 2011
XXVIII
nakabalatay ngayon sa aking pisngi ang maluwang na ngiti.
salamat sa mga imbentor. salamat sa mga pakialamero ng agham.
salamat sa mga aksidenteng pakikialam ng mga pantas
sa mga hindi pa maaaring nalilikha ng Maykapal.
sa wakas, nabuhay ang engkantada sa panahon ng tekno-modernong
panahon ng kable at linya. tinutukan ako kahapon ng rayos
ng satelayt ng kalawakan; sa ilang kariring at dutdot ng selpon,
tumulay sa aking pandinig ang kanyang tinig, buo at walang pangimi
na siya nga ang engkantadang ilang araw napanigwala.
at hehe! lumulusot ba sa resiber ng telepono ang mga daliri
at ako’y walang patumanggang kinikiliti? nagmumukha akong tanga
dahil ngingiti-ngiting mag-isa, tatawa-tawa, at kung buhay lang
si Lolo Seryo, malamang resetahan ako ng sandamukal na tawas
dahil iisipin niyang nababaliw ang kanyang mahal na apo.
Ay, Lolo! ang pakikipag-usap sa inyong panahon ay kalantog ng bao.
ay, Lolo! ang panahong ito, kung inabot mo, maaring bibiyahe ka rin
sa loob ng mental dahil ngingisi-ngisi kang mag-isa
gayong wala namang kausap habang hawak ang selpon.
Ito, Lolo, ang sinasabi kong dahilan kung bakit ako eengot-engot
o nangingiting mag-isa habang kinakausap ko ang engkantada
na nagpapaalon ng buhok. sa kabilang linya ay ang katuparan
ng paglimot sa inip, dahil, kahapon: nag-init ang aking pandinig
nagbaga ang aking dibdib habang nakikipag-ulayaw sa tinig
ng aking pag-ibig. kung maririnig lamang ng sanlibutan ang aking
tahimik na halakhak, ang aking natutunaw na ngiti, ang barimbaw
na kaligayahang sala-salabid sa kable ng signal at satelayt
mahuhulog silang lahat mula sa langit at makikipagsalo
sa piyesta ng mga halakhak at ngiti na wala sa kalantog ng bao.
~Agosto 28, 2011
XXIX
maghahanda sana ako ng mainit na kape dahil kay-aga kong gumising
ngayong umaga, naalimpungatan ako sa maagang balita ng ABS-CBN
at dapat hinihila ko na ang mga paa tungo sa pagbibihis, dahil nga: Lunes.
sinilip ko ang aparador ng mga unipormeng nananatiling gusot
saka kukunot ang aking noo sa pruwebang wala pa ring pasok
tiyak, mababagot na naman ang maghapong ito na hindi ako abala.
ang akin lamang sanang ikaliligaya sa araw na ito, magbibiyaheng muli
ang iyong talampakan, ang tagaktak ng takong ng iyong sapatos
sa mga kalsada sa tapat ng aking mesa. doon, hinihintay kita.
ma’no ba namang sa unang singit ng umagang ito’y naalala ko ikaw
at kinukwenta ko na ang ligayang pupulutin habang yaot ka
sa mga kalsada ng aking paningin? hindi masama itong naghihintay.
at wala akong dapat ipag-alala. kahit lumamig na lang ang kape
at hinihintay ako ng labi ng tasa na hagkan ko siya o simsiming marahan
ang matamis-mapait na laman – hayaan na lang siyang maghintay.
tutal, pareho kami ng kalagayan: parehong umaasang matatapos din
ang pananabik na lapitan at damhin ng mga uhaw na labi
sa presensya ng mga hinihintay. babalik na lang ako sa aking kama,
magkukulubong ng kumot. yayakapin ang unan, at hahayaang dumaan
ang maghapong pinapatay ang inip sa mga silong ng buntonghininga.
wala naman kasing dapat ipag-alala: kumakalembang pa rin
sa aking taynga ang tinig mo mula sa selpon; nalalanghap ko ang aroma
ng iyong hiningang higit pa nga sa kape. matutulog akong muli
at dadaanin sa panaginip na nagsasalubong tayo sa ilang paseo.
nagtitinginan, nagngingitian, nagpapaalalang kahit wala tayo sa tabi
ng bawat isa: siringgiting pa rin natin maririnig ang mga halakhak
at pagtatapat ng dibdib sa dibdib
damdamin sa damdamin.
O e ano kung Lunes ngayon at walang pasok?
~Agosto 29, 2011
XXX
katulad ng tulang ito, binibilang ko na lang ang segundo, at tiyak
hihinto ang harurot ng Superlines sa tapat ng aking pananabik.
alam ko, angkas ka na nito bukas at iniisa-isa mo na ang mga bagahe
mula sa malayong paglalakbay. sa ilang sandali, sisilay sa metal
na andamyo ang iyong sandalyas, kasunod ang silay ng ngiti
kahit ika’y pagod. sa aktuwal na biyahe, ginagagad ng mga naghihintay
ang ilang pasalubong – hinahanap ng mga nag-aantabay ang binalot
na anuman, sa papel o plastic, basta’t may mahahawakan silang mula
sa dumarating at hinihintay. ako’y walang inaabangang pinagkaabalahang
binili ng pera o pinili ng mata at hindi ako nasasabik sa bawat halughog
ng mga bagaheng iluluwa ng iyong mga lukbutan. higit akong nasasabik
sa pasalubong na hindi matutumbasan ng halaga, o masusing pagpili
sa hilera ng makamundong piyesa; higit akong nasasabik sa pangako
ng langit na ligtas kang yayapak sa lupain ng aking paghihintay
at pinananabikan kong alalayan ka habang bumababa sa bus.
sa ganito, muling magdadaop ang ating mga palad, muli
ang pintig ng aking pulso ay maririning mong tinatambol sa dulo
ng mga daliring dadapuan ng iyong mga daliri. babanggitin mo
ang mga salitang lambing na ilang araw kong hinihintay sa iyong labi:
na may pasalubong kang mula rin sa iyong labi, na may pasalubong kang
mula rin sa iyong bisig. anuman ito, nasisiguro kong itatago ko sila
sa lukbutan ng aking pandama, at habambuhay ko silang tahimik
na ipagmamalaki sa aking sariling naiinggit na kaluluwa.
~Agosto 30, 2011
XXXI
may nagsabi bang nailipat na ang petsa ng Araw ng Kalayaan?
ako, at marahil, papangalawahan mo ang pagsasabatas nito
na ang nasisiil na karapatan ay lumalaya sa araw na ito ng Agosto.
inihanay ng sarili nating mga bukas na dibdib ang pananampalatayang
ito nga ay araw ng pag-aaklas at paglaya; inihahaka nating may bantayog
tayong mga bayani ng pag-ibig na nakihamok sa larangan ng paggiliw
o pagtakas sa mga punglo ng karaniwang pagdama, anupa’t baluti natin
ang mga sariling basbas na malaya nga tayo dahil naririnig natin
ang mga pintig ng ikinahong kalayaan. bilang pagpapatibay, ipapaskil natin nang sabay sa mga dingding n gating dibdib ang kasunduang ito:
ang paghulagpos sa paniniil ng hindi karaniwang diktador ng mga puso
ay atin nang natibag; ang pandudusta ng karapatang uminom ng katas
sa ating mga puso, dahil sarili natin ito, ay kinalag ng ating pagyuko
pagtanggap sa pagpapaubaya. ngayo’y haharap tayo sa madla
itataas natin ang kaliwang kamay habang nakalapat sa kanang dibdib
ang kabila, susumpa tayo ng pagbabagong sa hinagap ng marami,
ng mga diktador, ay hindi makapapangyayari – pinatutunayan natin ito
at tuwid tayong tatayo sa mga pedestal na hindi sumusuko.
Malaya ang bawat araw na daratal, alam natin ito, dahil tayo
ang nagtatakda ng ating kalayaan. Malaya ang bawat pagkilos
ng hiwaga sa ating pagkabilanggo, dahil tayo ang gumagagap dito.
anu’t anuman, kung sa Araw ng Kalayaan na isinulat natin sa dugo
sa pamamagitan ng puso, sa papel ng mga umiibig, at sa hininga
ng ating damdaming umaalagwa ngayon sa kalawakan ng tuwa,
tatayo akong nagmamalaki sa gitna ng madla, at hahayaan kong
igawad sa akin ang kamatayan, kasabay ng paglaya ng ating mga sumpa.
MGA PERSONAL NA BAGAY
Voyager sa Zero Gravity na mga Oras
katulad ng isang voyager sa kalawakan,
palulutangin ko ang mga oras.
ibig kong maging magaan.
lahat.
lahat ng mabigat
uutusan kong sumanib
sa hangin
sa kawalan ng graviti
hanggang matipon silang lahat
sa ere
at titipunin ko ang mga bagay
na tila binilog na kulangot.
dahil ang kulangot,
hindi sagabal sa paglalakbay
hindi mabigat
hindi nakakukuba ng likod
hindi nakakabukol.
isisiksik ko sila sa butas ng ilong
at isasama sa paglutang.
saka ko na lamang sila isisinga
kapag totoong kaya ko na
ang kanilang bigat.
Ang Kamatayan ng Isang Makata
maraming panahong naglagalag ang aking diwa
sa mga pilapil ng pag-ibig at aspaltadong pandama
nakasalubong ng aking mga titik ang ilang kakilala
at kinumusta ng bawat isa ang kanilang kalagayan:
nagkakasakit ba sila sa tikatik ng ulan ng lungkot
dahil hindi pa natatayo ang isang ospital ng mga makata?
isinumbong sa akin minsan ng isang ulyaning katha
wala siyang saplot, wala siyang kinang
o higit marahil sabihin kong ganito:
siya ngayo’y nasa bingit ng paghihingalo
wala nang gayuma ang kaniyang pabango
kung kaya wala nang humahaplos sa kaniyang pisngi,
wala nang kumikindat na hiwaga sa kaniyang tayutay
at alibugha siyang palaboy sa mga lansangan ng inip.
umuwi siyang payat at humpak ang pisngi
dahil hindi siya nabusog sa pagliliwaliw.
maysakit siya ngayon katulad ng iba pa
kaya nagnanais akong magtayo ng kanilang pagamutan,
na minsan man lamang, umuwi silang sabay-sabay
na busog ng papuri ang kanilang sikmura.
ngunit wala na sila.
tumakas silang isa-isa upang maghanap ng bagong tahanan.
tinatanaw ko ang bawat letrang hinubog ng aking panaginip,
nag-uunahan silang lumiit sa aking paningin.
hindi sila kumakaway kahit alam naming lahat,
magkakalayo kami nang matagal na panahon, marahil
maninirahan muna sila sa mga bubong ng pamamahinga
at ako nama’y magpapamasahe ng mga kamay at daliri
pansamantala, upang patakasin ang pagod at ngalay.
mabuti na rin ito, mahirap ang magbungkal ng salita
sa loob mismo ng aking pumipintig na balintataw,
asero ang kalupaan kapag tigang ang balat ng tula
gayong dapat laging bagong hasa ang mga sinsel
na uukit ng pintig sa pagitan ng mga buntonghininga.
mabuti na rin ito, dahil ang paghubog ng likha
na pinagagalaw ko ng imahinasyon, minsan
ay nagpapabigat ng aking dibdib, kung sasadyain
ng mga kasalubong na hindi man lang tapunan ng tingin.
hindi na muna ako magpapaingay ng tahimik na damdamin.
kusa silang natitibag kapag sinasagasaan
ng kahungkagan dahil wala namang saysay pa
ang mga sentimyento ng nababagabag kong puso.
hindi na muna ako maghahanay ng bloke ng dugo
na sinadya kong patuluin mula sa aking aorta
at isilid sila sa mga lukbutan ng mga araw –
wala nang halaga ang bumuo ng ganitong mga tahanan
ng lirikong idinuduyan ng sukat at tugma.
sinukat ako ngayon ng aking sariling tula
at tinimbang ako ng mga binuhay kong tugma:
kamatayan ng isang makata ang uhaw
sa pag-aalay ng pandama na hindi na iniinda
ng pinasasalubungan ng pastilyas na obra.
sa aking huling tulang kaniig
tinapik ko siya sa balikat, sa mahinang bulong
itinaboy ko siya sa halik ng pamamaalam.
Sa Pagsasara ng Antigua
~sequel sa damdamin ni Kuya John Bello
Ilang ulit lang, tatlo o apat
na beses, na hiningal ako, Antigua
habang hinihila ako ng mga talampakan
tungo sa iyong rurok.
hindi ikaw ang sadya ng aking pawis
o laang-oras, kumbakit sumayad ang aking paa
sa pudpod mo nang sahig;
hindi rin ang matamis-mapait na alak
na mantsa lamang sa aking maasim na sikmura
na umaagos sa kubli mong liwasan.
sa halip,
pinagnasaan kong yakapin ang iyong mga haligi
sumukob sa iyong bubong, sumandig sa iyong moog
katulad ng mga nauna mo nang inanyayahan
upang tuklasin ang mabango mong gayuma.
nagpatianod ako sa hanging paspas
mula sa bukas mong mga bintana
at pinilit ulinigin mula sa patak ng ulan
ang hiwagang nakabalot sa bawat mesa sa iyong puso.
maiinit ang mga halakhak
kahit malamig ang iyong paligid
kayhinahon ang akyat-manaog na yabag
ngunit kaylalakas ng pagdaraop ng mga palad.
sa mga pagkakataong hinihintay ko ang kaulayaw
mula sa sulok ng iyong tadyang,
kinakausap mo ako nang tahimik
marahan mo aking tinatapik sa balikat
habang ipinamamalas mo ang lumot ng buhay
mula sa iyong paanan.
at ito ang iyong hiwaga
na bihira mong isalaysay nang may paki-usap:
isa kang andamyo sa gitna ng siyudad
na may mga siwang na tatanaw
sa puson ng mga kalyeng salimbayan
ang pagod at gutom
ang pugak ng makina at ratsada ng kariton
ang mga banal at walang panginoon
ang mga yapak at nakatakong
saka ko nahinuha kumbakit kailangan kong bumaba
at isara mo ang nakangiting pintuan –
binigyan mo ako ng pahintulot na makadaupang-palad
doon, sa pusod ng mga kalyehon
ang hindi pa naisusulat sa bawat pagyapak
sa hagdan sa iyong paanan;
pinaharap mo ako sa sala-salabid na kalsada
na mamasdan mo na lamang
kung paano ako makikipagsalimbayan ng yabag
nang may bait sa sariling kapalaran.
at hindi iilang tambay at manunulat lamang
na nakadama ng yakap ng isa pang tahanan
ang titingala sa alaalang nabuksan mo
habang binabaybay ang hagdan palayo
sa sarado mong pintuan.
Hukay I
dito sadyang uuwi ang nag-uunahang hakbang
ano at mapapanglaw sa kaway ng pag-iisa
at
kapahingahan?
ikatakot ang paghimlay
kung sipres lamang ang makayuyukod
sa atip ng ulyaning puntod.
ikagagalak ko ang paghimlay
dahil sa ibabaw ng aking libingan
tutunghay ang isa pang ako.
Pasalubong
matapos kong matunton
ang iyong basehan,
ililigaw ko ang aking sarili
sa iyong batok –
bayabas itong kakagatin
sakaling mauhaw sa hapo,
at kung ginawin
susuksok ako sa iyong buhok
matatagpuan mo akong lugmok
sa banas at hamog at luwalhati
upang muli na namang maglagalag.
at masusumpungan mo ang pilat
sa silangang-ilaya
ng aking likuran –
gumilid lamang dito
at sa huli’y tumalilis
ang mga sugat ng balisa
ilang araw lamang
ang nakalilipas.
subalit tiyak ang pagdatal
ng aking mga halik –
may pambihirang puso
na dito’y pumipintig
na kahit ibulid ako ng alinlangan
o ng pilat ng iyong kasalukuyan
at nakaraan –
maaalala ko sa dawag ng pagliliwaliw
kung bakit kita iniibig.
~Byron Aloysius V. Cuerdo
June 26, 2012
Bisekleta
Baluti na ng kalawang ang kaniyang kadena
Kaya’t hindi na ginagalaw ng aking panganay
Ang paborito niyang dinosaur.
Isang taon, halos, nang iungot ni utoy
Na bilhan ko siya ng sasakyan
Alumpihit niyang itinuro ang pulang BMX
At naglulumundag wari ang kaniyang puso
Nang lapatan ng maliliit na palad
Ang manibela ng bago niyang laruan.
Walang puknat ang kaniyang padyak
Walang humpay ang kaniyang yaot
At nagmamayabang siya sa mga kalaro
Na kaybilis ng kaniyang bisekleta.
Pinangalanan niya itong Brachiosaurus
At tila nga siya langaw sa leeg
Ng dambuhalang hayop.
Angkas niya sa paglalagalag ang mahal na bunso,
Madalas na ibinibilin ang pagyapos
Sa kaniyang katawan dahil baka siya mahulog
O mauyot nang sandali at mauwi sa galos
Ang kanilang kagalakan.
May ilang panahong hinahamon niya ako
Na iaangkas din sa likod, kumapit lang nang mahigpit
At kayang-kaya niya akong dalhin saanmang sulok
Basta’t maniwala lang daw sa kaniyang lakas
At hindi maglalaon walang pagod kaming makararating
Sa ituturo kong pook.
Sasabihin ko:
Sige lang anak,mahina pa ang iyong tuhod
At sanayin mong mabuti ang mga talampakan
Upang maiangkas mo ako, minsan.
Ngunit ngayo’y nakatambak sa likod-bahay
Ang kaniyang alagang dambuhala.
Wala siyang buhay, nakalugmok
Pinamamahayan ng alikabok at sapot
At baluti niya ang kalawang ng katotohanan
Na may panahon ng paglimot.
Mag-isa ngayong naglalaro ang aking panganay.
Abala siya ngayon sa bagong laruan.
Hawak niya ang isang sandata
Ang baril-barilan, na pumuputok ng bala ng pagtanda
At itinututok niya ito sa akin, tuwina
Sabay kalabit ang gatilyo na lumuluwa ng punglo
Na papatay sa aming dalawa:
Ako na kaniyang ama
At siya na aking anak
Dahil hindi ko siya napagbigyan
Sa kahilingang mag-angkas din kami
Kahit man lang isang araw.
Nakalimutan kong bahagya, o maaring sinadya
Na iangkas siya sa panahon ng kabataan
Noong bagung-bago pa ang bisekleta
Ng aming pagiging mag-ama.
Sapagkat Suot Mo ang Aking Anting-anting
~Kay Kian, sa kanyang unang taong kaarawan
dahil suot mo ngayon,anak, ang aking anting-anting
may tsansa ka na ring maging makapangyarihan
tulad ko.
mamanahin mo ang hiwaga ng lakas
ng isang tunay na lalaki
at ipagbubunyi mong dakila ka
sapagkat iilan lang ang may ganitong kaloob.
makapananaig ka
makapagpapasuko
makabubuwal ng demonyo
makapaglilipat ng kahit ilang bundok
gamit ang tumitigas na masel.
ngunit ingat lang
hindi pa ganap ang bisa ng amulet
maghihintay ka pa ng ilang pagbibilog ng buwan
hanggang matuli ka na
at humarap sa daigdig na magpapakilalang
isa ka ngang tunay na lalaki.
kakambal ng anting-anting
ang iyong dibdib at ang iyong titi,
dapat mong tandaan.
tuwing kwintas mo
ang hinagkis na himaymay ng abaka
salat-salatin mo lang sa ilalim ng damit
ang maalamat na palawit
huwag mo itong ipagyayabang
simbolo ito ng iyong bayag
larawan ng pagdadalang-tapang
kapag dumating ang oras ng pagsubok
sa ika-dalawampu’t isang pagbibilog ng buwan
masusumpungan mong hindi lang iisa
ang haharapin mong maligno
manganganak ito ng mga tiyanak
siringgiting silang hahalakhak
hanggang matulig ka sa mga hagakhak
sa kapapadparan mong kasukalan.
masdan mo ako, anak,
batbat ng sugat ang aking pagkalalaki
sabid-sabid ang galos sa aking tadyang
durog ang mga masel sa pakikipaglaban
ngunit pinilit ko pa rin ang manaig
manatiling nakatayo
hindi ako sumuko, gaya ng iba
at ito’y ipinagyayabang ko sa iyo
habang inililipat ang artepakto
sa maliliit mong mga palad.
naramdaman mo ba ang kakaibang pakiramdam
sa pagsusuot ng kwintas?
may basbas kasi ang abaka
may bigat ang palawit
may tagubilin kung paano ginagamit
ang kapangyarihan bago ka tumangkad,
bago ka humingasing ng ngitngit
o pumalahaw ng galit.
kung dadalhin ka ng silakbo ng init
mawawala ka sa katinuan at lilitaw sansaglit
ang bulang magkukulong sa iyo
bilang kagalang-galang na ginoo
hanggang mawala ang bisa ng anting-anting.
ang agimat sa iyong leeg ay pangil ng kahinahunan
ang hagkis na abaka ay hibla ng pagpapakumbaba.
iyan, anak, ang mga hiwaga ng pagsasalin
ng kapangyarihan sa iyo.
may agimat ang bawat lalaki na hindi nasasalat
hindi ipinagyayabang kahit taas-noo tayo
dahil ibinansag sa atin ang kadakilaang
makapanaig
makagupo
makabuwal ng mga demonyo
at maglipat ng maraming bundok
sapagkat sa kahinahunan tayo higit lumalakas
sapagkat sa pagpapakumbaba tayo nakapananaig
sapagkat dito tayo tinatawag na bagong tao
at kamatayan sa nag-aangkin ng ganitong agimat
ang pagpapatikas ng dibdib at titi
na tumitigas lamang
sa labas ng kanilang bayag.
Pagbibihis
Kahit naglalanay ang mga kanal sa paligid ng bahay
at naglalangoy dito ang masisibasib na ipis at daga,
gusto ko pa ring magmukhang malinis.
Kinikinis ko tuwing umaga ang sintetik na balat
kahit may pahid ng pangamba kung akin pa nga ito.
Sa aking uma-umagang pagbibihis
itinatago ko sa kuwelyo ang ulatim ng sunog na kalul’wa
ibinubutones sa dibdib ang pumapailalim na bait
at sa manggas, sa manggas na kinakapitan ng putok
na litid at masel, lantad ang aking gusot na kasaysayan.
Ilang taon nang kayhigpit ng sinturon
upang huwag mahulog ang gasgas na bituka
ilang panahon nang nakaperdible ang bulsa
tagpi-tagpi na lang ang panyo ng pag-asang
mapaplantsa minsan ang hilab ng tiyan
at masusulsi ang reta-retasong pangarap.
Ay, ano’t lamu-lamukot ng kupas na istorya
ang hapag ng aming maghapon?
Kayhaba ng pantalon ng kasaysayan
ano’t nilulupi ang mga damit ng kaginhawahan?
Sa paghakbang ng mga paang balat ang sapatos
Naiipon sa loob ng medyas ng inggit at pagkaruol
Ang maraming tanong: para kanino ang aspaltadong kalsada?
Sa nagtatakong? Para kanino ang damit?
Sa hindi nagbubutones ng bait?
Sa hindi kinakapitan ng putok na litid at masel
ngunit plantsado ang hapag ng maghapon?
Nakakapagod magliwaliw sa mga rotonda na saplot ang kahirapan.
Nakapanginginig ang pagluwang ng sikmurang sanay sa pitis
habang tirahan ng alikabok ang bulsa de-manhid.
Pagkatapos ng araw na ito na nagkukunyaring malinis
isasampay ko sa bakod ng maghapong kasaysayan
ang pag-asa ng aking pagkatao, at bukas
pagsabog ng liwanag, kahit nanlilimahid at lukot
kahit dugyot, muli ko silang isusuot
magliliwaliw muli sa mga lansangan at magmamakaawa
sa namamahong mundo ng mga abalang palaboy.
Magbibihis ako ng kaunti pang tiyaga at tuso
dahil gusot ang mesa ng aming magdamag.
At kahit ang banig ng panaginip ay kinukuyumos
ng mga daga at ipis at, alam ko
may dahilan upang magmukhang malinis.
Sa Pagtubo ng Aking mga Sungay
hinihintay kong tumubo ngayon ang aking mga sungay
dahil ngayon ko lang nalaman, wala ako sa daigdig.
painit kasi nang painit ang aking paligid
at ang pagaspas ng maiitim na pangyayari
ay umaaligid sa aking natutunaw na konsensya.
ang halakhak ng mga nilalang ng dilim
ay nagkakahitsura, nasa bawat sulok sila
anupa’t tinatadtad nila ang aking pagtitimpi
ng matatalas nilang kuko.
bumubuga ng asupre ang kanilang mga lalamunan
sumusugat sila sa aking likod habang nalalanghap ko
ang hininga ng kasamaan, sinusugba nila ng apoy
ang aking natipong dangal at tapang, dahil nga
wala ako sa daigdig.
binababhan ang aking mga balikat ng ngitngit
nilalakaran ng galit ang aking ulirat
hinihigop ng limbo ng paghihiganti ang aking kaluluwa
nilulusak ng lava ang aking pag-unawang
hindi ganito sa aking daigdig, dahil
palagian, ang aking daigdig ay malamig
malumanay ang hangin, naglipana ang mga anghel.
ngunit sa anumang dahilan, ganoon pala talaga
sasadyain ng pagkakataon na mapadpad ako
sa mga liwasan ng impyerno, doon sa umaapoy
ang galit, ang ngitngit, ang pagkaubos ng pasensya
hanggang bumigay ang katinuan ng bawat isa
at lumabas ang tunay na kulay ng budhi.
nasabi ko lang: lahat pala ng nilalang ay may sungay
susuwag sila ng mga walang kalaban-laban;
lahat pala ng nabubuhay na may isip ay kalaban
papatay sila sa pamamagitan ng kuko at pangil
at kahit ang dila ay may kapangyarihang sumiil
sa kaluluwa ng isang nagpapatay-patayan.
ngayo’y hinihintay kong tumubo ang aking sungay
hahasain ko ito ng aking konsensya
pupunasan ko ito ng langis ng pasensya
ngunit patatalasin ng liwanag ng langit
upang paslangin ko isa-isa ang mga demonyong
hindi marunong gumamit ng sungay.
Kung Ikaw ay Babae, Pag-asa: Ganito Ka
Tahimik ang umagang ito
maingay ka lang talaga.
Ke aga-aga mo akong ginising
Tinapik mo ng dalawang palad
Ang nagmamantika ko pang mukha
At nang makita mong bumiling ako
Pakanan, alam mong naalimpungatan
Na ang aking paghimbing.
Kaylandi mong hinagkan ang aking labi
Na kahit hindi pa nakamumog
Kinudlit mo ng iyong dila
Ang sarado ko pang bibig,
Ibig mo ba akong takawin
At ito ang gusto mong almusal?
Tumalikod ka
Sinabayan mo ng huni
Ng Follow Me
Ang pagkendeng palabas ng silid.
Sa pagdilat ko ng aking mga mata
Hinawi mo na pala ang kurtina
Sa gawing silangan –
Pinapasok mo ang liwanag sa aking ulunan
At napapaso na ako sa baga
Ng umagang ito.
Bumabawi ka ba
Dahil wala ka magdamag sa aking tabi?
Sapagkat kung saan-saan ka namasyal
Na kung sinu-sino ang kasama
At maghapon mo akong iniwang
Naghahagilap ng selos, dahil ba
Hindi pa panahon ng ating date?
Ngayong maaga mo akong ginising
Nangangahulugang kailangan ko nang magbihis
Kailangan ko na ang perpyum
Kailangan ko na ang makintab na sapatos
Dahil may date tayo ngayon.
Hukay
hintayin ninyo ako dito.
magliliwaliw akong saglit lamang
sa mga gasangan ng nakaraan
sa mga liwasan ng pagkakatalisod
sa kalyehon ng mga poot
sa mga baybayin ng pait
sa mga parke ng sakit
sa mga eskinita ng pagluha’t
sa mga estero ng kirot.
aapakan ko ang mga damong ligaw
tinik
basod
alikabok
putik
lagsaw
danaw
hanggang muling magsugat ang talampaka’t
manariwang muli ang nakaraan.
muli akong babalik
kung mahawan na ang mga gasangan
at mamumulot ako ng masisinsing bait
na kinalimutang pututin
sa paglalakad ng nakatingkayad
habang mataas pa ang araw.
sa dulo, sa una kong baytang
uupo ako sa gitna ng pag-iisa
na kinikinis ang napulot na bait
sa pagkakatalisod
sa poot
sa pait
sa sakit
sa pagluha’t
sa kirot
inihahanda ko ito
upang hindi kayo makalimot
saka ko kayo hihintayin
dumaan din sa aking nilakaran
palapit sa akin
at dahan-dahan kayo
abutin ang mga kinis na bato
ng bait, saka ninyo isiksik sa pandama
ang babauning ala-ala ng kirot
ng aking mga talampakan
habang kayo naman ang lalakad
tungo sa inyong
hukay.
~entri sa “I” Inspire World Poetry Contest na kung saan ginawaran ang may-akda ng award na Haligi ng Pahina~
Lalao
~sa aking mga kababata sa doongan~
parte ito ng buhay natin
parang kayangkang na hindi maidispatsa
agad, dahil may maantak itong tinakpan
minsan. karay-karay kita
aguyod kita, akit-akit natin ang tropa
na hindi nagpaalam sa matatanda
intay-intay nating humibas at lumabas
ang mga tuod, ibig sabihin:
maari na kitang maglandi sa pulasi
sa ilog ng doongan.
suot kita sa mga katig ng sibid
taglay-taglay natin ang patpat
at kalawanging lata ng sardinas
lalagyan ito ng pagkakatuwaan natin
habang nakikipag-tibig kita sa mga butas
ng kagang, tambalo, at alalasan
ingat-ingat kitang huwag mabuyo
ang mga hayop na ito
kung hindi’y mumurahin natin ang isa-t isa
ng malutong na tabardilyo.
dukal-dukal natin ang mga hukay
alam natin kung alin ang patay o buhay
na lungga ng mga paborito nating nilalang
kung bumutwa na ang kanilang galamay
ka-agad natin silang iniipit
saka biglang dadakmain ang bao-bao
hanggang makaipon kita’t makapuno
ng alalasan sa latang makalawang.
hindi kita makahuli ng tambalo
mailap silang gaya ng niknik
masakit sa ating hindi maka-isa
o dalawa, nang mapag-aralan natin kumbakit
hindi siya isda, at hindi rin butiki
at kumbakit lumulukso sila’t nanunukso
ng hulihin n’yo ako, hulihin n’yo ako
kasabay ng purnadang tapak-noo
na hindi natin sila maabot-abot.
ihahanay natin ang nahuling kagang,
ihahalo ang makukulay na alalasan
at tuwang-tuwa kitang parang nabalis
habang sila-sila’y nagsisipitan
kinakantiyaw, inuulitan ang may-ari ng natalo
saka suyusoy pauwi na laglag ang balikat
na baka bukas, may mahuling magta-tsampiyon
kahit wala kitang iuuwing premyo.
maliban sa pawis at putik sa paa’t kamay
taglay natin ang kasiyahan ng maghapon
may bago kitang lata ng sardinas, bukas
at mas malapad na ang patpat
na salubong sa atin ni Nanay o Tatay
sa pagsalisi ng walang kapaa-paalam.
ipinagbawal nila ang pagpunta sa doongan
doon sa putikan ng lala-o
takot silang madulas kita, mabuyo
at dumausdos sa naghihibas na ilog
kahit maalam kitang kumampay-kampay
sigurado kitang hindi malulunod
mababaw lang ito, sabi natin
kaya’t huwag mag-alalang mawawalan sila
ng anak na panganay.
hindi na namumutiktik sa pulasi ang ating mga paa
malinis na rin ang ating mga palad
natakot kita sa malalapad na patpat
tuwing umuuwing putikan.
bawal na ang pumasyal sa doongan
wala na ang tuksuhan sa ilog
masasaya na siguro ang mga alalasan
yao’t doon marahil ang mga kagang
talunan nang talunan ang mga tambalo
palayo sa ating hilig-kabataan
na hindi na natin malalakdangan pa’t
nakakulong na lamang sa lata
nitong alaalang kinalawang.
Pupa
Magiging ganito tayo:
Uod na sinliliit ng daliri sa kamay
At uugud-ugod na gagapang sa mga alulod
Kapag napatakan ng unang ulan sa Mayo.
Kinatatakutan natin ang mga kulog
Tinatakpan natin ang mga mata tuwing kikidlat
Saka-sakang susugod sa silong ng anluwaging
Nagkukuwento sa atin ng kababalaghan
Ng kabataan nitong panahon. Noon,
Nililibang niya tayo sa mga hiwaga at epiko
Hanggang matapos at maging asik-asik na lamang
Ang sitsiritsit ng mga patak ng ulan.
Naniwala tayo’t namamangha kung paano
Nagiging uod ang musmos na napatakan
Ng malinaw na unang patak-ulan;
patunay si Melissa, tawag nati’y Medusa
Dahil sa kanyang buhok na nahihimay,
Nalulugay sa kaunting hagod ng ina
Pagkatapos hipan ng hangin, tatago ang mga ito
Sa mga siwang ng kanilang papag
At ulupong na bibitin-bitin sa bubong;
Naririyan si Rendon na kubkob ng laman ang likod
balikog ang dibdib, usli ang pusod
Mukha nga siyang uod, dahil sa unang patak
Na dumapo sa ina noong siya’y dalaga pa.
Nahihintakutan tayo sa pagtatapos ng Abril.
Ninanasa natin noon ang pagdating ng Hunyo
Kung maari sanang laktawan ang mga araw ng buwan
Kung kailan may sumpa ang laway ng langit
Tinalon na nating magkahawak kamay ang kaligtasan
Sa babala ng mga kulog at kidlat.
Hindi tayo naging uod, masunurin tayo
Hindi matigas ang ating ulo’t tinatandaan natin
Ang ganitong petsa ng kapariwaraan ng ating katawan.
Nalubog tayo sa pagtalima, nalublob tayo sa paniniwala
At kinukuwento natin ito sa ating mga anak
Upang hindi sila maging uod.
Matanda na ang panahon
At ngayo’y hindi na tayo bata, siringgiting ang gatla
Sa noo at katawan, tila balat sila ng uod
Ngunit hindi tayo naniniwalang magiging ganoon tayo
Kahit mabagsik pa rin ang singasing ng kulog
Kahit matalim pa rin ang sugsog ng kidlat
at ang mga hulog na tubig tuwing Mayo
ay hindi na natin pinaniniwalaan.
Hindi sinabi sa atin ng bulaang anluwagi
Nagbibiro lamang siya, tinatakot tayo
Upang hindi sipunin, upang hindi mahandusay sa kama
Dahil sa lagnat. Ito ang totoo
Wala tayong nakitang ulupong mula sa buhok ni Melissa
Nalaman nating lumulon ng gamot ang ina ni Rendon
Dahil aanakin lamang siya sa kahihiyan ng pagkadalaga
At ang maraming isiniwalat sa atin ng buhong
Ay kasapakat ng ating ama’t ina upang huwag magpa-ambon.
Kahit nalaman nating kasinungalingang
Magiging uod tayo kapag naduraan ng langit
Sa Mayo, sa pagpasok ng tag-ulan
Sumisilong pa rin tayo’t umiiwas maampiyasan
Munti man, dahil manunuot sa ating balat
ang mga uod ng karamdamang walang lunas
ngayong matanda na ang panahon.
Tayo ang magpapatunay na sa bawat hingasing ng kulog
Sa bawat pagpunit ng kidlat sa tabing ng panginorin
May mga pupa na magluluwal ng nahinog na signos
Habang lumalabo ang mga patak ng ulan
Buong taon.
Pasalubong
ngayon ko lang nai-enjoy ilakad,
Tito Junior
ang pasalubong mong sapatos
galing Amerika
at tuwang-tuwa ako
na naalala mo ang iyong pamangkin.
sa bawat kahon
maliit man o malaking
ibinabagsak ng LBC
sa pintuan ng bahay
hindi mo nalilimutan
ang pangalang “Bai”
marahil, ako lang ang kilala
dahil kay-aga mong lumisan.
personal mong bitbit
kapag umuuwi ka
ang mga pasalubong
sukat na sukat ang lahat
damit, sombrero, sinturon
sa nag-iisa mong kilalang pamangkin.
nagtatawagan tayo, noon
upang kumustahin ang isa’t isa
sa ating pamilya
na nagkapag-itan
dahil sa mga dagat ng kahirapan
dahil sa mga kalsada ng paggawa
at pinanabikan ko ang muli mong dalaw
na may bitbit sa kamay
yaong may pangalang “Bai.”
minsan ka na lang umuwi.
gusto kitang salubungin
sa pag-uwi mong ito
gusto kitang pasalubungan
ng kahon-kahong pasasalamat
dahil hindi basta sapatos
o saplot
o sinturon
ang hatid mo sa akin
pagbaba ng eroplano
kundi ang pag-alalang naghihintay ako
kasama ng pasalubong.
ikaw ngayon ang sorpresa.
sa malaking kahong hatid sa tapat ng bahay,
suot ko ang sapatos na huli mong bitbit
yakap ako ng damit na huli mong bigay
hinahagkis ako ng sinturon na huli mong isinukat
sa aking beywang, kasabay ng yakap
sa nag-iisa mong kilalang pamangkin.
suot ko rin ngayon ang sombrero
tatakpan ko ang aking mga mata
upang hindi mo makitang
luha ang aking pasalubong
sa huli mong uwi.
Kalabit
kinalabit mo man lang sana ako
kahit dutdot lang ng dulo ng daliri
kahit hindi naman talaga tayo nagdaup-palad
tinapik mo man lang sana ang aking balikat
na ikaw pala iyan
na nakarinig ng aking tayutay
kahit hindi ko narinig o nasalat ang iyong dila
dahil ako’y hindi mo singbata sa larangan
ng pag-ibig sa iniibig ko ngayon
hinagod mo man lang sana ang aking likod
o kinusot ang suot na damit
sa pamamagitan ng paghagod sa iniibig kong salita,
akda, o pangarap na tatapikiin ko rin ang ibang
balikat, kahit dutdot ng dulong daliri
bago man lang mamaalam
sa daigdig na naglilihim ng salitang
“ako ito.”
~dagliang sulat para kay G. Fabian Suzara na sumakabilang buhay matapos ang salu-salo ng mga makata sa Antipolo, Rizal~
Huwag Akong Tanungin
huwag mo akong tanungin, anak
kung bakit ako ama
tinawag man ako sa pangalang
ganito, hindi ko rin alam
isasagot ko sanang
kumakapal ang kalyo
sa aking palad
pinalalaki ko kayo
sa aking pinagpawisan
pumalya ba kayo
minsan, sa isang hapunan?
binibihisan ko kayo
mula sa aking sipag
inihahatid kita sa pinto
ng karunungang hindi maaagaw
katunayan, anak
bitbit mo ngayon ang krayola
at sinisimulan mo na
kulayan ang iyong buhay
hindi ka naglalakad
nang walang pang-apak
kaya hindi nagsusugat
ang iyong talampakan
kabayo ako’t hinete ka
taktak man ang pawis
hindi tayo humihinto
nakararating tayo sa mga parang
ipinapasyal sa hindi pa naabot
naiidlip kang kulambo
ang aking mga mata
walang lamok ang dumadapo
saanman sa iyong balat
lumilipad silang palayo
kasabay ko silang napupuyat
inaawitan ka namin
ng oyaying pampatulog
at bukas ng umaga
magigising kang yakap
kita, hinahagka’t ginigising
sa paki-usap na “anak,
huwag akong tanungin
kung bakit ama
ang tawag sa akin”
hindi ko alam
at tanging ikaw lamang
ang may taglay ng kasagutan
kung ano ba ang ama
sa isang bunsong
tulad mo.
Larong Mag-Ama
halika, anak
ituring mo akong kapatid
at tanggalin mo ang alinlangan
na ako’y iyong ama
maglalaro tayo ng larong
usok ngayon
itatayo natin ang isang kampo
saka seselyuhan ito
ng matatayog na pader
tatanuran natin ang mga haligi
na may largabistang panggabi
dahil makikipagbarilan tayo
magtatago, lulundag
sa mga pader ng kadustaan
ihahagis ko sa iyo ang ilang magasin
kapag mauubusan ka ng bala
ituturo ko kung sino ang kalaban
nakasuot sila ng itim
putukan mo sila
hanggang maibulid sa lupa
huwag mo na lang itanong
saan sila matatagpuan
nasa paligid mo lang
kaakbay mo’t nakatanod
kapag wala ako sa tabi
hindi mo lang napapansin
tinuturuan ka nila
patayin ang ating pagiging
mag-ama, at nagtatayo rin sila
ng isang paksol, diyan
sa puso mo, sa kaibuturan
inilalayo ka nila sa akin
kinikidnap ka nila
hanggang hosteyds na nila
tayong mag-ama
na pakakawalan lamang
kapag ubos na ang paggalang
hindi ka na makahahakbang
palapit sa akin
dahil sa kampo ng kalaban
pinakain ka nila
ng doktrinang tumutunaw
sa iyong kamusmusan.
Kumpisal Ng Isang Ama
Hindi ako ang iyong ama
nagkakamali ka
kaya huwag mo akong tawagin
sa pangalang ito
dahil ang isang ama
ay nakatatandang
umaakay sa anak
hindi nagliligaw
hindi naghahain
ng panis sa hapag
hindi naghihiwa
ng sugat na ‘di nababahaw
gumagamot
hindi nagpapanaknak
yumayakap palapit
upang kuyumin sa dibdib
na siya’y ama
hindi nagtataboy
sa bangin o kanal
hindi gumagapos
ng kamay at paa
upang matuto kayo
maging malaya
at humakbang
ng sarili
at tuklasin
na sa kinabukasan
tatawagin kang
ama.
Latay
bakat sa hita mo, anak
ang pagmamahal
na sing-init ng unang halik
noong silayan mo
itong liwanag ng daigdig
umiiyak ka
sumubsob sa iyong unan
at hindi mo inakala
matitikman mo ito
sa ganyang gulang
ngunit kailangan
tandaan mo ang ilang
tagubilin kumbakit namaga
ang iyong hita
nang dapuan ito
ng nagngangalit na palad
nagkamali ako, anak
ngayo’y namumula
namamaga ang aking palad
nagdurugo ang aking dibdib
sa pagtatalik ng lakas,
ngitngit, at katwiran
na kailangan kang paluin
kundi magulang ang paluluhain
sa araw na hindi mo natikman
ang sakit, at wala ka ng takot
paluin mo ako ngayon, anak
ihanay mo ang latay
sa aking tadyang
gamitin mo ang maliliit
mong mga kamay
upang saktan ako
upang mamaga ang aking hita
upang sumubsob ako sa unan
tahimik na umiyak
kagaya mo
at ihikbi na lamang
ang hindi nalalaman
kumbakit kailangan mo
akong saktan.
teritoryo na ng mga paruparo ang aking bituka.
inangkin nila itong kondominyum ng mga nerbiyos
at namamagis-pis sila doon sa bungad ng aking hininga
at ang aking bibig ay pinupagaran ng tingga at tinga
walang makakalusot na pag-ibig at talinghaga
sa pagaspas ng kanilang mga pakpak,
nangangaligkig ang mga umid na salita
na ngayo’y naguumalpas
at ang berbo’y lilikha ng tapang sa panulat
lalo na sa panahong itong sinasakmal
ng mga itim na uwak ng estado
silipin mo: dito sa estero ng aking hininga
siringgiting ang amonya na kanilang pabango
umaalimbukay ito patungo sa mga lagusan ng diwang
kinukulata at kinukulaba ng panghi’t anghit ng mga pangitain
kung bibiyakin ang aking bungo ngayon,
naroon ang salaysay ng pagdarahop
at wasak-wasak na larawan ng mga pangarap
na pinilit mabuo, na pinipilit iluwal
sa gitna ng binabahang mga tahanan
sa pusod ng digma ng bawat bayan
sa lunggati ng pakikibaka sa kalayaang
lagi’t laging inaasam, tuwi-tuwinang ipinaglalaban
habang lumalawak ang pagitan
ng namamasasa at pinagkakaitan
sumasabog ngayon ang itim na pulbura sa pusod ng karimlan
magyayabang ang isa pang kadiliman sa mga kanal ng pighati
mabubulag tayo sa liwanag ng mga adwanang
gumagapang, tulad ng mga sasagpanging pupa
hila sa balikat ang layak na kalayaang apak-apakan na lamang
ay, kulay bahaghari manawari ang mga paru-paro
at kulayan ng kanin ang mga bitukang inaaspalto ng dighay
na walang
saysay
~Palitang-linya sa Community Poetry Page na Rengga ng mga makatang sina Byron Aloysius Cuerdo, Mario L. Cuezon, Emmanuel V. Dumalo, Luisito Queano, Danilo Dela Cruz, Gil Mendoza, at Ariel N. Valerio: 26 Pebrero 2011
Kaluluwa ang nangungusap
sa mga hibla ng hinagap.
May abuhing pakpak ang uwak
pasingkad sa alapaap
ngayong pumuputok ang araw sa talukap
at nakahilig ang kanyang anino
sa balikat ng inang kanyang pugad
kapag ang pagod ay humahapon
sa buong maghapon.
Umuulan ngayon ng balahibo.
Ito ba ay puting rosas na basbas galing sa itaas
o inaamag na balubad ng natuyong luhang
pinitas ng mahabang panahon ng mga pagtatago’t pag-aalinlangan
o di pangkaraniwang kababalaghang
isinisigaw ng nabaliw na kalikasan?
Dito sa lupang niyuyungyungan ng aking kaluluwa
ihahain ko ang katawang lupang
bukadkad ang pares ng mga palad
hinahinagap kong sumanib sa aking balat
ang basbas
ang balubad ng tuyong luha
ang talinghaga ng mga kababalaghan
ng pagkabaliw ng kaluluwa at katawan.
Ngayong umuulan ng mga balahibong may bahid ng dugo
sala-salabid ang sapot, sumisigaw ang ulilang gagamba: silaban
ang mga hibla ng hinagap, sisirin sa siklab ng apoy ang sarili.
Nasasalat ko ang aking balat, ang tabsing ng dugo
habang lumulutang ang sinauna kong sarili
bumabalot ang duguang balahibo sa aking laman
niyayakap ng bagong sapot ang kaluluwa ng aking balintataw
sa naghuhunos na himaymay, kagyat iluluwa:
nasaan ang dakilang uniberso
ang iniiralan ng mga pandama’t pananong
ng pagtataka’t pagkabalisa
tuwing inuulan ang sarili ng digma?
Hindi ko mahagilap ni ang sariling anino
para kalabanin sa bunong braso
sa gabi ng salamisim
sa gabing simsim ng pait,
sa gabing kinakalawit ng bubwit
ang tutong na dumi
sa kuko ng aking hintuturo.
Parang ang langit hindi ko na maituro
parang ang impiyerno hindi ko na maduro
dahil langit at impiyerno ang yapos ng aking mga palad
mula nang sumungaw sa sanlibutan.
~Palitang-linya sa Community Poetry Page na Rengga ng mga makatang sina Byron Aloysius Cuerdo, Mario L. Cuezon, Emmanuel V. Dumalo, Luisito Queano, Richard Gappi, Gil Mendoza: 23 Pebrero 2011
Nakakalokong Mamasyal Ngayon Sa Mall
Nakakalokong mamasayal ngayon sa mall
kumbakit: sunod ka man sa uso
ng bihis, ano’t kinukumpitensya yata
ng ibang de-moda ang trip
saka ngingising parang askal
dahil tinalo nila ang kumbinasyon
ng maong at 80’s na tshirt.
May dyaket din naman akong itim.
Pang-leprechaun na rin
ang sapatos, may shades
dalawang pulgada ang balbas
at ang bigote’y inahit
magmukha man lang
Jhong Hilario ang hilatsa
habang nakakuyakoy sa tapat
ng Buddy’s.
Ngingisi pa rin ang mga tarantado
at nakakalokong itataas ang hita
ng chicken barbeque
hihimurin ng sandangkal na dila
ang papatak-patak na sauce
(pinaglalaway n’yo ba ako?).
Pinipigilan kong huwag mapaaway
pareho rin lang naman
ang tatak ng cellphone
Nokia, may camera
may net, China phone nga lang
mayroon ba iyang kaibahan
at humahagalpak sila
habang ako’y piktyur nang piktyur
sa mga tsitsing na dumaraan?
Napatunayan ko:
Kayhirap sumabay sa uso
ang isang tumatandang ipokrito.
Pasubali sa Pintura
isinabog ng isang pintor ang pintura sa banig
at isa-isang inihiga ang mga imahe sa isip
nakalikha siya ng mga bulaklak, gusali, bituin,
estatwa’t mga tanawing nagbabago ang mga kulay
at sa bawat hapulas ng kaniyang pinsel
gumagalaw ang daigdig ng mga pintura
nangungusap lahat sila’t may kahulugang
ipinababatid: buhay, kasawian, galit,
digmaan, kamusmusa’t pagdaloy ng pag-ibig
subalit sa isang sulok ng kuwadro’y bumakat
isang aninong may pangalang hindi batid
maging ang tanging kulay ay basal, pipi
nangungusap ng bahagharing walang kulay
buhay lamang niya ang guhit o espasyong laan
ngunit salat sa kahulugan ng pagpinta ng
aking larawan
Monolitohiya
sa pasigang ito’y abot tanaw ang lupaing
hinog ang mga koral, kumukutitab ang tabsing
at sumasagitsit ang mga iliw.
humahampiyas ang mga alon sa ibayo
(na nagsasabing “halika, halika dito”)
nakabulid sa lambat ang buntis na tambacol
at nakita ko:
nanunulay ang mga plankton
sa ibabaw ng asin
pumupusag ang dolpina’t
balyena ang naghaharing pating.
paano kaya sila nabubusog?
bumibintog din kaya ang kanilang hangarin
lumangoy palayo sa batuhang kwartel?
yungyong sa aking paanan ang aliw-iw ng pagnanais
gayong isinulat na sa tubig
ang ganitong palaisipan ng pagsisid:
matalinghaga ang mga ilaw ng marinduque.
mala-alpombra ang mga marmol ng romblon.
(napadpad kaya ako dito upang sila’y akin lamang tanawin?)
Minsa’y Nagiging Incredible Hulk Ako
sa umpisa’y tumatayo ang aking balahibo.
kung ganito
gusto ko nang umuwi
kaya’t huwag akong pigilang
mag-alsa balutan
hindi ko na iniinda ang pagpipigil
at may titimbuwang
sa tapat ng bahay
pagyapak ng una kong daliri
sa paa
sisipain ko ang haharang
titimbuwang talaga
ang sasalubong
kahit babati lang
kung bakit naisip-isip ko pa
magbiyahe
ng maaga
hihimasin ng tata
-pik
sa aking balikat
ang kaniyang sariling panga
kumbakit dadantayan niya
ang aking balikat
gayong hindi naman yata
napipispis ng kaniyang palad
ang pag-aaring balat
ang isang hipo sa naninigas kong katawan
ay hipo ng pitonglibong higad
kapag ganito ang hilatsa
na inkredibul huk na
ang aking hininga
nag-uumpisa nang umalsa
ang aking mga litid
himulmol na ng asido
ang tambuklot na anus
sasabog ang lakas na bitbit
ng dalawang kamay
at lalasahan ng sinumang ngingisi
ang sariling laway
sasabaw ng dugo
ang kanyang bibig
maghahabulang tambol
mayor ang bagang at canine
palabas ng guwang
o papasok ng gulung-gulungan
huwag sanang sarado
ang c.r.
Terno
~Kay Lola Sisang
Mumurahin lang ang terno, Lola, ngunit hindi ito mahalaga
hindi mo naman makikilatis kung may presyo o wala
ang huli mong suot sa iyong huling kaarawan.
Ang paborito mong pabango ay hindi namin matagpuan
saanmang tindahan, na kahit ibinilin namin sa mga darating
na kamag-anak, bitbit lang nila ang pangmatandang budbod
sa mga pinaglalamayan: huwag lang umalingasaw ang amoy
ng pormalin at kabaong.
Maayos naman ang pagkakapusod ng iyong buhok.
hipid ang kulay pula sa iyong labi at bagay ang pulbos
sa iyong pusyaw na mukha. kung mananalamin ka nga
marahil iisipin mong napakaganda mo sa iyong kasuotan,
sa kasalukuyang ayos ng iyong katawan, dahil Lola,
kay payapa ng iyong kabuuan sa huli mong araw.
Kung ihahalintulad ko ang larawan sa ibabaw ng iyong higaan
na ginuhitan ng pagkaluma sa tatlumpung taong pagkakahimlay
sa baul ng katandaan, mapagkakamalan kitang modelo ng pinta
sa panahon ng iyong kadalagahan.
Kaibig-ibig ka, Lola.
Gusto sana kitang isayaw, katulad ng pagsasayaw mo
sa amin noong kami’y pinahihimbing dahil wala si Nanay;
Gusto sana kitang ilakad sa parke, katulad ng pamamasyal
kasama ka, dahil nasa trabaho ang Tatay.
Gusto sana kitang awitan ng oyaying humihila ng paglilibang
sa namumungay naming mata habang mainit ang katanghalian,
noon sanang mainit pa ang bawat himaymay ng iyong kalamnan.
Ngunit hindi ka namin naalalang isayaw noon
dahil nahilo kami sa bango ng pagkalimot;
hindi ka namin naalalang ipasyal dahil naligaw kami
na iyong mga apo, sa mga pasilyo sa labas ng bahay;
hindi ka namin naalalang kantahan, munti man,
dahil inawit ng iyong mga apo ang panibagong oyayi
na hindi mo man lang inabutan;
hindi ka namin nabihisan ng bagong ternong mamahalin
dahil inisip na lang na ang pagbibihis mo sa mga apo
ito ay iyong responsibilidad.
Ngayo’y minamasdan kita sa bago mong tahanan.
Nakangiti ka sa akin.
Tila nakabukas ang talukap ng iyong mga mata
at sinisilip mo ang aking kabuuan, kay tikas ko ngayon
sa aking puting kasuutan; kaybango ko sa pabangong pinili
ng aking kasintahan, dahil aalingasaw ito’t maaamoy
ng mga nabubuhay saka nila pupurihing kaybango ng apo ni Sisang.
Pupurihin ka nila dahil napalaki mo kaming baguntao
at may ambag kang tikas sa mga apo mong naiwan.
Sisilip sa siwang ng aking mga mata ang kalungkutan
dahil hindi ka namin napatikas sa iyong pagtanda
katulad ng pag-aabala mo
na dumating kami sa kasalukuyan.
Ang mga Tuyong Ala-ala
manlilikay ako ng tuyong ala-ala
gusto mo bang sumama?
uupo tayo sa sea wall
habang hinihintay na lumubog ang araw.
sa umpisa,
habang may init pa
ang alas-tres na hapon
palipasin natin ang ilang oras
sa mga tunog sa paligid.
naririnig mo ba ang mahinahong hangin?
ganyan din ka-tahimik
tuwing ala-sais
habang pinupukpok ng sakristan
ang kampana sa tore ng simbahan.
humihinto tayo,
naglalakad man o naglalaro
sabay-sabay yumuyuko
at pikit-matang inuusal ang orasyon
ang Angelus.
naririnig mo ba ang pagaspas ng dahon
ng niyog na ating sandalan?
malumanay lang, di ba?
ganyan din ang pagaspas ng pamaypay
ng Lola at Nanay
sa panahon ng Mahal na Araw –
bawal kasi ang maingay
dahil patay daw ang Diyos.
naririnig mo ba ang pagputok ng bula
sa ibabaw ng dagat?
iyan ang nawala.
ang tunog ng paniniwala
na naririnig tayo ng nasa itaas
kahit kaylawak ng dagat
kahit kay-tahimik ng pag-iyak.
naririnig mo ba ang paglubog ng araw
ngayong alas-sais
na walang Angelus
na walang paalala ng Mahal na Araw
na walang pagputok ng bula
sa ibayo ng dagat?
ganyan
ganyan tayo matutulad
na nililikay na lamang
ang alaala ng paniniwala
na hindi naipaswit
sa mga bata.
Pagbabagong Bihis
Huwag mo akong tanungin kung bakit nagpalit ako ng damit
o nag-ahit ng bigote at balbas o walang itinira isa mang pulgada
ng aking buhok at naroon na silang lahat sa baldosa
habang naghihintay hipan ng hangin at ipasyal sila sa dawag
ng aking mga nakaraan: hindi na ako ang dating tao.
Susubukin kong huwag matabsingan ang mga talampakan
habang nanunulay sa mga putik ng pilapil, habang namamaybay
doon sa mga gasangan ng dumi. Susubukin kong huwag pawisang
ganap ang hubad na katawan upang huwag umalingasaw
ang sulasok ng nagdaang masamang panaginip.
Kung mayroon mang kakapit na dungis sa aking kamay
pipispisin ko ito nang maaga upang hindi mo na masilayan
hahagurin kong buong ingat ang batok at likod, pati ang tapat
ng dibdib kung saan naroroon ang puso, upang maging sapat
ang imakuladang linis ng aking sarili. Ngunit katawan lang ito,
laman at balat. Kung masisilip mo lamang ang aking kaibuturan
naroroon pa rin ang dungis ng aking nakaraan, ang dating ako
na nagtatampisaw sa putik ng salaulang pag-ibig.
Ngayo’y Suot Ko ang Iyong Anting-anting
suot ko ngayon ang saplot
na may tilamsik ng iyong anting-anting
at kakaibang kapangyarihan ang bumabalot
sa aking buong katauhan.
sumandali akong nanatili sa aking talampakan
habang hinahagod ko ng tuwalya
ang namamanhid kong batok at anit;
pinakiramdaman ko ang kilabot
na minsan pang gumapang matapos
itong araw ng madugong pakikipagtuos
sa nagkahugis na engkantada.
Hindi ako handa, noon
dahil natatakot akong hindi kita magagapi
malakas ka kasi, at ang isang titig
ng namumungay mong mga mata
ay katulad rin ng mga awit ng sirena
sa paglalakbay ni Odyssius:
inaantok ang aking tapang sa mataray
mong mga sulyap, dito na ako bumabagsak.
Hindi ako nakapagpalakas ng masel,
dahil kahit ang aking pagkalalaki
ay sinasadya yatang umurong pabalik
habang nireresling ako ng mainit mong bisig;
wala akong lakas upang gamitin ito
sa ganitong pakikipagtuos.
Ngunit sadyang may kahinaan ang bawat nilalang
sa paligid ng bundok Banahaw:
nahuli ko ang iyong kiliti, doon lang
sa mga puno ng tenga, sa kuweba nito
at umatungal mula sa iyong lalamunan
ang malulutong na halakhak, dumagundong
ang aking dibdib dahil sumasang-ayon na nga
ang mga maligno na magagapi rin kita.
Matindi ang una nating sagupaan.
Sinusubok kong pasukin ang iyong pagsang-ayon,
pinipilit mo naman ang pagtutol.
Sinusubok kong punitin ang iyong kahinaan
pinipilit mong isara ang mga lagusan ng pagtugon.
Hanggang nahulog at bumalatay sa sahig
ang iyong mga bisig, itiningala mo ang ulo
at isinuko mo ang kahinaan saka ko inangkin
ang premyo sa aking pakikihamok.
Sa wakas ay tinanggap mo ang aking pag-ibig,
engkantada, at namnamin mo ang tamis ng aking alay.
Ngayong umaga lamang, matapos ang pagbabanlaw,
suot ko ang katunayan ng aking pag-ibig.
Hinaplos ko ng buong palad ang saplot
na may tilamsik ng iyong dugo.
Sinilip ko ang aking yabang sa naumid na tapang
at naramdaman ko ang pagsasauli ng kapangyarihan.
Sa halik ng nabubuhay mong dugo sa aking pagkalalaki,
alam ko, humahalik na muli ang ala-ala
ng una nating sagupaan ng mga pag-ibig.
SANDUGONG MAKABAYAN
Ngayo’y Uuwi Ka na Walang Laman ang Kamay
~Kay Nanay Vocay sa Kanyang Pagreretiro
Ngayo’y uuwi ka, Nanay, buhat sa opisina
matapos mong isilid sa malalaking kahon ang ilang gamit
personal, at kasama dito ang iyong puso, alam ko.
sinubaybayan ko ang iyong pagsalansan ng kagamitan,
nakita kong una mong inilagak sa kailaliman ang iyong pag-ibig
ipinaibabaw mo rito ang kuwadro ng mga larawan
ng iyong gugol na panahon sa paggawa nang mahinusay.
sa isang kimpal ng iyong dalawang magkasalikop na kamay
isinunod mo ang ilang hindi gaanong mahalagang gamit
katulad ng pagod, galit, luha, hinanakit, na tinipon mo wari
upang alalahanin mo rin pagdating sa bahay
kapag iniisa-isa mo nang ilabas ang mga ito sa kahon.
habang dumarami ang nailalagak mong abubot sa lukbutan
kumukunot ang iyong noo, nangingiwi ang iyong labi.
ganoon ba Nanay, ang pakiramdam ng napipitpit ang puso
ng ilang hindi gaanong mahalagang gamit-opisina?
ganoon ba Nanay, ang pakiramdam ng matatakpan na ang larawan
ng maraming taon pang daraan at magpapakupas sa kanilang kulay?
hindi mo na napigil basagin ang damdaming ini-kuwadro mo rin
anupa’t ang lagaslas ng iyong luha ay singhaba rin ng panahon
na iyong ginugol sa loob ng pagmamahal sa paggawa.
napansin ko, marami kang iniwan sa kabinet
ngunit hindi mo man lang sila tinapunan ng sulyap –
sila’y mga aklat, at pamana mo marahil ito sa papalit sa iyo;
iniwan mo ang maruming pangalan ng mga pinalitan mo
kaya naghahanda kami ng maaliw na pagsalubong sa iyo.
pinalis mo ng palad ang ibabaw ng iyong mesa,
minsan mo pang inikot ang upuang maraming araw mong kinuyakuyan
habang tutop ang ulo sa mabibigat na nakapatong sa iyong puso.
hinagod mo ng mga daliri ang dilaw na dinding,
hinagkan mo ang mga dahon ng halamang palagian mong dinidilig
sa apat na sulok ng iyong malamig na silid
saka mo pinatay ang ilaw na nagpadilim lalo ng iyong mukha.
iyon ang huling pihit mo sa seradura ng pinto
iyon ang huling ingit ng pinto na iyong maririnig sa iyong opisina
matapos mong isara ang kahapon ng marubdob na paggawa.
Ngayo’y uuwi ka, Nanay, buhat sa opisina
walang anumang hawak, maliban sa kalungkutan
matapos mong isilid sa malalaking kahon ang ilang gamit personal
yaong bitbit mo mula sa bahay, yaong ikaw ang pumili at bumili
dahil nais mong maging maganda ang iyong tanggapan
magmukha itong malinis, hindi katulad ng ibang ating napasukan
na umuuwi at lumilisan ang ibang nagpapaalam
na may laman ang kamay.
Kalayaan, Saan Ka Pa Iwawangis
Kung paris ng ibong maya ang dukhang kalayaan
May pag-asa pang magbalik, pakpak ng pagdiriwang
Saan ba uuwi ang pagaspas ng kasarinlan
Kundi sa uhay ng pagbangong, tubo sa silangan.
Kung paris din lang ng agos-ilog ang takdang pagsasarili
Ihuhugis ko ang bangkang papel sa punit ng aking budhi
Ilulunsad sa balat ng tubig na may haplos ng pagkandili
Tatanawin sa dalampasigan ang layuning minimithi.
Kung paris din ng ulan, ang luha’t dugong inialay
Ng magigiting na bayaning sa lupa humandusay
Titipunin ko bawat patak sa banga ng kasaysayan
Saka ko ididilig sa nakalimot na kalupaan.
Kung paris ng sa magsing-irog ang pagsumpang wagas
Iibigin ko ang aking bayan sa halik ng pagka-utas
Hawak-kamay kaming hihimbing sa libingang palad
Saka kami multong babangon sa bulag na magdamag.
Kung paris ng tula ang saknong ng kapit-bisig
Aakayin ko sila Ina, Ama, kapatid
Pati ang aking kabiyak, supling na pag-ibig
Iisang himig kaming aawit ng pagniniig.
Ngunit nasaan ang pagtutulad ng kalayaang mithi
Kung ang maya ay kapos sa tinutukang binhi
Hindi ba siya lilipad sa may saganang ani
At kumahig ng lupang iba ang may-ari?
Ang agos-ilog na landas ng ating bangkang papel
Ay agos ding lumulunod sa mga basang sisiw
Sisinghap-singhap sa tubig na tinta ang nasisimsim
Ang dalampasigan ng paglaya’y putik ng salamisim.
Ang ulang paliguan ng galak-kabataan
Ay buhos ng sumpang galit sa sangkalupaan
Nagtitiim ang dusing sa pisngi ng kalangitan
Ito ba ang ididilig sa natutuyong kasaysayan?
Ang ating sumpaan, na babagong magsing-irog
Na hindi maghihiwat sa ligaya at lungkot
Nababali ang sumpa, ang lambing ay nalilimot
At salawahan tayong ang pag-ibig ay nababagot.
Ang tula na saknong ang pagbibigkis
Nasaan si Ina, Ama, at Kapatid
Nasaan ang giliw, ang supling na ibig
Bakit yakap nila sa ibayo ang init at lamig?
O kalayaan, saan ka pa iwawangis?
Nagdadamot ang Dagat
hindi na natin mapaniwala ang mga isdang
higit mainam humigop ng hangin sa ibabaw
kaysa sa kalaliman: kahit magdamag tayong
nagbabantay sa ilang dipang silong
ng ating pangilaw, hindi sila tumatambad
isa man lamang.
wala ang mga tulingang pumupusag sa kat’waan,
ang mga iliw na sinisibad ang liwanag
sa ilalim ng kanilang yupit na pakpak
ay walang abiso ng kanilang pagaspas
na kasunod nila ang langkay ng kanuping
habang hinihimod ng alon ang ating bantiwas at pain.
kaygaan ng bawat hila natin sa lambat sa ilalim
anupa’t hindi na tayo sanay umariya
na hindi nahuhutok ang masel;
ang mga banyerang nakahanay sa tabi ng katig
ay nagugulat sa kalawang na tilamsik ng asin.
gaya tayo ng yelong natunaw ngayong gabi
habang naghihintay sa ilan pang paghuhulog.
ay, kung walang mahuhuli ang magdamag na ito
uuwi tayong payat ang pisngi dahil sa pagtangis!
naiisip kaya ng mga lamang-dagat
magugutom ang ating abang mag-anak
palilipasin natin ang isang maghapong bulok
ang nilalaman ng tiyan upang makipagsapalaran
sa isa pang paglubog ng buwan?
sisikat ang araw bukas na ilang musmos ang iiyak
at nangungulila sa lamang-tiyan
katulad rin ng dagat na hindi na maipagdamot
ang lamang-supling dahil maagang naunsyami
sa ating lambat kahit supling pa lamang.
Sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite
saksi ang Bundok Buntis sa iyong kapalaran,
Gat Andres, at isa ka sa nalibing sa kaniyang sinapupunan.
matapos mong higitin ang pusod ng huli mong hininga
huwag mong ikabalisa ang pagtatalik ng dilim at kamatayan
dahil sa Bundok Buntis, sa sinapupunan ng Maragondon
ipanganganak muli ang iyong kaluluwa, ang iyong tapang
at hahasain naming minsan pa ang itak ng iyong kabayanihang
hinding-hindi dadapuan ng kalawang, kailanman.
Kariton
ang kariton ay bahay-bahayan
ng mga panaginip.
magtutulak tayo at isisilid
sa kaniyang hapag ang anumang madaanan
iipunin sa tambakan
at halu-halo natin silang pakakalansingin:
barya-barya, lata-lata.
magtutulak tayo
upang unahan ang panahon
at ang mga pakpak nito sa gulong
upang pabagalin ang pagkulubot
ng tumatandang pag-asa.
yapis man ang gilong,
may uling man ang ulap,
tutulak tayo
tungo sa tambakan ng anumang tinipon
at ihuhulo nating ang mga barya,
tanso, aluminyum, lata
ang bubuo ng ating bubong
sa pangarap na kariton.
Kaliwete
bayaan mo akong magtaksil paminsan-minsan.
ma’no ba namang mahimbing ng saglit lang
sa kama ng iba, sa silid na puno ng salamin
kung saan kitang-kita ko ang aking kabuuan
kung perpekto na ba ako’t tamang-tama lang ang galaw
sa pakikipagtalik sa bago kong kaulayaw;
kung saan umaalingawngaw ang aking halinghing
na hindi nag-aalinlangang baka ako marinig
ng karamihan at sasabihin nilang bagito pala ako’t
tameme sa pagkanyod.
ma’no ba namang danasin ko ang buhay-laya
na hindi nasasakal sa pag-ibig mong hindi na nagbabaga
huwag mong sasabihing kasalanan ko
marami kasing tulad naming palikero ang naduwag
noong una, kahit kaya ko palang kumaliwa
dahil sinisiil ako ng pananampalatayang tayo lang
tayo lang, ikaw at ako laban sa buong mundo.
ma’no ba namang sumimsim ako ng halimuyak ng pabango
sa mga leeg ng may leeg, hindi ko sinabing mas mainam sila
kaysa sa samyo ng iyong natural na perpyum
sinisinghot ko lang ang kaib’han ng pormyulang ginamit
saka ko titimplahin upang ibudbod naman sa iyong leeg.
ma’no ba namang nahuhubdan ko ng ilang gabi
ang kaluluwa ng mga naghahabol sa aking karisma
alalahanin mong tinuruan mo akong magbihis
gumayak sa ganitong asta – tirador sa libog at galing
na hindi kaylanman nila maiiwasang angkinin
silang mga naglalaway sa ating morenong kulay.
ma’no ba namang pumasyal akong kaakbay sila
at hayaan mo akong makipagtalik
ipagkakapuri mong tatawagin akong bagong tao
ang bagong lalaki ng mundo, ang bagong Adonis
mula sa lahi ng iyong ama’t ina
na magsasabit ng dangal sa iyong leeg na bubudburan
ng pabangong hindi maghuhunos, hindi mapapanis.
sabihin mo mang nagbago na ako’t hindi napapanatag
sa iyong tahanan, hindi ako nakalilimot
sa pagmamahal na wagas, Pilipinas.
Osmosis I
gusto kong magmukhang marumi, magkulay lumot
o libag na huwag ninyong kukutkutin kahit kailan
dahil gusto kong ganito na ako.
pinalalabas kong kusa ang uban sa ngidngid ng itim na buhok
pinagmamartsa ang ulatim sa pisngi at batok
ipinapahid ko rin nang sadya ang dusing at alikabok
sa buo kong katawan, sa buong katauhan
hanggang tila putukan sa bundok Banahaw ang singaw
ng balat at kilikili: umilag na lang kayo.
Natutuwa akong kumakapal ang asin sa aking balikat,
namimitak unti-unti ang mga ito sa kinis ng anit
at sa bawat pilantik ng ningas ng araw’y ipinapahid ng pawis
sa kabuuan ng likod at dibdib ang maputi-maalat na mapa.
nanghihinayang akong ihakbang ang mga paa nang may sapin:
mawawalang silbi ang pagdudumi kung hahalikan ng tsinelas
ang talampakang sanay nakaapak, natitinik
sa paghahabol sa maari pa nitong matalisod.
wala nang pagkakataong makilala pa ang mukha
sa tila maskarang anyo nitong pinakapal na bigote
at hindi ko muna ito pupungusin, ni gugupitan
magmukha na akong dagang-estero sa ganitong hilatsa
na pinaaalingasaw ang pabango ng kahirapan.
ipapakita ko sa inyo ang lahat ng ito dahil hubad ako ngayon
litaw ang utong, at mahihipo ninyo ang kumapit na balat sa buto
nang maipagtaka ng maraming wala na pala akong laman
kaya hindi na ako dapat nagdadamit:
tama na itong pang-ibabang magtatakip lamang sa moralidad
na asawa ko lamang ang nababaliw.
hindi na ako gagalaw kapag makapal na ang libag.
bawal ang magpawis sa hindi dapat pinapawisan
nang walang tumagas na katas sa sinusubing enerhiya
ng mga taong lagalag ang asin sa bituka.
Osmosis II
~sa mga manggagawang Pilipino~
huwag nating pansinin anuman ang bigat ng hawak
mapatagas lamang ang pawis, mapiga man ang katas
alang-alang sa mga naghihintay na pipit sa tahanan
huwag nang isiping para ito sa bayan
kataksilang akuin pa nating para ito sa kanya
gayong wala tayong isinusuksok sa kanyang bituka.
huwag nang indahin ang paltos ng kamay
o pasma ng kalamnan o igting ng mga litid o puyat
mapadaloy lamang ang bukal ng kabusugan
sa sumisiyap na asawa’t anak bago pa lumugso
ang pugad ng pagmamahalan.
huwag nang tanungin anong uri ng kabuhayan ito
kung nagpapagod tayong may dangal
at hindi ikinahihiyang nakatutulog tayong nakabuka ang bibig
sa pagod, hapo, at pagka-ubos ng lakas
sa ngalan ng pagpapatikas ng kaya ko ito
kaya kakayanin ko.
huwag nang silipin ang ibinabagsak ng langit
kumbakit iba-iba tayo ng sukat ng bulsa
at iba-iba ang timbang ng naisisilid sa sikmura.
ipagpasalamat nating nakagagawa pa tayo.
ipagpasalamat nating may nagagawa tayo.
Osmosis III
~sa mga bubot na pinupol, sa pagdiriwang ng buwan ng mga bulaklak~
ngayon pa lang dapat bukadkad ang mga bulaklak
kung sadyang iluwa ng sepal ang mga bubot na petalya
kung handa na ang mga paruparo’t bubuyog
dapat sana’y hinipid muna ng dila ng hangin sa tag-ulan
ang mga labi ng bulaklak, dapat sana’y sininsin na ng araw
ang katawang makaiimbay bago sila pupulin
ngayon pa lang sana ladlad ang kanilang ganda
kung hinog na ang kanilang kulay, o ang kanilang malay
na ang kanilang halimuyak ay sinisimsim sa tamang panahon
dapat sana’y handa na ang kanilang mga obaryo
sa sasadyaing pagdalaw ng mga paruparo
upang ganap ang polinasyon, hindi pilit
bago pa man pitasin at matuyot nang walang muwang
saka masadlak sa plorera ng di-sadyang pagkaluoy
ng kanilang kabataan.
Ang Pantastikang Plasma Ng Pantasya
~Parunggit kay Pnoy
humahagok kanina lamang ang pantasyang
napapailalim na sa mga bit’win ang sansinukob
nilulukob sa arnibal ang pilapil ng kalupaa’t
hinihimod natin ang pinigang ubas sa mga bakyaan
sumisilip ang kapangyarihan ng pananahimik
signos ng kahilingang huminga ng malalim
ang sariling baga sa ilalim ng katubigan
pagsisid sa kalawakang tayu-tayo na lamang
ngunit inaararo pa rin ng ating mga palad
ang buhanginang karaniwan ang batong patay
kumikintab sa mantikang sabaw ng dighay
paisa-isa at nangaghuhugas tayo ng pawis
balabal ang damit ng mga gabi ng ulser
teritoryo ng hanging amihan ang bituka’t
kalsadang luklukan ng lagnat, karamdamang
isinabog ng humahagok na pantasyang ito:
ang bit’win ay plasmang gumagalugad
sa pagitan ng gutom at kasarinlan.
Hostage Drama
~’santula para sa kabilang bahagi ni Inspector Mendoza~
sumambulat sa atin ang putok ng balitang
hinog sa aksyon, nagmatyag tayo’t nag-abang
gumapang sa ilalim ng mga ulat, nakiramdam
walang gumagalaw. Nakatutok ang armas
sa bawat nanginginig na larawan, pawisan
kahit ang langit sa salitang binitiwang
hosteyds niya ang pagkakataon. Sasandali ito
ngunit namimilipit ang ating liig
bumubuka ang mga tenga sa pag-ulinig
bumubulong ang ating bibig na kahimanawari
tunawin ng ulan ang sasakyang iyan
at ipakita ang kriminal na nakatayo
sa gitna, saka siya barilin sa sentido
upang hindi na ito muling pumaslang
magpumilit ng kahilingan kapalit ng bihag
gaya nating hosteyds ng paghusga
samantalang ang drama ng pagtatanong
o pagtitimbang ay wala.
Crematorium
~hindi sila makakukubabaw~
-German V. Gervacio
nakabinbin ngayon ang makinaryang susugba
sa init ng ating katawan ngunit papalitan ng apoy
mula sa mga pader ng krematoryong ito.
hinihintay na lang natin ang senyas na handa
tayong sumailalim sa pagkalusaw ng katawan
maging abo’t isabog sa hanging walang pakialam.
Ininda ba natin ang init sa kasagsagan ng buhay?
nilagnat ba ang kaisipang mamamatay din tayo
sa kabila ng paghinga’t paggalaw nang mahinusay?
hindi tayo pakukubabaw sa krematoryo ng pagkaagnas
pagkalusaw ng katawang sinipsip lamang ang laman
gayong mantika ang ilalabas nito saglit lamang.
sa krematoryong ito’y mamalagi tayong buhay
tatagas nang malaya ang mantika ng ating laman
at babalutin ang mga pader ng pagkalusaw.
hindi tayo pakukubabaw.
hindi ang pagkalusaw.
Kung Kailan Tayo Dapat Naiidlip
~Alay kay Ka Manny Recarro~
pinananabikan natin ang paghimlay
ngunit hindi natin hinihiling ang pagdalaw
nitong kadiliman sa talukap ng ating balintataw:
ang pag-idlip ay hindi pa panahon.
namumulot pa tayo ng sinsin-sinsing mga butil
itatanim pagkatapos sa pagitan ng sakahan
ng kamalayang lalago ito, magbubunga
pipitasin at ipamamahagi sa mga agora ng gutom,
inggit, kahungkagang mapapalaya lamang
kapag dinalaw na tayo ng dapithapon
ngunit tinawag ka ng balisang kusang namalagi
niyakap ka nang dagli’t hindi ka pinakawalan
hanggang sumabog sa hapag ang pinulot mong butil
na hindi pa naitatanim at naghihintay ng dilig.
Huwag muna, sabi ko lang
singkad pa ang araw at malayo pa ang pag-idlip
ngunit pinanabikang kusa nitong araw
ang paglubog sa talukap ng iyong balintataw:
iniwan mo ang kalupaang uhaw pa sa tubig
na ikaw lamang, kasama, ang makapagdidilig.
hilaw pa, hilaw pa ang luntiang paligid.
Subasko
Tumulay na naman ang pagpula ng araw
At may mga kabalyerong nakasakay
Sa mga karwahe ng kulog.
Tumutudla sila ng kidlat,
Takot, at nangangalirong ang mga hukot
At mga ibong simbahan lang
Ang hindi sumisiksik
Sa mga sandalang lawanit at kawayan.
Sumasagitsit ang tubig baha
Sa zigzag na sikmura
Nila Florante at Laura;
Magkaibigang dila sila ulan at bato
Sa paglibing ng dilim sa Real at Infanta.
Sisipol na lintik ang mga hanging lubid
Na nagtataglay ng apelyidong “Kamatayan,
Pahamak, at Libingan”
samantalang lulutang sansaglit sa malibag na langit
ang “Ama Namin” na sadyang agunyas lamang
Sa ilalim ng di-kilalang pag-asa.
Kumpleto na ang magkakapatid na kabalyero.
Kakarerahin nila ang mga lansangang
Tirahan nila Bentoy at Buniknik
Sa bawat dagundong ng kanilang talampakan
Ipakikilala nila ang kanilang pangalan
At ang anunsyo sa kanilang pagdalaw
Ay Punebreng kamalig ng takot
Sa mga walang makakapitan:
Susuwagin silang tila mga titibaing saging
Sasagpangin silang tila payat na hamburdyer.
Kasapakat nila ang dilim
Sapagkat dito sila humihimlay;
May kapangyarihan silang taglay
Upang tumawag ng pangalang papanaw
Sa hilera ng mga kuting –
Walang lubid ang makagagapos sa ulyaning mag-anak
Na hihila pabalik sa naimpis na kapatid
O Ina, o Ama, na nilamon ng alon
Sa mga korte ng ilog at karagatan
Saka sila manghihinayang sa nabaklas na basurang
Tinatawag nilang bahay.
Sanlibo’t isa ang trumpetang inihuhudyat
Sa pagtawag ng pangalan;
Medalya silang sabit sa bawat kabalyerong dadaan.
Sanlibo’t isa ang tambol at kwerdas
Na nag-aanyaya ng pangamba at pag-iyak.
Humahatsing sila ng plema ng bagsik
Ngunit hindi sila dudumura ng laway ng awa.
Papagkit sa mga silid at bubong ng kaawa-awang nilalang
Ang kasakiman ng taglamig
At ang pamamaluktot sa kapural na kumot
Ay hindi magtataklob ng tapang sa ginaw.
Ay, subasko!
Ang mga pangalan mo’y diksyunaryo’t tala
Sa PAG-ASA’t pahayagan;
Listahan ng pagkalam sa alaala ng lansangan.
(at ibubulong ko:
“sa kwartel ng mga alpombra
may kumot ang mga binyagan,
wala pang subasko ang nakilala nilang palayaw”)
Sagupaan
pinatulog mo sana ako Pacman
at hindi si Margarito ang pinagdiskitahan
nakukulili ako sa hiyawan
nabibingi ako sa dagundong
ng daing, sargo ng katawan
namamanhid ako sa palahaw
kapag naiimadyin ko ang mga salakay
at kontra-putok ng tigkabilaang
naglalaban upang kubkubin
ang titulong magpapatulog sa akin
kahit ngayong gabi lamang.
pinatulog mo sana, Pacman
ang araw na ito.
Pinahimbing mo sana, kamao
ang dilat na magdamag
at magkahawak-kamay na pinagbubunyi ka
ng rebelde’t sundalo
na nagpupukpukan
ngayon lamang.
may nagsabi ba ulit na nagsasaya ang mundo
kapag may laban ang pambansang kamao
samantalang pinitpit ng mga basyo’t punglo
ang kalupaan ng aking bayan?
kampeyon ang mga langaw sa linang
at magpupustahan ang mga bayawak
sa ilang kilong sumabog na laman
ngayon lamang.
Ang Pangaea Ng Puting Budhi
Nananahan tayo sa mga kontinente ng pagkakawatak-watak
At karagatan ng pagsasarili ang ating pag-itan.
Niligid ko ang baybayin ng mga isla’t kalupaan
Hanggang napatunayan ko, binabakuran ng pader
Ang mga aplaya sa mga kontinente’t kapuluan
Nakasulat sa mga ito: pagtalikod, pag-uuri,
Kasakimang udyok ng kulay ng bawat kasaysayan
At hagdang-palayan ang tingadngad na noo ng bawat lahi.
Marka ng isa’t-isa ang paniniwalang angkin
Ginigimbal ng pananampalataya’t ritwal ang aspalto
Ng mga lungsod, bumibitak ang mga dawagan
isa-isang bumagsak ang tulay ng pagkaka-unawaan
Sa mga guho nito’y nagmumulto ang anino ng pagkasuklam:
nagtatanim siya ng buto ng panibugho sa karimlan ng puso
kaya inaani natin ang bunga ng mga digmaan
Hindi na siya nagagapi ng mga bagong propeta
At wala nang nakaaapak pa sa pedestal ng nirvana.
Signos ito ng puwang na likha ng lindol sa sangkatauhan –
Ano’t inuuri ng bawat isa ang kulay ng balat-panlabas
Gayong iisa ang kulay ng ating budhi: puti.
Binhi ba ito ng matandang Babilonia
O tigtig ng tipak ng bato sa pusod ng sinaunang Rodinia?
Subalit ang lupain ng samu’t saring wika
Ay matagal nang wasak, pulbos na ang haliging
Nag-iidolo ng pagluklok sa tore ng kapalaluan
Hindi natin kailanman mararating ang taluktok
Nitong katahimikang nagsasaysay sa mga agora’t pasyalan
alingawngaw ng mga wikang kapayapaan! Kapayapaan!
Kung hindi sadyang wawasakin ang moog ng kasakiman.
Walang itim o puti o dilaw, kayumanggi
Ang kinikilala ng manlilikha ng kontinente ng budhi
Walang paniniwala’t ritwal ang natatag
Sa adwana’t sibilisasyon ng buklura’t pagtatali
Ngayo’y mangagtatanod tayo sa mga talampas
Upang lusungin ang mga kapatagan
Isang wika tayong dadalaw sa bolebard ng mga siyudad
mangungusap ng talinghaga’t aakay sa naliligaw:
“Halika kapatid, halika! Bitiwan mo ang armas
Hindi tayo itinadhanang magwasak
Sundalo tayo ng daigdig, moog ng pag-ibig
Tunawin mo ang kapalaluan, magtatayo tayo
Hindi iyan kailangan sa paghuhukay.”
“Tulak kapatid, tulak! Hawiin natin ang dagat
Busbusin natin ang ulap ng pag-aalinlangan
At hayaan nating lusakin ng ulan ang kapalaluan
Ililibing natin sa kalaliman ang signos ng pag-iimbot,
Kamunduhan at kataksilang palamuti sa pagkalunod”.
Sa ganitong alingawngaw, tatakas ang palalong anino’t
Ipagtataka na lamang na wala na siyang maaapakang tabsing
Tuyot na ang karagatan ng paghihiwalay
Sapagkat natibag na natin ang mga pader ng pag-uuri
Naisugpong na natin ang mga haligi ng bagong luklukan
Na tatawagin nating kontinenteng unibersal:
Ang Pangaea ng Puting Budhi.
~entri ng may-akda sa “I” Inspire World Poetry Contest na kung saan nabigyan ng award na Haligi ng Pahina~
Azkals
Sila ang mga bagong gladyador:
Simbilis ng kidlat nilang iniiwan ang mga kababag
At matikas na tinutupad sa ruweda ng palakasan
Ang batas ng pagbubuslo para sa tagumpay.
Umaasta silang tila propesyunal
Kahit bagitong umiibig sa ‘di sariling palakasan
Sinusupalpal nila ang mga kaagaw
Hinahayaang matalisod sa pagkainip
Hanggang manlupaypay sa pagod,
matingkalang sa planadong play
Na ‘di mahulaan ninuman – kahit natin
Na nakikisimpat’ya sa kanilang kasikatan.
Idolo natin sila, hindi dahil sa kanilang pangalan
O pagpapakita ng kagila-gilalas na tikas:
Anino sila ng unibersal na estratehiya
Man-to-man, larong tao sa damdamin
Pag-ibig at pananalig, kaya sila nananaig
Sa mga balakid sa korte ng tagumpay.
Inihahaka ng bawat isang ang pananaig sa larong ito
Ay wala sa bilis ng agwanta
Kundi sa pagpapaubaya ng liksi at galing
Sa kabudhing kamanlalaro, at isinasapusong
“ako ang lakas mo, habang ikaw ang lakas ko”
At sinisugurong pasan ang isa’t isa
Kapag dinadalaw ng pagod at panghihina.
Hindi inaangkin ng isa lamang ang simbolo
Nitong laro ng piniling damdamin,
kapag may pagkakataon
Ipinapasa sa kamanlalaro ang pag-ibig
At binubuo nila ang pag-asang
hindi sila nagkamali sa pagtitiwala
na ang isa’t isa’y tutupad sa batas ng laro.
Hindi na nila kilala ang kanilang sari-sarili’t
Nilimot sansaglit ang sariling mukha’t kulay –
hindi ito kailangan sa paghahangad ng tropeo ng karangalan
kaya tinatawag silang isang koponan.
Wala silang iniiwang patlang ng pawis
Na hindi nananabik sa pag-ani ng paghanga.
Ilan na bang kalaban ang kanilang hinarap
Walang gatol na pinataob, ngunit niyayakap
Itinuring pa ring kaibigan sapagkat iisa
Ang kanilang pagmamahal?
Ilan na bang kamanlalaro ang nagpugay
Sa bait, dangal, sa paglalaro ng mahinusay?
Sana’y makapasok sila futbol mundial
At iwagayway sa uniberso ng pagdaramot
ang watawat ng pagtitiwala
Habang kaming nakikisimpat’ya ay haharap
Sa mga koponan ng pag-iimbot.
~entri ng may-akda sa “I” Inspire World Poetry Contest na kung saan nabigyan ng award na Haligi ng Pahina~
Frat En Dyas Dis (Frat And Justice)
Frating lubog
Frating sabog
Frating alimuom
Frating lumalabo
ang dyastis
kam on
Frating lusak
Frating wasak
Frating bitin
Frating biktim
ng indyastis
ang Frating hirap
kam on
Frating umaasa
Frating tulala
Frating madla
Frating tayo nga
ang Frating ulaga
sa franing na dyas dis
kam on
Frating mayayaman
Frating eksklusibo
Frating antatsabol
Frating sila lang
ang frating imyun
sa framis ng dyas dis
na dyastis
na pang-kam on.
Kumbakit Laging Kangkarot Sa Finish Line Ang Mga Atleta Ng Pag-Ibig
dahil ang arena ng daigdig ay namimili
ng mga atletang may pakpak ang budhi
suot nila ang Adidas ni Merkuryo
at humamarurot sila sa unang putok
walang pabigat sa dibdib, walang alalahaning
tatamaan sila ng kidlat mula sa setro ni Zeus
dahil higit pino ang buhanging tinatakbuhan
kaysa sa bundok-batuhang patungo sa diyos
sino ang mag-aakalang sa pagtakbo ng walang humpay
maikukwintas ng mga atleta ang gintong lantay
iyan kasi ang premyo sa takbuhan ng buhay
ang batas: huwag kang lilingon, bawal ang awa
hindi nababagay sa ganitong larangan
ang pinipitik ng konsensya’t pandama
walang dalawang nagwawagi sa dangal ng isa
at ang medalyon ng pagod ay sansaglit lamang
may tuntunin kasi ang ginhawa’t pananaig:
sa makinis na daan naroroon ang adbentyur
may kiliti ang pagtakbo sa mga asbestos
uhaw kasi silang mga atleta ng mundo
at sa paghahanda sa dulo ng karera
nagtatanim sila ng kalyo sa dibdib
may droga ng manhid, may turok ang pintig
sa bigat ng pagdama, sa kulo ng tiyan
sa pilak at ginto, sa taginting ng pangalan
makapangyarihan sila ngayong tumatakbo
dahil baluti nila ang armor laban sa kamatayan
sino pa ang magsasabing may batong tatalab
sa maitim nilang talampakan?
Laging huli’t talunan ang atletang may panimdim,
walang nakapipigil sa manlalarong sugapa
sa anestisya ng budhing itim.
Pakyaw
pumapakyaw ako ngayon ng ngitngit
yaong makapipisak sa nagtitiim na bagang
o makapagpapalinsad ng buto sa kuyom na palad.
natalisod ako kanina sa tapat ng tindahan
dahil tila pila ng lotto outlet ang bintana
at nagkakaubusan ng tiket sa milyun-milyong tatamaan;
bungguan nang bungguan ang siko at balikat
ng mga tambay, laban kasi ng namamakyaw
ng kasikatan sa ibabaw ng ring.
nasabit ang aking lulod sa nakahambalang na sidecar
at kahit anong yamot ang ako’y sumigaw
i-parke ninyo ang inyong sarili sa panooran!
mas malakas ang lagublob at pik-pak-bong
ng nagsasagupang gladyador,
anupa’t pakiramdam ng mga nanonood
ay sila na ang nakikipagsuntukan, nakikihamok
at nangangarap pa yatang mag-uuwi sila ng sinturong
may palamuting ginto, may sobreng puno.
hindi ako nagmamadali upang manood.
gusto ko lang magpahinga nang maaga dahil pagod
ang aking sabado’t ang linggo lang ang pagtakas
sa mga suntok ng trabahong walang kampanilya
upang tapusin ang labindalawang round
kada araw.
nananadya lang marahil ang pay-per-view,
ang Solar at GMA, pati na ang mga may-ari ng bahay
na pinalalagutok ang sigabo ng jab at kantiyaw
at mukhang mana-knock out ang aking hangaring
magpahinga kahit kakarampot na oras.
sa ilang palitan ng umiigpaw na paw
bumabaling na panga at ngumingiwing mukha
tinapos ng malakas na eyahuuu ang aking paghihintay:
natahimik ang mga telebisyon, ang mga maton
na nakasakay sa panibagong panalo ng pambansang kamao
at salamat, mauuwi sila sa mahihinang kuwento
sa kanto-kanto: mapapahinga ang aking tenga,
makahihiga ako nang tahimik sa sarili kong lona.
katulad ng nahilong boksingero,
nagising ako, agad, dahil may nagsa-Pacman vs. Marquez
na eksena sa tapat ng aming bahay;
tinotoong suntukan ng mga ginoong gladyador
ang napanood, kanina lamang.
sinilip ko sila sa siwang ng aking pag-usyuso
at nakita ko, tumba ang tatlong litro ng brandy
na binuno ng mga maton sa kanto.
hindi natapos ang boksing na ito.
hindi natapos ang laban sa maghapong kwentuhan
ng suntukang kapapanood lang,
kahit sila-sila na rin ang nakasaksi sa bagong dangal
ng idolo nilang nag-uwi na ng milyong premyo
pagkatapos ng laban.
hindi natapos ng mga maton ang totoong laban
kaya ako namamakyaw ng galit
dahil hindi magawang patulugin ng mga sanggano
ang totoong kalaban, na hindi mapapatulog
ng gayun-gayon lamang, katulad ng pagsakay sa likod
ng sinasantong si Pacman.
laban na sana nila ang ilang oras ng balitaan
sa kung sino ang tumulog at nakapagpatulog
sa kababag na kahirapan.
Pritong Sapsap
Iniiwasan ko ang tinik
sa unang kurot, dahil sabi
may tibo ang maliliit na isda
lalo’t hindi kilala
ng sensitib na sikmura
huwag piliting kamutin
iyang laman sa tiyan
kayhahaba ng bikag
at masakit ang manipis
na parilyang tinik
walang anumang saysay
ang humugot ng walang kwentang
bikig sa lalamunan
kaya tila ham ang sapsap
na kinakaliskis ang laman
marahang-marahan
hanggang maiwan sa hapag
ang iskeleton ng sapsap
na balot pa ng ilang himaymay
sa natitira kong ilang sagpang
napatunayan ko
sa loob ng parilyang-bikag
naroon ang bihod
ano’t kay linamnam
ng mga itlog sa supot
kaylambot ng tinik
anong lutong ng ulo
nalalasahan ko ang tabsing
sa malapot na laway
banayad ko silang nginangata
at nagtatalik ang pait-alat
sa sabaw ng katotohanang
wala sa sibo ang linamnam
kundi sa maliliit na isdang
patapon na lamang.
Sulating Pangwakas
iniwan mo ang bolpen at notbuk
pati ang paborito mong aklat sa Matematika
at katulad ng dantaong kamatayan ni Rizal
dadapuan na lamang ng alikabok at anay
ang El Fili na kinagigiliwan mong basahin.
isinabmit mo ang pusyaw na bag
sa haligi ng inyong tahanan
at isisiper niya ito nang matagal
maaaring hindi mo na nga mabubuksan
o masisilip man lang
kung kumpleto pa ang mga akda mong pangarap
dahil ngayong umaga lang
isiningit mo sa pagitan ng aking hagulhol
ang liham pakikiramay
sa namatay na pag-asang lumipad
palayo sa putikang pabigat
sa hubad mong talampakan.
ipinasa mo, lakip ng liham-paglibang
walang hanggan
ang tuldok
sa sulating pangwakas
ng mga pahina
ng iyong bukas.
~sa magkapatid na Nisa Sharmaine at Nica Sarah, mga eskwela kong napilitang huminto sa pag-aaral at tumakas sa kanilang tahanan matapos ang katotohanan ng diskurso ng kahirapan sa linang~
Sa Paghahangad Ng Katarungan
magpapalipad ba ulit tayo ng mga puting lobo
habang lumulusong sa mga kremang ataul
ang ating mga luha?
hahayaan ba nating lumiglig na sansaglit lamang
ang mga balikat na hindi na sasandalan
ng mga tinapunan ng bulaklak at paalam
kailan lamang?
tatanggapin ba natin ang pakikiramay,
bulong at kunsuwelong hindi tayo ang dapat nakaririnig
kundi silang pinaghandaan natin ng puting lobo,
liglig ng balikat, halik ng bulaklak
huling-sulyap ng pamamaalam
sa hindi na maibabalik
ng katarungang
hinahalagahan natin
ng puting lobo
lamang.
manawari’y marinig ng kalangitan ang putok
ng mga umalipawpaw na lobo
kasama ng ating galit at hinagpis
saka magpapalipad tayong muli
ng pitong bilyon pa nito
sa teynga ng binging
katarungan.
Katorse
kalimutan nating espesyal ang araw na ito
sapagkat sumandaling nahuhumaling tayo
sa halimuyak ng bungkos ng mga rosas
sapagkat pinipintahan lang ng tsokolate
ang petalya ng mga ganitong oras
sapagkat sa bawat pagpisil ng palad
dinadala tayo ng kiliti sa mga libog ng paglimot
sapagkat nagkukunyari tayo sa lihim ng mga halik,
yakap, at salabsab ng daing sa pagniniig
sapagkat lilipas ang araw na ito’y
lilipas din ang budbod na pabango sa ating liig
na inulaol sa magdamag ng ating asawa
o kasintahan at wala na namang maiiwang tanda
na dumaan nga ang malambing na araw na ito
saka babalik tayo sa ordinaryong panahon
na hindi nagugusot ang kumot, walang pabangong
budbod, o pasalubong na tsokolate’t rosas
sa mga naghihintay ng wagas na pag-ibig
sapagkat nakalimutan natin sa banig
ang pagmamahal sa nakaraan
ang pagsuyo sa kasaysayan
ang pagsimsim sa dugo ng kabayanihan
ang pakikipag-ulayaw sa mga multo ng pinaslang
ang paghaplos sa likod ng pawisang lata ng pulubi
ang pagsulyap sa bubong ng sinisipang badjao
ang paglalambing sa pagpapahupa ng ngitngit ng kalikasan
ang paghimas sa balakang ng bumabatang pag-iimbot
ang pakikipagniig sa saradong pwerta ng kapayapaan
ang panggagahasa sa kaibuturan ng nagdadalagang paslit
ang paghalik sa kamay ng tumatandang digmaan
ang pagpunas sa kumakawalang luha ng ulilang sanggol
ang pagyakap sa bait at katapatan
ang pagmamaktol ng lumikha ng mga puso
sapagkat sinasamba nating magsing-irog
ang aprodisyak ng di sasandaling paglimot.
Mga Tilamsik Ng Pulasi At Danaw
Labsaw ngayon ang mga danaw at pulasi
at tirahan na yata ng mga kalabaw ang mga kalyeng
papasok sa puso mo, Tayuman
katanghalian kanina humughog ang ulang
ilang oras ininda ng mga bato
hinidas ng kanyang alon ang pitak
at lumikha ng sariling baybayin, patabi sa bambang
saka sumuksok sa mga aluk-ok ng kaparangan
ang pinagpaspasang uhot ng palay
hindi maidura ng delta ang banuot at palapa
hanggang ang huling nakatindig na bato
ay nilunod na rin ng pulasi at danaw
ngunit, ay ang magtampisaw ang mga paa’t
makipagharutan sa hagulhol ng patak-
ulan ay kat’waan naming mga lumaki sa linang
na nanghihinuyo sa kumpul-kumpol na mga ulap
kulog at kidlat: basagin n’yo ang katahimikan
nitong kalangita’t iluwa ang laway ng awa
hanggang sa kasunod na sikat ng araw
na tuyong magtatalik sa bambang
ang mga palapa at uhot ng palay
kikirot ang aming likod sa pagyakyak sa kaparangan
at mabubusog muli ang pangarap na may maisisiksik
araw-araw sa aming tiyan.
Turok
manhid na tayo sa mga turok
wala na tayong pulso
at ating hininga’y luway-luway
dito sa hihigang kutson
nakagapos tayo mula ulo,
baywang, hanggang talampakan
walang lakas ang pagpiglas
ng nanghihinang padyak
tumutol man tayo’y wala na
sa loob ng heringgilya
konsentreyted ang pag-asa
ng mga hiningang dumadaus-os
sa kiwal ng pasmadong
bituka.
Sa Gayuma ng Iyong Halik, Ninoy
kaysarap mo waring humalik, Ninoy
kung hindi’y magtatagal ba ng ilang saglit
ang pag-uulayaw ng iyong labi at semento
ng tarmac.
ganyan ang larawan ng iyong pagbabalik.
halik
ang bungad mo sa aming mga naghihintay
at kahit kamatayan ang umibig
literal kang nagmahal.
hindi ka na rin halos kumaway.
hinagkan mo na lang ang kasaysayan
at kiniliti ng dila ang himbing na bayan.
sa huli mong sulat-dugo ng pag-ibig
sa baldosa ng paliparan,
tila kami naghukay ng yamang
hindi nauubos.
ngunit sadyang lumilipas ang pag-ibig
kapag walang nagpapaalala:
muli mo kaming hagkan.
hagkan mo ang iyong bayan
na nakalilimot sa ibinuwis mong buhay.
hagkan mo ang mga nagsusuot ng ternong puti
at managinip manawaring sila’y naliligaw.
hagkan mo ang mga naghuhubad ng ating sinimulan
na ginagadgad lamang sa bulsa ng panlalamang.
hagkan mo ang mga naiinip mong kapatid
at masalat nilang ka-apelido natin sina Rizal.
hagkan mo ang mga nangingiming mag-angat ng daliri
samantalang itinatago ang dalawa nilang kamay.
hagkan mo ang sarili mong anak
at ipaalalang magkapareho kayo ng pangalan.
hagkan mo kaming lahat, muli
at bangungutin kami
ng matimyas mong pagmamahal.
~pag-alala sa ika-28 taong anibersaryo ng “paghalik” ni Ninoy sa tarmac, alang-alang sa bayan~
ika-21 ng Agosto 2011
Inkris
salamat
hindi na ako T3
tawsan ang sweldo
may marara -ting na
ang pa
pa
tak
pa
tak
na piso
kapag n a b a r y a h a n
ang tsekeng
malaki
lang tingnan
dahil sa mga tekstong
may inkris nga
salamat
hindi na pu-pug-hak-pug-hak
ang motorsiklo kong
nabibi
tin
sa gasolina
maliLitro
ang salin sa tangke
makakabili na ng karne
kung linggo
magtitiis na tuyo
lunes
h
a
n
g
g
a
n
g
sabado
huwag na lang umamot
ng Jolibee
ang aking mga anak
maglaway na kayo
dahil i-ilan lang
ang kaskasyahan
matit-yane
lang
ang inkris
napatunayan ni waswit
hindi sapat sa krisis
pakunswelo lang ito
haha! halata naman
dahil da + daG + daG din
ang buwis
nAgLoKoHan pa tayo
na papantay din
walang labis
walang kulang
ang aming salari
sa ranggong
SPO10
Uling
~Sa Kantang Uling ni Ka Freddie~
ang katumbas ng maitim ay ginto
Ka Freddie
sa mga luyat ang tiyan sa linang
ginto nga ang uling
ngunit
salaginto, salagubang
ang kakawit namin
sa kwerdas at himulmol
ng papayang pinagkapitan
minsang dumaan ang lagaslas
ng tubig-alon sa kapatagan
alin ang ginto
alin ang magaling
sa salaginto at salagubang
na wala na ring makapitan
at tingadngad na inaanod-anod
sa gitna ng bayan
tulad namin
na lawas na lang ng papaya
ang tukod ng bahay?
Kung Buhay si Rizal
hahamunin ko siya:
flip-top, rock-rap
na hindi niya inabot
malaman niyang uso
ngayon, ang wala sa tono
lumang pinabago
bagong pinaluma
wala man sa entablado’t
magngangawngaw lang sa kanto
magtatawanan kaming dalawa
dahil magkaiba na
ang bigkasan at bagsakan
pagtula’t balagtasan
saka ko itatanong
kung mayroon bang napagyaman
isisingit ko
sa mga sagutang walang patid
naiba lang ang bisyo
nabago lang ang kantada
kanya pa rin ang tunog
na laging humahagod
sa dibdib at likod
ng panulaang walang sawa
ang paghimod sa libog.
~pasasalamat sa mga ambag mo, Gat Jose~
Ika-14 ng Hunyo 2011
11:18 NU San Francisco, Quezon
Tulos
~Kay Hermano Puli
dantaon ka nang humimlay
ano’t pinananabikan mong minsan pa
ang paghukas sa pait ng kamatayan?
ipinangangamba mo marahil
hindi nagpatuloy ang agos ng dugo
at hindi tumubo ang binhing pundar
ng iyong pighati
ipinapalagay mo marahil
kasabay naagnas ng iyong katawan
ang hilahil ng sinimulan
sinisilip mo sila ina, o ama
ilan silang kapatid na natira
nagsasaling-krus, nakikidigma
laban sa pang-aaping sumamba
at purgatoryo ang tulos
ng iyong gunita.
kalayaan itong hangad mo
kaya ayaw mo pang humimlay
(sinasabi mo bang
hindi, hindi sa mga sulok ng Lukban?)
huwag mo itong ipagdalamhati
isisilang kang muli
sa ibang pangalan
isang araw.
Salumpang
kapos na sa pintura ang dakilang pintor
at katulad ng ilang larawang ‘di-tapos
masasadlak ka rin sa silid ng paglimot
katabi ng pangalan mong ipinagkait
ng manlilikha: hindi na magkakahugis pa
ang nagmamakaawa mong mukha.
~alay kay Cherry, kasamang guro na aksidenteng napaslang sa holdapan noong ika 1 ng Disyembre, 2010 sa Catanauan, Quezon~
Ang mga Signos at Pasasaan Pa Ta(y)o?
Kumikislig ang kalupaa’t
humihiyaw ang kulog sa ulap
dalisdis ang dagta sa langit
kaya tayo’y nilalamig
sargo ang dugo ng bulkan
saka aapaw ang maitim na alipato
tatakpan ang kalangitang
tila tayo pinagtataguan
lulunurin ng tubig ang mga tinig
palahaw sa ragasa ng apoy
baha, lindol, sakit
na hindi maiibsan ng anumang lunas
dasal man o pag-asang
gagaling pa ang daigdig
sa mga signos na ito
at pasasaan pa ba tayo?
Ang Parilyang Hapag
ang hapag kainang ito’y inimpis
minsan ng sigwa ng hangin
nababad sa baha ang mga paa nito
hanggang kainin ng karupuka’t
hindi na napigil ang kaniyang pagbagsak.
tulala tayong nakamasid
samantalang isa-isang pinunupulot ni ama
ang mga kawayang inanod ng baha
ibibilad ko ito sa araw bulong niya sa akin
habang ipinagpatuloy nating magkakapatid
ang salu-salo sa kani-kanyang palad.
dalawang katawan ngayon ang bilad
at hubad sa katanghaliang tapat:
ang parilya ng hapag na sumambulat sa baha
at ang tadyang ni ama.
simbolo ang hapag, sabi niya
kaya’t pinatutulo ni ama ang pawis
sa pag-ubra sa kawayang-hapag
dahil magsasalo daw tayong muli
hindi sa kani-kanyang palad
kundi sa hapag-kainang simbolo
nitong lakas ng bawat isa.
Hitit-Hinanakit
isang stick lang ang bawas ng aking yosi
kasabay ng kape kaninang umaga.
pinagtatalik ng aking labi at dila
ang lasa ng usok at aroma
huwag lang maamoy ang alingasaw
ng aking huling hinanakit kahapon.
sa totoo lang naman
humihitit ako ng sigarilyo
humihigop ng kape
upang payapain ang aking bagà
at huwag nang magtatambol ang dibdib
sa haharaping marami pang nerbiyos
sa isa pang dadaang maghapon.
ito na ang aking anestisya.
sa bawat higop
pakiramdam ko
nilulusaw ng aroma ang tangal sa ngipin
ng galit
sa bawat hitit
hinihilam ng usok ng sigarilyo ang mata
ng mga nerbiyos at alinlangan
at namamanhid ang lahat ng aking pakiramdam
simula sa panghimod
hanggang sa pantukod
ng pasensya ng puso.
pakiramdam ko
tuwing lalabas ako ng bahay
na kumpleto ang rekado ng kape at yosi
antapang-tapang ko
at araw-araw kong binibisyo
ang ganito
simula sa kubeta
hanggang sa bago pa makapasok
ng opisina.
sa kalsada,
tinititigan ko nang mata sa mata
ang lahat ng kasalubong
na naglalapat ng sakit
sa aking puso.
ngunit hindi ako nasasanay.
bago magtanghali
nangangalahati na ang isang kaha
at binibilang ko pa ang biyas ng pagod
sa pagharap sa daigdig na lunod sa pampamanhid
ng mga damdamin
na hinihigop ko rin
kasabay ng usok at pait
ng hitit at hinanakit.
habang papa-ubos ang natitirang sigarilyo
lumalamig din pala ang kape
at totoo ang kasabihang
ninerbiyusin lamang tayo
kapag humihigop ng aroma.
ngayong tapos na ang maghapon
hindi na naman umubra ang pampatapang
na yosi at kape
at ibinubuga ko ang ilang buntung-hininga
na wala na namang saysay
ang humiram ng yabang
kung hindi rin lang mapanindigan.
mahina pa rin ako
at nilulumpo ng pagdaan ng araw
na sumusuka ng mga pagsubok.
iyan kasi ang patunay
na hindi naman lahat ng hinanakit
o sakit, o alinlangan
ay nanggagaling sa labas ng puso
o bagà
kundi sa sariling kanser
na tayo ang nag-aalaga.
Helen
narinig ko lang ang iyong pangalan
kinikilig na ang aking bayag
anupa’t tinatalihan ng goose bumps
ang aking batok
ang aking tapang:
lumubog yata sa ilalim ng aking panloob
ilulunsad mo kasi ang ‘sanlibong barko
na sasakyan ng tubig-ulang
pinakulo mo sa galit ng langit
ibubuhos mo ang ngitngit
sa puwit ng bawat barko
kasama ng iyong matamis na laway
na nag-aanyaya ng libog ni kamatayan
sa bawat daanan ng iyong sasakyan
aapaw ang mga kailugan
kasapakat nila ang dagat
na sasampal-sampal ng alon
sa gitna ng paiibigin mong mga siyudad
matitikman na naman namin ang alat
ng iyong kayumian
hahaplos na naman sa aming pisnging
hindi natutuyuan ng tubig-baha
ang malamyos na hanging
isinisipol mo nang malambing
sa mga nakakatulog ng mahimbing
sa mga mansyon at sementadong kwartel
samantalang kami,
kami na nagnanakaw lamang ng espasyo
sa ilalim ng tulay, sa iskwater ng Payatas
sa bakanteng lupa ng mga pinagpala
ay pagtutulungan ninyong palayasin
nang isang iglap lamang
isang iglap lamang
isang maghapo’t magdamag
matutupad nang walang kalatoy-latoy
ang digmaang pasisimulan mo
sa awit ng mga amihan
kinabukasan
sasakyan naming mga maralita
ang balutan ng tinapa at sirang tsinelas
na lulutang-lutang sa ilog at lawa
habang isinasagwan ang aming pag-asang
hindi susunod na dadalaw
ang asawa mong si Menelaus
upang tiyaniin sa aming hanay
ang iyong kataksilan.
(dagling-sulat)
Leave a comment