Ang Pangaea ng Puting Budhi

Nananahan tayo sa mga kontinente ng pagkakawatak-watak
At karagatan ng pagsasarili ang ating pag-itan.

Niligid ko ang baybayin ng mga isla’t kalupaan
Hanggang napatunayan ko, binabakuran ng pader
Ang mga aplaya sa mga kontinente’t kapuluan
Nakasulat sa mga ito: pagtalikod, pag-uuri,
Kasakimang udyok ng kulay ng bawat kasaysayan
At hagdang-palayan ang tingadngad na noo ng bawat lahi.

Marka ng isat-isa ang paniniwalang angkin
Ginigimbal ng pananampalataya’t ritwal ang aspalto
Ng mga lungsod, bumibitak ang mga dawagan
isa-isang bumagsak ang tulay ng pagkaka-unawaan
Sa mga guho nito’y nagmumulto ang anino ng pagkasuklam:
nagtatanim siya ng buto ng panibugho sa karimlan ng puso
kaya inaani natin ang bunga ng mga digmaan
Hindi na siya nagagapi ng mga bagong propeta
At wala nang nakaaapak pa sa pedestal ng nirvana.

Signos ito ng puwang na likha ng lindol sa sangkatauhan –
Ano’t inuuri ng bawat isa ang kulay ng balat-panlabas
Gayong iisa ang kulay ng ating budhi: puti.

Binhi ba ito ng matandang Babilonia
O tigtig ng tipak ng bato sa pusod ng sinaunang Rodinia?

Subalit ang lupain ng samu’t saring wika
Ay matagal nang wasak, pulbos na ang haliging
Nag-iidolo ng pagluklok sa tore ng kapalaluan
Hindi natin kailanman mararating ang taluktok
Nitong katahimikang nagsasaysay sa mga agora’t pasyalan
alingawngaw ng mga wikang kapayapaan! Kapayapaan!
Kung hindi sadyang wawasakin ang moog ng kasakiman.

Walang itim o puti o dilaw, kayumanggi
Ang kinikilala ng manlilikha ng kontinente ng budhi
Walang paniniwala’t ritwal ang natatag
Sa adwana’t sibilisasyon ng buklura’t pagtatali
Ngayo’y mangagtatanod tayo sa mga talampas
Upang lusungin ang mga kapatagan
Isang wika tayong dadalaw sa bolebard ng mga siyudad
mangungusap ng talinghaga’t aakay sa naliligaw:

“Halika kapatid, halika! Bitiwan mo ang armas
Hindi tayo itinadhanang magwasak
Sundalo tayo ng daigdig, moog ng pag-ibig
Tunawin mo ang kapalaluan, magtatayo tayo
Hindi iyan kailangan sa paghuhukay.

Tulak kapatid, tulak! Hawiin natin ang dagat
Busbusin natin ang ulap ng pag-aalinlangan
At hayaan nating lusakin ng ulan ang kapalaluan
Ililibing natin sa kalaliman ang signos ng pag-iimbot,
Kamunduhan at kataksilang palamuti sa pagkalunod”.

Sa ganitong alingawngaw, tatakas ang palalong anino’t
Ipagtataka na lamang na wala na siyang maaapakang tabsing
Tuyot na ang karagatan ng paghihiwalay
Sapagkat natibag na natin ang mga pader ng pag-uuri
Naisugpong na natin ang mga haligi ng bagong luklukan
Na tatawagin nating kontinenteng unibersal:

Ang Pangaea ng Puting Budhi.

Leave a comment