Huwag Akong Tanungin (Kung Bakit Ako Ama)

 

huwag mo akong tanungin, anak

kung bakit ako ama

tinawag man ako sa pangalang

ganito, hindi ko rin alam

isasagot ko sanang

kumakapal ang kalyo

sa aking palad

pinalalaki ko kayo

sa aking pinagpawisan

pumalya ba kayo

minsan, sa isang hapunan?

binibihisan ko kayo

mula sa aking sipag

inihahatid kita sa pinto

ng karunungang hindi maaagaw

katunayan, anak

bitbit mo ngayon ang krayola

at sinisimulan mo na

kulayan ang iyong buhay

hindi ka naglalakad

nang walang pang-apak

kaya hindi nagsusugat

ang iyong talampakan

kabayo ako’t hinete ka

taktak man ang pawis

hindi tayo humihinto

nakararating tayo sa mga parang

ipinapasyal sa hindi pa naabot

naiidlip kang kulambo

ang aking mga mata

walang lamok ang dumadapo

saanman sa iyong balat

lumilipad silang palayo

kasabay ko silang napupuyat

inaawitan ka namin

ng oyaying pampatulog

at bukas ng umaga

magigising kang yakap

kita, hinahagka’t ginigising

sa paki-usap na “anak,

huwag akong tanungin

kung bakit ama

ang tawag sa akin”

hindi ko alam

at tanging ikaw lamang

ang may taglay ng kasagutan

kung ano ba ang ama

sa isang bunsong

tulad mo.

 

Leave a comment