Bata-Batuta

Ang Pagbabagong Anyo ni Benito

            Napalundag sa takot si Benito. Halos tumayo lahat ang kanyang balahibo nang makapa niya ang kanyang mga paa. Tinutubuan ng mga ga-buhok na ugat ang kanyang dalawang talampakan!

Inayyyyy! ang malakas niyang tawag.  Tinutubuan ng mga ugat ang aking talampakan!  Itinihaya niya ang kaniyang mga paa at ipinakita sa Inay Nita ang sinasabing mga ugat.

Napahalakhak si Aling Nita.  Hindi ka kasi naglinis ng talampakan bago magmedyas.  Hindi ugat ang mga iyan kundi duming namuo dahil sa maling paghuhugas.

Kinapa ni Benito ang kaniyang talampakan.  Ugat talaga sila Inay!  Naiiyak niyang bulalas.  Nakakapa ko sila!

Sinamahan ni Aling Nita si Benito sa banyo at tinulungang kuskusin ng ispongha ang mga talampakan.  Pagkatapos mong kuskusin ang iyong mga talampakan, mawawala na ang mga ugat, Benito.  Saka ka magsuot ng medyas at sapatos.  Hali at tatanghaliin ka sa pagpasok.

Hindi natanggal ng sabon at ispongha ang mga tumutubong ugat.  Minabuti niyang huwag na itong sabihin sa ina dahil hindi rin lang naman siya nito paniniwalaan.  Ikukuwento niya ito sa kanyang kaibigang si Marlon sa paaralan, pagdating niya doon.

Tumutulo ang luha ni Benito habang naglalakad.  Sumasakit kasi ang kaniyang talampakan.  Pakiramdam niya, lalong humahaba ang mga ugat sa bawat hakbang.

Tinutubuan ako ng ugat sa talampakan, Marlon.  Sinabi ko sa Inay ngunit ayaw niya akong paniwalaan.  Huminto sila sandali sa tapat ng paaralan.  Hinila niya ang kaibigan at umupo sa upuang kawayan. Mabilis niyang hinubad ang sapatos at medyas at ipinakita ang mga paa.  Nagulat si Marlon habang kinakapa ang mga paa ng kaibigan.

Pareho tayo, Benito!  Napatindig si Marlon.  Dali-dali rin nitong hinubad ang sapatos at ipinakita ang mga talampakan.  Ugat nga sila!  Pareho ng sa iyo!  Ayaw lang akong paniwalaan ng Inay!  Pagkatapos ng klase, samahan mo ako sa bahay, sasabihin natin ito sa mga Inay at Itay!,  dugtong ni Marlon.

Kahit masakit ang mga paa, pinilit ng magkaibigan na pumasok sa kanilang silid-aralan.  Laking gulat nila ng makitang walang tao sa silid!  Kahit sa buong paaralan ay walang ibang mag-aaral kundi sila lang dalawa!

Absent ang mga kaklase ninyo,  Marlon at Benito.  Lahat sila’y nagpasabing maysakit at kayo lang ang pumasok.    Makabubuting umuwi na kayo. Wika ni Binibining Cantos.

Nagkatinginan ang magkaibigan.  Maari kayang tinutubuan din ng mga ugatang talampakan ng kanilang mga kaklase?

            Dalawin natin sila, Marlon!  Yakag ni Benito sa kaibigan.  Iika-ika silang lumakad patungo sa bahay ng pinakamalapit nilang kaklase.  May nais silang patunayan.

Patuloy ang paghaba ng mga ugat sa kanilang mga talampakan.  Masakit nang ihakbang ang mga ito kaya’t tinanggal na nila ang kanilang mga sapatos.  Liyad na silang maglakad.

Hindi ako nagkamali! Lahat ng ating kaklase ay tinutubuan ng ugat sa talampakan, Marlon!  Iyak ni Benito sa kaibigan matapos dalawin ang lahat ng kaklase.  Hindi lang ikaw at ako, hindi lang tayo!  Lahat ng bata sa ating bayan ay mayroon na nito!  Hindi malaman ng dalawa ang gagawin.  Sumalampak sila sa damuhan at nagsimulang humagulhol.

Ngayo’y mahigit nang dalawang dangkal ang mga ugat, at buhay sila!  Gumagalaw ang mga ugat!  Tila malalaking paa ng alupihan ang mga ugat!  Bigla, kinaladkad sila ng mga ito patungo sa kagubatan.  Hindi nila makontrol ang paghila ng mga ito sa kanilang dalawa.  Nangungunyapit sa nadadaanang layak ang mga ugat!  Iyak nang iyak ang magkaibigan habang humihingi ng tulong, anupa’t walang nakaririnig sa kanila.

Dinala sila ng mga ugat sa harap ng isang matanda at higanteng puno ng balete.  Pumagaspas ang mga dahon nito.  Gumalaw-galaw ang mga nakalawit na baging na tila nasisiyahan sa kanilang pagdating.  Nabungkal ang lupang kinababaunan ng mga ugat nito at nagsimulang humakbang patungo sa kanilang dalawa.  Nakabibingi ang yabag ng mga ugat ng balete.  Marahan itong huminto sa kanilang harapan, pagkaraa’y yumukod sa magkaibigan.

Lumitaw sa katawan ng puno ang pares ng malalaking mata at maluwang na bibig!  Lumangitngit ang malalabay nitong sanga at dahan-dahan silang hinaplos sa mukha.  Halos madurog ang kanilang mga katawan nang yakapin sila ng mga sanga ng balete.

Tawagin ninyo akong Ugatpoon, Benito.   Ako ang inyong ama.  Wika ng puno.

Hindi makapaniwala si Marlon at Benito sa narinig.  Paano sila magiging anak nito gayong ito ay puno at sila ay mga tao?  Dilat na dilat ang kanilang mga matang nakatitig sa nagsasalitang puno.  Nanginginig ang kanilang mga balikat sa takot!

Sumasanib na sa inyong katawan ang mga espiritu ng kakahuyan.  Sa loob ng ilang sandali ay magiging ganap na rin kayong mga punongkahoy.  Sabi pa nito.

Sa kanilang pagkagilalas, unti-unting binabalot ng maliliit na dahon ang kanilang ulo.  Parang kinukurot ang kanilang anit sa pagtubo ng mga batang dahon mula dito.  Ang kanilang mga kamay at braso ay lumulutong at nagiging mga sanga.  Kumukulubot na rin ang kanilang mga hita at binti.  Nakukumpleto na ang pagsanib ng espiritu ng kakahuyan sa lahat ng mga bata sa kanilang bayan!

Bakit kami kailangang maging puno, Ugatpoon?  Naitanong sa wakas ni Benito.

Ubos na ang lahing-kahoy, Benito.  Wala ng nagnanais pang magtanim ng puno sa inyong bayan.  Patuloy nilang pinuputol ang ating lahi.  Kung mauubos ang lahing-kahoy, mamamatay ang lahing-tao.  Bilang pagsasakripisyo, lahat ng bata sa inyong bayan ay magiging alay-tanim na puno upang manatili ang lahing-tao.  Sa inyo magmumula ang mga bagong pagkain.  Mamumunga kayo ng iba’t ibang prutas.  Mula sa inyong mga dugo at laman, bubusugin ninyo ang inyong mga kababayan.  Ayaw ba ninyo nito, Benito?

Tumawa ito ng malakas.  Dumagundong sa buong kakahuyan ang kanyang halakhak.  Simpuno!  Pagalit nitong sigaw.

Pagkasabi nito, tuluyan nang lumutong ang mga balat ni Benito at Marlon, simula ulo hanggang talampakan.  Unti-unting bumabaon sa lupa ang kanilang mga binti saka binalot ng makapal na dahon ang kanilang mga ulo.  Ganap na silang puno.  Naghari ang kadiliman sa kanilang paligid.  Wala na silang makita.

Napasigaw si Benito nang halos mabali ang kaniyang braso sa malakas na tapik ni Marlon.  Tulog ka na naman?  Tanong ng kaibigan.

Nanlaki ang mga mata ni Benito, kinusut-kusot ang mga ito ng kanyang hintuturo saka iginala ang paningin.  Nasa loob siya ng silid-aralan.Nakatulog pala siya pagkatapos ng recess.  Madali niyang hinubad ang sapatos at medyas saka kinapa ang talampakan.  Wala ang mga ugat!  Iginalaw-galaw niya ang kaniyang mga bisig, kamay, at daliri.  Hindi malulutong ang mga iyon!  Hindi sila naging sanga!  Sinabunutan niya ang kanyang buhok, hindi rin naging dahon ang mga iyon!  Nanaginip siya!

Nan…nanaginip ako Marlon!  Sabi niya sa kaibigan.

Ngumiti si Marlon.  Ako rin Benito, nanaginip rin akoNanaginip tayong lahat.  Sagot nito saka itinuro ang mga kaklase.

Nagtatakang iginala ni Benito ang paningin sa loob ng silid-aralan.  Lahat ng kaniyang kaklase ay nakangiti sa kaniya.  Nakangiti rin si Bb. Cantos.

Tila nahimasmasan si Benito.  Uhaw na uhaw siya.  Sinubukan niyang tumayo.  Nais niyang kumuha ng tubig sa kantina ngunit hindi niya maigalaw ang kaniyang katawan.

Nakadugtong kasi ang kaniyang likod sa isang mabilog na ugat ng kahoy.

Sumisibol na ang bago niyang anyo.

Si Delan Dahilan

Naka-ilang tapik na sa kaniyang balikat ang kaniyang Inang si Aling Soledad ngunit pumiksi lang si Delan sa higaan.  Pinalis niya ang kamay ng ina at padaskol na hinila ang kumot, nagtalukbong siyang muli.

“Ke aga-aga pa, Inay.” Wika nito sa ina.

“Mag-aalas-siyete na, Delan.  Kailangan mo nang maghanda sa pagpasok.  Mahuhuli ka na naman gaya kahapon.”, mahinang bulong ng ina sa kaniyang tenga.

“Hindi ho ako papasok, Inay.  Tinatamad po ako.  Para akong lalagnatin.” Pagdadahilan ni Delan.

“Ayan ka na naman sa pagdadahilan, anak.  Noong isang araw ang sabi mo masakit ang iyong ngipin.  Nang ipabubunot natin sa doktor, ayaw mo at hindi na kamo masakit.  Noong martes ang sabi mo parang binibiyak ang iyong ulo.  Nang patitingin tayo sa albularyo aayaw ka dahil takot ka kay Tandang Sinang.  Minsan, idinahilan mong parang mahuhulog ang iyong mga mata.”

“E sa talaga nga pong masama ang aking pakiramdam, Inay.  Mainit ho ang aking hininga.” Pagdadahilan nito saka sinabayan ng kaunting pagpapakilig ng tuhod.

“Siya, kung talagang nararamdaman mong ika’y lalagnatin, magpahinga ka.  Sabihan mo lang ako kung kaya mo na ang iyong katawan.” Pagpapaubaya ng ina.

Sa loob ng nakatalukbong na kumot, napangiti ng maluwang si Delan.  Tagumpay na naman ang kaniyang pagdadahilan.  Ang totoo, tinatamad lang siyang kumilos upang paghanda sa pagpasok.

Ganoon nang ganoon si Delan, lagi siyang nagdadahilan.  Kapag inuutusan siya sa tindahan, sasabihin nito sa ina na masakit ang kaniyang paa kahit hindi naman.  Kapag inuutusan siyang maghugas ng mga pinagkainan, idadahilan nitong maghapon silang nagsulat sa eskwelahan, masakit ang kaniyang mga kamay kaya hindi siya maaring maghugas ng mga plato.

Ganoon din siya sa paaralan.  Kapag may mga gawaing pampaaralan, sinasabi niyang tila umiiksi ang kaniyang mga braso, o kaya ay hindi siya makahinga.  Dahil dito, binansagan siyang Delan Dahilan.

Wala ng natutuwa sa kaniyang ugali.  Wala na ring nagtitiwala sa kaniya.  Kahit ang kaniyang mga guro ay hindi na halos siya binibigyang pansin sa mga gawaing pampaaralan.

Nang nakalalabas na ang kaniyang ina sa kaniyang silid, ipinikit niya ang mga mata at muling natulog.  Madilim-dilim na nang siya ay magising.  Sa relong pandingding, nakita niya: Alas-sais.

Nagmamadali siyang bumangon.  Hindi niya akalaing makakatulog siya nang ganoon katagal ng araw na iyon.  Mabilis niyang hinanap ang kaniyang Ina.  Wala si Aling Soledad sa kusina, wala rin sa salas.  Kahit sa silid nito at sa labas ng bahay ay wala ang kaniyang nanay.

Sinubukan niyang tawagin ang ina sa likod ng bahay ngunit biglang nagdikit ang lahat ng kaniyang ngipin.  Kumirot ang mga ito sa tindi ng pagkakapagkit sa isa’t isa.  Hindi siya makapagsalita! Sinubukan niyang magtungo sa pinakamalapit na kapitbahay upang humingi ng tulong subalit biglang nabiyak ang kaniyang ulo!  Nahulog din sa lupa ang kaniyang mga mata!  Tinangka niya ng pulutin ang mga ito subalit biglang umiksi ang kaniyang mga braso.  Lumapad nang sinlaki ng plato ang kaniyang mga palad, at tumigas ang kaniyang mga binti at hita!

Nahintakutan si Delan sa mga nangyayari sa kaniya.  Kitang-kita ng kaniyang dalawang matang nahulog sa lupa ang kaniyang hitsura: isang batang biyak ang ulo, walang mga mata, maiksi ang mga braso, may malalapad na palad, at mga binti at hitang hindi maihakbang dahil tila na sila semento sa tigas!

Nangyari nga sa kanya ang kaniyang mga laging idinadahilan tuwing papasok at inuutusan!

Naalala niya ang kaniyang guro, ang kaniyang nanay, ang kaniyang tatay na laging nalulungkot kapag sila’y napapahiya kapag siya ay inuutusan at nagdadahilan.

Naalala niya ang kaniyang mga kalaro na laging naiinis sa kaniya kapag tumatangging makiisa sa gawaing pampaaralan.

Hindi mailarawan ang sakit na kaniyang nararamdaman.  Dahil papaubos na nang papaubos ang kaniyang dugo, nahilo siya at tuluyan nang nawalan ng malay.

Mabilis pa sa alas-kuwatro na naibili ni Delan ng baretang sabon ang kaniyang ina sa tindahan.  Makintab na rin ang sapatos ng ama dahil pagkagising, ito ang una niyang ginawa, ayon sa sabi ng ama kagabi, bago matulog.

Tila siya kidlat sa isang utos lang.  Tuwang-tuwa ang kaniyang ina sa kasipagan ngayon ni Delan.

Wala pang kalahating oras, naka-upo na siya sa kaniyang upuan sa kanilang silid-aralan.  Minamasdan niya ang mga ipinadikit na larawan ng mga bayani sa dingding ng kanilang silid.  Utos iyon ng kanilang guro na mabilis niyang naisagawa.  Tuwang-tuwa ang kaniyang guro.

Hindi rin kumpleto ang paglalaro ng magkakaklase kapag wala si Delan. Siya kasi ang nagpapatiuna sa mga gawain ng mga kaklase.  Malungkot ang kaniyang mga kaklase at kaibigan kapag siya ay wala pa.

Matapos ang paglalaro ng hapong iyon, umupo siya sa damuhan na nasa harap ng palaruan ng paaralan.  Kaysigla ng kaniyang paligid kahit pagod sa paggawa ng may kasipagan.

Ipinagpapasalamat niya ang panaginip noong nakaraang isang linggo.

Ang Mga Kulay-Liwanag sa Silid ni Mahaya

            Apat na gabing hindi na halos kumpleto ang tulog ni Mahaya.  Sa umaga, gumigising siyang mabigat ang pakiramdam at paminsan-minsang nakakaidlip sa kanilang klase, nakagagalitan tuloy siya ng kaniyang guro.

Sa apat na gabing ito, inaabala siya ng mga hindi karaniwang bisita.  Kahit patayin niya ang ilaw, dinadalaw siya ng mga “bisita” kaya hindi siya gaanong nakakatulog.

Hindi kumakatok sa pinto ang mga bisita ni Mahaya.  Kusa silang lumulusot sa lahat ng siwang ng kaniyang silid.  Lumulusot ang mga nilalang na ito sa siwang ng bintana, sa tarangkahan ng pinto, sa ilalim ng kama, at maging sa loob ng kaniyang kulambo.

Tila mga alitaptap ang kaniyang mga bisita.  Lumilipad silang salit-salit sa paligid ng kaniyang silid.  Iba-iba sila ng kulay, may bughaw, may kahel, may puti, pula, dilaw, at berde.  Minsa’y nagsasama-sama ang mga ito at nagiging maliit na bahaghari sa paanan ng kaniyang kama.  Kagabi lang, hugis paru-paro ang mga ito.  Sa isang malakas na pagaspas ng pakpak, sumabog ang maliliit na ilaw ng mga kulay at naging isang dambuhalang palayok.

Takot na takot si Mahaya.  Sinabi niya ito sa kaniyang mga magulang, at nang araw ding iyon, pinapalitan ng kaniyang ama ang pintura ng kaniyang silid.  Ginawa niya itong puti.  Ayon sa ama, ang kaniyang nakikita ay mumunting ilaw-liwanag na lumulusot sa mga siwang ng kaniyang silid.  Tinakpan na rin ng kaniyang ina ng kurtina ang mga siwang.

“Minsan siguro’y nananaginip ka lang” wika ng kaniyang ina.

“Marahil din, Mahaya, ay kailangan mo nang magpasalamin sa mata.  Maaring may problema na ang iyong paningin dahil sa matagal na panonood ng TV sa gabi.” Sabi naman ng kaniyang ama.

“Ngunit totoo po sila” katwiran ni Mahaya.  “Hindi po ako nananaginip lamang o nagkaka-problema sa mata.  Nararamdaman ko po sila kapag dumadapo sa aking balat!”  dagdag niya.

Nagkatinginan lamang kaniyang Itay ay Inay.  Napangiti sila.

Kinabukasan sa klase, ikinuwento niya ito sa kaniyang guro.  Ayaw rin siyang paniwalaan ni Gng. Sanchez.  Imposible raw na may mga lumilipad na kulay-liwanag  sa isang silid ng isang batang katulad niya.

“Tapusin mo na lang ang iyong mga gawain, Mahaya.  Marami ka ng proyektong hindi naipapasa sa akin simula ng ikaw ay pumasok” sabi ni Gng. Sanchez.

Hinawakan ni Mahaya ang kaniyang lapis at malinis na kardbord.  Inilabas din niya ang krayola upang tapusin ang huling gawaing ibinigay sa kanila ng kaniyang guro.  Ngunit, binitiwan lang niya ang mga ito at ipinatong sa kaniyang mesa.  Hindi niya muling ginalaw ang papel at mga pangkulay.

“Hindi ko kaya”, ang bulong niya.  Umiral na naman ang kaniyang kawalan ng tiwala sa sarili.  “Ayaw kong mapahiya sa aking mga kaklase.  Ayaw kong malaman nilang hindi ko kayang gumuhit at magkulay.” Dugtong niya.

Mula niyang isinilid sa kaniyang bag ang kardbord, lapis, at krayola.  Umuwi siyang wala na namang natapos na gawain sa eskwelahan.

Kinagabihan, inilabas niya ang kaniyang mga pangkulay at ipinatong sa mesa sa gilid ng kaniyang higaan: nais niyang subukang gumuhit at magkulay.  Hinawakan niya ang mga krayola, subalit nakatulugan na lamang niya ang pag-iisip kung paano niya ito sisimulan.  Nahimbing siya matapos niyang patayin ang ilaw.

Naalimpungatan si Mahaya.  Naramdaman niyang nasa loob na naman ng kaniyang silid ang kaniyang mga bisita.  Dagli siyang nagkulubong ng kumot at sinikap sumiksik sa gilid ng kaniyang kama.

“Mahaya…Mahaya…halika’t lumikha.” tawag sa kaniya ng ilang maliliit na tinig.

Dahan-dahan niyang ibinaba ang kumot na nakataklob sa kaniyang mukha at pilit sinisino ang mga nagsasalita.

Tumayo ang mga balahibo ni Mahaya nang mapagsino niya ang mga maliliit na tinig ng kaniyang bisita.  Ang mga krayola! Nagsasalita ang mga krayola!

Sa isang iglap, nagningning ang bawat krayola at naging maliliit na liwanag na lumilipad sa kaniyang paligid.  Halos magkulay-bahaghari ang kaniyang silid!

“Halika, Mahaya. Huwag kang matakot.  Hawakan mo kami.” Wika ng puting liwanag.

Tumayo si Mahaya.  Kahit nag-aalinlangan, hinaplos niya ng kanang kamay ang isang kulay-liwanag sa kaniyang ulunan.  Sumanib ito sa kaniyang palad at tila nagniningning na lampara ang kaniyang kamay.  Hinaplos niya ng bawat daliri sa kaliwang kamay ang iba pang kulay-liwanag at sumanib rin sila sa kaniyang mga kuko!  Nagliliwanag na ngayon ang kaniyang dalawang kamay!

“Iguhit mo kami, Mahaya.  Iguhit mo kami.” Wika ng puting liwanag.

Lumapit siya sa dingding ng kaniyang silid at marahang iginuhit ang kaniyang mga palad.  Nakaguhit siya ng isang puno!  Iginuhit niya ang isang daliri, at nakalikha siya ng isang paruparo!  Sabay niyang iginuhit sa pader ang kaniyang mga palad at nakalikha siya ng isang makulay na tanawin!

“Ganyan nga, Mahaya!  Gumuhit ka pa.  Nakalilikha ka na!” masayang wika ng mga kulay-liwanag.

Magdamag gumuhit sa mga dingding ng kaniyang silid si Mahaya.  Hindi siya natulog.  Hindi siya napapagod.  Tuwang-tuwa siya sa kaniyang mga naiguguhit.  Nang magmamadaling araw na, punung-puno na ng mga larawan ang buo niyang silid.  Umupo siya sa gilid ng kama at nasisiyahan siyang pinagmasdan ang kaniyang kuwarto.

Sa unang tilaok ng manok, kasabay nitong naglaho ang mga kulay-liwanag.  Sumuksok silang muli sa kahon ng krayola.  Noon lamang nakadama ng matinding pagod si Mahaya.  Nakatulog siyang maaliwalas ang mukha.

Kinabukasan, napahumindig sa gulat ang kaniyang Inay at Itay sa nakita sa kaniyang silid: .  Isang buhay na larawan ang nakapinta sa pader ng kaniyang kuwarto.

“Nakalilikha na ako, Inay, Itay!” masayang wika niya sa kaniyang mga magulang.

Si Azur at ang mga Batang Badjao

            Nadaanan na naman ni Azur si Kali kasama ng tatlo nitong kapatid sa tabi ng riles.  Isang buwan nang doon nagpapalipas ng magdamag ang magkakapatid na Badjao.

Galing sa probinsiya ng Vizayas ang magkakapatid na katutubo.  Lumayas sila sa kanilang tahanan dahil sa panggugulo ng mga rebelde sa kanilang tribo.  Dahil hindi naman talaga kaiga-igaya ang manirahan sa tabi ng riles, nanlilimahid ang magkakapatid.  Hindi na sila halos naliligo o nalilinis man lamang ang katawan.

Araw-araw binibigyan ni Azur ng tirang pagkain ang magkakapatid ni Kali.  Sa umaga, matapos mahatdan ng ilang pirasong pandesal at mainit na kape, nagkakanya-kanya ng lakad ang mga ito.  Si Kali at ang bunso niyang si Onik ay nagpupunta sa tambakan ng basura upang mamulot ng maaring ibenta sa junk shop.  Si Asi at Lelek naman ay nagpupunta kila Aling Bacion upang umamot ng tig-sampung tali ng sampaguita.  Inilalako nila ang mga ito sa harap ng simbahan.

Ang kinikita ng magkakapatid ang kanilang ipinambibili ng pagkain sa tanghali at hapunan.  Hindi nila inaalala ang kanilang almusal sa kinabukasan dahil hinahatdan naman sila ni Azur.

Nasa ika-anim na baiting si Azur.  Naging kaibigan niya si Kali nang minsang tulungan siya nito sa pag-iigib kapalit ng tatlong piso.  Mabait at maalalahanin si Azur.  Lagi niyang ipinapaalala sa kaniyang ama at ina ang pagsasahog ng pagkain para sa magkakapatid ni Kali.  Sa kaniya rin nanggagaling ang ilang damit ng mga ito.

Masipag at palangiti si Kali.  Kahit na siya ay higit na maliit sa ibang bata sa gulang na sampu, kayang-kaya niya ang ilang trabahong pangmatanda.

May mga araw na tinutukso ng ibang bata si Kali at ang mga kapatid nito.

“Tutong! Tutong! Dumarating na ang magkakapatid na tutong!” sigaw ng isang bata sa kabila ng riles.

“Hindi ba higit silang mukhang naglalakad na uling?” sigaw naman ng isa at magtatawanan ang nagkukulumpong mga bata sa paligid ng magkakapatid.

Kahit na napapahiya, hindi man lang kakikitaan ng pagka-inis ang magkakapatid.  Pasensyoso ang apat na Badjao.  Si Azur ang laging napapasabak ng away sa mga batang nambubuska kila Kali.  Minsan nga ay nabato pa siya sa likod ng tenga at dumugo ito.

Hiyang-hiya si Kali kay Azur sa nangyari.

“Hindi mo na kami dapat pang ipinagtatanggol, Azur.  Totoo naman ang sinasabi nila.” Malungkot na wika ni Kali.

“Hindi!  Sumusobra na sila!  Dapat lang silang turuan ng leksiyon!” inis na sagot ni Azur.  “Hindi ka ba nagagalit, Kali, sa ginagawa nila sa iyo?” dugtong niya.

“Turo sa amin ng aming mga ninuno ang maging mahinahon sa lahat ng bagay, Azur.  Sabi ni Apo, hindi nakatutulong kailanman ang pagiging mainitin ang ulo.” Sabi ni Kali.

Humanga si Azur sa kabaitan ni Kali.  Lalong tumaas ang kaniyang paggalang sa batang Badjao.

Isang araw, nagising si Azur sa malalakas na katok sa pinto ng kaniyang silid.

“Azur!  Azur!  Ang iyong mga kaibigan, sila Kali at ang kaniyang mga kapatid!”, sigaw ng kaniyang ina.

Hangos si Azur sa tabi ng riles.  Nakita niya na hinahambalos ng batuta ng tatlong pulis ang magkakapatid ni Kali.  Pinalalayas na ang mga batang Badjao sa tabi ng riles.  Inireklamo sila ng kumpanya ng tren.  Sagabal daw ang magkakapatid sa biyahe ng tren.

Nayakap ni Azur ang tatlong magkakapatid, habang si Kali naman ay nakalugmok at wala nang malay.  Umaagos ang dugo buhat sa ulo ng mga bata.

“Huwag po ninyo silang saktan!  Maawa kayo sa kanila.  Sila’y mabubuting kaibigan!  Tama na po, Mamang Pulis!” pagmamakaawa ni Azur.

Pinakiusapan ng mga magulang ni Azur ang mga pulis.  Umalis din ang mga ito matapos silang mag-usap.

“Sa bahay na kayo titira simula ngayon, Kali” sabi ng tatay ni Azur.  Nanlaki ang mga mata niya sa katuwaan.  Mabilis siyang kumilos at inihanda ang silid na titirahan ng kaniyang mga kaibigang Badjao.

Apat na buwan nanatili sa bahay nila Azur sila Kali at mga kapatid nito.  Masayang-masaya si Azur habang kasama niya ang mga batang Badjao.  Marami siyang natutunang magagandang ugali sa kanila.  Noon napatunayan ni Azur na higit pang maburi ang mga katutubo kaysa sa mga tao sa siyudad na katulad ng sa kanila.  Dahil ditto, napamahal na sa kaniya ang magkakapatid.

Isang gabi ng Nobyembre, maagang naghanda sa pagtulog ang mag-anak ni Azur, kasama sila Kali.  Bumubuhos ang malakas na ulan.  Tila binabayo ng kabayo ang kanilang bubong at dingding dahil sa malakas na ihip ng hangin.  “Malakas daw ang bagyong Neneng.” Sabi ng kaniyang Nanay.  Naihanda na ng kaniyang ama ang mga kailangan.  Flashlight, tubig, ekstrang pagkain, gamot, tuyong damit, ilang gamit pantulog.  Naisaayos na rin ng kanilang ina ang lahat ng gamit sa bahay upang hindi mabasa.

Malalim na ang tulog nila Azur nang biglang marinig nila ang malakas na busina ng sasakyan ng bumbero.  Pinalilikas na ang mga tao sa barangay!

Mabilis na umapaw ang ilog sa kanilang barangay!  Agad-agad tumaas ang tubig-baha at maraming pamilya ang hindi na makaalis sa kanilang tirahan!

Kaagad kumilos sila Azur.  Bitbit na ng kaniyang Ama sa isang bag ang mga kailangang gamit.  Dala naman ng kaniyang Ina ang pagkain at mga tuyong damit.  Sumakay sila sa sasakyan ng bumbero upang dalhin sa evacuation center.

Habang biyahe, napansin ni Azur na wala sa kanilang tabi si Kali.  Naiwan siya sa kanilang bahay!

Agad niya itong ipinaalam sa hepe ng bumbero upang balikan ang kaibigan.  Tumanggi ang hepe.  “Delikado na sa ating buhay kung babalik pa tayo.” Wika nito.

Takot na takot si Azur para kay Kali.  Nalungkot siya sa maaring mangyari dito.  Magdamag siyang hindi nakatulog sa pag-iisip sa kaniyang kaibigan.

Hindi na niya nakita ng gabing iyon si Kali.  Hindi rin ito nagpakita ng buong maghapon na iyon.  Naiyak na si Azur.  Inisip niyang napahamak na ang kaniyang kaibigan.

Talong araw silang namalagi sa evacuation center.  Naisipan niyang bisitahin ang listahan ng mga kababayan nilang nawawala at namatay dahil sa baha.  Pito ang namatay na nakatatanda, apat na lalaki at tatlong babae.  Isa lang ang batang nalunod.  Si Kali!  Si Kali ang nag-iisang batang napahamak sa malakas na bagyong Neneng!

Iyak nang iyak si Azur nang ibaba sa tapat ng evacuation center ang bangkay ni Kali.  Putlang-putla ang mukha nito.  Lumobo ang kaniyang tiyan dahil sa pagkalunod.  Ayon sa balita, kaninang umaga lamang nakuha ang kaniyang bangkay sa tapat ng riles.

Gusto niyang sisihin ang sarili kung bakit hindi niya naalala ang kaibigan habang lumilikas.  Pilit naman siyang inaalo ng kaniyang Nanay at Tatay.

“Wala kang dapat ikalungkot, Azur.” Wika ng alkalde ng kanilang lungsod.  Marahan siya nitong pinisil sa balikat.  Napatingala siya sa alkalde.

“Bayani ang iyong kaibigan.  Walang napahamak na mga kabataan sa inyong barangay dahil isa-isa silang sinagip ni Kali.” Dugtong ng Punong-lungsod.

Napatingin siya sa kaniyang paligid.  Naroroon lahat ang mga kabataan na nakatira sa riles!  Buhay silang lahat!  Lahat sila na alagang mambuska at manakit kay Kali at sa kaniyang mga kapatid!

Sa pagkakatingin niya kay Kali, sa kaniyang kaibigan, tila ito nakangiti sa kaniya.  Sa mahinang ihip ng hangin, tila narinig niya ang tinig ng kaibigan na nagsasabing “ako’y Badjao.  Ako’y Badjao.”

Ang Mga Dila ng Apoy sa Terasa nila Teresa

 

Nanlaki ang mga mata ni Teresa!  Kitang-kita niya sa kaniyang bintana ang pagliliwanag ng kanilang terasa!   Sinilip niya ang pinanggagalingan ng liwanag.  Nakita niya na may mga dila ng apoy ang lumalapit sa kaniyang bintana!  Kalapit lang ng kaniyang silid ang terasa.

“Sunog!  May sunog!” napasigaw si Teresa!  Mabilis niyang ibinaba ang binabasang aklat-aralin at agad siyang tumayo sa kaniyang kama.  Tinungo niya ang likod-bahay at kumuha ng isang timbang tubig.  Kahit hirap na hirap, pinilit niya itong mabitbit sa terasa.  Papatayin niya ang apoy!

Hindi pa naman kalakihan ang apoy.  Sa isip ni Teresa, kaya pa niya itong patayin kahit wala ang tulong ng mga kapatid at magulang.  Ibinuhos niya ang isang timbang tubig sa sahig ng terasa, hinintay niyang kumalat ang tubig sa asotea, ngunit agad lang natuyo ang ibinuhos niyang tubig.  Hindi man lang nabawasan ang mga dila ng apoy na lumulusot sa mga siwang ng tiles ng kanilang terasa!

Muli siyang tumungo sa kanilang likuran at kumuha ng isa pang timbang tubig.  Dalawa na ngayon ang dala-dala niyang timba.  Halos maputol ang kaniyang mga braso sa pagdadala ng tubig papuntang terasa.  Sabay niyang ibinuhos ang dalawang timba sa sahig.  Hinihintay niya kung ano ang mangyayari.

Higit na lumaki ang apoy!  Higit nang mataas sa kaniya ang mga dila ng apoy!  Halos magmistulang tanghaling tapat ang kadiliman ng gabi sa labas dahil sa liwanag.Sumagitsit ang mga tipak ng semento ng kanilang asotea!  Natutunaw na ngayon ang mga tiles!

“Napakainit!”, sigaw ni Teresa.  Tila nililitson ang kaniyang mga balat sa mukha at braso dahil sa sobrang init!

Agad niyang tinakbo ang sala kung saan naroroon ang mga kapatid na panganay.  Sasabihan niya ang mga ito na nasusunog ang harapan ng kanilang bahay.  Kailangan nilang lumikas!  Naisip niyang mamamatay silang lahat kung hindi sila agad makakalabas ng bahay.

“Ate!  Kuya!  Naku, nasusunog ang ating terasa!  Dali, kailangan nating lumikas!” sigaw ni Teresa sa mga kapatid.

Hindi siya pansin ng dalawang kapatid na panganay.  Malalakas ang kanilang tinig at tila nag-aaway.  Naririnig niyang pinagtatalunan ng kaniyang Ate at Kuya ang pagkawala ng bolpen sa ibabaw ng mesa.  Pinagbibintangan ng kaniyang Ate ang kaniyang Kuya na siyang kumuha ng bolpen.

Mabilis ang kamay ng kaniyang Kuya.  Agad nitong nasaktan ang kapatid na bunso.  Umiyak nang umiyak ang kaniyang Ate.  Masasamang salita naman ang ibinigay ng kaniyang Ate sa kaniyang Kuya.

Nilingon ni Teresa ang kanilang terasa.  Lumulusot na sa kanilang mga pinto at bintana ang mga dila ng apoy!

“May sunog sa ating terasa!”  sigaw ni Teresa sa kaniyang Kuya.  Ngunit itinulak lang siya nito.  Nadapa si Teresa sa sahig.  Ramdam niya ang init ng semento!

“Huwag ka ngang maki-alam dito, Teresa!  Bumalik ka sa iyong silid at ipagpatuloy ang pag-aaral mo ng leksiyon!”  Bulyaw nito sa kaniya.

Agad nitong tinakbo ang Ate at muling sinabi ang mga dila ng apoy sa harapan ng kanilang bahay.  Hindi siya pansin nito.  Higit lang lumakas ang pag-iyak nito.  Higit ding masasamang salita ang lumalabas sa kaniyang bibig.

Tinungo niya ang silid ng ama at ina upang ibalita ang sunog sa kanilang terasa.  Nabungaran ni Teresa na nag-aaway din ang kaniyang Tatay at Nanay.  Pinag-aawayan ng kaniyang mga magulang ang kakulangan ng kanilang perang ginagamit sa araw-araw.

“Nagsusugal ka pa kasi!” sigaw ng kaniyang Nanay.

“Konti lang ang aking inaaamot sa aking kita para sa aking pagsusugal!  Ma’no kasing bawasan mo ang paggastos ng iyong mga anak!  Napakaluho ng mga batang iyan.  Aba’y pagkalalaki ng baon sa isang araw!” Pagalit na sagot ng kaniyang Tatay.

Nilapitan ni Teresa ang kaniyang ama at ina, agad nitong ibinalita ang mga dila ng apoy sa kanilang terasa.  Pinalo lang siya sa puwit ng kaniyang ama.  Inutusan siya nitong tumahimik at bumalik sa kaniyang silid.

Masamang-masama ang loob ni Teresa.  Tumakbo siya palabas at agad tinungo ang harapan ng kanilang bahay.  Lilikas siyang mag-isa!

Ngunit, hindi na siya makalalabas ng pinto!  Nakaharang na ang malalaking dila ng apoy sa kaniyang daraanan.  Nilingon niya ang mga kapatid at magulang, patuloy sila sa pag-aaway.  Habang papalakas nang papalakas ang kanilang sigawan at pagmumura, higit lumalaki ang mga dila ng apoy.  Sa bawat pagaspas ng mga maiinit na baga, tila naririnig niya ang mga ito na humahalakhak.

Papalakas nang papalakas ang halakhak ng mga dila habang papalakas nang papalakas ang pag-aaway ng kaniyang Kuya at Ate, Nanay at Tatay!

Agad bumalik si Teresa.  Alam na niya ngayon kung saan nanggagaling ang mga dila ng apoy!  Alam na rin niya ang dahilan ng paglitaw ng mga dila ng apoy sa kanilang terasa!

Pumasok siyang muli sa silid ng mga magulang.  Niyakap niya ang kaniyang Tatay.

“Tatay, hindi na po ako hihingi ng maraming baon araw-araw.  Sapat lang po ang aking hihingin sa Nanay para hindi na kayo nag-aaway pa.” Umiiyak nitong sabi sa ama.  Nangilid sa mga mata ng ama ang luha.  Hinagod nito ang napalong puwitan.

“Pasensya ka na, Teresa.  Hayaan mo’t hindi na ako magsusugal upang makasapat sa araw-araw nating gastusin ang aking maliit na kinikita.” Malambing na sabi nito sa kanya.

Ipinakiusap din niya sa kaniyang Nanay na maging mahinahon sa pakikipag-usap sa kaniyang Tatay.

Niyakap siya ng kaniyang Nanay.  Hinagkan siya nito sa pisngi.

“Hindi na mauulit, Teresa.  Pasensya ka na.”  sabi naman ng kaniyang Ina.

Nilingon niya ang kanilang terasa.  Lumiit nang bahagya ang apoy!  Tama siya!  Tama si Teresa!

Agad niyang tinakbo ang mga kapatid.  Inilabas niya sa bulsa ng kaniyang pantulog ang bolpen ng kaniyang Ate.

“Hiniram ko lang naman saglit, Ate.  Isosoli ko rin naman agad.”  Humingi siya ng pasensya sa kaniyang Ate.  Tinanggap naman ito ng panganay.  Ngumiti ito sa kaniya.

“Pasensya ka na, Kuya.  Napagbintangan kita.” Wika nito sa Kuya.

“Dapat kasi hindi ka agad nagbibintang.  Pasensya ka na rin kung napagsalitaan kita ng masama kanina.” Paumanhin naman ng kaniyang Kuya.  Lumapit ito sa bunso at hinagkan ang bahaging nadapuan ng kaniyang kamay.  Yumakap naman ang kaniyang Ate rito.

Yumakap din sa kaniya ang kaniyang Kuya at Ate.  Ganoon din ang ginawa ng kanilang Tatay at Nanay.  Nagyakapan silang mag-anak at humingi ng paumanhin sa isa’t isa.

Napagkasunduan nilang kailangan nilang mag-usap at magkasundo.

Pagpasok ni Teresa sa kaniyang silid, wala na ang mga dila ng apoy na lumulusot sa bintana, naglaho na rin ang halakhak ng mga dila.  Bumalik sa dati ang kanilang terasa.

Alam na niya kung saan nanggagaling ang mga dila ng apoy.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: